Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w95 5/15 p. 4-7
  • Isang Bagong Buhay Para sa Ating mga Ninuno

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Bagong Buhay Para sa Ating mga Ninuno
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Kalagayan ng mga Patay
  • Ang Pag-asa ng Pagkabuhay-Muli
  • Pagkabuhay-muli Tungo sa Buhay sa Langit
  • Mga Pangyayari Bago ang Makalupang Pagkabuhay-muli
  • Paraiso sa Lupa
  • Ano ang Nangyayari sa Ating Yumaong mga Mahal sa Buhay?
    Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan
  • Pagkabuhay-Muli—Ukol Kanino, at Saan?
    Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa
  • May Pag-asa Ba ang mga Patay?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2015
  • Ang Tanging Lunas!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
w95 5/15 p. 4-7

Isang Bagong Buhay Para sa Ating mga Ninuno

ITINUTURO ba ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, na lahat ay inaasahang magpapatuloy na buháy sa daigdig ng mga espiritu pagkamatay? Hindi, hindi nito itinuturo. Inihaharap ng Bibliya ang isang kamangha-manghang pag-asa sa buhay pagkamatay, ngunit hindi katulad ng iniisip ng iba.

Isaalang-alang ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa ating unang ninuno, si Adan. Inanyuan siya ni Jehova “mula sa alabok ng lupa.” (Genesis 2:7) Taglay ni Adan ang pagkakataon na mabuhay ng walang-hanggan sa kaligayahan dito sa lupa. (Genesis 2:16, 17) Gayunman, siya’y naghimagsik sa kaniyang maibiging Maylikha, at ang ibinunga ay kamatayan.

Saan nagtungo si Adan pagkamatay niya? Sinabi ng Diyos sa kaniya: ‘Mauuwi ka sa lupa, sapagkat diyan ka kinuha. Sapagkat ikaw ay alabok at sa alabok ka uuwi.’​—Genesis 3:19.

Nasaan si Adan bago siya likhain ni Jehova mula sa alabok? Wala pa siya. Hindi pa siya umiiral. Kaya nang sabihin ni Jehova na si Adan ay ‘mauuwi sa lupa,’ ibig lamang niyang sabihin na magiging walang buhay muli si Adan, katulad lamang ng alabok. Si Adan ay hindi ‘tumawid’ sa isang daigdig ng espiritu ng mga ninuno upang maging siyang tagapagtatag nito. Hindi rin siya lumipat sa isang buhay na napakaligaya sa langit ni sa isang walang-hanggang pagdurusa sa isang pahirapang dako. Ang tanging paglipat na nagawa niya ay mula sa pagiging buháy tungo sa pagiging walang buhay, mula sa pag-iral tungo sa di-pag-iral.

Kumusta naman ang nalalabing bahagi ng sangkatauhan? Hindi na rin ba umiral ang mga inapo ni Adan pagkamatay? Sumasagot ang Bibliya: “Lahat [mga tao man o mga hayop] ay patungo sa iisang dako. Silang lahat ay nanggaling sa alabok, at silang lahat ay babalik sa alabok.”​—Eclesiastes 3:19, 20.

Ang Kalagayan ng mga Patay

Oo, ang mga patay ay walang buhay, hindi nakaririnig, nakakikita, nakapagsasalita, o nakapag-iisip. Bilang halimbawa, ang Bibliya’y nagsasabi: “Nalalaman ng mga buháy na sila’y mamamatay; ngunit kung para sa mga patay, sila’y walang kamalayan sa anuman . . . Ang kanilang pag-ibig at kanilang poot at kanilang paninibugho ay naparam na.” Sinasabi rin ng Bibliya: “Walang gawa ni katha man ni kaalaman man ni karunungan man sa Sheol [ang libingan], na iyong pinaroroonan.”​—Eclesiastes 9:5, 6, 10.

Samakatuwid, ayon sa Salita ng Diyos, ang mga tao ay may kabatiran sa kamatayan samantalang sila ay buháy. Subalit kapag sila’y namatay, wala na silang alam. Wala sila sa tabi ng kanilang bangkay, na wari’y nanonood kung ano ang gagawin dito. Wala ring kaluguran ni kirot man, kahit kagalakan ni kalungkutan man sa di-pag-iral. Ang mga patay na iyon ay walang alam sa paglipas ng panahon. Ang kanilang walang-malay na kalagayan ay mas mahimbing pa kaysa anumang uri ng pagtulog.

Batid ni Job, isang lingkod ng Diyos noong unang panahon, na hindi patuloy na nabubuhay ang mga tao pagkamatay. Naunawaan din niya na kung hindi makikialam ang Diyos, walang pag-asa ng pagkabuhay-muli. Sinabi ni Job: “Ang isang malakas na tao ay namamatay at nagagapi; at ang makalupang tao ay nalalagutan ng hininga, at saan siya naroon? [Siya’y] nabubuwal at hindi bumabangon.” (Job 14:10, 12) Tiyak na hindi inaasahan ni Job na kapag namatay siya ay makakasama niya ang kaniyang mga ninuno sa isang daigdig ng mga espiritu.

Ang Pag-asa ng Pagkabuhay-Muli

Yamang ang mga buháy ay hindi na umiiral pagkamatay, ibinangon ni Job ang maselang tanong nang siya’y nagpatuloy na mag-usisa: “Kung ang isang malakas na tao ay mamatay mabubuhay pa kaya siya?” Si Job mismo ang sumagot nito: “Lahat ng araw ng aking sapilitang paglilingkod [panahon sa libingan] ay maghihintay ako, hanggang sa dumating ang aking katubusan. Ikaw [Jehova] ay tatawag, at ako mismo ay sasagot sa iyo. Ikaw ay magnanasa sa gawa ng iyong mga kamay.”​—Job 14:14, 15.

Sa ibang pananalita, bagaman si Job ay makararanas ng di-pag-iral, hindi siya kalilimutan ng Diyos. May pananampalataya si Job na darating ang panahon kapag ‘tatawagin’ siyang muli ng Diyos na Jehova tungo sa buhay sa pamamagitan ng isang pagkabuhay-muli.

Ipinakita ni Jesu-Kristo, ang Anak ng Diyos, na ang pag-asa ni Job sa pagkabuhay-muli ay makatotohanan. Pinatunayan ni Jesus na ang mga patay ay maaaring ibangon. Papaano? Sa pamamagitan ng gawa niya mismo! Wala siya roon upang muling buhayin si Job, ngunit nang nasa lupa totoong muling binuhay ni Jesus ang anak na lalaki ng isang balo sa lunsod ng Nain. Isinauli rin ni Jesus ang buhay ng 12-taong-gulang na anak na babae ng isang lalaking nagngangalang Jairo. At binuhay niyang muli ang kaniyang kaibigang si Lazaro, na apat na araw nang patay.​—Lucas 7:11-15; 8:41, 42, 49-56; Juan 11:38-44.

Karagdagan sa paggawa ng mga himalang ito, si Jesus ay nagsalita tungkol sa isang dakilang pagkabuhay-muli sa hinaharap. Sinabi niya: “Ang oras ay dumarating na ang lahat niyaong nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at lalabas.” (Juan 5:28, 29) Di-nagtagal, ang apostol Pablo, na ginamit ni Jehova upang buhaying- muli ang isang kabataang lalaki, ay nagpahayag rin ng paniniwala sa isang pagkabuhay-muli sa hinaharap. Sinabi niya: “May pag-asa ako sa Diyos . . . na magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.”​—Gawa 20:7-12; 24:15.

Ang maka-Kasulatang mga reperensiyang ito tungkol sa pagkabuhay-muli sa hinaharap ay hindi tumutukoy sa ipinagpatuloy na buhay sa daigdig ng mga espiritu. Ang mga ito’y nakaturo sa panahon na ang milyun-milyon sa mga patay ay muling mabubuhay sa pisikal na mga katawan dito mismo sa lupa. Ang mga binuhay-muling ito ay hindi mga tao na walang natatandaan sa kanilang nakaraang buhay dito sa lupa. Hindi sila muling isisilang gaya ng mga sanggol. Sa halip, sila’y magiging gayunding persona nang bago sila mamatay, na nagtataglay ng gayunding mga kaisipan at personalidad. Madali silang makikilala ng iba at agad din nilang makikilala ang kanilang sarili. Kaylaking kagalakan nga kung gayon habang ang mga taong ito’y muling nakikisama sa kani-kanilang mga kaibigan at pamilya! At kapana-panabik nga na makilala ang ating mga ninuno!

Pagkabuhay-muli Tungo sa Buhay sa Langit

Sinabi ba ni Jesus na ang ilan ay tutungo sa langit? Oo, sinabi niya. Noong gabing bago siya patayin, aniya: “Sa bahay ng aking Ama ay maraming tirahan. . . . ako ay paroroon upang maghanda ng dako para sa inyo. Gayundin, kung ako ay pumaroon at makapaghanda ng dako para sa inyo, ako ay muling darating at tatanggapin kayo sa aking sarili, upang kung nasaan ako ay dumoon din kayo.” (Juan 14:2, 3) Si Jesus ay nakikipag-usap noon sa kaniyang tapat na mga apostol, ngunit ang kaniyang mga salita ay hindi nangangahulugang lahat ng mabubuting tao ay tutungo sa langit.

Ipinakita ni Jesus na yaong binuhay-muli tungo sa langit ay kailangang makaabot sa mga kahilingan maliban sa basta pamumuhay lamang ng isang kapuri-puring buhay. Ang isang kahilingan ay ang pagkakaroon ng tumpak na kaalaman tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga layunin. (Juan 17:3) Ang iba pang kahilingan ay ang pagsasagawa ng pananampalataya sa haing pantubos ni Jesu-Kristo at ang pagsunod sa Diyos. (Juan 3:16; 1 Juan 5:3) Liban dito, ang isa pang kahilingan ay ang “maipanganak muli” bilang isang bautisadong Kristiyano na inianak sa pamamagitan ng banal na espiritu ng Diyos. (Juan 1:12, 13; 3:3-6) Karagdagan pang kahilingan para sa makalangit na buhay ay ang magbata gaya ng ginawa ni Jesus, anupat pinatutunayang tapat sa Diyos hanggang sa kamatayan.​—Lucas 22:29; Apocalipsis 2:10.

May dahilan para sa gayong mataas na mga kahilingan. Yaong mga binuhay-muli tungo sa langit ay may mahalagang gawaing gaganapin. Alam ni Jehova na hindi kailanman matagumpay na mapangangasiwaan ng mga pamahalaan ng tao ang mga bagay-bagay dito sa lupa. Kaya nagsaayos siya ng isang makalangit na pamahalaan, o Kaharian, na mamamahala sa sangkatauhan. (Mateo 6:9, 10) Si Jesus ang magiging Hari sa Kahariang iyon. (Daniel 7:13, 14) Ang ilang pinili mula sa lupa at binuhay-muli tungo sa langit ay maghaharing kasama niya. Inihula ng Bibliya na ang mga binuhay-muling ito ay magiging “isang kaharian at mga saserdote sa ating Diyos, at sila ay mamamahala bilang mga hari sa ibabaw ng lupa.”​—Apocalipsis 5:10.

Maging kuwalipikado kaya ang malaking bilang ng mga tao para sa makalangit na pagkabuhay-muli? Hindi. Bagaman wala sa kanila ang pagkukulang, karamihan sa mga natutulog sa kamatayan ay hindi kuwalipikado. Marami ang may kakaunti o hindi nagkaroon ng pagkakataong makaalam ng katotohanan tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga layunin. Sila’y nabuhay at namatay na walang anomang kaalaman tungkol kay Jesu-Kristo o sa Kaharian ng Diyos.

Tinawag ni Jesus na “munting kawan” ang mga tutungo sa langit. (Lucas 12:32) Nang maglaon ay isiniwalat na ang bilang niyaong “binili mula sa lupa” upang mamahala kasama ni Kristo sa langit ay 144,000. (Apocalipsis 14:1-3; 20:6) Bagaman ang 144,000 ay isa nang malaki-laking bilang upang umokupa sa “maraming tahanan” na tinukoy ni Jesus, ito ay maliit lamang kung ihahambing sa bilyun-bilyong tao na naging inapo ni Adan.​—Juan 14:2.

Mga Pangyayari Bago ang Makalupang Pagkabuhay-muli

Ating repasuhin ang napag-usapan na natin. Ayon sa Bibliya, yaong mga namatay ay walang buhay sa kamatayan hanggang sa sila ay buhaying-muli ng Diyos na Jehova. Ang ilan ay binuhay-muli tungo sa buhay sa langit, kung saan sila ay mamamahalang kasama ni Jesu-Kristo sa Kahariang pamahalaan. Karamihan sa mga tao ay bubuhaying-muli sa lupa, upang maging mga sakop ng Kahariang iyon.

Sa pamamagitan ng makalupang pagkabuhay-muli, isasakatuparan ni Jehova ang bahagi ng kaniyang layunin para sa lupa. Nilikha ito ni Jehova “upang tahanán.” (Isaias 45:18) Ito’y nilayong maging permanenteng tahanan ng sangkatauhan. Kaya naman, umawit ang salmista: “Kung tungkol sa mga langit, ang mga langit ay kay Jehova, ngunit ang lupa ay kaniyang ibinigay sa mga anak ng mga tao.”​—Awit 115:16.

Bago magsimula ang makalupang pagkabuhay-muli, malalaking pagbabago ang kailangang maganap. Marahil sasang-ayon ka na hindi layunin ng Diyos para sa lupa na malipos ng digmaan, polusyon, krimen, at karahasan. Ang mga suliraning ito ay likha ng mga tao na walang paggalang sa Diyos at sa kaniyang matuwid na mga batas. Samakatuwid, pangyayarihin ng Kaharian ng Diyos na “dalhin sa pagkasira yaong mga sumisira sa lupa”​—isang pangunahing hakbang sa pagsasakatuparan ng kaniyang layunin sa lupa. (Apocalipsis 11:18) Lilipulin ng Kaharian ang lahat ng mga balakyot na tao, anupat iiwan ang matuwid upang manirahan sa lupa magpakailanman.​—Awit 37:9, 29.

Paraiso sa Lupa

Yaong mga binuhay-muli sa nilinis na lupa ay magiging mahihinahong-loob, mapagmahal na mga tao na gumagawa ng matuwid. (Ihambing ang Mateo 5:5.) Sa ilalim ng maibiging pangangasiwa ng Kaharian ng Diyos, sila’y mamumuhay ng maligayang buhay sa katiwasayan. Ipinakikita ng Bibliya ang kamangha-manghang pagsasalarawan ng mga kalagayan na iiral doon: “Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”​—Apocalipsis 21:4.

Oo, ang lupa ay gagawing isang paraiso. (Lucas 23:43) Isipin ang ibig sabihin niyon! Mawawala na ang mga ospital at mga bahay-ampunan. Sa Paraiso, yaong mga pinahihirapan ngayon ng mga epekto ng katandaan ay muling lalakas at lulusog. (Job 33:25; Isaias 35:5, 6) Wala na ring mga punerarya, sementeryo, at mga nitso. Sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian, “sasakmalin [ni Jehova] ang kamatayan magpakailanman”. (Isaias 25:8) Ang gayong mga pagpapala ay tiyak na mangangahulugang isang bagong buhay para sa atin at para sa ating mga ninuno.

[Larawan sa pahina 7]

Yaong mga binuhay-muli sa lupa ay magiging mga sakop ng Kaharian

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share