Mga Saksi ni Jehova sa Buong Daigdig—Puerto Rico
SA PAGITAN ng Dagat Caribeano at ng Karagatang Atlantiko ay naroon ang mayaman at tropikong isla ng Puerto Rico. Inangkin iyon ni Christopher Columbus para sa Espanya noong 1493 at pinanganlan iyon na San Juan Bautista bilang alaala kay Juan na Tagapagbautismo. Ang pinakamalaking lunsod nito ay matagal nang tinatawag na Puerto Rico, o “Mayamang Daungan.” Pagsapit ng panahon, ikinapit ang pangalang ito sa buong isla, samantalang ang lunsod ay tinawag na San Juan.
Ang Puerto Rico ay napatunayang isang mayamang daungan sa maraming paraan. Maraming ginto ang inilulan buhat dito noong mga unang taon ng pamamahala ng mga Kastila. Ang isla ay nagluluwas ngayon ng tubó, kape, malalaking saging na saba, at mga bungang citrus, bagaman ang mga industriya sa pagpapagawa at sa mga serbisyo ang siyang bumubuo sa kalakhang bahagi ng ekonomiya sa ngayon. Gayunman, ang Puerto Rico ay napatunayang isang mayamang daungan sa isang higit na mahalagang diwa.
Ang mabuting balita ng Kaharian ay sinimulang ipangaral dito noong mga taon ng 1930. Sa ngayon, may mahigit sa 25,000 mamamahayag ng mabuting balita sa Puerto Rico. Noong 1993 ang mga tauhan sa sangay na ito ng Samahang Watch Tower ay dumami buhat sa 23 hanggang sa mahigit 100. Ang pagdaming ito ay kailangan upang mapangasiwaan ng sangay ang pagsasalin ng literatura sa Bibliya sa wikang Kastila, anupat pinapangyayaring ang gayong mga publikasyon ay maaaring makuha ng humigit-kumulang 350,000,000 taong nagsasalita ng Kastila sa buong daigdig.
Isang Bagong Larangan
Iniuulat din ng tanggapang pansangay: “Isang bagong larangan ang nabuksan sa Puerto Rico dahil sa kami’y nagsusumikap na dalhin ang mensahe ng Kaharian sa mga bingi. Isang kapatid na babae ang naglahad ng sumusunod na karanasan: ‘Ako’y gumagawa sa lugar ng mga bingi at dumalaw sa isang ginang na may dalawang maliliit na anak. Nang mabatid niyang ako’y isang Saksi, agad niya akong tinanggihan sapagkat ang kaniyang asawa, na isa ring bingi, ay ayaw sa mga Saksi ni Jehova.
“ ‘Pagkaraan ng ilang buwan ang ginang din na ito ay dumalaw sa isang kaibigan na nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi. Sumali siya at nasiyahang mainam mula roon. Dinalaw kong muli ang ginang, at inulit niya na ayaw ng kaniyang asawa sa mga Saksi ni Jehova. Gayunman, nais niyang maunawaan ang Bibliya at nanghihimagod na sa kaniyang simbahan dahil wala silang itinuturo. Kami’y nagsimulang mag-aral, na ginagamit ang isang tract. Isang araw ako’y sinabihan niyang bumalik sa Sabado dahil naroroon ang kaniyang asawa. “Pero ayaw niya sa amin, hindi ba?” ang tanong ko. Sumagot siya: “Gusto niyang malaman kung ano nga ba ito.”
“ ‘Kinabukasan silang dalawa ay kumakatok sa aking pintuan! Yamang ang kaniyang asawa ay maraming tanong, inanyayahan ko sila sa ating mga pulong para sa mga bingi. Nauna pa siyang dumating kaysa sa akin at hindi na lumiban sa mga pulong mula noon. Siya ay nangangaral sa ibang mga bingi, dumalo na sa isang asamblea, at inaasam-asam ang pagpapabautismo.’ ”
Nagpatuloy ang ulat ng sangay: “Sa aming pandistritong kombensiyon sa taóng ito, ang buong programa ay iniharap sa sign language, kaya maraming bingi ang naroon kasama ng kani-kanilang pamilya. Naganap ang isang madamdaming sandali noong panghuling pahayag nang binanggit ng tagapagsalita ang gawaing ginaganap sa gitna ng mga bingi at sinabi na mga 70 porsiyento ang naroroon. Nagkaroon ng masigabong palakpakan, subalit, gaya ng napansin ng tagapagsalita, hindi iyon marinig ng mga bingi. Kaya nang hilingin sa mga bingi na tumingin sa mga tagapakinig, inulit ng tagapagsalita ang tanong na, ‘Maligaya ba kayo na makasama ngayon ang inyong mga kapatid na bingi?’ at hiniling sa mga tagapakinig na pumalakpak sa pamamagitan ng pagkaway ng dalawang kamay. Isang napakagandang tanawin na makita ang 11,000 kapatid na pumapalakpak sa pamamagitan ng pagkaway ng kanilang mga kamay. Nag-uumapaw sa galak ang ating mga kapatid na bingi at nadamang sila’y bahagi ng isang malaking kapatiran. Marami ang napaluha sa kagalakan.”
Habang nakikibahagi ang mga Saksi ni Jehova sa gawaing pag-aani sa Puerto Rico, walang alinlangan na iyon ay magpapatuloy na maging isang mayamang daungan. Ang mga “tupa” ng Diyos, na tinatawag niyang “ang kanais-nais na mga bagay ng lahat ng bansa,” ay patuloy na magsisirating kung kaya ang bahay ni Jehova ay napupuno ng kaluwalhatian.—Juan 10:16; Hagai 2:7.
[Kahon sa pahina 9]
LARAWAN NG BANSA
1994 Taon ng Paglilingkod
PINAKAMATAAS NA BILANG NG NAGPAPATOTOO: 25,428
KATUMBASAN: 1 Witness to 139
DUMALO SA MEMORYAL: 60,252
ABERIDS NG MAMAMAHAYAG NA PAYUNIR: 2,329
ABERIDS NG PAG-AARAL SA BIBLIYA: 19,012
BILANG NG NABAUTISMUHAN: 919
BILANG NG MGA KONGREGASYON: 312
TANGGAPANG PANSANGAY: GUAYNABO