Pagdurusa ng Tao—Magwawakas pa Kaya Ito?
NAKAPANGINGILABOT na mga tanawin pagkatapos na sumabog ang isang bomba sa isang mataong pamilihan sa Sarajevo; walang-awang pagpapatayan at karahasan sa Rwanda; nagugutom na mga batang nagkakaingay sa paghingi ng pagkain sa Somalia; tulirong mga pamilya na sinusuri kung gaano kalaki ang nawala sa kanila pagkatapos ng isang lindol sa Los Angeles; kaawa-awang mga biktima na sinalanta ng baha sa Bangladesh. Ang gayong mga tanawin ng pagdurusa ng tao ay araw-araw na makikita sa TV o sa mga magasin at mga pahayagan.
Ang isang malungkot na epekto ng pagdurusa ng tao ay ang bagay na nagiging sanhi ito ng pagkawala ng pananampalataya ng ilang tao sa Diyos. “Ang pag-iral ng kasamaan sa tuwina ay naglalaan ng pinakamalubhang hadlang sa pananampalataya,” ayon sa isang pahayag na inilathala ng isang pamayanang Judio sa Estados Unidos. Tinutukoy ng mga sumulat ang mga nasawi sa mga kampong piitan ng mga Nazi tulad sa Auschwitz at buhat sa mga bomba na gaya niyaong sumabog sa Hiroshima. “Ang tanong kung bakit pinahihintulutan ng isang matuwid at makapangyarihang Diyos ang pagkapuksa ng gayong karaming walang-malay ay bumabagabag sa budhing relihiyoso at lumilito sa guniguni,” ang sabi ng mga awtor.
Nakalulungkot, ang walang-katapusang daloy ng kalunus-lunos na mga ulat ay maaaring magkaroon ng nakamamanhid na epekto sa emosyon ng tao. Hangga’t hindi nasasangkot ang mga kaibigan at mga kamag-anak, marami ang bahagya lamang naaapektuhan kung tungkol sa pagdurusa ng iba.
Gayunman, ang bagay na tayo ay may kakayahang makadama ng pagiging madamayin, kahit man lang sa ating mga mahal sa buhay, ay dapat magsiwalat sa atin ng isang bagay tungkol sa ating Maylikha. Sinasabi ng Bibliya na ang tao ay nilikha “sa larawan ng Diyos” at “ayon sa [kaniyang] wangis.” (Genesis 1:26, 27) Hindi ito nangangahulugan na ang mga tao ay tulad ng Diyos sa kaanyuan. Hindi, sapagkat ipinaliwanag ni Jesu-Kristo na “ang Diyos ay Espiritu,” at “ang espiritu ay walang laman at buto.” (Juan 4:24; Lucas 24:39) Ang pagiging nilalang ayon sa wangis ng Diyos ay tumutukoy sa ating potensiyal na magpamalas ng maka-Diyos na mga katangian. Samakatuwid, yamang ang normal na mga tao ay nakadarama ng pagiging madamayin sa mga nagdurusa, kailangang mahinuha natin na ang Maylikha ng tao, ang Diyos na Jehova, ay madamayin at may matinding damdamin ukol sa nagdurusang mga tao na kaniyang nilikha.—Ihambing ang Lucas 11:13.
Ang isang paraan kung papaano nagpapakita ng pagkamadamayin ang Diyos ay sa pamamagitan ng paglalaan sa sangkatauhan ng isang nasusulat na paliwanag tungkol sa sanhi ng pagdurusa. Ito ay ginawa niya sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya. Maliwanag na ipinakikita ng Bibliya na ang tao ay nilikha ng Diyos upang masiyahan sa buhay, hindi upang magdusa. (Genesis 2:7-9) Isinisiwalat din nito na ang unang mga tao ang nagdulot ng pagdurusa sa kanilang sarili sa pamamagitan ng pagtanggi sa matuwid na pamamahala ng Diyos.—Deuteronomio 32:4, 5; Roma 5:12.
Sa kabila nito, nakadarama pa rin ang Diyos ng pagiging madamayin dahil sa pagdurusa ng sangkatauhan. Ito ay malinaw na ipinakikita sa kaniyang pangako na wawakasan ang pagdurusa ng tao. “Narito! Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at tatahan siyang kasama nila, at sila ay magiging kaniyang mga bayan. At ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”—Apocalipsis 21:3, 4; tingnan din ang Isaias 25:8; 65:17-25; Roma 8:19-21.
Pinatutunayan ng kamangha-manghang mga pangakong ito na batid ng Diyos ang pagdurusa ng tao at na siya ay determinadong wakasan iyon. Subalit ano bang talaga ang sanhi ng pagdurusa ng tao, at bakit pinayagan ng Diyos na magpatuloy iyon hanggang sa ating kaarawan?
[Picture Credit Line sa pahina 2]
Cover and page 32: Alexandra Boulat/Sipa Press
[Picture Credit Line sa pahina 3]
Kevin Frayer/Sipa Press