Mga Saksi ni Jehova sa Buong Daigdig—Zambia
MALAPAD, paliku-likong mga kapatagan sa taluktok ng isang malawak, 1,200 metro-ang-taas na talampas—ito ang Zambia, isang bansa sa gitna ng timog-sentral Aprika. Sa gawing hilagang-silangan, ang Muchinga Mountains ay umaabot sa taas na 2,100 metro. Ang makapangyarihang Zambezi River, na kagila-gilalas ang dagundong sa kilala-sa-daigdig na Victoria Falls, ang bumubuo ng kalakhang bahagi ng timugang hangganan ng bansang ito na napalilibutan ng mga lupain. Sari-sari ang mga tao, sa mahigit na 70 iba’t ibang lahi. Walong pangunahing wika ang sinasalita rito, subalit may marami pang iba.
Noong 1911 isang naiibang wika ang naitatag at lumaganap sa Zambia. Nagdala ang mga panauhin ng mga kopya ng Studies in the Scriptures, at magbuhat na noon ay sinikap ng mga Saksi ni Jehova na palaganapin sa Zambia ang “dalisay na wika” ng katotohanan ng Bibliya. (Zefanias 3:9) Lalo nang hamon sa kanila ang di-maka-Kasulatang mga paniniwala tungkol sa kalagayan ng mga patay. Kapag natututuhan ng mga tao ang katotohanan at nakikita kung papaano sila naging alipin ng mga pamahiin, nakapagpapalaya nga ang epekto!—Juan 8:32.
Halimbawa, ganito ang ulat ng isang tapat na kapatid na babae: “Nang biglang mamatay ang aking tiyuhin, nagulo ang isip ng aking ina, na isang masigasig na miyembro ng United Church of Zambia. Pagkatapos ng sanlinggong ritwal sa paglilibing, bumalik ako sa nayon upang malaman kung ano ang kalagayan niya. Pagdating ko, may isang matandang lalaki sa bahay, at nang siya’y umalis, itinanong ko sa aking lola kung sino siya. Sinabi niyang iyon ay isang doktor-kulam. Ibig ng aking ina na upahan siya upang ipaghiganti ang pagkamatay ng kaniyang kapatid at sa gayo’y mamahinga na ang kaniyang kaluluwa. Naniniwala siya na iyon ay ‘pagala-gala lamang,’ gaya ng sabi niya.
“Sinabi pa ni Lola na tamang-tama ang pagdating ko dahil ang pamilya ay nangangailangan ng salapi upang ibayad sa doktor-kulam. Hiniling niyang ako’y mag-ambag, subalit mataktika kong ipinaliwanag na bilang isang Kristiyano, hindi ako maaaring mag-abuloy. Nangatuwiran ako sa kaniya buhat sa Awit 146:4, na nagpapakitang wala nang malay ang mga patay—kaya walang kaluluwang ‘pagala-gala.’ Isinaalang-alang din namin ang Roma 12:19, na bumabanggit na si Jehova ang maghihiganti, hindi tayo. Pagkatapos, sinabi ko sa aking ina ang tungkol sa pag-asa ng pagkabuhay-muli na binanggit ni Jesus, gaya ng nakaulat sa Juan 5:28, 29. Humanga siya sa aking matibay na pananampalataya sa mga pangako ng Diyos. Di-nagtagal at nakipag-aral siya sa isang Saksi at mabilis na sumulong. Pinutol niya ang lahat ng kaugnayan sa kaniyang dating relihiyon at sinagisagan ang kaniyang pag-aalay sa Diyos sa pamamagitan ng bautismo. Siya ngayon ay isang Saksi ni Jehova.”
Isa pang kapatid na babae ang nag-ulat: “Dumalo ako sa libing ng asawa ng aking tiyuhin. Nang ako’y dumating, nasumpungan kong nagugutom ang aking tiyuhin at pinsan. Hindi na sila kumain ng anuman mula nang mamatay ang aking tiyahin. Nang tanungin ko kung bakit, sinabi nila na ayon sa tradisyon, hindi sila maaaring magparingas ng apoy upang magluto. Nagprisinta ako na ako na ang magluluto, subalit nangangamba ang ilang miyembro ng pamilya na kung lalabagin ko ang paganong kaugaliang ito, lahat ay masisiraan ng bait!
“Ipinaliwanag ko na bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, iginagalang ko ang sinasabi ng Bibliya sa Levitico 18:30 at hindi sinusunod ang di-maka-Kasulatang mga tradisyon. Pagkatapos ay ipinakita ko sa kanila ang brosyur na Espiritu ng mga Patay. Dahil dito ay nabawasan ang tensiyon, at nagsimula na akong maghanda ng pagkain para sa aking tiyuhin at iba pang miyembro ng pamilya. Ang aking lakas ng loob ay nakaantig sa damdamin ng mga kamag-anak ng namatay at sila’y pumayag na pag-aralan pa ang Bibliya. Sila ngayon ay di-bautisadong mga mamamahayag na, at umaasa ang buong pamilya na di na magtatagal at mababautismuhan sila.”
Totoong kalugud-lugod para sa atin kapag nadaig ng dalisay na wika ng katotohanan ang kalituhang dulot ng relihiyosong mga kasinungalingan, lalo na ang malalim-ang-pagkakaugat na mga pangangatuwiran na umaalipin sa inosenteng mga tao! Sa tulong ni Jehova, ang dalisay na wika ay lumalaganap sa Zambia, kagaya ng nagaganap sa buong lupa.—2 Corinto 10:4.
[Kahon sa pahina 9]
LARAWAN NG BANSA
1994 Taon ng Paglilingkod
PINAKAMATAAS NA BILANG NG NAGPAPATOTOO: 82,926
KATUMBASAN: 1 Saksi sa 107
DUMALO SA MEMORYAL: 363,372
ABERIDS MAMAMAHAYAG NA PAYUNIR: 10,713
ABERIDS PAG-AARAL SA BIBLIYA: 108,948
BILANG NG NABAUTISMUHAN: 3,552
BILANG NG MGA KONGREGASYON: 2,027
TANGGAPANG PANSANGAY: LUSAKA
[Larawan sa pahina 9]
Mga pasilidad ng sangay ng Watch Tower sa may hangganan ng Lusaka
[Larawan sa pahina 9]
Pangangaral sa Shimabala, timog ng Lusaka