Ang Libingan ni Pedro—Nasa Vaticano Ba?
“ANG libingan ng Prinsipe ng mga Apostol ay natagpuan na.” Ang matagumpay na patalastas ng Papa Pius XII ay inihatid ng radyo sa Vaticano. Noon ay bandang katapusan ng 1950, at kamakailan ay natapos ang isang serye ng malawak na paghuhukay sa ilalim ng St. Peter’s Basilica. Ayon sa ilan, ang resulta ng pagsasaliksik na ito ng mga arkeologo ay nagpatunay na si Pedro ay talaga ngang inilibing sa Vaticano. Gayunman, hindi lahat ay sumang-ayon.
Para sa mga Katoliko, may natatanging kabuluhan ang St. Peter’s Church sa Vaticano. “Ang mahalagang layunin ng paglalakbay patungo sa Roma ay upang makita ang kahalili ni Pedro at upang tumanggap ng kaniyang pagpapala,” ang sabi ng isang giyang Katoliko, “sapagkat si Pedro ay nagpunta sa Roma at doon inilibing.” Subalit talaga nga bang sa Roma inilibing si Pedro? Nasa Vaticano ba ang kaniyang libingan? Natagpuan na ba ang kaniyang mga buto?
Isang Misteryo sa Arkeolohiya
Ang mga paghuhukay, na nagsimula noong mga 1940 at tumagal nang halos sampung taon, ay naging paksa ng maraming kontrobersiya. Ano ang natagpuan ng mga arkeologong inatasan ng papa? Unang-una, maraming puntod sa isang paganong sementeryo. Sa gitna ng mga ito, sa ilalim ng altar ng papa sa kasalukuyan, nasumpungan nila ang isang aedicula, iyon ay, isang inukit na monumento na dinisenyo upang pagpatungan ng isang rebulto o isang imahen, na nasa isang pader na pinalitadahan ng pulang eskayola at napalilibutan ng pader sa dalawang gilid. Sa wakas, at lubhang mahiwaga, natuklasan din ang ilang labí ng tao, na, ayon sa pagkasabi, nagbuhat sa isa sa dalawang pader sa gilid.
Dito na nagsisimula ang mga paliwanag. Ayon sa maraming iskolar na Katoliko, pinatutunayan ng mga natuklasan ang tradisyon ng paninirahan at pagkamartir ni Pedro sa Roma noong panahon ng pamamahala ni Nero, marahil sa panahon ng pag-uusig noong 64 C.E. Sinabi pa nga na ang mga labí ay mga relikya ng apostol at matitiyak na gayon sa pamamagitan ng isang sulat na, ayon sa isang paliwanag, kababasahan, “Si Pedro ay naririto.” Waring pinapupurihan ni Papa Paul VI ang palagay na ito nang ipahayag niya noong 1968 ang tungkol sa pagkatuklas sa “mga labí ng taong si San Pedro, na karapat-dapat sa lahat ng ating debosyon at pagsamba.”
Gayunman, kasali sa mga paliwanag ay mayroon ding mga kasalungat na mga paliwanag. May ilang pagkakataon na ipinahayag ng Katolikong arkeologo na si Antonio Ferrua, isang Jesuita na nakibahagi sa mga paghuhukay sa Vaticano, na siya ay ‘hindi pinahintulutang maglathala’ ng lahat ng nalalaman niya sa paksang iyon, mga bagay na waring sasalungat sa pag-aangkin na natagpuan na ang mga relikya ni Pedro. Isa pa, isang giya sa Roma, na ang editor ay ang Katolikong si Kardinal Poupard at inilathala noong 1991, ang nagsabi na “ang siyentipikong pagsusuri ng mga buto ng tao na natagpuan sa ilalim ng mga pundasyon ng Red Wall ay waring walang anumang kaugnayan kay apostol Pedro.” Nakapagtataka nga, sa sumunod na edisyon (nang bandang katapusan ng 1991), nawala ang parirala, at idinagdag ang isang bagong kabanata, na pinamagatang “Isang Katiyakan: Si Pedro sa St. Peter’s.”
Paliwanag Tungkol sa mga Natuklasan
Maliwanag na ang mga natuklasan ay bukas sa mga paliwanag at na iba-iba ang paliwanag tungkol sa mga ito ng iba’t ibang tao. Oo, kinikilala ng pinakaawtorisadong mga istoryador na Katoliko na “ang makasaysayang mga suliranin ng epektibong pagkamartir ni Pedro sa Roma, at ang dakong pinaglibingan sa kaniya, ay maaaring pagtalunan.” Ano ba ang isinisiwalat ng mga natuklasan?
Ang monumentong aedicula, ayon sa mga nagsisikap na itaguyod ang tradisyong Katoliko, ang siyang “bantayog” na tinukoy ng isang nagngangalang Gayo, isang saserdote na nabuhay noong pasimula ng ikatlong siglo. Ayon kay Eusebius ng Cesaria, isang istoryador ng iglesya noong ikaapat na siglo, sinabi ni Gayo na maaari niyang ‘ituro ang bantayog ni Pedro sa Vatican Hill.’ Inaangkin ng mga tagasuporta ng tradisyon na ang apostol ay inilibing doon, sa ilalim ng monumento na nakilala bilang ang “bantayog ni Gayo.” Subalit, naiiba naman ang paliwanag ng iba tungkol sa mga resulta ng paghuhukay, anupat tinutukoy na ang unang mga Kristiyano ay hindi gaanong nagbibigay ng pansin sa libing ng kanilang mga patay at kahit na kung si Pedro ay pinatay roon, naging napakahirap ang pagbawi sa kaniyang bangkay. (Tingnan ang kahon, pahina 29.)
May mga di-sumasang-ayon na ang “bantayog ni Gayo” (kung iyon nga ang natagpuan) ay isang libingan. Sinasabi nila na iyon ay isang monumento na ginawa sa karangalan ni Pedro nang bandang katapusan ng ikalawang siglo at na ito ay “itinuring na isang libingang monumento” nang dakong huli. Gayunman, ayon sa teologong si Oscar Cullmann, “ang mga paghuhukay sa Vaticano ay hindi talagang tumitiyak sa libingan ni Pedro.”
Kumusta naman ang mga buto? Dapat sabihin na ang pinagmulan ng mga buto ay isa pa ring palaisipan. Yamang noong unang siglo ang isang paganong sementeryo ay naroon sa ngayo’y tinatawag na Vatican Hill, maraming labí ng mga tao ang nakabaon sa lugar na iyon, at marami ang nahukay na. Ang di-kompletong sulat (malamang na may petsang papatak sa ikaapat na siglo) na sinasabi ng ilan na nagpapakilala sa lugar na kinatagpuan ng mga relikya bilang ang libingan ng apostol, ay maaaring, sa pinakaposible, tumutukoy “sa ipinagpapalagay na kinaroroonan ng mga buto ni Pedro.” Bukod dito, may palagay ang maraming epigraphist na ang sulat ay maaari pa ngang mangahulugan na “Si Pedro ay wala rito.”
Isang ‘Di-Maaasahang Tradisyon’
“Ang sinauna at mas maaasahang mga awtor ay hindi bumabanggit ng lugar ng pagkamartir [ni Pedro], subalit ang mas huli at di-gaanong maaasahang mga awtor ay talagang nagkakasundo na iyon ay ang lugar ng Vaticano,” sabi ng istoryador na si D. W. O’Connor. Kaya naman ang paghahanap sa libingan ni Pedro sa Vaticano ay batay sa di-maaasahang mga tradisyon. “Nang maging lubhang mahalaga ang mga relikya,” ayon kay O’Connor, “taimtim na naniwala ang mga Kristiyano na ang [bantayog] ni Pedro sa katunayan ay nagpapahiwatig ng eksaktong kinalalagyan ng kaniyang libingan.”
Ang mga tradisyong ito ay nabuo nang sabay-sabay kasama ng di-maka-Kasulatang pagsamba sa mga relikya. Magbuhat noong ikatlo at ikaapat na mga siglo, iba’t ibang sentro ng iglesya ang gumamit ng mga relikya, tunay at huwad—at nang may pakinabang sa ekonomiya—sa pakikipagpunyaging matamo ang “espirituwal” na kahigitan at upang itaguyod ang kanilang sariling awtoridad. Sa gayon, palibhasa’y kumbinsido na ang mga labí ni Pedro ay may makahimalang kapangyarihan, ang mga peregrino ay naglakbay patungo sa kaniyang ipinagpapalagay na libingan. Sa bandang katapusan ng ikaanim na siglo, ang mga mananampalataya ay naghahagis sa “libingan” ng maingat na tinimbang na mga piraso ng tela. “Kapuna-puna,” ang sabi ng isang kapanahong salaysay, “kung matatag ang pananampalataya ng isang nananalangin, kapag ang tela ay nabawi mula sa libingan, iyon ay magiging punô ng banal na kagalingan at titimbang ng higit kaysa dati.” Ipinakikita nito ang antas ng pagkamapaniwalain nang panahong iyon.
Sa loob ng daan-daang taon, ang mga alamat na gaya nito at ang mga tradisyon na walang anumang saligan ay nakatulong nang malaki sa pag-angat ng karangalan ng Basilica sa Vaticano. Gayunman, bumangon ang nagkakasalungatang mga opinyon. Noong ika-12 at ika-13 mga siglo, kinondena ng mga Waldens ang ganitong mga kalabisan at, sa pamamagitan ng Bibliya, ipinaliwanag na si Pedro ay hindi kailanman naparoon sa Roma. Pagkalipas ng ilang siglo, ang mga tagapagtaguyod ng Repormasyong Protestante ay may gayunding pangangatuwiran. Noong ika-18 siglo, itinuring ng tanyag na mga pilosopo ang tradisyon bilang walang batayan, kapuwa sa kasaysayan at sa Kasulatan. Gayunding punto de vista ang taglay ng may kakayahang mga iskolar, Katoliko at iba pa, magpahanggang sa ngayon.
Si Pedro ba ay Namatay sa Roma?
Si Pedro, isang mapagpakumbabang mangingisdang taga-Galilea, ay tiyak na hindi nag-isip ng anumang idea ng kahigitan sa ibang matatanda sa kongregasyong Kristiyano noong unang siglo. Sa halip, ipinakilala niya ang kaniyang sarili bilang “isang kapuwa matanda.” (1 Pedro 5:1-6, Revised Standard Version) Ang mapagpakumbabang si Pedro ay ibang-iba sa marangyang kapaligiran ng ipinagpapalagay na libingan niya, gaya ng makikita ng sinumang panauhin sa Basilica sa Vaticano.
Upang igiit ang kahigitan nito sa ibang denominasyong Kristiyano, sinikap ng Iglesya Katolika na kilalanin ang ‘huli at di-gaanong maaasahang’ tradisyon na nagsasabing si Pedro ay nanirahan sa Roma nang ilang panahon. Subalit, nakapagtataka na ang ibang sinaunang mga tradisyon ay nagpapahiwatig na ang kaniyang libingan ay wala sa Vaticano, kundi nasa ibang dako sa Roma. Subalit, bakit hindi manatili sa mga katotohanan na nakaulat sa Bibliya, ang tanging pinagmumulan ng tuwirang impormasyon tungkol kay Pedro? Buhat sa Salita ng Diyos ay maliwanag na, bilang pagsunod sa mga tagubilin na tinanggap niya buhat sa lupong tagapamahala ng kongregasyong Kristiyano sa Jerusalem, ginanap ni Pedro ang kaniyang gawain sa silangang bahagi ng sinaunang daigdig, kasali na ang Babilonya.—Galacia 2:1-9; 1 Pedro 5:13; ihambing ang Gawa 8:14.
Nang sumusulat sa mga Kristiyano sa Roma, noong mga 56 C.E., binati ni apostol Pablo ang mga 30 miyembro ng kongregasyong iyan nang hindi man lamang binabanggit si Pedro. (Roma 1:1, 7; 16:3-23) Pagkatapos, sa pagitan ng 60 at 65 C.E., sumulat si Pablo ng anim na liham buhat sa Roma, ngunit hindi nabanggit si Pedro—matibay na kaugnay na patotoo na wala roon si Pedro.a (Ihambing ang 2 Timoteo 1:15-17; 4:11.) Ang mga gawain ni Pablo sa Roma ay inilarawan sa bandang katapusan ng aklat ng Mga Gawa, subalit muli, walang binanggit tungkol kay Pedro. (Gawa 28:16, 30, 31) Kaya naman, ang isang walang-kinikilingang pagsusuri ng mga ebidensiya mula sa Bibliya, na malaya sa anumang patiunang binuong mga idea, ay aakay lamang sa konklusyon na si Pedro ay hindi nangaral sa Roma.b
Ang “kahigitan” ng papa ay batay sa di-maaasahang mga tradisyon at pilipít na pagkakapit ng mga kasulatan. Si Jesus, hindi si Pedro, ang siyang pundasyon ng Kristiyanismo. ‘Si Kristo ang ulo ng kongregasyon,’ ang sabi ni Pablo. (Efeso 2:20-22; 5:23) Si Jesu-Kristo ang isinugo ni Jehova upang magpala at magligtas sa lahat ng may pananampalataya.—Juan 3:16; Gawa 4:12; Roma 15:29; tingnan din ang 1 Pedro 2:4-8.
Kung gayon, lahat ng naglalakbay patungo sa lugar na taimtim na pinaniniwalaan nila na siyang libingan ni Pedro upang ‘makita ang kaniyang kahalili’ ay nakaharap sa suliranin kung tatanggapin ang ‘di-maaasahang mga tradisyon’ o paniniwalaan ang mapaniniwalaang Salita ng Diyos. Yamang ibig ng mga Kristiyano na ang kanilang pagsamba ay maging kalugud-lugod sa Diyos, sila’y ‘nakatinging mabuti sa Tagapagpasakdal ng kanilang pananampalataya, si Jesus,’ at sa sakdal na halimbawang iniwan niya upang sundan natin.—Hebreo 12:2; 1 Pedro 2:21.
[Mga talababa]
a Sa pagitan ng mga taóng 60-61 C.E., isinulat ni Pablo ang kaniyang mga liham sa mga taga-Efeso, taga-Filipos, taga-Colosas, kay Filemon, at sa mga Hebreo; noong mga 65 C.E., isinulat niya ang kaniyang ikalawang liham kay Timoteo.
b Ang tanong na “Si Pedro ba ay Nakarating Kailanman sa Roma?” ay tinalakay sa Ang Bantayan, Pebrero 1, 1974, pahina 87-90.
[Kahon sa pahina 29]
“Ang paghuhukay ay walang isiniwalat na ilang bakas ng isang libingan sa ilalim ng Aedicula; ni talaga ngang matitiyak na ang bangkay ni San Pedro ay nabawi kailanman buhat sa mga pumatay upang mailibing ng pamayanang Kristiyano. Sa normal na takbo ng mga pangyayari, ang bangkay ng isang dayuhan (peregrinus), at ayon sa batas ay isang pangkaraniwang kriminal, ay malamang na inihagis sa Tiber. . . . Bukod doon, hindi nagkaroon ng kaparehong interes sa pag-iingat ng mga relikya buhat sa bangkay sa maagang panahong ito kaysa noong bandang huli, nang humina na ang paniniwala sa napipintong katapusan ng sanlibutan at nagsimula nang lumitaw ang kulto ng mga martir. Samakatuwid, ang posibilidad na ang bangkay ni San Pedro ay, sa katunayan, hindi nabawi upang mailibing ang siyang totoo.”—The Shrine of St. Peter and the Vatican Excavations, nina Jocelyn Toynbee at John Ward Perkins.