Ang Ipinangakong Sanlibutan na Walang Katiwalian
NAKAPASOK na ang katiwalian sa lahat ng antas sa lipunan. Maging iyon man ay sa pamahalaan, siyensiya, palakasan, relihiyon, o negosyo, waring di na mapigil ang katiwalian.
Sa buong daigdig, nakapanlulumong mga balita tungkol sa mga iskandalong katiwalian ang laging nasa mga ulong-balita. Marami na nangakong maglilingkod sa kapakanan ng mga tao ang nabubunyag na inuuna ang kanilang sariling kapakanan sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga suhol at kupit. Palasak na ang tinatawag na krimeng isinasagawa ng mga de opisina. Parami nang paraming tao na nasa mataas na antas sa lipunan o kabuhayan ang gumagawa ng malulubhang krimen at lumalabag sa tuntunin ng moralidad may kinalaman sa kanilang regular na mga hanapbuhay.
Tumitindi ang pagkabahala hinggil sa inilalarawan ng isang pahayagan sa Europa bilang “ ‘maringal na katiwalian’—ang paghingi ng kabayaran bago sang-ayunan ang malalaking pagbili at proyekto na siyang kinagawian ng matataas na opisyal, ministro at, kadalasan, ng mga pinuno ng estado.” Sa isang bansa, “ang pag-iimbestiga ng pulisya at halos araw-araw na pag-aresto sa loob ng dalawang taon ay hindi pa rin nakapigil sa mga talamak na sa katiwalian,” sabi ng magasing The Economist sa Britanya.
Dahil sa gayong malaganap na katiwalian, marami ang nakadarama sa ngayon na wala nang sinuman ang maaari nilang pagkatiwalaan. Nadarama nila ang kagaya ng nadama ng manunulat ng Bibliya na si David nang kaniyang sabihin: “Silang lahat ay lumihis, sila’y pawang nagpakasamâ; walang sinuman ang gumagawa ng mabuti, wala ni isa.”—Awit 14:3.
Papaano mo hinaharap ang katunayan ng malaganap na katiwalian? Ipinagwawalang-bahala na lamang ito ng karamihan ng tao sa ngayon. Subalit kahit na ipagwalang-bahala mo ang katiwalian, makapipinsala pa rin ito sa iyo. Papaano?
Ang Katiwalian ay Nakaaapekto sa Iyo
Kapuwa ang malalaki at maliliit na katiwalian ay nagpapataas sa halaga ng pamumuhay, pinabababa ang kalidad ng mga produkto, at nagiging sanhi ng mas kakaunting trabaho at mas mabababang suweldo. Halimbawa, tinataya na ang mga krimen tulad ng pangungurakot at pandaraya ay katumbas ng di-kukulangin sa sampung ulit ng pinagsama-samang halaga ng panloloob, pagnanakaw, at pang-uumit. Sinabi ng The New Encyclopædia Britannica (1992) na “ang halaga ng krimen ng mga korporasyon sa Estados Unidos ay tinatayang umaabot sa $200,000,000,000 sa isang taon—tatlong ulit ng halaga ng organisadong krimen.” Ipinaliliwanag ng reperensiyang ito na samantalang hindi agad mahahalata ang mga resulta, “ang gayong mga krimen ay may matinding epekto sa kaligtasan ng mga manggagawa, mamimili, at ng kapaligiran.”
Ang mapait na mga bunga ng katiwalian ay nagpapagunita sa atin ng mga salita ni Haring Solomon: “Ako mismo ay bumalik upang makita ko ang lahat ng paniniil na ginagawa sa ilalim ng araw, at, narito! ang mga luha niyaong mga sinisiil, ngunit wala silang mang-aaliw; at sa panig ng mga sumisiil sa kanila ay may kapangyarihan, anupat wala silang mang-aaliw.”—Eclesiastes 4:1.
Kung gayon, tatanggapin na lamang ba natin ang katiwalian? Ito ba ay isang bagay na di-maiiwasan? Pangarap ba lamang ang isang sanlibutan na walang katiwalian? Mabuti na lamang at hindi gayon! Itinuturo sa atin ng Bibliya na malapit nang magwakas ang pang-aapi at katampalasanan.
Kung Ano ang Sinasabi sa Atin ng Bibliya
Sinasabi sa atin ng Bibliya na ang katiwalian ay nagsimula nang maghimagsik sa Diyos ang isang makapangyarihang anghel at udyukan ang unang mag-asawa na makisali sa kaniya. (Genesis 3:1-6) Walang naging mabuting bunga ang kanilang makasalanang landasin. Sa halip, mula nang araw na magkasala sa Diyos na Jehova sina Adan at Eva, sila’y nagsimulang dumanas ng masasamang bunga ng katiwalian. Nagsimula ang unti-unting panghihina ng kanilang katawan, na umakay sa di-maiiwasang kamatayan. (Genesis 3:16-19) Mula noon, ang kasaysayan ay napunô ng mga halimbawa ng panunuhol, panlilinlang, at pandaraya. Subalit karamihan ng nagsasagawa nito ay waring nakaiiwas sa parusa.
Di-tulad ng karaniwang mga kriminal, ang tiwaling mga tagapamahala at pulitiko ay bihirang mabilanggo o kaya’y magsauli ng mga bagay na natamo nila sa pamamagitan ng pandaraya. Dahil karaniwan nang palihim na ginagawa ang pagsuhol, pangungupit, at mga pabuya, malimit na mahirap mailantad ang malalaking katiwalian. Subalit hindi ibig sabihin nito na pangarap na lamang ang isang sanlibutan na walang katiwalian.
Ang lunas sa katiwalian ay manggagaling sa Maylikha ng tao, ang Diyos na Jehova. Ang pakikialam ng Diyos lamang ang tanging solusyon. Bakit? Sapagkat ang di-nakikitang kaaway ng sangkatauhan, si Satanas na Diyablo, ay patuloy na dumadaya sa sangkatauhan. Gaya ng mababasa natin sa 1 Juan 5:19, “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” Papaano pa nga ba maipaliliwanag ang pagdami ng mga gawang katiwalian—na karamihan ay naisagawa nang hindi naparurusahan?
Hindi sapat ang anumang pagsisikap ng tao upang madaig si Satanas at ang kaniyang mga demonyo. Ang pagkilos lamang ng Diyos ang makagagarantiya sa masunuring sangkatauhan ng “maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” (Roma 8:21) Nangangako si Jehova na malapit nang pigilin si Satanas upang hindi na niya madaya pa ang sangkatauhan. (Apocalipsis 20:3) Samantala, kung hangad nating mabuhay sa malaya-sa-katiwaliang bagong sanlibutan ng Diyos, kailangang tanggihan natin ang tiwaling mga daan ng sanlibutang ito.
Ang mga Tao ay Makapagbabago
Noong mga kaarawan ni Jesu-Kristo, mayroong mga nag-abuso sa kanilang kapangyarihan at naniil sa kanilang kapuwa. Halimbawa, kilala ang mga maniningil ng buwis dahil sa kanilang tiwaling mga gawain. Ito ay sa kabila ng maliwanag na batas ng Diyos: “Huwag kang tatanggap ng suhol, sapagkat ang suhol ay bumubulag sa mga taong may malinaw na paningin at pumipilipit sa mga salita ng mga taong matuwid.” (Exodo 23:8) Inamin ni Zaqueo, isang punong maniningil ng buwis, na siya ay nangikil sa pamamagitan ng bulaang akusasyon. Ngunit sa halip na itaguyod ang malawakang reporma sa lipunan, hinimok ni Jesus ang mga indibiduwal na magsisi at iwan ang kanilang tiwaling mga daan. Bunga nito, tinalikdan ng kilalang tiwaling mga maniningil ng buwis na gaya nina Mateo at Zaqueo ang kanilang dating istilo ng pamumuhay.—Mateo 4:17; 9:9-13; Lucas 19:1-10.
Yaong nasasangkot sa di-tapat na mga gawain ngayon ay makatatanggi rin naman sa katiwalian sa pamamagitan ng pagsusuot ng “bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa totoong katuwiran at pagkamatapat.” (Efeso 4:24) Maaaring hindi madali ang maging tapat sa pagbabayad ng buwis o huminto sa pakikibahagi sa kahina-hinalang mga pamamaraan. Gayunman, ang anumang pagsisikap ay sulit dahil sa ibubungang pakinabang.
Palibhasa’y hindi na hinuhubog ng tiwaling sanlibutang ito, yaong mga interesado sa kapakanan ng iba ay nagtatamasa ng kapayapaan ng loob. Walang pangamba na mahuli dahil sa paggawa ng mali. Sa halip, nagtatamasa sila ng isang mabuting budhi. Tinutularan nila ang halimbawa sa Bibliya ni Daniel na propeta. Sinasabi ng ulat sa Bibliya na ang matataas na opisyal ay patuloy na humahanap ng pagpapanggap laban kay Daniel. “Subalit wala silang masumpungang anumang pagpapanggap o tiwaling bagay, yamang siya ay mapagkakatiwalaan at walang anumang kapabayaan o tiwaling bagay ang nasumpungan sa kaniya.”—Daniel 6:4.
Ang Pangako ni Jehova
Nangangako si Jehova na “bagaman ang makasalanan ay gumagawa ng kasamaan na makaisang daang beses at nagpapatuloy nang matagal ayon sa kaniyang kagustuhan, gayunma’y talastas ko na mabuti ang kalalabasan para sa mga natatakot sa tunay na Diyos, sapagkat sila’y natatakot sa kaniya. Ngunit hindi ikabubuti ng balakyot, ni pahahabain man niya ang kaniyang mga araw na gaya ng isang anino, sapagkat siya’y hindi natatakot sa Diyos.”—Eclesiastes 8:12, 13.
Kay laki ngang ginhawa kapag ang katiwalian ay hindi na nagdudulot ng kalungkutan! Anong laking pagpapala na mabuhay magpakailanman sa isang sanlibutan na walang katiwalian! Hindi ito imposible. Bumabanggit ang Bibliya tungkol sa “pag-asa sa buhay na walang-hanggan na ipinangako ng Diyos, na hindi makapagsisinungaling, bago pa ang lubhang mahabang mga panahon.” (Tito 1:2) Kung kinamumuhian mo ang katiwalian at iniibig ang katuwiran, malamang na masaksihan mo ang katuparan ng pangako ng Diyos na isang sanlibutan na walang katiwalian.
[Larawan sa pahina 4]
Laganap ang katiwalian sa pamahalaan at sa negosyo
[Larawan sa pahina 5]
Malimit na nakaaapekto ang katiwalian sa pakikitungo sa mga opisyal ng bayan