Siya ang Tagapagpauna sa Mesiyas
ISANG malapad na sinturong katad ang lalong nagpatingkad sa kaniyang balat na sunóg sa araw. Palibhasa’y nakasuot ng damit na yari sa balahibo ng kamelyo, talaga namang siya’y kawangis ng isang propeta. Marami ang naakit na pumaroon sa kaniya sa ilog Jordan. Doon ang kawili-wiling lalaking ito ay tahasang nagpahayag na siya’y handang magbautismo sa mga nagsisising makasalanan.
Namangha ang mga tao! Sino ang taong ito? Ano ang kaniyang layunin?
Sinabi ni Jesu-Kristo tungkol sa taong ito: “Bakit nga kayo lumabas? Upang makita ang isang propeta? Oo, sinasabi ko sa inyo, at malayong higit kaysa sa isang propeta. . . . Sa gitna niyaong mga ipinanganak ng mga babae ay walang ibinangon na isang mas dakila kaysa kay Juan Bautista.” (Mateo 11:9-11) Bakit kaya si Juan ay isang natatanging tao? Sapagkat siya ang tagapagpauna sa Mesiyas.
Inihula ang Kaniyang Misyon
Mahigit na 700 taon bago isilang si Juan, ipinahayag ni Jehova na ang isang ito ay sisigaw mula sa ilang: “Ihanda ninyo ang daan ni Jehova! Pantayin ninyo sa ilang ang lansangan para sa ating Diyos.” (Isaias 40:3; Mateo 3:3) Mahigit na 400 taon bago isilang si Juan, ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ay nagsabi: “Narito! Aking susuguin sa inyo si Elias na propeta bago dumating ang dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova.” (Malakias 4:5) Ang bagay na isinilang si Juan na Tagapagbautismo humigit-kumulang mga anim na buwan bago kay Jesus ay hindi nagkataon lamang, ni nangyari ito sa pamamagitan ng likas na mga paraan. Tulad ng pagsilang ng ipinangakong sanggol na si Isaac, ang pagsilang kay Juan ay isang himala, sapagkat kapuwa ang kaniyang mga magulang, sina Zacarias at Elisabet, ay lampas na sa karaniwang edad para sa pag-aanak.—Lucas 1:18.
Kahit na bago ipinaglihi si Juan, ang kaniyang atas, gawain, at paraan ng pamumuhay ay isiniwalat na ni anghel Gabriel. Taglay ang lakas at espiritu ni Elias, panunumbalikin ni Juan ang mga masuwayin buhat sa daan ng kamatayan at ihahanda sila sa pagtanggap kay Jesus bilang ang Mesiyas. Mula sa pagsilang, si Juan ay magiging isang Nazareo, na lubusang nakatalaga sa Diyos, at hindi dapat uminom ng alak o matapang na inumin. Tunay, ang kaniyang pagkain sa ilang ay “kulisap na balang at pulot-pukyutang ligaw.” (Marcos 1:6; Bilang 6:2, 3; Lucas 1:13-17) Tulad ni Samuel, mula sa pagkabata si Juan ay pantanging pinili ukol sa maluwalhating paglilingkuran sa Kataas-taasang Diyos.—1 Samuel 1:11, 24-28.
Maging ang pangalang Juan ay pinili ng Diyos. Ang pangalang Hebreo na isinaling “Juan” ay nangangahulugang “Si Jehova Ay Nagpakita ng Pabor; Si Jehova ay May Magandang-Loob.”
Nang ang bata ay tuliin noong ikawalong araw, ang kaniyang ama, si Zacarias, ay kinasihan upang magpahayag: “Kung tungkol sa iyo, munting anak, tatawagin kang propeta ng Kataas-taasan, sapagkat magpapauna ka sa harap ni Jehova upang ihanda ang kaniyang daan, upang magbigay ng kaalaman tungkol sa kaligtasan sa kaniyang bayan sa pamamagitan ng kapatawaran ng kanilang mga kasalanan, dahil sa magiliw na pagkamadamayin ng ating Diyos. Dahilan sa pagkamadamaying ito dadalawin tayo ng bukang-liwayway mula sa itaas.” (Lucas 1:76-78) Ang pangmadlang ministeryo ni Juan ay magiging pangunahin sa kaniyang buhay. Kung ihahambing dito, lahat ng iba pang bagay ay hindi mahalaga. Kaya naman, sa Kasulatan ay sinasaklaw ang unang 30 taon ng buhay ni Juan sa iisang talata: “Ang munting bata ay patuloy na lumaki at lumakas sa espiritu, at nanatili siyang nasa mga disyerto hanggang sa araw ng hayagang pagpapakita ng kaniyang sarili sa Israel.”—Lucas 1:80.
Tinig sa Ilang
Noong ika-15 taon ng paghahari ni Tiberio Cesar, nang si Poncio Pilato ang gobernador ng Judea, si Juan na Tagapagbautismo ay lumitaw sa ilang taglay ang nakabibiglang mensaheng ito: “Magsisi kayo, sapagkat ang kaharian ng mga langit ay malapit na.” (Mateo 3:2; Marcos 1:4; Lucas 3:1, 2) Ang mga naninirahan sa buong rehiyon ay napukaw. Ang buong-tapang na paghahayag na iyon ay nakaapekto sa puso ng mga taong nag-aasam ng tiyak na pag-asa. Ang pabalita ni Juan ay sumubok din sa pagpapakumbaba ng isang tao sapagkat humihiling ito ng taos-pusong pagsisisi. Ang kaniyang kataimtiman at paninindigan ang nakapukaw sa karamihan ng mga tapat at taimtim na mga tao na ituring siya bilang isang taong sinugo ng Diyos.
Ang katanyagan ni Juan ay lumaganap tulad sa pamimitak ng bagong araw. Bilang propeta ni Jehova, siya’y dagling nakilala sa kaniyang kasuutan at debosyon. (Marcos 1:6) Maging ang mga saserdote at Levita ay naglakbay mula sa Jerusalem upang alamin kung ano ang pumupukaw ng lahat ng interes na ito. Magsisi? Bakit, at sa ano? Sino ba ang taong ito? Nais nilang malaman. Nagpaliwanag si Juan: “ ‘Hindi ako ang Kristo.’ At kanilang tinanong siya: ‘Ano, kung gayon? Ikaw ba si Elias?’ At kaniyang sinabi: ‘Hindi ako.’ ‘Ikaw ba Ang Propeta?’ At siya ay sumagot: ‘Hindi!’ Kaya kanilang sinabi sa kaniya: ‘Sino ka ba? upang kami ay makapagbigay ng sagot doon sa mga nagsugo sa amin. Ano ang sinasabi mo tungkol sa iyong sarili?’ Kaniyang sinabi: ‘Ako ay isang tinig ng isa na sumisigaw sa ilang, “Tuwirin ninyo ang daan ni Jehova,” gaya ng sinabi ni Isaias na propeta.’ Ngayon yaong mga isinugo ay mula sa mga Fariseo. Kaya kanilang tinanong siya at sinabi sa kaniya: ‘Kung gayon, bakit ka nagbabautismo kung hindi ikaw mismo ang Kristo o si Elias o Ang Propeta?’ ”—Juan 1:20-25.
Ang pagsisisi at bautismo ay kailangan para sa mga papasok sa Kaharian. Sa gayon, tumugon si Juan: ‘Binabautismuhan ko sa tubig ang mga nagsising makasalanan, subalit pagkatapos ko ay may isa na mas malakas na babautismuhan kayo sa banal na espiritu at apoy. Aba, hindi nga ako angkop kahit na magkalag ng kaniyang mga sandalyas. At mag-ingat kayo! May palang pantahip na nasa kamay niya at titipunin ang trigo sa kaniyang kamalig ngunit ang ipá ay kaniyang susunugin at sisirain.’ (Lucas 3:15-17; Gawa 1:5) Tunay, ipagkakaloob ang banal na espiritu sa mga tagasunod ng Mesiyas, ngunit ang kaniyang mga kaaway ay daranas ng apoy ng pagkapuksa.
“Lahat ng Uri ng mga Tao” ay Binigyang-Babala
Maraming tapat-pusong Judio ang napukaw ng mga salita ni Juan at hayagang ipinaalam ang kanilang mga kasalanan ng di-katapatan sa tipang Batas. Hayagang ipinakita nila ang kanilang pagsisisi sa pamamagitan ng pagpapabautismo kay Juan sa Ilog Jordan. (Mateo 3:5, 6) Bunga nito, ang kanilang mga puso ay nasa tamang kalagayan upang tanggapin ang Mesiyas. Upang matugunan ang kanilang pagkauhaw sa kaalaman tungkol sa matuwid na mga kahilingan ng Diyos, sila’y may kagalakang tinuruan ni Juan bilang kaniyang mga alagad, tinuruan pa man din sila na manalangin.—Lucas 11:1.
Tungkol sa tagapagpaunang ito sa Mesiyas, sumulat si apostol Juan: “Ang taong ito ay dumating ukol sa isang patotoo, upang magpatotoo tungkol sa liwanag, upang ang lahat ng uri ng mga tao ay maniwala sa pamamagitan niya.” (Juan 1:7) Nangyari nga na lahat ng uri ng tao ay nagsidating upang makinig kay Juan na Tagapagbautismo habang siya’y ‘hayagang nangangaral sa lahat ng mga tao ng Israel ng bautismo bilang sagisag ng pagsisisi.’ (Gawa 13:24) Pinapag-ingat niya ang mga maniningil ng buwis laban sa pangingikil. Binigyang-babala niya ang mga kawal laban sa pananakot kaninuman o sa pagpaparatang ng di-totoo. At sinabi niya sa mapagbanal-banalan, mapagpaimbabaw na mga Fariseo at Saduceo: “Kayong supling ng mga ulupong, sino ang nagbigay-alam sa inyo upang tumakas mula sa dumarating na poot? Kung gayon ay magluwal kayo ng bunga na naaangkop sa pagsisisi; at huwag ipagpalagay na sabihin sa inyong mga sarili, ‘Bilang ama ay taglay namin si Abraham.’ Sapagkat sinasabi ko sa inyo na ang Diyos ay makapagbabangon ng mga anak kay Abraham mula sa mga batong ito.”—Mateo 3:7-9; Lucas 3:7-14.
Bilang isang grupo, ang relihiyosong mga lider noong kaarawan ni Juan ay tumangging maniwala sa kaniya at siya’y pinagbintangang inaalihan ng demonyo. Tinanggihan nila ang daan ng katuwiran na umaakay sa buhay na walang-hanggan. Samantala, ang makasalanang mga maniningil ng buwis at mga patutot na naniwala sa patotoo ni Juan ay nagsisi at nabautismuhan. Nang takdang panahon, tinanggap nila si Jesu-Kristo bilang ang Mesiyas.—Mateo 21:25-32; Lucas 7:31-33.
Ipinakilala ang Mesiyas
Sa loob ng anim na buwan—mula sa tagsibol hanggang sa taglagas ng 29 C.E.—itinawag-pansin ng tapat na saksi ng Diyos na si Juan sa mga Judio ang dumarating na Mesiyas. Panahon na noon para sa paglitaw ng Mesianikong Hari. Subalit noon, siya’y lumusong sa tubig ding iyon ng Jordan at humiling na siya’y bautismuhan. Sa simula ay tumanggi si Juan, ngunit pagkaraan ay pumayag din siya. Gunigunihin ang kaniyang kagalakan nang bumaba kay Jesus ang banal na espiritu at narinig ang tinig ni Jehova na nagpapahayag ng pagsang-ayon sa Kaniyang Anak.—Mateo 3:13-17; Marcos 1:9-11.
Si Juan ang unang nakakilala kay Jesus bilang ang Mesiyas, at ipinakilala niya sa Pinahirang ito ang kaniyang mga alagad. “Tingnan ninyo,” sabi ni Juan, “ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan!” Ipinahayag din niya: “Ito ang isa na tungkol sa kaniya ay aking sinabi, Sa likuran ko ay may dumarating na isang lalaki na nauna na sa harap ko, sapagkat siya ay umiral bago pa ako. Kahit ako man ay hindi nakakilala sa kaniya, ngunit ang dahilan kung bakit ako dumating na nagbabautismo sa tubig ay upang mahayag siya sa Israel.”—Juan 1:29-37.
Nagpatuloy ang gawain ni Juan kasabay ng ministeryo ni Jesus sa loob ng mga anim na buwan. Kapuwa nila nauunawaan ang ginagawa ng bawat isa. Minalas ni Juan ang kaniyang sarili bilang kaibigan ng Kasintahang lalaki at nagalak na makitang ang Kristo ay dumami samantalang siya at ang kaniyang gawain ay kumaunti.—Juan 3:22-30.
Ipinakilala ni Jesus si Juan bilang kaniyang tagapagpauna, na inilarawan ni Elias. (Mateo 11:12-15; 17:12) Minsan, sinabi ni Jesus: “Ang Batas at ang mga Propeta ay hanggang kay Juan. Mula noon ang kaharian ng Diyos ay ipinahahayag bilang mabuting balita, at bawat uri ng tao ay nagpupunyaging pasulong tungo roon.”—Lucas 16:16.
Tapat Hanggang sa Wakas
Si Juan ay dinakip at ibinilanggo dahilan sa may tapang na ipinahayag niya ang katotohanan. Hindi siya umurong buhat sa pananagutan na ibunyag kahit ang kasalanan ni Haring Herodes. Labag sa batas ng Diyos, ang haring iyon ay nakikipangalunya kay Herodias, ang asawa ng kaniyang kapatid. Buong-tapang na nagsalita si Juan upang si Haring Herodes ay magsisi at kaawaan ng Diyos.
Anong inam na halimbawa si Juan sa pananampalataya at pag-ibig! Bagaman sariling kalayaan niya ang kapalit, pinatunayan niya ang kaniyang katapatan sa Diyos na Jehova at ang kaniyang pag-ibig sa kaniyang kapuwa-tao. Matapos mabilanggo nang isang taon, si Juan ay pinugutan ng ulo bunga ng udyok-ng-Diyablong pakana ng balakyot na si Herodias, na “nagkimkim ng sama ng loob” laban sa kaniya. (Marcos 6:16-19; Mateo 14:3-12) Subalit ang tagapagpauna sa Mesiyas ay nanatiling tapat kay Jehova at di na magtatagal siya ay ibabangon mula sa mga patay upang tamasahin ang buhay sa matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos.—Juan 5:28, 29; 2 Pedro 3:13.