Manatiling Tapat at Mabuhay!
“SUMPAIN mo ang Diyos at mamatay ka!” Nakalarawan sa pabalat ng ating magasin ang asawa ni Job, na bumatikos sa kaniya sa pamamagitan ng mga salitang iyon. Mga 3,600 taon na ang nakalipas noon. Gayunman ay itinatampok ng pagtuligsang iyan sa tapat na lingkod ng Diyos ang isang usapin na nakaharap sa sangkatauhan magpahanggang sa ngayon. Dumanas ng malaking kawalan ang tapat na si Job—ang kaniyang mga hayupan, ang kaniyang tahanan, ang kaniyang sampung anak. Ngayon ay pinahihirapan ng isang malubhang sakit ang kaniyang katawan, anupat sinusubok siya hanggang sa sukdulan. Ang dahilan? Ang pusakal na kaaway ng Diyos at ng tao, si Satanas na Diyablo, ay nagtataguyod ng isang hamon na ang tao ay hindi makapananatiling tapat sa Diyos sa ilalim ng mahigpit na pagsubok.—Job 1:11, 12; 2:4, 5, 9, 10.
Sa ngayon, tulad noong panahon ni Job, “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot,” si Satanas na Diyablo. (1 Juan 5:19) Oo, lalo pa ngang totoo iyan sa ngayon, sapagkat ngayon, “ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na siyang nagliligaw sa buong tinatahanang lupa,” ay pinalayas na sa langit tungo dito sa lupa. (Apocalipsis 12:9) Ito ang dahilan ng matitinding kaabahan na nagpapahirap sa sangkatauhan sa ating kapanahunan. Ang unang digmaang pandaigdig, na sumiklab noong 1914, ay naging tanda ng “pasimula ng mga hapdi ng kabagabagan” na nagpapatuloy hanggang sa ika-20 siglong ito.—Mateo 24:7, 8.
Sa malupit, masamang sanlibutang ito, nadama mo na ba na umabot ka na sa sukdulan ng pagtitiis ng tao? Naisip mo na ba, ‘May layunin ba ang buhay?’ Maaaring nakadama ng ganiyan si Job, ngunit hindi siya kailanman nawalan ng pananampalataya sa Diyos, bagaman nakagawa siya ng mga pagkakamali. Ipinahayag niya ang kaniyang katatagan sa mga salitang ito: “Hanggang sa ako’y mamatay ay hindi ko aalisin sa akin ang aking pagtatapat!” May tiwala siya na ‘malalaman [ng Diyos] ang kaniyang pagtatapat.’—Job 27:5; 31:6.
Si Jesu-Kristo, ang sariling Anak ng Diyos, ay kinailangan ding magbata ng mga pagsubok samantalang naririto sa lupa. Inatake ni Satanas si Jesus sa sari-saring paraan. Sinamantala niya ang pisikal na mga pangangailangan ni Jesus at sinubok ang Kaniyang pananalig sa Salita ng Diyos, gaya ng naganap sa bundok. (Mateo 4:1-11) Niligalig niya si Jesus sa pamamagitan ng pag-udyok sa apostatang mga eskriba at mga Fariseo at sa kanilang mga nailigaw upang usigin siya, paratangan siya ng pamumusong, at magsabuwatan upang patayin siya. (Lucas 5:21; Juan 5:16-18; 10:36-39; 11:57) Higit pang masama ang ginawa nila kay Jesus kaysa sa ginawa kay Job ng tatlong di umano’y mang-aaliw.—Job 16:2; 19:1, 2.
Sa halamanan ng Getsemane, habang malapit na si Jesus sa sukdulan ng pagsubok na ito, sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Ang aking kaluluwa ay lubhang napipighati, maging hanggang sa kamatayan.” Nang magkagayon, “isinubsob niya ang kaniyang mukha, na nananalangin at nagsasabi: ‘Ama ko, kung posible, palampasin mo ang kopang ito sa akin. Gayunman, hindi ayon sa kalooban ko, kundi ayon sa kalooban mo.’ ” Sa wakas, sa pahirapang tulos, bilang katuparan ng makahulang mga salita sa Awit 22:1, humiyaw si Jesus: “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” Subalit nang dakong huli ay hindi pinabayaan ng Diyos si Jesus sapagkat napanatili ni Jesus ang sakdal na katapatan sa Kaniya, anupat naglaan ng huwaran upang tularan ng lahat ng tunay na mga Kristiyano. Ginantimpalaan ni Jehova ang pag-iingat ni Jesus ng katapatan sa pamamagitan ng pagbuhay-muli sa kaniya at pagtaas sa kaniya sa pinakarurok ng kalangitan. (Mateo 26:38, 39; 27:46; Gawa 2:32-36; 5:30; 1 Pedro 2:21) Gagantimpalaan ng Diyos ang lahat ng iba pa na mananatili ring tapat sa kaniya.
Ang pagtatapat ni Jesus ay hindi lamang nagbigay ng kumpletong sagot sa hamon ni Satanas kundi ang paghahain ng kaniyang sakdal na buhay bilang tao ay naglaan ng pantubos, na salig dito ay maaring magtamo ng buhay na walang-hanggan ang mga tagapag-ingat ng katapatan. (Mateo 20:28) Una, tinitipon ni Jesus ang isang pinahirang “munting kawan” na magiging kasamang tagapagmana niya sa Kaharian ng mga langit. (Lucas 12:32) Pagkatapos nito, “isang malaking pulutong” ang tinitipon upang makaligtas sa “malaking kapighatian,” na lumalabas mula roon upang manahin ang buhay na walang-hanggan sa nasasakupan ng Kaharian ng Diyos sa lupa.—Apocalipsis 7:9, 14-17.
Ang tagapag-ingat ng katapatan na si Job ay makakabilang sa bilyun-bilyong nangamatay na sa panahong iyon ay bubuhaying-muli upang maging bahagi ng mapayapang lipunan ng “bagong lupa.” (2 Pedro 3:13; Juan 5:28, 29) Gaya ng nakalarawan sa likod na pabalat ng aming magasin, ginantimpalaan ang katapatan noong kaarawan ni Job nang “pinagpala [ni Jehova] ang wakas ni Job . . . nang higit kaysa sa kaniyang simula.” Nagtamo siya ng espirituwal na kalakasan bilang isa na “hindi nagkasala sa kaniyang mga labi.” Pinahaba pa ng Diyos ang kaniyang buhay ng karagdagang 140 taon. Sa materyal na paraan, binigyan niya si Job ng doble ng lahat ng kaniyang dating taglay, at si Job “ay nagkaroon ng pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae,” anupat ang kaniyang mga anak na babae ang itinuring na pinakamagaganda sa buong lupain. (Job 2:10; 42:12-17) Subalit ang lahat ng kasaganaang ito ay maliit na halimbawa lamang ng mga pagpapala na tatamasahin ng mga tagapag-ingat ng katapatan sa Paraiso ng “bagong lupa.” Ikaw man ay maaaring makabahagi sa kagalakang iyan, gaya ng ipaliliwanag sa sumusunod na mga pahina!
[Larawan sa pahina 4]
Nagpakita si Jesus ng sakdal na halimbawa bilang isang tagapag-ingat ng katapatan