Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w95 8/1 p. 3-4
  • Nagbago Na ang Panahon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nagbago Na ang Panahon
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Matalinong Hari
    Ang Bibliya—Ano ang Mensahe Nito?
  • Siya Ba’y Mabuting Halimbawa sa Iyo o Isang Babala?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
  • Solomon
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Mga Bihag ng Karalitaan
    Gumising!—1998
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
w95 8/1 p. 3-4

Nagbago Na ang Panahon

TIYAK na isang kagalakan noon na mabuhay sa sinaunang Israel sa ilalim ng maluwalhating paghahari ng tapat na si Haring Solomon! Iyon ay isang yugto ng panahon ng kapayapaan, kaunlaran, at kaligayahan. Nang si Solomon ay naninindigan para sa tunay na pagsamba, saganang pinagpala ni Jehova ang bansa. Kay Haring Solomon, ipinagkaloob ng Diyos hindi lamang ang malaking kayamanan kundi gayundin ang “isang pusong pantas at may unawa” upang makapamahala si Solomon sa katuwiran at pag-ibig. (1 Hari 3:12) Ganito ang sabi ng Bibliya: “Ang lahat ng mga hari sa lupa ay naghahangad na makaharap si Solomon upang marinig ang kaniyang karunungan, na inilagay ng tunay na Diyos sa kaniyang puso.”​—2 Cronica 9:23.

Ang bayan naman ay binigyan ni Jehova ng katiwasayan, kapayapaan, at kasaganaan sa mabubuting bagay. Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Ang Juda at ang Israel ay marami, gaya ng mga butil ng buhangin na nasa tabi ng dagat sa karamihan, kumakain at umiinom at nagsasaya.” Kapuwa sa literal at makasagisag na paraan, ang bayan ay “patuloy na tumatahang tiwasay, bawat isa sa ilalim ng kaniyang sariling puno ng ubas at sa ilalim ng kaniyang sariling puno ng igos . . . lahat ng mga araw ni Solomon.”​—1 Hari 4:20, 25.

Nagbago na ang panahon. Ang buhay sa ngayon ay ibang-iba na sa maliligayang araw na malaon nang nagdaan. Di-tulad noong panahon ni Solomon, malaking suliranin sa ngayon ang karalitaan. Kahit sa mayayamang bansa, may karalitaan. Halimbawa, kapuwa sa Estados Unidos at sa European Union, halos 15 porsiyento ng mga tao ay nabubuhay sa karalitaan, ayon sa United Nations Development Program.

Hinggil sa kalagayan ng buong daigdig, sinasabi ng isang ulat ng UNICEF (United Nations Children’s Fund), ang The State of World’s Children 1994, na ang ikalimang bahagi ng populasyon ng daigdig ay nabubuhay sa sukdulang karalitaan, idinaragdag pa na ang buhay para sa karamihan ng mga dukha sa daigdig ay “nagiging lalong mahirap at walang-lunas.”

Sa ilang bansa, ang labis na implasyon ay nakadaragdag pa sa mga suliranin ng mga dukha. Ganito ang sabi ng isang ginang sa isang lupain sa Aprika: “May makikita kang isang bagay sa palengke, at sasabihin mo, ‘OK, uuwi muna ako at kukuha ng pera para mabili iyon.’ Babalik ka pagkaraan ng isang oras para lamang malaman na hindi mo iyon mabibili dahil tumaas na ang presyo. Ano ang gagawin ng isang tao? Talagang nakasisira ng loob.”

Isa pang ginang doon ang nagsabi: ‘Para makaraos, kinalilimutan na namin ang iba pang pangangailangan. Ang pinagtutuunan namin ng pansin ngayon ay kung papaano magkakaroon ng makakain.’

Ayon sa United Nations, tila malungkot ang hinaharap. Halimbawa, tinataya ng UNICEF na kung magpapatuloy ang kasalukuyang kalakaran sa populasyon, ang bilang ng mga dukha sa buong daigdig ay tataas nang apat na ulit “sa loob lamang ng haba ng buhay ng isang tao.”

Gayunman, sa kabila ng lumulubhang kalagayan sa ekonomiya at sa lipunan, ang mga lingkod ng Diyos ay may dahilan upang maging positibo. Bagaman sila ay namumuhay sa gitna niyaong mga tao na lalong nagiging negatibo ang pananaw hinggil sa hinaharap, ang mga lingkod ng Diyos ay nakatingin sa hinaharap taglay ang kagalakan at pagtitiwala. Susuriin sa susunod na artikulo ang mga dahilan kung bakit.

[Picture Credit Line sa pahina 3]

De Grunne/Sipa Press

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share