“Ang Pag-ibig ay Hindi Kailanman Nabibigo”
AYON SA PAGLALAHAD NI SAMUEL D. LADESUYI
Takang-taka ako nang aking lingunin ang mga taóng nagdaan at makita ang lahat ng mga nagawa na. Si Jehova ay patuloy sa paggawa ng kahanga-hangang mga bagay sa buong lupa. Sa Ilesha, Nigeria, kaming iilan na nagsimulang mangaral noong 1931 ay naging 36 na kongregasyon. Ang humigit-kumulang sa 4,000 na namámahayág sa Nigeria nang dumating ang mga unang nagtapos sa Watchtower Bible School of Gilead noong 1947 ay lumago sa mahigit na 180,000. Noong mga araw na iyon ay hindi namin inasahan, ni pinangarap man, ang paglagong magaganap. Anong laki ng aking pasasalamat at ako’y naging bahagi ng kagila-gilalas na gawaing ito! Hayaan mong ikuwento ko sa iyo ang tungkol doon.
ANG aking ama ay nagnenegosyo ng mga baril at pulbura sa bayan-bayan; palagi siyang wala sa bahay. Di-lingid sa aking kaalaman na siya’y may pitong asawa, ngunit hindi lahat ay nakikipisan sa kaniya. Minana ng aking ama mula sa kaniyang kapatid na namatay ang aking ina. Naging pangalawang asawa niya siya, at ako’y kapisan niya.
Isang araw, dumating ang aking ama na galing sa kaniyang unang asawa, na nakatira sa karatig-nayon. Samantalang siya’y naroroon, napag-alaman niyang ang aking kapatid sa ama ay nag-aaral na. Ang aking kapatid sa ama ay sampung taóng gulang, na gaya ko. Kaya ipinasiya ng aking ama na dapat na rin akong mag-aral. Binigyan niya ako ng siyam na sentimos—tatlong sentimos para sa aklat-aralin at anim na sentimos para sa sulatán. Noon ay 1924.
Naitatag ang Isang Grupo sa Pag-aaral ng Bibliya
Mula pa sa aking pagkabata, napakahilig ko na sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Siyang-siya ako noon sa mga klase sa Bibliya sa aming paaralan at madalas akong napupuri ng aming mga guro sa Sunday-school. Kaya noong 1930, sinunggaban ko ang pagkakataong makadalo sa pahayag na ibinigay ng dumadalaw na Estudyante ng Bibliya, isa sa mga unang nangaral sa Ilesha. Pagkatapos ng pahayag, binigyan niya ako ng isang kopya ng aklat na The Harp of God sa wikang Yoruba.
Ako’y regular nang dumadalo sa Sunday school. Ngayon ay dinadala ko na ang The Harp of God at ginagamit ito upang pabulaanan ang ilan sa mga doktrinang itinuturo roon. Nagkaroon ng pagtatalo, at ako’y palaging binababalaan ng mga lider ng simbahan na huwag sundin ang ‘bagong turong’ ito.
Nang sumunod na taon, habang ako’y naglalakad-lakad sa daan, nakita ko ang isang grupo ng mga taong nakikinig sa isang lalaking nagpapahayag sa kanila. Ang tagapagpahayag ay si J. I. Owenpa, isang Estudyante ng Bibliya. Siya’y ipinadala roon ni William R. Brown (madalas tawaging Bible Brown), na siyang nangangasiwa ng gawaing pangangaral ng Kaharian mula sa Lagos.a Napag-alaman ko na isang maliit na grupo ng mga nag-aaral sa Bibliya ang naitatag na sa Ilesha upang pag-aralan ang The Harp of God, kaya nakisama ako sa kanila.
Ako ang pinakabata sa grupo—isa pa lamang estudyante, mga 16 na taóng gulang. Karaniwan nang ako’y nahihiya, natatakot pa nga, na makisama nang totoong malapít sa mga lalaking nasa edad na mga 30 at higit pa. Ngunit sila’y tuwang-tuwa na makasama ako, at ako’y pinatibay nila. Sila’y parang mga ama ko.
Pagsalansang ng mga Klero
Di-naglaon napaharap kami sa matinding pagsalansang ng mga klero. Ang mga Katoliko, Anglikano, at iba pa, na noo’y naglalabanan, ay nagkaisa ngayon laban sa amin. Nakipagsabwatan sila sa mga lokal na pinuno upang gumawa ng paraan na kami’y masiraan ng loob. Nagpadala sila ng mga pulis upang kumpiskahin ang aming mga aklat, na sinasabing ang mga ito’y makasasamâ sa mga tao. Pero, nagbabala ang opisyal ng distrito na wala silang karapatang kunin ang mga aklat, at isinauli ang mga aklat pagkaraan ng dalawang linggo.
Pagkatapos nito, kami’y ipinatawag sa isang pulong na doo’y nakilala namin ang oba, o pinakamataas na pinuno, kasama ng iba pang mga prominenteng tao sa bayan. Kami’y mga 30 noon. Ang layunin ay upang pigilin kami sa pagbasa ng “mapanganib” na mga aklat. Itinanong nila kung kami’y mga estranghero, ngunit nang pagmasdan nilang mabuti ang aming mga mukha, sinabi nila, “Ang mga ito’y mga anak natin, bagaman may ilang estranghero sa kanila.” Sinabihan nila kami na ayaw nilang kami’y magpatuloy sa pag-aaral ng mga aklat ng isang relihiyong pipinsala sa amin.
Tahimik kaming umuwi, sapagkat buo na ang aming pasiyang hindi kami makikinig sa mga prominenteng taong iyon. Karamihan sa amin ay tuwang-tuwa sa aming natututuhan at nagpasiyang ipagpatuloy ang pag-aaral. Kaya, bagaman ang ilan ay natakot at nagbitiw sa aming grupo, marami pa rin sa amin ang nagpatuloy ng pag-aaral sa pagawaan ng isang karpintero. Wala kaming konduktor. Nagsisimula kami sa panalangin at pagkatapos ay naghahalinhinan sa pagbabasa ng mga parapo ng aklat. Pagkaraan ng mga isang oras, nananalangin kaming muli at uuwi na pagkatapos. Subalit tinitiktikan pala kami, at palagi kaming ipinatatawag ng mga pinuno at ng mga lider ng relihiyon tuwing ikalawang linggo at binababalaan kaming huwag pag-aralan ang mga literatura ng mga Estudyante ng Bibliya.
Samantala, nagsisikap kaming gamitin ang kaunting kaalamang taglay namin upang tulungan ang mga tao, at marami ang sumasang-ayon sa amin. Isa-isang nakisama sa amin ang mga indibiduwal. Napakaligaya namin, ngunit wala pa rin kaming kaalam-alam hinggil sa relihiyong kinabibilangan namin.
Maaga noong 1932 ay dumating ang isang kapatid na mula sa Lagos upang tulungan kaming maorganisa, at noong Abril ay dumating din si “Bible” Brown. Nang makitang may isang grupo na binubuo ng mga 30, nagtanong si Brother Brown hinggil sa pagsulong namin sa aming pagbabasa. Sinabi namin sa kaniya ang lahat ng aming nalalaman. Sinabi niyang maaari na kaming bautismuhan.
Yamang noon ay tag-init, kinailangang maglakbay kami patungo sa isang ilog na may layong labing-apat na kilometro mula sa Ilesha, at mga 30 sa amin ang nabautismuhan. Mula noon ay itinuring namin ang aming sarili na mga tagapangaral ng Kaharian at nagsimulang magbahay-bahay. Wala sa isip namin na gawin ito, ngunit ngayon ay sabik na sabik kaming ibahagi sa iba ang aming nalalaman. Kinailangan naming maghandang mabuti upang makakuha ng mga pansuhay mula sa Bibliya upang pabulaanan ang mga maling doktrina na aming nakakaharap. Kaya sa aming mga pulong, tinatalakay namin ang mga doktrina, anupat nagtutulungan sa isa’t isa depende sa aming nalalaman.
Ang Aming Gawaing Pangangaral
Sinaklaw namin ang isang distrito sa aming pangangaral. Kinutya kami ng mga tao at pinagtawanan, ngunit hindi namin iyon pinansin. Gayon na lamang ang aming kagalakan sapagkat taglay namin ang katotohanan, bagaman marami pa kaming dapat matutuhan.
Nagbabahay-bahay kami tuwing Linggo. Nagtatanong ang mga tao, at nagsisikap naman kaming sagutin ang mga iyon. Tuwing Linggo ng gabi ay nagbibigay kami ng isang pahayag pangmadla. Wala kaming Kingdom Hall, kaya sa labas kami nagpupulong. Tinitipon namin ang mga tao, nagbibigay kami ng pahayag, at inaanyayahan namin silang magtanong. Kung minsan ay sa mga dako ng simbahan kami nangangaral.
Naglalakbay rin kami sa mga lugar na ang mga tao’y di pa nakaririnig ng tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Madalas na kami’y nakabisikleta, ngunit kung minsan naman ay umaarkila kami ng isang bus. Pagdating namin sa isang nayon, bumubusina kami nang malakas. Maririnig kami ng buong nayon! Magtatakbuhan ang mga tao upang tingnan kung ano ang nangyayari. Sa gayon ay sasabihin na namin ang aming mensahe. Pagkatapos namin, nag-aagawan ang mga tao sa pagkuha ng mga kopya ng aming literatura. Napakarami ng aming naipamamahagi.
Sabik na sabik naming inasahan ang pagdating ng Kaharian ng Diyos. Naaalaala ko pa na noong tanggapin namin ang 1935 Yearbook, isa sa mga kapatid, nang makita ang buong iskedyul ng mga pagtalakay sa teksto para sa buong isang taon, ay nagtanong: “Ang ibig bang sabihin nito ay maghihintay pa tayo ng isang buong taon bago dumating ang Armagedon?”
Bilang sagot, nagtanong ang konduktor: “Sa palagay mo ba, kapatid, na kung darating ang Armagedon bukas, hihinto na tayo sa pagbabasa ng Yearbook?” Nang sabihin ng kapatid na hindi, sinabi ng konduktor: “Kung gayon ay bakit ka nababahala?” Kami’y nanabik noon, at nananabik pa rin, sa araw ni Jehova.
Ang mga Taon ng Digmaan
Noong ikalawang digmaang pandaigdig, ipinagbawal ang pag-aangkat ng ating mga aklat. Isang kapatid na lalaki sa Ilesha ang wala-sa-loob na nagpakita ng aklat na Riches sa isang pulis. Nagtanong ang pulis: “Kaninong aklat ito?” Sinabi ng kapatid na sa kaniya iyon. Sinabi ng pulis na iyon ay bawal na aklat, dinala siya sa istasyon, at ikinulong.
Nagpunta ako sa istasyon ng pulisya at, pagkatapos ng ilang pagtatanong, piniyansahan ko ang kapatid. Pagkatapos ay tinawagan ko sa telepono si Brother Brown sa Lagos upang ipabatid sa kaniya ang nangyari. Itinanong ko rin kung may anumang batas na nagbabawal sa pagpapalaganap ng aming mga aklat. Sinabi ni Brother Brown sa akin na ang pag-aangkat lamang, hindi ang pagpapalaganap, ng aming mga aklat ang ipinagbabawal. Paglipas ng tatlong araw, nagpadala si Brother Brown ng isang kapatid na lalaki mula sa Lagos upang alamin ang nangyayari. Ipinasiya ng kapatid na ito na kaming lahat ay lumabas sa gawaing pangangaral sa kinabukasan taglay ang mga magasin at mga aklat.
Nangalat kami sa iba’t ibang dako. Pagkalipas ng mga isang oras, dumating sa akin ang balita na karamihan sa mga kapatid ay inaresto na. Kaya ako at ang panauhing kapatid ay nagpunta sa istasyon ng pulisya. Hindi nakinig ang mga pulis sa aming paliwanag na ang mga aklat ay hindi ipinagbabawal.
Ang 33 kapatid na lalaking inaresto ay ipinadala sa Korte ng Punong Mahistrado sa Ife, at sinamahan ko sila. Nang makita ng mga taong-bayan na kami’y dinadala sila’y sumigaw, “Tapos na ang mga taong ito ngayon. Hindi na makababalik dito ang mga iyan.”
Idinulog ang paratang sa punong mahistrado, isang taga-Nigeria. Ipinakita ang lahat ng aklat at magasin. Itinanong niya kung sino ang nagbigay ng karapatan sa hepe ng pulisya upang arestuhin ang mga taong ito. Sumagot ang hepe ng pulisya na sinusunod lamang niya ang tagubilin ng opisyal ng distrito. Pinapunta ng punong mahistrado ang hepe ng pulisya at apat sa aming mga kinatawan, kasama ako, sa kaniyang opisina.
Itinanong niya kung sino si Mr. Brown. Sinabi namin sa kaniya na siya’y kinatawan ng Samahang Watch Tower sa Lagos. Pagkatapos ay sinabi niyang siya’y tumanggap ng isang telegrama mula kay Mr. Brown hinggil sa amin. Tinapos niya ang kaso nang araw na iyon at ipinagkaloob ang piyansa sa mga kapatid. Kinabukasan ay pinawalang-sala niya ang mga kapatid, pinalaya sila, at inutusan niya ang mga pulis na ibalik ang mga aklat.
Umaawit kami habang pabalik sa Ilesha. Muli ang mga tao’y nagsigawan, ngunit sa pagkakataong ito’y ganito ang kanilang sinasabi, “Naririto na naman sila!”
Nilinaw ang Pamantayan ni Jehova sa Pag-aasawa
Noon ay 1947 nang ang unang tatlong nagtapos sa Gilead ay dumating sa Nigeria. Isa sa mga kapatid na ito, si Tony Attwood, ay naririto pa rin, naglilingkod sa Bethel sa Nigeria. Mula noon, nakita namin ang malalaking pagbabago sa organisasyon ni Jehova sa Nigeria. Ang isa sa malalaking pagbabago ay ang aming pangmalas sa poligamya.
Pinakasalan ko si Olabisi Fashugba noong Pebrero 1941 at taglay ko ang sapat na kaalaman upang huwag nang magdagdag pa ng asawa. Ngunit hanggang 1947 nang dumating ang mga misyonero, palasak ang poligamya sa mga kongregasyon. Sinabihan ang mga kapatid na may maraming asawa na sila’y nagpakasal sa higit sa isang asawa dahil sa kawalang-alam. Kaya kung sila’y may dalawa o tatlo o apat o limang asawa, maaari nilang pakisamahang lahat iyon, ngunit hindi na nila dapat dagdagan pa. Iyan ang naging patakaran sa amin.
Marami ang nasabik na makisama sa amin, lalo na ang Cherubim at Seraphim Society sa Ilesha. Sinasabi nilang ang mga Saksi ni Jehova lamang ang tanging mga tao na nagtuturo ng katotohanan. Sang-ayon sila sa aming mga itinuturo at nais nilang palitan ang kanilang mga simbahan upang gawing mga Kingdom Hall. Gayon na lamang ang aming pagsisikap upang maisakatuparan ito. Nagkaroon pa nga kami ng mga sentro upang sanayin ang kanilang mga elder.
Pagkatapos ay nagkaroon ng bagong tagubilin hinggil sa poligamya. Isa sa mga misyonero ang nagbigay ng pahayag sa isang pansirkitong asamblea noong 1947. Tinalakay niya ang tungkol sa mabuting asal at pag-uugali. Sumunod ay inulit niya ang 1 Corinto 6:9, 10, na nagsasabing ang mga di-matuwid ay hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos. Saka idinagdag niya: “At ang mga nagsasagawa ng poligamya ay hindi magmamana ng Kaharian!” Ang mga tagapakinig ay nagsigawan: “Ha, hindi magmamana ng Kaharian ang mga nagsasagawa ng poligamya!” Nagbunga ito ng pagkakabaha-bahagi. Naging mistulang digmaan iyon. Marami sa mga baguhang kaugnay ang huminto na sa pakikisama at nagsabi: “Mabuti na lamang at hindi pa tayo totoong nalululong dito.”
Gayunman, inayos ng karamihan sa mga kapatid na lalaki ang kanilang kalagayan sa pamamagitan ng pagpapalaya sa kanilang mga asawa. Binigyan nila sila ng salapi at sinabi, ‘Kung ikaw ay bata pa, humayo ka at humanap ng ibang asawa. Mali ang ating ginawang pagpapakasal. Ngayon ay kailangang isa lamang ang asawa ko.’
Di-nagtagal at isa pang suliranin ang lumitaw. Ang ilan, pagkatapos magpasiyang panatilihin ang isang asawa at palayain ang iba, ay nagbago ng isip at nagpasiyang kunin muli ang isa sa kaniyang pinalayang mga asawa at ipalit sa kaniyang unang napili! Kaya nagkaroon muli ng suliranin.
Higit pang tagubilin ang dumating mula sa punong-tanggapan sa Brooklyn, batay sa Malakias 2:14, na tumutukoy sa “asawa ng iyong kabataan.” Ang tagubilin ay na dapat piliin ng mga asawang lalaki ang unang asawa na kanilang pinakasalan. Sa ganiyan nilutas sa wakas ang tanong.
Mga Pribilehiyo ng Paglilingkod
Noong 1947 pinasimulang palakasin ng Samahan ang mga kongregasyon at inorganisa ang mga ito sa mga sirkito. Ibig nilang mag-atas ng maygulang na mga kapatid na may malawak na kaalaman bilang ‘mga lingkod sa mga kapatid,’ na ngayo’y tinatawag na mga tagapangasiwa ng sirkito. Tinanong ako ni Brother Brown kung tatanggapin ko ang atas na iyon. Sinabi ko na ang dahilan ng aking pagpapabautismo ay upang gawin ang kalooban ni Jehova, at idinagdag: “Kayo pa nga po ang nagbautismo sa akin. Ngayong may pagkakataon na upang makapaglingkod kay Jehova nang lubusan, sa palagay po kaya ninyo’y tatanggi pa ako?”
Noong Oktubre ng taóng iyon, pito sa amin ang ipinatawag sa Lagos at sinanay bago kami ipinadala sa gawaing pansirkito. Noong mga panahong iyon ay pagkálalakí ng mga sirkito. Ang buong bansa ay hinati lamang sa pitong sirkito. Kakaunti ang mga kongregasyon.
Mahirap ang aming gawain bilang mga lingkod sa mga kapatid. Malalayong milya ang aming nilalakad araw-araw, madalas sa napakaiinit na kagubatan sa tropiko. Linggu-linggo ay kailangang maglakbay kami sa bawat nayon. May mga pagkakataong waring bibigay na ang aking mga binti. Kung minsan para bang ako’y mamamatay na! Ngunit may napakalaking kagalakan din naman, lalo na kung nakikita namin ang lumalagong bilang ng mga taong yumayakap sa katotohanan. Aba, sa loob lamang ng pitong taon, ang bilang ng mamamahayag sa bansa ay dumami nang apat na beses!
Natapos ang aking pakikibahagi sa gawaing pansirkito noong 1955 nang ako’y magkasakit at mapilitang bumalik sa Ilesha, na doo’y naatasan ako bilang tagapangasiwa ng lunsod. Ang pananatili sa aming tahanan ay nagpangyari sa akin na makapag-ukol ng higit na panahon sa pagtulong sa aking pamilya sa espirituwal na paraan. Sa ngayon ang lahat sa aking anim na anak ay tapat na naglilingkod kay Jehova.
Ang Tunay na Pag-ibig ay Hindi Kailanman Nabibigo
Kapag nililingon ko ang nagdaang mga taon, napakarami kong dapat ipagpasalamat. May mga pagkabigo, pagkabahala, at pagkakasakit, ngunit marami ring kagalakan. Bagaman ang aming kaalaman at kaunawaan ay sumulong sa paglipas ng mga taon, natutuhan ko mula sa karanasan ang kahulugan ng 1 Corinto 13:8, na nagsasabi: “Ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.” Kung iniibig mo si Jehova at taimtim na nagtatapat sa paglilingkod sa kaniya, tutulungan ka niya sa iyong mga paghihirap at pagpapalain ka nang sagana.
Paliwanág nang paliwanág ang silahis ng katotohanan. Noong araw nang kami’y nagpapasimula pa lamang, ang akala nami’y darating agad ang Armagedon; kung kaya nagmamadali kami sa lahat ng aming magagawa. Ngunit iyon ay para na rin sa aming kapakinabangan. Iyan ang dahilan kung bakit sang-ayon ako sa mga salita ng salmista: “Pupurihin ko si Jehova sa buong buhay ko. Hihimig ako sa aking Diyos hangga’t ako’y ako.”—Awit 146:2.
[Talababa]
a Si Brother Brown ay tinawag na Bible Brown dahil sa kaniyang ugali na pagtukoy sa Bibliya bilang ang ultimong awtoridad.—Tingnan “Ang Pag-aani ng Isang Tunay na Ebanghelisador” sa Ang Bantayan ng Setyembre 1, 1992, pahina 32.
[Larawan sa pahina 23]
Si Samuel kasama si Milton Henschel noong 1955
[Larawan sa pahina 24]
Si Samuel kasama ang kaniyang asawa, si Olabisi