Mga Himala ni Jesus—Kasaysayan o Alamat?
“Sa ikaapat na yugto ng pagbabantay sa gabi siya ay pumaroon sa kanila, na naglalakad sa ibabaw ng dagat.”—Mateo 14:25.
PARA sa milyun-milyon sa buong daigdig, ang paniniwala na si Jesu-Kristo ay gumawa ng mga himala ay halos kasinghalaga ng paniniwala sa Diyos mismo. Inilarawan ng mga manunulat ng Ebanghelyo—sina Mateo, Marcos, Lucas, at Juan—ang mga 35 sa mga himala ni Jesus. Gayunman, ipinahihiwatig ng kanilang mga salaysay na gumawa siya ng marami pang makahimalang gawa.—Mateo 9:35; Lucas 9:11.
Hindi ginawa ang mga himalang ito para libangin ang mga tao. Ang mga ito’y katunayan sa pagpapahayag ni Jesus na siya ang Anak ng Diyos, ang matagal-nang-hinihintay na Mesiyas. (Juan 14:11) Gumawa si Moises ng makahimalang mga tanda nang iniharap niya ang sarili sa aliping bansang Israel. (Exodo 4:1-9) Makatuwiran lamang, ang Mesiyas, ang isa na inihulang magiging mas dakila kay Moises, ay inaasahan ding magpapakita ng ilang tanda ng banal na pagtangkilik. (Deuteronomio 18:15) Tinatawag kung gayon ng Bibliya si Jesus bilang “isang lalaking hayagang ipinakita ng Diyos sa [mga Judio] sa pamamagitan ng mga makapangyarihang gawa at mga palatandaan at mga tanda.”—Gawa 2:22.
Noong nakalipas, karaniwan nang tinatanggap ng mga tao nang walang alinlangan ang paglalarawan ng Bibliya kay Jesus bilang isang manggagawa ng himala. Subalit sa nakalipas na mga dekada, ang ulat ng Ebanghelyo ay sumailalim sa pamumuna ng mga kritiko. Sa kaniyang aklat na Deceptions and Myths of the Bible, tinutukoy ni Lloyd Graham ang ulat ng Bibliya tungkol sa paglalakad ni Jesus sa ibabaw ng tubig at sinabi pa nga na: “Isang malaking kamangmangan ang literal na paniwalaan ito, gayunman, milyun-milyon ang naniniwalang ito nga’y literal. Pagkatapos ay nagtataka tayo kung ano na ang nangyayari sa ating daigdig. Anong lalong mabuting daigdig ang maaasahan mo sa gayong kamangmangan?”
Imposible Ba?
Gayunman, ang gayong pamumuna ay hindi makatuwiran. Binibigyang-katuturan ng The World Book Encyclopedia ang isang himala bilang “isang pangyayaring di-maipaliwanag sa pamamagitan ng kilalang mga batas ng kalikasan.” Ayon sa katuturang iyan, ang isang de kolor na TV, isang cellular phone, o isang laptop na computer ay maituturing na mga himala isang siglo lamang ang nakararaan! Makatuwiran bang maging dogmatiko at tawaging imposible ang isang bagay dahil lamang sa hindi natin maipaliwanag iyon ayon sa kasalukuyang maka-siyentipikong kaalaman?
Isa pang bagay na dapat isaalang-alang: Sa orihinal na wikang Griego na ginamit sa pagsulat ng “Bagong Tipan,” ang salitang ginamit para sa “himala” ay dyʹna·mis—isang salita na ang saligang kahulugan ay “kapangyarihan.” Isinalin din ito bilang “makapangyarihang mga gawa” o “kakayahan.” (Lucas 6:19; 1 Corinto 12:10; Mateo 25:15) Inaangkin ng Bibliya na ang mga himala ni Jesus ay isang kapahayagan ng “maringal na kapangyarihan ng Diyos.” (Lucas 9:43) Imposible ba ang gayong mga gawa para sa isang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat—ang Isa na taglay ang “kasaganaan ng dinamikong lakas”?—Isaias 40:26.
Ebidensiya ng Pagiging Totoo
Ang isang masusing pagsusuri sa apat na Ebanghelyo ay nagsisiwalat ng karagdagan pang ebidensiya ng pagiging kapani-paniwala ng mga ito. Una, kapansin-pansin ang pagkakaiba ng mga salaysay na ito sa mga kuwentong engkantada at mga alamat. Kuning halimbawa ang mga maling kuwento na kumalat tungkol kay Jesus noong sumunod na mga siglo pagkamatay niya. Ganito ang sabi sa apokripang “Gospel of Thomas”: “Nang ang batang si Jesus ay limang taóng gulang . . . , nagtungo siya sa nayon, at isang batang lalaki ang tumakbo at bumangga sa kaniyang balikat. Nagalit si Jesus at sinabi sa kaniya: ‘Hindi ka na makalalayo pa’, at agad na nabuwal ang bata at namatay.” Hindi mahirap makita kung ano ang kuwentong ito—isang inimbentong katha. Bukod dito, ibang-iba sa Jesus na binabanggit ng Bibliya ang batang sumpungin at magagalitin na inilarawan dito.—Ihambing sa Lucas 2:51, 52.
Ngayon ay isaalang-alang ang tunay na mga ulat sa Ebanghelyo. Walang kalabisan at mga guniguni sa mga ito. Gumawa si Jesus ng mga himala bilang pagtugon sa totoong pangangailangan, hindi upang paluguran ang isa lamang kapritso. (Marcos 10:46-52) Hindi kailanman ginamit ni Jesus ang kaniyang kapangyarihan ukol sa sariling kapakinabangan. (Mateo 4:2-4) At hindi niya ginamit kailanman ang mga ito upang magyabang. Sa katunayan, nang ibig ng mausyosong si Haring Herodes na gumawa si Jesus ng isang makahimalang “tanda” para sa kaniya, “hindi sumagot” si Jesus.—Lucas 23:8, 9.
Ibang-iba rin ang mga himala ni Jesus sa gawa ng propesyonal na mga ilusyonista, salamangkero, at mga tagapagpagaling sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang Diyos ang sa tuwina’y niluluwalhati ng kaniyang mga himala. (Juan 9:3; 11:1-4) Ang kaniyang mga himala ay walang anumang madamdaming mga ritwal, mahiwagang mga orasyon, pagpaparangya, pandaraya, at hipnotismo. Nang makasalubong ni Jesus ang pulubing bulag na nagngangalang Bartimeo na sumigaw, “Rabboni, panumbalikin mo ang aking paningin,” sinabi lamang ni Jesus sa kaniya: “ ‘Humayo ka, pinagaling ka ng iyong pananampalataya.’ At kaagad-agad na nanumbalik ang kaniyang paningin.”—Marcos 10:46-52.
Ipinakikita ng ulat sa Ebanghelyo na ginawa ni Jesus ang kaniyang makapangyarihang mga gawa nang walang mga kasangkapan, pantanging isinaayos na pagtatanghal o nakalilinlang na mga ilaw. Ang mga ito ay ginawa sa harap ng madla, kadalasa’y nasasaksihan ng karamihan. (Marcos 5:24-29; Lucas 7:11-15) Di-tulad ng mga pagtatangka ng modernong mga tagapagpagaling sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi kailanman nabigo ang kaniyang mga pagsisikap na magpagaling dahil lamang sa ang isang maysakit di-umano ay walang pananampalataya. Sabi ng Mateo 8:16: “Kaniyang pinagaling ang lahat ng mga nasa masamang kalagayan.”
Sa kaniyang aklat na “Many Infallible Proofs:” The Evidences of Christianity, ganito ang sabi ng iskolar na si Arthur Pierson tungkol sa mga himala ni Kristo: “Ang bilang ng mga ito, ang pagiging biglaan at lubusan ng mga pagpapagaling na ginawa niya, at ang di-pagkabigo maging sa pagtatangkang ibangon ang mga patay, ay naglagay ng malaking agwat sa pagitan ng mga himalang ito at ng mga pakunwaring kababalaghan sa panahong ito o sa anumang ibang panahon.”
Sekular na Patotoo
Nagbibigay si Arthur Pierson ng isa pang argumento na umaalalay sa mga ulat ng Ebanghelyo nang sabihin niya: “Walang patotoo tungkol sa mga himala sa kasulatan ang hihigit pa kaysa sa pananahimik ng mga kaaway.” May masidhing hangarin ang mga pinunong Judio na siraan si Jesus, subalit balitang-balita ang kaniyang mga himala anupat hindi nangahas ang mga kaaway na itanggi ang mga ito. Ang tanging magagawa lamang nila ay iugnay ang mga gawang ito sa kapangyarihan ng mga demonyo. (Mateo 12:22-24) Mga siglo pagkamatay ni Jesus, patuloy na pinaniwalaan ng mga manunulat ng Judiong Talmud ang mga makahimalang kapangyarihan ni Jesus. Ayon sa aklat na Jewish Expressions on Jesus, pinawalang-saysay lamang nila siya bilang isa na “nagsasagawa ng salamangka.” Gagawin kaya ang gayong komento kung bahagya man ay posibleng sabihin na alamat lamang ang mga himala ni Jesus?
Karagdagan pang patotoo ang nanggagaling sa ikaapat-na-siglong istoryador ng simbahan na si Eusebius. Sa kaniyang aklat na The History of the Church From Christ to Constantine, sinipi niya ang isang Quadratus na lumiham sa emperador bilang pagtatanggol sa Kristiyanismo. Isinulat ni Quadratus: “Ang mga gawa ng ating Tagapagligtas ay palaging naroroon upang makita, sapagkat totoo ang mga iyon—ang mga tao na pinagaling at yaong mga ibinangon mula sa mga patay, na hindi lamang nakita noong sandaling sila’y pagalingin o ibangon, kundi laging naroroon upang makita, hindi lamang nang kasama natin ang Tagapagligtas, kundi sa loob ng mahabang panahon pagkatapos ng Kaniyang paglisan; sa katunayan ang ilan sa kanila ay nakaligtas hanggang sa aking kapanahunan.” Ganito ang napansin ng iskolar na si William Barclay: “Sinasabi ni Quadratus na magpahanggang sa panahon niya ang mga lalaking ginawan ng mga himala ay maihaharap pa. Kung hindi totoo iyon ay napakadali para sa pamahalaang Romano na tawagin iyon na isang kasinungalingan.”
Ang paniniwala sa mga himala ni Jesus ay matino, makatuwiran, at lubusang kasuwato ng ebidensiya. Gayunpaman, ang mga himala ni Jesus ay hindi isang walang-kabuluhang kasaysayan. Ipinaaalaala sa atin ng Hebreo 13:8: “Si Jesu-Kristo ay gayon pa rin kahapon at ngayon, at magpakailanman.” Oo, siya ay buháy ngayon sa langit, may kakayahang gamitin ang mga makahimalang kapangyarihan sa mas malawak na paraan kaysa nagawa niya noong siya’y nasa lupa bilang tao. Isa pa, ang mga ulat ng Ebanghelyo tungkol sa kaniyang mga himala ay (1) nagtuturo ng praktikal na aral sa mga Kristiyano sa ngayon, (2) nagsisiwalat ng kaakit-akit na mga katangian ng personalidad ni Jesus, at (3) tumatawag ng pansin sa isang panahon sa malapit na hinaharap na higit pang kamangha-manghang mga pangyayari ang magaganap!
Magtutuon ng pansin ang susunod na artikulo sa tatlong popular na ulat sa Bibliya upang ilarawan ang mga puntong ito.