Mga Tanong Mula sa Mga Mambabasa
Ayon sa Galacia 6:8, “siya na naghahasik may kinalaman sa kaniyang laman ay mag-aani ng kasiraan mula sa kaniyang laman, ngunit siya na naghahasik may kinalaman sa espiritu ay mag-aani ng buhay na walang-hanggan mula sa espiritu.” Anong “espiritu” ang tinutukoy rito, at papaano natin makakamit ang buhay na walang-hanggan sa pamamagitan nito?
Ang Hebreo at Griegong mga salita na isinaling “espiritu” ay may iba’t ibang kahulugan, tulad ng: (1) aktibong puwersa ng Diyos, (2) ang puwersa ng buhay na nasa mga tao o mga hayop, (3) ang nagpapakilos na hilig sa kaisipan ng tao, at (4) espiritung persona, o anghel. Ang una sa mga ito—ang aktibong puwersa ng Diyos—ang kahulugan na tinutukoy sa Galacia 6:8.
Upang makatulong sa pagsusuri, pansinin ang Galacia 3:2, na doon unang ginamit ang salitang “espiritu” sa aklat ng Galacia. Tinanong ni Pablo ang mga Kristiyano: “Tinanggap ba ninyo ang espiritu dahil sa mga gawa ng batas o dahil sa pakikinig sa pamamagitan ng pananampalataya?” Pagkatapos, sa Galacia 3:5, iniugnay niya ang “espiritu” na iyan sa pagganap ng makapangyarihang mga gawa. Kaya ang “espiritu” na tinutukoy niya ay ang banal na espiritu, ang di-nakikita, aktibong puwersa ng Diyos.
Nang dakong huli, sa Galacia 5:16, pinaghambing ni Pablo ang espiritu at laman. Mababasa natin: “Sinasabi ko, Patuloy na lumakad sa espiritu at hindi kayo kailanman makagagawa ng makalamang nasa.” Sa “makalamang nasa” ang tinutukoy niya’y makasalanang hilig ng laman. Kaya, sa Galacia 5:19-23, itinatala niya “ang mga gawa ng laman” na kasalungat sa “bunga ng espiritu.”
Samakatuwid, sa Galacia 6:8, ang taong “naghahasik may kinalaman sa kaniyang laman” ay isang taong napahihikayat sa makasalanang nasa ng laman, na nagpapasasa sa “mga gawa ng laman.” Daranasin niya ang nakasasamang epekto ng gayong paggawi, at kung hindi siya magbabago, tiyak na hindi niya tatamuhin ang buhay sa ilalim ng Kaharian ng Diyos.—1 Corinto 6:9, 10.
Bilang nakatalagang mga Kristiyano dapat na naisin nating ‘maghasik may kinalaman sa espiritu ng Diyos.’ Nasasangkot dito ang pamumuhay sa paraan na nagbibigay-daan sa malayang pagdaloy ng banal na espiritu sa ating buhay, anupat tumutulong sa atin na magpamalas ng mga bunga nito. Dapat nating tandaan iyan kapag pumipili tayo ng babasahín o programa sa telebisyon na panonoorin. Naghahasik tayo may kinalaman sa espiritu kung tayo’y nagbibigay-pansin sa mga pulong ng kongregasyon at nagsisikap na ikapit ang payo ng matatanda na hinirang ng banal na espiritu.—Gawa 20:28.
Kapansin-pansin, nagtatapos ang Galacia 6:8 taglay ang katiyakan na kung tayo’y naghahasik kasuwato ng banal na espiritu, tayo’y makakahanay upang ‘mag-ani ng buhay na walang-hanggan mula sa espiritu.’ Oo, salig sa pantubos ni Kristo, ang Diyos ay magkakaloob ng walang-hanggang buhay sa pamamagitan ng pagkilos ng banal na espiritu.—Mateo 19:29; 25:46; Juan 3:14-16; Roma 2:6, 7; Efeso 1:7.