Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w95 8/1 p. 20-24
  • Ang Aming Saganang Espirituwal na Mana

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Aming Saganang Espirituwal na Mana
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Kabataan ni Itay
  • Patungong Silangang Aprika
  • Maibiging Pinalaki Bilang Kristiyano
  • Tapat Hanggang sa Wakas
  • Tinuruan Kami ng Aming mga Magulang na Ibigin ang Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Isang Pambihirang Pamanang Kristiyano
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Pagsunod sa Yapak ng Aking mga Magulang
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Paano Kung May Sakit ang Magulang Ko?
    Tanong ng mga Kabataan
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
w95 8/1 p. 20-24

Ang Aming Saganang Espirituwal na Mana

GAYA NG INILAHAD NI PHILLIP F. SMITH

“Nasindihan na ang isang sulô na magliliyab sa madilim na Aprika.” Ano ngang galak namin na mabasa ang nasa itaas sa pahina 75 ng 1992 Yearbook of Jehovah’s Witnesses! Ang mga salitang iyon ay isinulat noong 1931 ng aming lolo, si Frank W. Smith, sa isang liham kay Brother Joseph F. Rutherford, ang presidente noon ng Samahang Watch Tower. Si Lolo ay lumiham upang mag-ulat tungkol sa isang paglalakbay sa pangangaral na ginawa niya at ng kaniyang kapatid.

ANG 1992 Yearbook ay nagpaliwanag: “Si Gray Smith at ang kaniyang kuya na si Frank, dalawang matatapang na ministrong payunir na taga-Cape Town [Timog Aprika], ay naglakbay patungong Britanong Silangang Aprika upang tingnan ang mga posibilidad sa pagpapalaganap ng mabuting balita. Sila’y gumamit ng kotse, isang De Soto na kanilang ginawang isang kárában (bahay na kotse), isinakay ito sa isang barko pati na ang 40 karton ng mga aklat, at naglayag patungong Mombasa, ang daungan ng Kenya.”

Sa kaniyang liham kay Brother Rutherford, inilarawan ni Lolo ang biyahe mula sa Mombasa patungong Nairobi, ang kabisera ng Kenya: “Sinimulan namin ang pinakamahirap na biyahe sa kotse na aking naranasan kailanman. Inabot kami ng apat na araw, anupat buong araw kung bumiyahe, upang makapaglakbay nang 580 kilometro . . . Kailangang bumaba ako na taglay ang pala sa bawat milya upang pantayin ang mga nakaumbok na lupa, patagin ang mga lubak, gayundin upang pumutol ng talahib at mga punongkahoy para tambakan ang latian upang kumapit ang mga gulong.”

Nang marating ang Nairobi, sina Frank at Gray ay gumawa sa loob ng sunud-sunod na 21 araw upang ipamahagi ang kanilang mga literatura sa Bibliya. “Batay sa mga naririnig namin,” ang sulat ni Lolo, “ang gawain ay lumikha ng kaligaligan sa relihiyosong Nairobi.” Pagkaraan, si Lolo ay nasabik na umuwi sa kaniyang dalawang-taóng-gulang na anak na lalaki, si Donovan, at sa kaniyang kabiyak, si Phyllis, na nagdadalang-tao sa kanilang pangalawang anak, ang aming ama, si Frank. Si Lolo ay lumulan sa unang barko na bibiyahe mula sa Mombasa, subalit siya ay namatay dahil sa malaria bago pa man siya makauwi.

Habang pinag-iisipan namin ni ate at ng aking nakababatang kapatid na lalaki ang salaysay sa Yearbook na iyon, naalaala namin ang aming mahal na ama. Noong 1991, mga ilang buwan lamang bago namin matanggap ang 1992 Yearbook, siya’y namatay dahil sa mga komplikasyon sa operasyon sa puso. Bagaman hindi na niya nakita ang kaniyang ama, tinaglay rin niya ang taimtim na pag-ibig ng kaniyang ama kay Jehova. Anong laking tuwa sana ni Lolo na malamang 28 taon pagkaraan, noong 1959, ang kaniyang anak na lalaki ay susunod sa kaniyang mga hakbang bilang isang ministrong Kristiyano sa Silangang Aprika!

Ang Kabataan ni Itay

Isinilang ang aming ama noong Hulyo 20, 1931, sa Cape Town, dalawang buwan pagkatapos mamatay ang kaniyang ama, na ang pangala’y ipinangalan din sa kaniya. Sa murang edad, ipinakita ni Itay ang kaniyang pag-ibig kay Jehova. Nang siyam na taon pa lamang, siya’y tumayo sa pangunahing istasyon ng tren sa Cape Town anupat nagpapatotoo sa pamamagitan ng plakard habang tinutuya siya ng kaniyang mga kamag-aral. Sa edad na 11, sinagisagan niya ang kaniyang pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo. Kung minsan ay naaatasan si Itay na gumawang mag-isa sa isang buong kalye. Nang siya’y 18 na, pinangangasiwaan niya ang Pag-aaral sa Bantayan kasama ang isang grupo ng matatandang Kristiyanong babae sa isang arabál ng Cape Town.

Noong 1954 ang Samahang Watch Tower ay nagpahayag na ang internasyonal na mga kombensiyon ay gaganapin sa Europa sa susunod na taon. Gustung-gusto ni Itay na pumunta, subalit wala siyang sapat na salapi upang magtungo roon mula sa Cape Town. Kaya siya’y namasukan nang tatlong buwan bilang isang kimiko sa minahan ng tanso sa Hilagang Rhodesia (ngayo’y Zambia). Ang mga pasilidad na kung saan ginagawa ang pagkilatis sa batong mineral ay naroroon sa kagubatan ng Aprika.

Alam ni Itay na malaki ang bilang ng mga Saksing Aprikano sa Hilagang Rhodesia, kaya nang siya’y nandoon na, sila’y hinanap niya at nabatid niya kung saan sila nagpupulong. Bagaman hindi siya nakapagsasalita ng katutubong wika, gayunpaman ay nakisama siya sa kanila at regular na dumalo sa mga pulong ng Mine Congregation ng mga Saksi ni Jehova. Ang mga Europeong nasa minahan ay nagtatangi ng lahi at ipinamamalas nila ang kanilang pagtatangi sa pamamagitan ng madalas na panghahamak sa mga Aprikano. Gayunpaman, si Itay ay laging mabait.

Sa katapusan ng tatlong buwan, lumapit kay Itay ang isang di-Saksing manggagawang Aprikano at nagtanong: “Alam mo ba kung ano ang tawag namin sa iyo?” Ang lalaki ay ngumiti at nagsabi: “Tinatawag ka naming Bwana [G.] Watchtower.”

Noong 1955, nakadalo si Itay sa “Matagumpay na Kaharian” na mga Asamblea sa Europa. Doon ay nakilala niya si Mary Zahariou, na naging kaniyang kabiyak nang sumunod na taon. Pagkatapos ng kanilang kasal, sila’y nanirahan sa Parma, Ohio, E.U.A.

Patungong Silangang Aprika

Sa panahon ng pandistritong kombensiyon sa Estados Unidos, isang paanyaya ang ipinaabot sa mga kombensiyonista upang maglingkod kung saan may malaking pangangailangan sa mga ministro. Nagpasiya ang aming mga magulang na magtungo sa Silangang Aprika. Ginawa nila kung ano mismo ang iminungkahi ng Samahang Watch Tower. Sila’y nag-ipon ng sapat na salapi upang makabili ng mga tiket na pang-bálíkan sakali mang hindi magtagumpay si Itay sa paghanap ng trabaho, yamang yaon lamang may kapahintulutang magtrabaho ang pinapayagang manirahan sa lugar na iyon.

Pagkatapos na makakuha ng mga pasaporte, visa, at mabakunahan, naglayag sina Itay at Inay noong Hulyo 1959 sakay ng isang barkong pangkalakal mula sa New York City patungong Mombasa sa pamamagitan ng pagbagtas sa Cape Town. Nakagugol sila ng apat na sanlinggo sa paglalakbay. Sa pantalan ng Mombasa, sila’y mainit na tinanggap ng Kristiyanong mga kapatid na lalaki na naunang dumating doon upang maglingkod kung saan may malaking pangangailangan. Nang sila’y dumating sa Nairobi, natagpuan ni Itay ang isang sulat na naghihintay sa kaniya. Ito’y tugon sa kaniyang pag-aaplay bilang isang kimiko sa Geological Survey Department sa Entebbe, Uganda. Sumakay ng tren sina Itay at Inay patungong Kampala, Uganda, kung saan ininterbiyu at tinanggap si Itay. Nang panahong iyon, may iisa lamang Saksi maliban sa kanila sa lugar ng Entebbe-Kampala, si George Kadu.

Ang nasasakupang pamahalaan ay nagbayad para kay Itay upang matutuhan niya ang katutubong wika, ang Luganda. Siya’y natuwa, yamang binalak niyang pag-aralan sana ito nang sa gayo’y maging lalo siyang epektibo sa ministeryo. Nang maglaon, tumulong pa man din si Itay na isalin sa Luganda ang buklet na “Ang Mabuting Balitang Ito ng Kaharian.”

Si Itay ay walang-takot sa pagpapatotoo sa iba. Nagpatotoo siya sa lahat ng mga Europeo sa kaniyang departamento, at regular siyang nakibahagi sa pangangaral sa mga taga-Uganda. Nagpatotoo siya kahit sa Aprikanong attorney general ng Uganda. Hindi lamang nakinig ang lalaki sa mensahe ng Kaharian kundi inanyayahan pa sina Itay at Inay para sa isang hapunan.

Isinilang ang aking kapatid na babae, si Anthe, noong 1960, at ako naman ay noong 1965. Ang aming pamilya ay naging totoong malapit sa mga kapatid sa maliit ngunit sumusulong na kongregasyon sa kabisera, alalaong baga’y ang Kampala. Bilang ang mga tanging Saksing puti sa karatig na Entebbe, nagkaroon kami ng ilang kasiya-siyang karanasan. Minsan isang kaibigan ni Itay ang di-inaasahang dumaan sa Entebbe at nagsikap na matagpuan si Itay. Siya’y bigo hanggang sa siya’y nagtanong: “Kilala mo ba ang mag-asawang Europeo dito na mga Saksi ni Jehova?” Mabilis na inihatid siya ng lalaki sa mismong bahay nina Itay at Inay.

Nagkaroon din kami ng mahihirap na karanasan, kasali na ang dalawang armadong paghihimagsikan. May pagkakataon na binabaril ng hukbong pamahalaan ang sinuman na kabilang sa isang katutubong pangkat. Buong araw at buong gabi, walang tigil ang putukan. Yamang may 6:00 n.h. hanggang 6:00 n.u. na curfew, ang mga pulong ay ginaganap tuwing hapon sa bahay ng aking mga magulang sa Entebbe.

Di nagtagal, nang alisin na ang curfew, dinala kami ni Itay sa Kampala para sa Pag-aaral ng Bantayan. Isang sundalo ang nag-umang ng riple sa amin, pinahinto ang aming kotse, at itinanong kung saan kami patungo. Sanggol pa lamang ako noon, at limang taon si Anthe. Nang mahinahong magpaliwanag si Itay, samantalang ipinakikita sa sundalo ang aming mga Bibliya at literatura, pinahintulutan kaming umalis.

Noong 1967, pagkatapos ng mga walong taon sa Uganda, ipinasiya ng aming mga magulang na bumalik sa Estados Unidos dahilan sa mga suliraning pangkalusugan at pampamilyang pananagutan. Kami’y naging bahagi ng kongregasyon ng Canfield, Ohio, kung saan naglingkod si Itay bilang isang matanda. Doon ay napamahal sa aking mga magulang ang mga kapatid kung papaanong napamahal sa kanila ang maliit na kongregasyon sa Kampala.

Maibiging Pinalaki Bilang Kristiyano

Noong 1971 ay isinilang ang aking kapatid na si David. Habang kami’y lumalaki, kami ay inalagaan sa isang tahanan na sagana sa pag-ibig at kasiglahan. Walang alinlangan na ito’y nanggaling sa maibiging kaugnayan na tinatamasa ng aming magulang sa isa’t isa.

Nang kami’y bata pa, lagi kaming binabasahan ni Itay ng isang kuwento sa Bibliya bago matulog, nananalangin, at pagkatapos, lingid kay Inay, binibigyan kami ng tsokolate na nakabalot sa makinang na ginintuang papel. Palagi naming pinag-aaralan ang aming Bantayan nang sama-sama bilang isang pamilya, kahit nasaan man kami. Samantalang nasa pampamilyang mga bakasyon, minsan ay pinag-aralan namin ito sa libis ng isang bundok at sa ibang pagkakataon naman ay samantalang natatanaw ang karagatan. Madalas sabihin ni Itay na ang mga iyon ang ilan sa kaniyang pinakamaliligayang alaala. Sinabi niya na nalulungkot siya para roon sa mga napagkaitan ng malaking kagalakan na naidudulot ng isang pampamilyang pag-aaral.

Kung tungkol sa pagpapakita ng pag-ibig kay Jehova, si Itay ay nagturo sa pamamagitan ng halimbawa. Kapag may dumating na bagong sipi ng magasing Bantayan o Gumising! o kaya ay nakatanggap kami ng ibang publikasyon ng Watchtower, sabik na babasahin ni Itay ang buong nilalaman nito. Natutuhan namin sa kaniya na ang katotohanan sa Bibliya ay hindi dapat malasin na di-gaanong mahalaga manapa’y dapat pahalagahan na gaya ng isang mamahaling kayamanan. Isa sa aming pinakamahahalagang pag-aari ay ang Reference Bible ni Itay. Halos bawat pahina ay sinulatan ng mga nota na nahango mula sa kaniyang mga pag-aaral. Ngayon kapag kami’y nagbabasa mula sa kaniyang panggilid na mga tala, waring naririnig pa rin namin siya na nagtuturo at nagpapayo sa amin.

Tapat Hanggang sa Wakas

Noong Mayo 16, 1991, samantalang nasa ministeryo sa larangan, inatake sa puso si Itay. Makalipas ang ilang linggo, sumailalim siya sa open-heart surgery na waring matagumpay naman. Gayunpaman, nang gabi pagkatapos ng operasyon, nakatanggap kami ng tawag sa telepono mula sa ospital. Nagdurugo si Itay, at totoong nabahala ang mga doktor. Siya’y muli na namang inoperahan nang makalawang beses sa gabi ring iyon upang sikaping maampat ang pagdurugo ngunit hindi naging matagumpay. Hindi namumuo ang dugo ni Itay.

Kinabukasan, habang mabilis na lumalala ang kalagayan ni Itay, sarilinang kinausap muna ng mga doktor ang aking ina at pagkatapos ay ang aking nakababatang kapatid na lalaki upang kumbinsihin sila na pahintulutan ang isang pagsasalin ng dugo para kay Itay. Subalit, patiuna nang sinabihan ni Itay ang mga doktor na hindi siya magpapasalin ng dugo sa ilalim ng anumang kalagayan. Ipinaliwanag niya sa kanila ang kaniyang maka-Kasulatang mga dahilan sa pagtanggi sa dugo subalit sinabi niya na tatanggapin niya ang walang-dugong mga pagpipilian.​—Levitico 17:13, 14; Gawa 15:28, 29.

Ang namumuong galit sa panig ng ilang manggagamot ay lumikha ng isang lubhang maigting na kapaligiran sa ICU (intensive care unit). Ito, lakip na ang lumalalang kalagayan ni Itay, ay waring hindi na namin mabata kung minsan. Nagsumamo kami kay Jehova para sa tulong at sinikap naming ikapit ang praktikal na mga mungkahi na aming tinanggap. Kaya kapag dumadalaw sa ICU, kami ay laging nakadamit nang maayos at magalang sa mga manggagamot. Kami ay nagpakita ng taimtim na interes sa kalagayan ni Itay sa pamamagitan ng makahulugang pagtatanong, at aming pinasasalamatan ang bawat kawani na nangangalaga kay Itay.

Ang aming mga pagsisikap ay hindi nakalampas sa pansin ng mga manggagamot. Mga ilang araw lamang, ang maigting na kapaligiran ay nabago tungo sa isa na may kabaitan. Ang mga nars na nangangalaga kay Itay ay patuloy na sumubaybay sa kaniyang paggaling kahit na hindi na sila ang nakaatas upang mangalaga sa kaniya. Kahit ang isang doktor na naging totoong magaspang sa amin ay bumait hanggang sa puntong kumustahin pa si Inay tungkol sa kaniyang kalagayan. Maibigin din kaming tinulungan ng aming kongregasyon at mga kamag-anak. Nagpadala sila ng pagkain at maraming nakaaaliw na mga kard, at ipinanalangin nila kami.

Nakalulungkot, si Itay ay hindi gumaling sa mga paggamot. Siya’y namatay makalipas ang sampung araw mula sa una niyang operasyon. Nagdalamhati kaming lubos dahil kay Itay. Kung minsan, ang pangungulila ay totoong masidhi. Mabuti na lang, nangangako ang ating Diyos na kaniyang ‘araw-araw na dadalhin ang pasan para sa atin,’ at natuto kaming umasa sa kaniya nang higit kaysa dati.​—Awit 68:19.

Kaming lahat ay determinado ring magpatuloy sa paglilingkod kay Jehova nang may katapatan sa gayo’y matatamo namin ang kagalakan na makita si Itay sa bagong sanlibutan.​—Marcos 5:41, 42; Juan 5:28; Gawa 24:15.

[Larawan sa pahina 21]

Si Frank Smith kasama ang kaniyang ina, si Phyllis, sa Cape Town

[Larawan sa pahina 22]

Sina Itay at Inay nang sila’y ikasal

[Larawan sa pahina 23]

Nang unang pagbabautismo sa Entebbe, inarkila ng mga kapatid ang pool ng isang pinunong Aprikano

[Larawan sa pahina 23]

Ang kinaugaliang paraan ng pagbati

[Larawan sa pahina 24]

Sina Itay at Inay di pa natatagalan bago mamatay si Itay

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share