Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w95 2/15 p. 5-7
  • Maitutugma ba ang Guhit ng Tadhana sa Pag-ibig ng Diyos?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Maitutugma ba ang Guhit ng Tadhana sa Pag-ibig ng Diyos?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Diyos na May Kakayahang Hulaan ang Hinaharap
  • Isang Diyos na Makapagtutuwid ng mga Bagay-Bagay
  • Ang Paghula ay Hindi ang Pagtatadhana
  • Ang Guhit ng Tadhana at ang Pag-ibig ng Diyos
  • Naitakda Na ba ng Diyos ang Ating Tadhana?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Itinadhana ba ang Iyong Buhay?
    Gumising!—2007
  • Patiunang Kaalaman, Patiunang Pagtatalaga
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Patiuna Na Bang Nakaguhit ang Ating Kinabukasan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
w95 2/15 p. 5-7

Maitutugma ba ang Guhit ng Tadhana sa Pag-ibig ng Diyos?

“BINIBIGYAN namin ng katuturan ang guhit ng tadhana bilang ang walang-hanggang plano ng Diyos, na kung saan ipinasiya niya kung ano ang ibig niyang gawin sa bawat tao. Sapagkat hindi niya sila nilalang na pawang may parehong kalagayan, subalit patiunang itinatalaga ang ilan sa walang-hanggang buhay at ang iba sa walang-hanggang kapahamakan.”

Iyan ang ibinigay na katuturan ng Protestanteng Repormador na si John Calvin sa kaniyang ideang guhit ng tadhana sa aklat na Institutes of the Christian Religion. Ang palagay na ito ay salig sa idea na alam ng Diyos ang lahat ng bagay at na ang pagkilos ng kaniyang mga nilalang ay hindi maaaring makapagdulot ng pag-aalinlangan tungkol sa kaniyang mga layunin o pilitin siyang gumawa ng mga pagbabago.

Ngunit ito nga bang talaga ang ipinahihiwatig ng Bibliya hinggil sa Diyos? Higit na mahalaga, ang gayon bang paliwanag ay kasuwato ng mga katangian ng Diyos, lalung-lalo na ng kaniyang pangunahing katangian​—ang pag-ibig?

Isang Diyos na May Kakayahang Hulaan ang Hinaharap

Nahuhulaan ng Diyos ang hinaharap. Inilalarawan niya ang kaniyang sarili bilang “ang Isa na nagpapahayag ng wakas mula sa pasimula, at mula nang unang panahon ng mga bagay na hindi pa nangyayari; ang Isa na nagsasabi, ‘Tatayo ang aking sariling payo, at gagawin ko ang lahat ng aking kinalulugdan.’ ” (Isaias 46:10) Sa buong kasaysayan ng tao, ipinasulat ng Diyos ang kaniyang mga hula upang ipakita na magagawa niyang patiunang alamin at hulaan ang mga pangyayari bago maganap ang mga ito.

Sa gayon, noong panahon ni Belshasar, hari ng Babilonya, nang managinip ang propetang si Daniel tungkol sa dalawang mabangis na hayop na ang isa ay humalili sa isa, ganito ang paliwanag na ibinigay sa kaniya ni Jehova: “Ang lalaking tupa na nakita mong may taglay na dalawang sungay ay kumakatawan sa mga hari ng Medo at Persia. At ang mabalahibong lalaking kambing ay kumakatawan sa hari ng Gresya.” (Daniel 8:20, 21) Maliwanag, ginamit ng Diyos ang kaniyang patiunang kaalaman upang isiwalat ang pagkakasunud-sunod ng mga kapangyarihang pandaigdig. Ang noo’y nangingibabaw na Imperyong Babilonya ay hahalinhan ng Medo-Persia at pagkatapos ay ng Gresya.

Ang mga hula ay maaari ring may kinalaman sa isang tao. Halimbawa, ipinahayag ng propetang si Mikas na ipanganganak sa Betlehem ang Mesiyas. (Mikas 5:2) Muli, sa pagkakataong ito ginamit ng Diyos ang kaniyang patiunang kaalaman. Gayunman, ipinatalastas ang pangyayaring ito taglay ang isang pantanging layunin​—ang pagkakakilanlan ng Mesiyas. Hindi binibigyang-katuwiran ng halimbawang ito ang pangkalahatang pagkakapit ng doktrina na guhit ng tadhana para sa bawat tao.

Sa kabaligtaran, isinisiwalat ng Kasulatan na may mga kalagayan na doo’y pinipili ng Diyos na huwag patiunang alamin ang kahihinatnan. Ilang sandali lamang bago puksain ang Sodoma at Gomora, ipinahayag niya: “Ako’y talagang determinado na bumaba upang makita ko kung sila nga’y lubusang kumikilos ayon sa paghiyaw na nakarating sa akin, at, kung hindi, malalaman ko iyon.” (Genesis 18:21) Malinaw na ipinakikita ng tekstong ito na hindi patiunang inalam ng Diyos ang lawak ng kasamaan sa mga lunsod na iyon bago niya inimbestigahan ang mga bagay-bagay.

Totoo, maaaring patiunang makita ng Diyos ang ilang pangyayari, subalit sa maraming pagkakataon, pinipili niyang huwag gamitin ang kaniyang patiunang kaalaman. Dahil sa ang Diyos ay makapangyarihan-sa-lahat, malaya siyang gamitin ang kaniyang mga kakayahan ayon sa naisin niya, hindi ayon sa naisin ng di-sakdal na mga tao.

Isang Diyos na Makapagtutuwid ng mga Bagay-Bagay

Gaya ni Calvin, sinasabi ng ilan na patiunang itinalaga ng Diyos ang pagkakasala ng tao bago ng kaniyang paglalang at na itinadhana na niya ang mga ‘pinili’ bago ng pagkakasalang iyan. Subalit kung totoo ito, hindi ba isang pagpapaimbabaw sa panig ng Diyos ang mag-alok ng pag-asang buhay na walang-hanggan kina Adan at Eva, gayong lubusang nalalaman niya na hindi nila ito matatamasa? Isa pa, saanman ay hindi ikinakaila ng Kasulatan na ang unang mag-asawa ay binigyan ng pagpipilian: alinman sa sumunod sa mga utos ng Diyos at mabuhay magpakailanman o tanggihan ang mga ito at mamatay.​—Genesis, kabanata 2.

Subalit talaga nga bang binigo ng pagkakasala nina Adan at Eva ang layunin ng Diyos? Hindi, sapagkat agad-agad pagkatapos na sila’y magkasala, ipinahayag ng Diyos na siya’y magbabangon ng isang “binhi” upang lipulin si Satanas at ang kaniyang mga ahente at na kaniyang muling itutuwid ang mga bagay-bagay sa lupa. Kung papaanong hindi mahahadlangan ng ilang insekto ang isang hardinero sa pagkakaroon ng saganang ani, gayundin naman ang pagsuway nina Adan at Eva ay hindi makapipigil sa Diyos na gawing paraiso ang lupa.​—Genesis, kabanata 3.

Nang maglaon ay isiniwalat ng Diyos na magkakaroon ng isang pamahalaang Kaharian na ipagkakatiwala sa isang inapo ni Haring David at na ang iba ay makakasama sa Kahariang ito. Ang ibang ito ay tinatawag na “ang mga banal ng Isang Kataas-taasan.”​—Daniel 7:18; 2 Samuel 7:12; 1 Cronica 17:11.a

Ang Paghula ay Hindi ang Pagtatadhana

Ang bagay na hindi piniling alamin ng Diyos kung aling landasin ang tatahakin ng sangkatauhan ay hindi humadlang sa kaniya na ihula ang ibubunga ng mabubuti o masasamang pagkilos ng tao. Hindi maaaring papanagutin ang isang mekaniko na nagbabala sa isang tsuper tungkol sa di-ligtas na kalagayan ng kaniyang sasakyan kung naganap ang isang aksidente o siya’y maakusahan ng pagtatadhana niyaon. Gayundin, hindi maaaring akusahan ang Diyos ng pagtatadhana ng malulungkot na ibinunga ng pagkilos ng mga tao.

Totoo rin iyan sa mga inapo ng unang mag-asawa. Bago paslangin ni Cain ang kaniyang kapatid, naglagay si Jehova ng pagpipilian sa harap ni Cain. Dadaigin ba niya ang kasalanan, o dadaigin siya ng kasalanan? Walang anuman buhat sa salaysay ang nagpapakita na patiunang itinalaga ni Jehova na gagawa si Cain ng maling pasiya at papatayin ang kaniyang kapatid.​—Genesis 4:3-7.

Nang dakong huli, ibinabala ng Batas Mosaiko sa mga Israelita ang mangyayari kung tatalikuran nila si Jehova, halimbawa, sa pamamagitan ng pakikipag-asawa sa mga babae buhat sa mga bansang pagano. Naganap ang inihula. Ito’y makikita buhat sa halimbawa ni Haring Solomon, na noong mga huling taon niya ay naimpluwensiyahan ng kaniyang banyagang mga asawa na magsagawa ng idolatriya. (1 Hari 11:7, 8) Oo, binabalaan ng Diyos ang kaniyang bayan, subalit hindi niya itinadhana kung ano ang magiging pagkilos ng bawat isa.

Ang Kristiyanong mga hinirang, o mga pinili, ay pinatitibay-loob na magmatiyaga kung hindi nila nais na mawalan ng ipinangakong gantimpala na paghaharing kasama ni Kristo sa mga langit. (2 Pedro 1:10; Apocalipsis 2:5, 10, 16; 3:11) Gaya ng itinanong ng ilang teologo noong nakalipas, Bakit ibinigay ang gayong mga paalaala kung dî na mababago pa ang pagkatawag sa mga pinili?

Ang Guhit ng Tadhana at ang Pag-ibig ng Diyos

Binigyan ang tao ng malayang kalooban, palibhasa’y nilalang ayon “sa wangis ng Diyos.” (Genesis 1:27) Kailangang-kailangan ang malayang kalooban upang maparangalan at mapaglingkuran ng mga tao ang Diyos udyok ng pag-ibig, hindi bilang mga robot na ang bawat galaw ay itinatakda na bago pa man. Ang pag-ibig na ipinamamalas ng matatalino, malalayang nilalang ay magpapangyaring pabulaanan ng Diyos ang di-makatarungang mga paratang. Ganito ang sabi niya: “Magpakadunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso, upang may maisagot ako sa kaniya na tumutuya sa akin.”​—Kawikaan 27:11.

Kung ang mga lingkod ng Diyos ay itinadhana​—o nakaprograma, wika nga​—​hindi kaya mapag-aalinlanganan ang katunayan ng kanilang pag-ibig sa kanilang Maylikha? At, hindi ba magiging salungat sa pagkawalang-itinatangi ng Diyos ang siya’y patiunang pumili ng mga taong itinadhana sa kaluwalhatian at kaligayahan nang hindi isinasaalang-alang ang kagalingan ng bawat isa? Bukod dito, kung tatanggap ang ilan ng gayong may-pagtatanging pagtrato, samantalang ang iba ay itinadhana sa walang-hanggang kaparusahan, malamang na hindi ito pupukaw ng taimtim na pagkadama ng utang-na-loob sa panig ng mga “hinirang,” o “mga pinili.”​—Genesis 1:27; Job 1:8; Gawa 10:34, 35.

Sa wakas, sinabihan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na ipangaral ang mabuting balita sa buong sangkatauhan. Kung napili na ng Diyos ang mga ililigtas, hindi ba mababawasan nito ang sigasig sa pag-eebanghelyo na ipinakikita ng mga Kristiyano? Hindi ba gagawin nitong talaga namang walang-kabuluhan ang gawaing pangangaral?

Ang walang-pagtatanging pag-ibig mula sa Diyos ang pinakamalakas na puwersa na mag-uudyok sa mga tao upang ibigin din naman siya. Ang pinakadakilang kapahayagan ng pag-ibig ng Diyos ay ang ihain ang kaniyang Anak alang-alang sa di-sakdal, makasalanang sangkatauhan. Ang patiunang kaalaman ng Diyos hinggil sa kaniyang Anak ay isang natatanging halimbawa, ngunit tinitiyak nito sa atin na tunay ngang matutupad ang ipinangakong pagsasauli na nakasalig kay Jesus. Kaya harinawang maglagak tayo ng pananampalataya sa Anak na iyan at lumapit sa Diyos. Magpasalamat tayo sa pamamagitan ng pagtanggap ng paanyaya ng Diyos na magkaroon ng mainam na kaugnayan sa ating Maylikha. Sa ngayon, ipinaaabot ng Diyos ang paanyayang ito sa lahat ng ibig gumamit ng kanilang malayang kalooban at magpakita ng kanilang pag-ibig sa kaniya.

[Talababa]

a Kapag bumabanggit si Jesus tungkol sa Kaharian na inihanda “mula sa pagkakatatag ng sanlibutan” (Mateo 25:34), malamang na tinutukoy niya ang ilang panahon pagkatapos ng unang pagkakasala. Iniuugnay ng Lucas 11:50, 51 ang “pagkakatatag ng sanlibutan,” o ang pagkakatatag ng sangkatauhang matutubos sa pamamagitan ng isang pantubos, sa panahon ni Abel.

[Kahon sa pahina 7]

ITINADHANA BILANG ISANG URI

“Yaong mga alam ng Diyos sa una pa lamang ay kaniya ring itinadhanang makasuwato ng wangis ng kaniyang Anak, upang siya’y maging ang panganay sa gitna ng maraming magkakapatid. At yaong kaniyang itinadhana, kaniya ring tinawag; yaong kaniyang tinawag, kaniya ring ipinangatuwiran; yaong kaniyang ipinangatuwiran, kaniya ring niluwalhati.” (Roma 8:29, 30, New International Version) Papaano natin dapat unawain ang salitang “itinadhana” na ginamit ni Pablo sa mga talatang ito?

Ang pangangatuwiran dito ni Pablo ay hindi isang di-mapasusubaliang argumento na panig sa idea ng pagtatakda ng guhit ng tadhana ng bawat isa. Mas maaga sa ating siglo, ipinaliwanag ng Dictionnaire de théologie catholique ang mga argumento ni Pablo (Roma, kabanata 9-11) sa ganitong paraan: “Higit at higit, ang nangingibabaw na opinyon sa gitna ng Katolikong mga iskolar ay na hindi detalyadong naipaliwanag ang aktuwal na idea hinggil sa guhit ng tadhana ukol sa walang-hanggang buhay.” Pagkatapos ay sinipi pa ng reperensiya ring ito si M. Lagrange na nagsasabi: “Ang isyu na pangunahin nang binuo ni Pablo ay hindi naman tungkol sa guhit ng tadhana o itinalagang paghatol kundi tungkol lamang sa paanyaya sa mga Gentil tungo sa biyaya ng Kristiyanismo, na ang siyang tuwirang kabaligtaran ay ang di-paniniwala ng mga Judio. . . Ito’y tungkol sa mga grupo, Gentil, Judio, at hindi tuwirang sa espesipikong mga tao.”​—Amin ang italiko.

Kamakailan lamang, nagbigay ang The Jerusalem Bible ng gayunding konklusyon hinggil sa mga kabanatang ito (Rom 9-11), na nagsasabi: “Samakatuwid, ang paksa ng mga kabanatang ito ay hindi ang suliranin ng pagtatadhana ng bawat isa sa kaluwalhatian, o maging sa pananampalataya, kundi ang bahagi ng Israel sa mga pangyayari sa kasaysayan ng kaligtasan ng sangkatauhan, ang tanging suliraning ibinangon ng mga pangungusap sa M[atandang] [T]ipan.”

Ang huling mga talata ng Roma kabanata 8 ay may parehong konteksto. Sa gayon, makatuwirang maipaaalaala sa atin ng mga talatang ito na patiunang nakita ng Diyos ang pag-iral ng isang uri, o grupo, buhat sa sangkatauhan na tatawagin upang magharing kasama ni Kristo, gayundin ang mga kahilingan na kailangang maabot nila​—at ito’y ginawa nang hindi ipinakikilala nang maaga sa panahon ang espesipikong mga tao na pipiliin, sapagkat magiging salungat iyan sa kaniyang pag-ibig at katarungan.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share