Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w95 2/15 p. 27-30
  • Isang Aral Kung Papaano Haharapin ang mga Suliranin

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Aral Kung Papaano Haharapin ang mga Suliranin
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Aral sa Negatibong Pagpapayo
  • Kung Papaano Magbibigay ng Payo
  • Ang Di Nararapat na Pagtugon sa Mahihirap na Kalagayan
  • Pinawi ni Jehova ang Kirot na Nadarama Niya
    Tularan ang Kanilang Pananampalataya
  • Aklat ng Bibliya Bilang 18—Job
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
  • Ang Gantimpala ni Job—Pinagmumulan ng Pag-asa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Pinarangalan ni Job ang Pangalan ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
w95 2/15 p. 27-30

Isang Aral Kung Papaano Haharapin ang mga Suliranin

IILANG tao ang kinailangang makipagpunyagi sa mga suliranin na gaya ng naranasan ni Job. Sa maikling yugto lamang ng panahon, siya’y iginupo ng pagkawala ng kaniyang kayamanan at ikinabubuhay, ng kalunus-lunos na pagkamatay ng lahat ng kaniyang anak, at sa wakas ng isang lubhang makirot na karamdaman. Palibhasa’y itinakwil ng mga kaibigan at mga kamag-anak, siya’y hinimok ng kaniyang asawa na “sumpain ang Diyos at mamatay!”​—Job 2:9; 19:13, 14.

Gayunman, si Job ay isang pambihirang pinagmumulan ng pampatibay-loob sa sinuman na dumaranas ng nahahawig na mga pagsubok. Ang positibong resulta ng kaniyang pagsubok ay nagpapakita na ang pagtitiyaga sa kabila ng kahirapan ay nagpapagalak sa puso ni Jehova, kung tayo ay nauudyukan ng tunay na maka-Diyos na debosyon sa halip ng personal na kapakinabangan.​—Job, kabanata 1, 2; Job 42:10-17; Kawikaan 27:11.

Ang salaysay na ito sa Bibliya ay naglalaman din ng mahahalagang aral kung papaano haharapin ang mga suliranin. Naglalaan ito ng litaw na mga halimbawa kung papaanong ang isa na nakaharap sa mga pagsubok ay dapat​—o di-dapat​—​na payuhan. Isa pa, ang sariling karanasan ni Job ay makatutulong sa atin na tumugon sa isang timbang na paraan kapag nasumpungan natin ang ating sarili na hinahampas ng mahihirap na kalagayan.

Isang Aral sa Negatibong Pagpapayo

Ang pananalitang “mang-aaliw ni Job” ay naging kasingkahulugan na ng isang taong sumasaling ng sugat, sa halip na nakikiramay sa panahon ng kasawian. Subalit sa kabila ng natamong reputasyon ng tatlong kasamahan ni Job para sa kanilang sarili, hindi natin dapat ipagpalagay na ang kanilang mga motibo ay pawang masasama. Sa isang antas maaaring ibig nilang tulungan si Job, ayon sa kanilang maling palagay. Bakit sila nabigo? Papaano sila naging mga kasangkapan ni Satanas, na determinadong sirain ang katapatan ni Job?

Buweno, halos ibinatay nila ang lahat ng kanilang payo sa isang di-wastong palagay: na ang pagdurusa ay dumarating lamang sa mga nagkakasala. Sa kaniyang unang pananalita, sinabi ni Eliphaz: “Sinong inosente ang kailanma’y pumanaw? At saan nalipol ang isang matuwid? Ayon sa aking napagmasdan, yaong mga kumakatha ng nakasasakit at yaong naghahasik ng gulo sila mismo ang aani niyaon.” (Job 4:7, 8) May maling akala si Eliphaz na ang inosente ay di-tinatablan ng kasakunaan. Nangatuwiran siya na yamang si Job ay nasa matinding kagipitan, tiyak na siya’y nagkasala laban sa Diyos.a Iginiit kapuwa nina Bildad at Sophar na magsisi si Job sa kaniyang mga kasalanan.​—Job 8:5, 6; 11:13-15.

Lalo pang sinira ang loob ni Job ng kaniyang tatlong kasamahan sa pamamagitan ng pagpapahayag ng personal na mga idea sa halip ng maka-Diyos na karunungan. Sinabi pa nga ni Eliphaz na ‘ang Diyos ay walang tiwala sa kaniyang mga lingkod’ at na hindi naman talagang mahalaga kay Jehova kung si Job ay matuwid man o hindi. (Job 4:18; 22:2, 3) Mahirap isipin ang isang mas nakasisira ng loob​—o mas di-totoong​—​pangungusap kaysa riyan! Di-nakapagtataka, nang dakong huli ay sinaway ni Jehova si Eliphaz at ang kaniyang mga kasamahan dahil sa pamumusong na ito. “Kayong mga lalaki ay hindi nagsalita ng katotohanan tungkol sa akin,” ang sabi niya. (Job 42:7) Subalit ang pinakamapaminsalang kapahayagan ay sa bandang huli pa.

Sa wakas ay humantong pa si Eliphaz sa tuwirang pagbibintang. Yamang hindi niya mapaamin si Job na siya’y nagkasala, bumaling siya sa pag-imbento ng mga kasalanang ipinagpapalagay niyang nagawa ni Job. “Hindi ba napakalaki na ng iyong sariling kasamaan, at wala nang wakas ang iyong mga pagkakamali?” ang tanong ni Eliphaz. “Sapagkat inagaw mo nang walang dahilan ang sangla buhat sa iyong mga kapatid, at hinubaran mo ng kasuutan ang mga taong hubad. Hindi mo binibigyan ng maiinom na tubig ang napapagod, at pinagkaitan mo ng tinapay ang nagugutom.” (Job 22:5-7) Ganap na walang batayan ang mga bintang na ito. Inilarawan ni Jehova mismo si Job bilang isang taong “walang-kapintasan at matuwid.”​—Job 1:8.

Papaano tumugon si Job sa mga atakeng ito hinggil sa kaniyang sariling katapatan? Mauunawaan naman, sa papaano man ay ginawa nila siyang mapusok at nanlulumo subalit higit na determinado kailanman na patunayang mali ang mga paratang na ito. Sa katunayan, labis siyang naging okupado sa pagbabangong-puri ng sarili anupat, sa isang paraan, sinimulan niyang sisihin si Jehova sa kaniyang mga kalagayan. (Job 6:4; 9:16-18; 16:11, 12) Nakaligtaan ang tunay na mga isyung nasasangkot, at ang pag-uusap ay naging isang walang-kabuluhang debate tungkol sa kung si Job nga ay matuwid, o di-matuwid. Anong mga aral ang matututuhan ng mga Kristiyano buhat sa kapaha-pahamak na sesyong ito ng pagpapayo?

1. Sa pasimula ay hindi ipagpapalagay ng isang maibiging Kristiyano na ang mga suliranin ng isang kapatid ay bunga ng kaniyang mga kasalanan. Ang mahigpit na pagpuna sa nakaraang mga pagkakamali​—totoo man o gawa-gawa lamang​—ay lubhang makasisira ng loob ng isang tao na nagpupunyagi. Kailangang ‘aliwin’ ang nanlulumo sa halip na kagalitan. (1 Tesalonica 5:14) Nais ni Jehova na ang mga tagapangasiwa ay maging “isang kublihang dako buhat sa hangin,” hindi “maligalig na mga mang-aaliw” tulad nina Eliphaz, Bildad, at Sophar.​—Isaias 32:2; Job 16:2.

2. Hindi tayo nararapat magbintang nang walang malinaw na ebidensiya. Ang mga bali-balita o mga palagay​—gaya niyaong kay Eliphaz​—ay hindi matibay na dahilan sa pagsaway. Halimbawa, kung nakagawa ang isang matanda ng maling paratang, malamang na mawalan siya ng kredibilidad at maging sanhi ng kaigtingan. Ano ang nadama ni Job nang mapakinggan ang gayong maling payo? Siya’y nagbigay-daan sa kaniyang pagdadalamhati taglay ang mapanuyang pangungusap: “O kaylaking tulong mo sa isang walang lakas!” (Job 26:2) Ang isang nababahalang tagapangasiwa ay ‘mag-uunat ng mga kamay na nakalaylay,’ hindi magpapalaki ng suliranin.​—Hebreo 12:12.

3. Ang payo ay dapat na salig sa Salita ng Diyos, hindi sa personal na mga idea. Ang mga argumento ng mga kasamahan ni Job ay kapuwa mali at nakapipinsala. Sa halip na gawing mas malapit si Job kay Jehova, kanilang inakay siya na isiping may halang na naghihiwalay sa kaniya buhat sa kaniyang makalangit na Ama. (Job 19:2, 6, 8) Sa kabilang panig, ang mahusay na paggamit ng Bibliya ay makapagtutuwid ng mga bagay-bagay, magpapasigla sa iba, at magbibigay ng tunay na kaaliwan.​—Lucas 24:32; Roma 15:4; 2 Timoteo 3:16; 4:2.

Samantalang tinutulungan ng aklat ng Job ang mga Kristiyano na makilala ang ilang panganib, naglalaan din ito ng makatutulong na aral kung papaano magbibigay ng mabisang payo.

Kung Papaano Magbibigay ng Payo

Ang payo ni Elihu ay lubhang naiiba sa ipinayo ng tatlong kasamahan ni Job, kapuwa sa nilalaman at sa paraan ng pakikitungo ni Elihu kay Job. Ginamit niya ang pangalan ni Job at nagsalita sa kaniya bilang isang kaibigan, hindi bilang hukom ni Job. “Gayunman, O Job, ngayon ay pakisuyong pakinggan ang aking mga salita, at makinig sa lahat ng sinasabi ko. Narito! Ako’y sa tunay na Diyos gaya rin ng kung ano ka; ako ma’y inanyuan mula sa putik.” (Job 33:1, 6) Naging mabilis din si Elihu na papurihan si Job dahil sa kaniyang matuwid na landasin. “Ako’y nalulugod sa iyong katuwiran,” tiniyak niya kay Job. (Job 33:32) Bukod pa sa may-kabaitang paraan na ito ng pagpapayo, naging matagumpay si Elihu sa iba pang mga dahilan.

Palibhasa’y matiising naghintay hanggang sa makatapos ang iba sa pagsasalita, mas naunawaan ni Elihu ang mga suliranin bago magbigay ng payo. Ipagpalagay na si Job ay isang taong matuwid, parurusahan kaya siya ni Jehova? “Malayo nawa sa tunay na Diyos na siya’y kumilos nang may kabalakyutan, at sa Makapangyarihan-sa-Lahat na siya’y kumilos nang di-makatarungan!” ang bulalas ni Elihu. “Hindi niya aalisin ang paningin niya sa sinumang matuwid.”​—Job 34:10; 36:7.

Talaga nga bang ang pagkamakatuwiran ni Job ang pangunahing usapin? Inakay ni Elihu ang pansin ni Job sa isang di-timbang na palagay. “Sinabi mo, ‘Ang aking katuwiran ay higit pa kaysa sa Diyos,’ ” ang paliwanag niya. “Tumingala ka sa langit at tingnan mo, at masdan mo ang mga alapaap, na sila nga’y lalong matataas kaysa sa iyo.” (Job 35:2, 5) Kung papaanong mas matataas ang mga alapaap kaysa sa atin, gayundin ang mga daan ni Jehova ay mas matataas kaysa sa ating mga daan. Wala tayo sa katayuang hatulan ang paraan ng paggawa niya ng mga bagay-bagay. “Kaya nga hayaang katakutan siya ng mga tao. Hindi niya iginagalang ang sinuman na pantas sa kaniyang sariling puso,” ang pagtatapos ni Elihu.​—Job 37:24; Isaias 55:9.

Ang mahusay na payo ni Elihu ang naghanda ng daan para kay Job upang tanggapin ang karagdagang tagubilin buhat kay Jehova mismo. Sa katunayan, may isang kapuna-punang pagkakahawig sa pagitan ng pagrerepaso ni Elihu sa “kagila-gilalas na mga gawa ng Diyos,” sa Job kabanata 37, at sa sariling mga salita ni Jehova kay Job, na nakaulat sa mga Job kabanata 38 hanggang 41. Maliwanag, minalas ni Elihu ang mga bagay-bagay buhat sa pangmalas ni Jehova. (Job 37:14) Papaano matutularan ng mga Kristiyano ang mainam na halimbawa ni Elihu?

Gaya ni Elihu, ang mga tagapangasiwa lalo na ay nagnanais na maging maunawain at may kabaitan, na inaalaalang sila man ay di-sakdal. Makabubuti sa kanila na matamang makinig upang malaman ang buong pangyayari at maunawaan ang mga suliranin bago magbigay ng payo. (Kawikaan 18:13) Isa pa, sa pamamagitan ng paggamit ng Bibliya at maka-Kasulatang mga publikasyon, matitiyak nila na ang pangmalas ni Jehova ang siyang mangingibabaw.​—Roma 3:4.

Bukod sa paglalaan ng praktikal na mga aral para sa matatanda, tinuturuan tayo ng aklat ni Job kung papaano haharapin ang mga suliranin sa isang timbang na paraan.

Ang Di Nararapat na Pagtugon sa Mahihirap na Kalagayan

Palibhasa’y naigupo ng kaniyang pagdurusa at nasiphayo dahil sa kaniyang huwad na mga mang-aaliw, sumamâ ang loob ni Job at siya’y nanlumo. “Mapawi na sana ang araw ng aking pagsilang . . . Ang aking kaluluwa ay tunay ngang nakadarama ng pagkasuklam sa aking buhay,” ang hinagpis niya. (Job 3:3; 10:1) Palibhasa’y di-alam na si Satanas ang may kagagawan, ipinagpalagay niya na ang Diyos ang nagpapangyari ng kaniyang mga kapighatian. Waring lubhang di-makatarungan na siya​—isang taong matuwid​—​ay magdusa. (Job 23:10, 11; 27:2; 30:20, 21) Binulag si Job ng saloobing ito mula sa iba pang dapat isaalang-alang at inakay siya na punahin ang pakikitungo ng Diyos sa sangkatauhan. Itinanong ni Jehova: “Ipawawalang-bisa mo ba ang aking katarungan? Ipahahayag mo bang ako’y balakyot upang ikaw ay ariing matuwid?”​—Job 40:8.

Marahil ang agad na reaksiyon natin kapag napaharap sa kagipitan ay ang madamang tayo’y isang biktima, gaya ng waring nadama ni Job. Ang pangkaraniwang tugon ay ang magtanong, ‘Bakit ako pa? Bakit ang iba​—na mas masama pa sa akin​—​ay nagtatamasa ng buhay na tila malaya mula sa mga suliranin?’ Ang mga ito ay negatibong mga kaisipan na mapaglalabanan natin sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay ng Salita ng Diyos.

Di-tulad ni Job, tayo’y nasa kalagayan na maunawaan ang mas malalaking isyung nasasangkot. Alam natin na si Satanas ay “gumagala-gala tulad ng isang leong umuungal, na naghahanap ng sinumang masisila.” (1 Pedro 5:8) Gaya ng isinisiwalat ng aklat ng Job, malulugod ang Diyablo na sirain ang ating katapatan sa pamamagitan ng pagdudulot sa atin ng mga suliranin. Siya’y determinadong patunayan ang kaniyang pag-aangkin na tayo’y mga Saksi ni Jehova kung maaliwalas lamang ang panahon. (Job 1:9-11; 2:3-5) Magkakaroon kaya tayo ng lakas ng loob na itaguyod ang soberanya ni Jehova at sa gayo’y patunayang isang sinungaling ang Diyablo?

Ipinakikita ng halimbawa ni Jesus, at ng di-mabilang na iba pang tapat na mga lingkod ni Jehova, na ang ilang anyo ng pagdurusa ay halos di-maiiwasan sa sistemang ito ng mga bagay. Sinabi ni Jesus na ang kaniyang mga alagad ay kailangang handang ‘buhatin ang kanilang pahirapang tulos’ kung nais nilang sumunod sa kaniya. (Lucas 9:23) Ang ating sariling “pahirapang tulos” ay maaaring isa o higit pa sa mga kasawiang tiniis ni Job​—pagkakasakit, kamatayan ng mga mahal sa buhay, panlulumo, kahirapan sa kabuhayan, o pananalansang ng mga di-sumasampalataya. Anumang uri ng suliranin ang maaaring nakaharap sa atin, may positibong panig. Maaari nating malasin ang ating kalagayan bilang isang pagkakataon upang ipamalas ang ating pagbabata at di-matitinag na katapatan kay Jehova.​—Santiago 1:2, 3.

Ganiyan ang paraan ng pagtugon ng mga apostol ni Jesus. Di-nagtagal pagkatapos ng Pentecostes sila’y pinaghahampas dahil sa pangangaral tungkol kay Jesus. Sa halip na masiraan ng loob, sila’y humayo na “nagsasaya.” Sila’y nagalak, hindi dahil sa mismong pagdurusa, kundi dahil sa “ibinilang silang karapat-dapat na walaing-dangal alang-alang sa kaniyang pangalan [ni Kristo].”​—Gawa 5:40, 41.

Mangyari pa, hindi lahat ng ating mga kagipitan ay dumarating sa atin bilang bunga ng paglilingkod kay Jehova. Maaaring kagagawan na rin natin ang ating mga suliranin​—sa papaano man. O marahil, hindi naman natin kasalanan, ang ating suliranin ay nakaapekto sa ating pagiging timbang sa espirituwal. Anuman ang kalagayan, ang mapagpakumbabang saloobin gaya ng kay Job ay magpapangyaring matiyak natin kung saan nakagawa ng mga pagkakamali. Inamin ni Job kay Jehova: “Ako’y nagsalita, ngunit hindi ko nauunawaan.” (Job 42:3) Ang isa na kumikilala ng kaniyang mga pagkakamali sa ganitong paraan ay mas malamang na makaiiwas sa nakakatulad na mga suliranin sa hinaharap. Gaya ng sinasabi ng kawikaan, “matalino ang isa na nakikita ang panganib at ikinukubli ang kaniyang sarili.”​—Kawikaan 22:3.

Pinakamahalaga, ipinaaalaala sa atin ng aklat ng Job na pansamantala lamang ang ating mga suliranin. Sinasabi ng Bibliya: “Ipinahahayag nating maligaya yaong mga nakapagbata. Narinig ninyo ang pagbabata ni Job at nakita ang kinalabasan na ibinigay ni Jehova, na si Jehova ay napakamagiliw sa pagmamahal at maawain.” (Santiago 5:11) Makatitiyak tayo na gagantimpalaan din ni Jehova ang katapatan ng kaniyang mga lingkod sa ngayon.

Inaasam-asam din natin ang panahon kung kailan lahat ng uri ng mga suliranin​—“ang mga dating bagay”​—​ay lumipas na. (Apocalipsis 21:4) Hanggang sa magbukang-liwayway ang araw na iyan, nagsisilbing isang mahalagang giya ang aklat ni Job na makatutulong sa atin upang harapin ang mga suliranin taglay ang karunungan at katatagan.

[Talababa]

a Samantalang sinasabi ng Bibliya na “anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin,” hindi ito nangangahulugan na ang pagdurusa ng isa ay parusa ng Diyos. (Galacia 6:7) Sa daigdig na ito na pinangingibabawan ni Satanas, kalimitan nang nakaharap ang matuwid sa higit na suliranin kaysa sa mga balakyot. (1 Juan 5:19) “Kayo ay magiging mga tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga tao dahil sa aking pangalan,” ang sabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad. (Mateo 10:22) Maaaring dumanas ng pagkakasakit at iba pang uri ng kasawian ang sinuman sa tapat na mga lingkod ng Diyos.​—Awit 41:3; 73:3-5; Filipos 2:25-27.

[Larawan sa pahina 28]

“Masdan mo ang mga alapaap, na sila nga’y lalong matataas kaysa sa iyo.” Sa gayo’y tinulungan ni Elihu na maunawaan ni Job na ang mga daan ng Diyos ay mas matataas kaysa mga daan ng tao

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share