Ang mga Saksi ni Jehova sa Buong Daigdig—Polandya
NOONG taglagas ng 1989, nagsimulang gumuho ang mga pamahalaang Komunista sa Baltic hanggang sa Black Sea. Habang ang Kurtinang Bakal ay sinisira, ang mga bansa sa Silanganing Europa ay nagsimulang humanap ng kanilang sariling landasin. Kabilang sa mga ito ang Polandya, isang bansa na nababalot ng mga burol, kapatagan, at kabundukan.a
Masisipag na manggagawa ang mga Polako, at ang Polandya ang pinanggalingan ng ilan sa tanyag na mga pintor at mga siyentipiko sa buong daigdig. Subalit bukod pa riyan, mayroon na ngayong isang lumalaking hukbo ng mga tagapaghayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.
Matapang sa Pagbubunyag ng Kasinungalingan
Sa Polandya ay maraming nagnanais matuto ng katotohanan mula sa Bibliya. Subalit ang ilan ay hinahadlangan ng kanilang mga kamag-anak o mga kapitbahay. Halimbawa, sa paligid ng Wroclaw, huminto ang isang babae sa pakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova nang gipitin siya ng pamilya at ng mga kaibigan. Gayunpaman, nabasa ng kaniyang tin-edyer na anak na babae ang isang serye ng mga artikulo sa Bantayan na nagbubunyag sa huwad na relihiyon. Ito ang pumukaw ng kaniyang interes sa katotohanan.
Pagkaraan ng anim na buwan ng pag-aaral ng Bibliya, ang kabataang ito ay nagpasiyang putulin ang lahat ng kaniyang kaugnayan sa huwad na relihiyon. Dinalaw niya ang klerigo ng kaniyang simbahan upang ipaalam sa kaniya ang kaniyang desisyon. Sinabi nito sa kaniya na isulat ang sumusunod: “Ako, si K—— P——, ay tumatalikod sa pananampalatayang Katoliko.”
Nang sumunod na Linggo, ang pangungusap na ito ay binasa sa simbahan. Hinimatay ang lolo ng dalaga, at umiyak ang kaniyang lola. Gayunman, ang ibang nagsisimba ay humanga at nagsabi: “Sa wakas, may isang matapang na nakapagsabing maraming kasinungalingan sa ating simbahan.” Ang may lakas-loob na tin-edyer na ito ay isa nang bautisadong kapatid sa espirituwal at nakapagpasimula ng pitong pag-aaral sa Bibliya sa kaniyang nayon.
‘Sa Pamamagitan ng Kanilang mga Bunga’
Inilathala ng lingguhang Kujawy i Pomorze ang ulat na “Makikilala Ninyo Sila sa Pamamagitan ng Kanilang mga Bunga.” Sa isang bahagi ay sinabi ng artikulo na ang mga mananamba ng Sangkakristiyanuhan “sa katunayan ay hindi nagkakapit nang taimtim sa relihiyosong mga simulain na kanilang tinanggap. Sila’y lubhang naiiba sa mga Saksi ni Jehova na kumikilos ayon sa sinasabi nila, at sinasabi nila kung ano ang inuutos ng Bibliya.”
Pagkatapos ihambing ang anyo ng mga Saksi sa di-umano’y mga Kristiyano, sinabi pa ng ulat: “Ang huli ay malamang na hindi nakaáalam, at kadalasan ay hindi nagkakapit, ng mahahalagang katotohanan at mga simulain ng kanilang pananampalataya. . . . Sa pamamagitan ng kanilang paggawi, ipinamamalas ng mga Saksi ni Jehova ang pagkakasuwato ng kanilang mga salita at kilos, sa gayo’y pinatutunayan na hindi sila ang ‘mga bulaang propeta,’ sa halip, sila ay makikilala sa pamamagitan ng kanilang mga bunga. ‘Hindi pumipitas ang mga tao ng ubas mula sa mga tinik o ng igos mula sa mga dawag, hindi ba?’ (Mateo 7:15-20).”
Lumiham ang isang babae sa lingguhang Przyjaciółka, anupat ipinaghihinagpis na iniwan ng kaniyang anak na lalaki ang Iglesya Katolika at naging isang Saksi ni Jehova. Ano ang payo ng editor? “Kung nakikisama ang iyong anak sa mga Saksi ni Jehova, natutuhan at tinanggap ang kanilang pananampalataya, iyon ay ganap na sarili niyang desisyon, na dapat kilalanin at igalang. . . . Kilala ang relihiyosong grupong ito sa pamamagitan ng maraming magaganda at kanais-nais na katangian sa lipunan, tulad ng kanilang pambihirang pagkakaisa at matibay na pagmamahalan, lubhang katapatan at mahigpit na pagsunod sa kinikilalang mga alituntunin sa pamumuhay sa pamayanan, at bilang panghuli, ang kakayahan na mamuhay kasuwato ng kanilang katotohanan, na isinasagawa ang ipinahahayag na mga simulain. Ang mga ito ay mahahalagang katangian.”
[Talababa]
a Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang 1994 Calendar of Jehovah’s Witnesses.
[Kahon sa pahina 9]
LARAWAN NG BANSA
1993 Taon ng Paglilingkod
PINAKAMATAAS NA BILANG NG NAGPAPATOTOO: 113,551
KATUMBASAN: 1 Saksi sa 339
DUMALO SA MEMORYAL: 235,642
ABERIDS MAMAMAHAYAG NA PAYUNIR: 7,961
ABERIDS PAG-AARAL SA BIBLIYA: 79,131
BILANG NG NABAUTISMUHAN: 8,164
BILANG NG MGA KONGREGASYON: 1,397
TANGGAPANG PANSANGAY: Nadarzyn
[Larawan sa pahina 9]
Tanggapang pansangay sa Polandya sa Lodz noong 1948
[Larawan sa pahina 9]
Gawain sa pamamagitan ng plakard, Hunyo 1948, sa dating Silangang Prussia
[Larawan sa pahina 9]
Pitumpu’t dalawang miyembro ng Bethel sa Polandya, Enero 1993
[Larawan sa pahina 9]
Ang bagong sangay sa Nadarzyn