Mga Tagapamahala sa Dako ng mga Espiritu
SINO ang namamahala sa sanlibutan? Mayroon bang isang anyo ng pangangasiwa na nakahihigit sa tao? O pinababayaan ng Diyos ang mga tao na mangalaga sa kanilang sarili? Sa paghanap ng sagot sa mga tanong na ito, isaalang-alang muna natin ang isang pangyayari na naganap sa panahon ng makalupang ministeryo ni Jesu-Kristo.
Karaka-raka pagkatapos ng kaniyang bautismo, si Jesus ay tinukso ng isang di-nakikitang espiritung nilalang na tinatawag na Satanas na Diyablo. Sa pagbanggit sa isa sa mga tukso, sinasabi ng Bibliya: “Dinala [si Jesus] ng Diyablo sa isang bundok na di-pangkaraniwan ang taas, at ipinakita sa kaniya ang lahat ng mga kaharian ng sanlibutan at ang kanilang kaluwalhatian.” (Mateo 4:8) Pagkatapos ay sinabi ni Satanas kay Jesus: “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng awtoridad na ito at ang kaluwalhatian nila, sapagkat ibinigay na sa akin, at sa kaninumang nais ko ay ibinibigay ko ito. Ikaw, kung gayon, kung gagawa ka ng isang gawang pagsamba sa harap ko, ay magiging iyong lahat ito.”—Lucas 4:6, 7.
Si Satanas ay nag-angking may taglay na awtoridad sa ibabaw ng lahat ng kaharian, o mga pamahalaan, ng sanlibutang ito. Itinanggi ba ni Jesus ang pag-aangking ito? Hindi. Sa katunayan, tiniyak niya ito sa isa pang pagkakataon sa pamamagitan ng pagtukoy kay Satanas bilang “ang tagapamahala ng sanlibutan.”—Juan 14:30.
Ayon sa Bibliya, si Satanas ay isang balakyot na anghel na may malaking kapangyarihan. Iniuugnay ng Kristiyanong apostol na si Pablo si Satanas sa “balakyot na mga puwersang espiritu” at binabanggit sila bilang ang “mga tagapamahala ng sanlibutan ng kadilimang ito.” (Efeso 6:11, 12) Bukod dito, sinabi ni apostol Juan na “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19) Sinasabi ng aklat ng Bibliya na Apocalipsis na si Satanas ay “nagliligaw sa buong tinatahanang lupa.” (Apocalipsis 12:9) Sa makasagisag na pananalita, inilalarawan din ng Apocalipsis si Satanas bilang isang dragon na nagbibigay sa makapulitikang sistema ng sanlibutan ng ‘kaniyang kapangyarihan at ng kaniyang trono at dakilang awtoridad.’—Apocalipsis 13:2.
Pinatutunayan din ng mga pangyayari sa sanlibutan na may isang balakyot na kapangyarihan na kumikilos, anupat iniimpluwensiyahan ang mga tao sa kanilang ikapipinsala. May iba pa kayang dahilan kung bakit nabibigo ang mga pamahalaan ng tao na itaguyod ang kapayapaan? Ano pa nga ba ang dahilan ng pagkakapootan at pagpapatayan ng mga tao sa isa’t isa? Palibhasa’y nangingilabot sa pamamaslang at kamatayan sa isang gera sibil, ganito ang sabi ng isang saksing nakakita: “Hindi ko maubos-maisip kung papaano nangyayari ito. Masahol pa ito sa pagkakapootan. Ito’y isang balakyot na espiritu na gumagamit sa mga taong ito upang lipulin ang isa’t isa.”
Isang Tunay na Persona na Salungat sa Diyos
Sa ngayon, marami ang hindi naniniwala na may isang Satanas na Diyablo. Subalit, siya ay hindi lamang ang simulain ng kabalakyutan sa sangkatauhan, gaya ng paniwala ng iba. Ipinakikita kapuwa ng Bibliya at ng mga pangyayari sa daigdig na siya ay isang tunay na persona. Isa pa, si Satanas ay lubusang salungat sa Diyos na Jehova. Sabihin pa, hindi kapantay ng Diyos si Satanas. Yamang si Jehova ang makapangyarihan-sa-lahat na Maylalang, siya ang nararapat na Tagapamahala sa lahat ng nilalang.—Apocalipsis 4:11.
Hindi lumalang ang Diyos ng isang balakyot na nilikha na salungat sa kaniya. Sa halip, isa sa anghelikong “mga anak ng Diyos” ang tinubuan ng mapag-imbot na hangaring agawin para sa kaniyang sarili ang pagsambang nararapat lamang kay Jehova. (Job 38:7; Santiago 1:14, 15) Ang hangaring ito ang umakay sa kaniya na tumahak sa isang landasin ng paghihimagsik laban sa Diyos. Sa pamamagitan ng paghihimagsik, ginawa ng espiritung nilalang na ito ang kaniyang sarili na Satanas (nangangahulugang “mánlalabán”) at Diyablo (nangangahulugang “maninirang-puri”). Dahil dito, baka isipin mo kung bakit pinahihintulutan si Satanas na mamahala sa sanlibutan.
Bakit Pinapayagang Mamahala si Satanas
Natatandaan mo ba ang sinabi ni Satanas kay Jesus tungkol sa pamamahala sa lupa? “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng awtoridad na ito . . . sapagkat ibinigay na sa akin,” sabi ni Satanas. (Lucas 4:6) Ipinakikita ng pangungusap na iyan na si Satanas na Diyablo ay humahawak ng awtoridad dahil lamang sa pahintulot ng Diyos. Subalit bakit hinahayaan ng Diyos si Satanas?
Ang sagot sa tanong na iyan ay may kaugnayan sa mga pangyayari sa halamanan ng Eden, kung saan sinimulan ni Satanas ang kaniyang karera bilang tagapamahala ng sanlibutan. Doon ay ipinahiwatig ni Satanas na ang Diyos ay namamahala sa masamang paraan sa pamamagitan ng pagkakait ng isang bagay na mabuti sa unang lalaki at babae, sina Adan at Eva. Ayon kay Satanas, kung kakanin nila ang prutas na ipinagbabawal ng Diyos, sila’y makalalaya. Sina Adan at Eva ay magiging malaya at hindi aasa kay Jehova. Sila ay magiging kagaya ng Diyos mismo!—Genesis 2:16, 17; 3:1-5.
Sa ganitong pagsisinungaling at panghihikayat kay Eva at sa pamamagitan ng paghimok niya kay Adan na labagin ang batas ng Diyos, napasailalim ng pangunguna at pamamahala ni Satanas ang unang mag-asawa. Sa gayo’y naging diyos nila ang Diyablo, na sumasalansang kay Jehova. Gayunman, sa halip na kalayaan, naranasan nina Adan at Eva ang pagkaalipin kay Satanas, sa kasalanan, at sa kamatayan.—Roma 6:16; Hebreo 2:14, 15.
Kasuwato ng kaniyang sakdal na katarungan, maaari namang puksain kaagad-agad ni Jehova si Satanas at ang kaniyang dalawang bagong tagasunod. (Deuteronomio 32:4) Subalit, may isang moral na isyung nasasangkot. Hinamon ni Satanas ang pagkanararapat ng paraan ng pamamahala ni Jehova. Sa kaniyang karunungan, hinayaan ng Diyos na lumipas ang panahon upang mapatunayan na ang paghiwalay sa kaniya ay nagdudulot ng kapahamakan. Pinahintulutan ni Jehova na ang mga rebelde ay patuloy na mabuhay nang isang panahon, anupat binigyan ng pagkakataon sina Adan at Eva na magkaroon ng mga supling.—Genesis 3:14-19.
Bagaman karamihan sa mga supling ni Adan ay hindi nagpasakop sa pamamahala ni Jehova, ang kahigitan nito ay nakita sa mga pakikitungo ng Diyos sa mga sumasamba sa Kaniya. Ang wastong pagkilala sa awtoridad ni Jehova ay nagdudulot ng kaligayahan at tunay na katiwasayan. Sa kabilang dako, kahapisan at kawalang-katatagan naman ang bunga ng pamamahala ng tao sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas. Oo, “dominado ng tao ang kaniyang kapuwa tao sa ikapipinsala nito.” (Eclesiastes 8:9) Hindi nakasumpong ang mga tao ng tunay na katiwasayan at namamalaging kaligayahan sa ilalim ng pamamahala ng tao sa sanlibutang ito na nasa kapangyarihan ni Satanas. Gayunman, may matibay na dahilan upang asahan ang mabuti.
Maikli Na ang Panahon ni Satanas!
Pansamantala lamang ang impluwensiya ni Satanas sa lupa. Hindi na hahayaan pa ni Jehova ang pamamahala ni Satanas! Di na magtatagal at wala nang magagawa ang Diyablo. Isang bagong tagapamahala ang susupil sa lupa, isang matuwid na haring pinili ng Diyos mismo. Ang Haring iyan ay si Jesu-Kristo. Tungkol sa kaniyang pagluklok bilang hari sa langit, sinasabi ng Apocalipsis: “Ang kaharian ng sanlibutan ay naging ang kaharian ng ating Panginoon[g Jehova] at ng kaniyang Kristo.” (Apocalipsis 11:15) Pinatutunayan ng kronolohiya ng Bibliya, pati na ng katuparan ng hula sa Kasulatan, na naganap ito noong taóng 1914.—Mateo 24:3, 6, 7.
Inilalarawan din ng Bibliya ang nangyari di-nagtagal pagkatapos ng pagluklok sa trono ni Jesus. Sinasabi nito: “Sumiklab ang digmaan sa langit: Si Miguel [si Jesu-Kristo] at ang kaniyang mga anghel ay nakipagbaka sa dragon [si Satanas na Diyablo], at ang dragon at ang mga anghel nito ay nakipagbaka ngunit hindi ito nanaig, ni wala rin namang nasumpungan pang dako para sa kanila sa langit. Kaya inihagis ang malaking dragon, ang orihinal na serpiyente, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na siyang nagliligaw sa buong tinatahanang lupa; siya ay inihagis sa lupa, at ang kaniyang mga anghel ay inihagis na kasama niya.”—Apocalipsis 12:7-9.
Ano ang ibubunga ng pagkapalayas kay Satanas mula sa langit? Yaong mga nasa langit ay makapagsasaya, subalit kumusta naman ang mga naninirahan sa lupa? “Kaabahan para sa lupa at para sa dagat,” sabi ng Apocalipsis 12:12, “sapagkat ang Diyablo ay bumaba na sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na maikli na ang kaniyang yugto ng panahon.” Oo, ang pagpapalayas kay Satanas mula sa langit ay nagdulot ng kaabahan sa lupa. Ganito ang sabi ng The Columbia History of the World: “Ang pinakamalaking kapahamakan ng Apat na Taóng Digmaan ng 1914-1918 . . . ay nagpakita sa Kanluraning daigdig na hindi nito maipagsasanggalang ang kabihasnan mula sa sariling kamangmangan o balakyot na simbuyo nito. Ang kagitingan ng Kanluran ay hindi kailanman talagang naisauli buhat sa pagkawasak na iyan.”
Ang mga kaabahan ng salinlahing ito ay makikilala bukod pa sa awasak na kagitingan. Inihula ni Jesus: “Ang bansa ay titindig laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian, at magkakaroon ng mga kakapusan sa pagkain at mga lindol sa iba’t ibang dako.” Inihula rin niya ang mga salot. (Mateo 24:7, 8; Lucas 21:11) At saka, sinasabi ng Bibliya na sa “mga huling araw” ng sistema ng mga bagay ni Satanas, marami ang magiging “maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, . . . mga masuwayin sa mga magulang, . . . mga hindi bukás sa anumang kasunduan.” Ang mga tao ay magiging “mga maibigin [din] sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos.”—2 Timoteo 3:1-5.
Ang mga digmaan, salot, kakapusan sa pagkain, lindol, at pagguho ng moral—lahat ng ito ay naganap sa lawak na di-mapapantayan mula noong 1914, gaya ng inihula ng Bibliya. Ipinakikita ng mga ito na ang nag-aapoy-sa-galit na kaaway ng Diyos at ng tao—si Satanas na Diyablo—ay pinalayas na sa langit at ngayon ay tiyak na itutuon ang kaniyang galit sa nasasakupan ng lupa. Ngunit ipinakikita rin ng Bibliya na si Satanas ay hindi na pahihintulutan pang umiral nang matagal. “Maikli na ang kaniyang yugto ng panahon” na nalalabi hanggang sa Armagedon, kapag pupuksain na ng Diyos ang sistema ng sanlibutan na pinamamahalaan ni Satanas.
Ano kung gayon ang mangyayari kay Satanas? Sumulat si apostol Juan: “Nakita ko ang isang anghel na bumababa mula sa langit na taglay ang susi ng kalaliman at isang malaking tanikala sa kaniyang kamay. At sinunggaban niya ang dragon, ang orihinal na serpiyente, na siyang Diyablo at Satanas, at ginapos siya sa loob ng isang libong taon. At inihagis niya siya sa kalaliman at isinara iyon at tinatakan iyon sa ibabaw niya.” (Apocalipsis 20:1-3) Anong laking kaginhawahan para sa nagdurusang sangkatauhan!
Pagsasaya sa Ilalim ng Pamamahala ng Kaharian
Kapag nawala na sa landas si Satanas, lubusan nang mamamahala sa sangkatauhan ang Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Jesu-Kristo. Kapalit ng maraming pamahalaan sa lupa, iisang makalangit na pamahalaan lamang ang mananatili upang mamahala sa buong planeta. Mababaon na sa limot ang digmaan, at maghahari ang kapayapaan saanman. Sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos, lahat ay mananahang magkakasama sa maibiging pagkakapatiran.—Awit 72:7, 8; 133:1; Daniel 2:44.
Anong uri kaya ng tagapamahala si Jesus? Nang siya’y narito sa lupa, nagpamalas siya ng matinding pag-ibig sa mga tao. Madamaying pinakain ni Jesus ang mga nagugutom. Pinagaling niya ang mga maysakit at isinauli ang paningin ng mga bulag, ang tinig ng mga pipi, at ang kalakasan ng binti ng mga pilay. Binuhay pa man din ni Jesus ang mga patay! (Mateo 15:30-38; Marcos 1:34; Lucas 7:11-17) Ang mga himalang ito ay patiunang pagpapaaninaw ng kagila-gilalas na mga bagay na gagawin pa niya bilang isang Hari. Tunay ngang kamangha-mangha ang magkaroon ng gayong mabait na tagapamahala!
Walang-hanggang mga pagpapala ang mararanasan niyaong mga nagpapasakop sa soberanya ni Jehova. Ipinangangako ng Kasulatan: “Sa panahong iyon ay madidilat ang mga mata ng bulag, at ang pakinig ng bingi ay mabubuksan. Sa panahong iyon ay lulukso ang pilay na parang usa, at ang dila ng pipi ay aawit sa kagalakan.” (Isaias 35:5, 6) Upang ilarawan ang dakilang araw na iyan, sumulat si apostol Juan: “Narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa trono na nagsasabi: ‘Narito! Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at tatahan siyang kasama nila, at sila ay magiging kaniyang mga bayan. At ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.’ ”—Apocalipsis 21:3, 4.
Saganang tutumbasan ng kagalakang idudulot ng pamamahala ng Diyos na Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ang anumang pagdurusa na maaaring dinanas natin sa kasalukuyang sistema ng mga bagay na pinamamahalaan ni Satanas na Diyablo. Sa ipinangakong bagong sanlibutan ng Diyos, hindi na magtatanong ang mga tao, ‘Sino ba talaga ang namumuno?’ (2 Pedro 3:13) Magiging maligaya at tiwasay ang masunuring sangkatauhan sa makalupang sakop ng maibiging mga Tagapamahala sa dako ng mga espiritu, si Jehova at si Kristo. Bakit hindi yakapin ang pag-asa na makabilang sa mga sakop nila?
[Larawan sa pahina 7]
Magiging tiwasay ang sangkatauhan sa makalupang sakop ng Kaharian ng Diyos
[Picture Credit Line sa pahina 4]
Kuha ng NASA