Mapanibughuin Ukol sa Dalisay na Pagsamba kay Jehova
“Si Jehova, na ang pangalan ay Mapanibughuin, ay isang mapanibughuing Diyos.”—EXODO 34:14.
1. Ano ang pinakapangunahing katangian ng Diyos, at papaano ito nauugnay sa kaniyang paninibugho?
INILALARAWAN ni Jehova ang kaniyang sarili bilang isang “mapanibughuing Diyos.” Baka itanong ninyo kung bakit, yamang ang salitang “paninibugho” ay may negatibong kahulugan. Sabihin pa, ang pinakapangunahing katangian ng Diyos ay pag-ibig. (1 Juan 4:8) Samakatuwid, anumang pagkadama ng paninibugho sa kaniyang bahagi ay para sa ikabubuti ng sangkatauhan. Sa katunayan, makikita natin na ang paninibugho ng Diyos ay mahalaga para sa kapayapaan at pagkakasuwato sa sansinukob.
2. Ano ang ilang paraan ng pagkasalin sa Hebreong mga salita para sa “paninibugho”?
2 Ang kaugnay na Hebreong mga salita para sa “paninibugho” ay lumilitaw nang mahigit na 80 beses sa Hebreong Kasulatan. Halos kalahati sa mga pagbanggit na ito ay patungkol sa Diyos na Jehova. “Kapag ikinakapit sa Diyos,” ang paliwanag ni G. H. Livingston, “ang idea ng paninibugho ay hindi nangangahulugan ng isang pilipit na damdamin, kundi, sa halip, ng mapilit na paghiling ng natatanging pagsamba kay Jehova.” (The Pentateuch in Its Cultural Environment) Sa gayon, kung minsan ay isinasalin ng Bagong Sanlibutang Salin ang Hebreong pangngalan na “mapilit na paghiling ng bukod-tanging debosyon.” (Ezekiel 5:13) Ang iba pang angkop na salin ay “pag-aalab” o “sigasig.”—Awit 79:5; Isaias 9:7.
3. Sa anu-anong paraan na ang paninibugho kung minsan ay maaaring magsilbing isang puwersa sa ikabubuti?
3 Ang tao ay nilalang na may kakayahang manibugho, subalit ang pagkahulog ng sangkatauhan sa kasalanan ay nagbunga ng kabaligtaran ng paninibugho. Gayunpaman, ang paninibugho ng tao ay maaaring maging isang puwersa sa ikabubuti. Mapakikilos nito ang isang tao na ipagsanggalang ang isang minamahal buhat sa masasamang impluwensiya. Bukod dito, may kawastuang maipamamalas ng mga tao ang paninibugho ukol kay Jehova at sa pagsamba sa kaniya. (1 Hari 19:10) Upang ihatid ang wastong pagkaunawa sa gayong paninibugho para kay Jehova, ang Hebreong pangngalan ay maaaring isalin na “hindi pagpapahintulot ng pakikipagpaligsahan” sa kaniya.—2 Hari 10:16.
Ang Gintong Guya
4. Anong utos hinggil sa matuwid na paninibugho ang prominente sa Batas ng Diyos sa Israel?
4 Ang nangyari pagkatapos tanggapin ng mga Israelita ang Batas sa Bundok Sinai ay isang halimbawa ng matuwid na paninibugho. Paulit-ulit, sila’y binabalaan na huwag sumamba sa gawang-taong mga diyos. Sinabi sa kanila ni Jehova: “Ako si Jehova na iyong Diyos ay isang Diyos na humihingi ng bukod-tanging debosyon [o, “isang Diyos na mapanibughuin (masigasig); isang Diyos na hindi nagpapahintulot ng pakikipagpaligsahan”].” (Exodo 20:5, talababa sa Ingles; ihambing ang Exodo 20:22, 23; 22:20; 23:13, 24, 32, 33.) Nakipagtipan si Jehova sa mga Israelita, anupat nangakong pagpapalain sila at dadalhin sila sa Lupang Pangako. (Exodo 23:22, 31) At sinabi ng bayan: “Lahat ng sinalita ni Jehova ay handa naming gawin at maging masunurin.”—Exodo 24:7.
5, 6. (a) Papaano nagkasala nang mabigat ang mga Israelita habang nagkakampamento sa Bundok Sinai? (b) Papaano nagpakita ng matuwid na paninibugho si Jehova at ang kaniyang tapat na mga mananamba sa Sinai?
5 Gayunpaman, di-nagtagal at nagkasala ang mga Israelita laban sa Diyos. Nagkakampamento pa sila noon sa paanan ng Bundok Sinai. Maraming araw nang nasa bundok si Moises, na tumatanggap ng higit pang tagubilin buhat sa Diyos, at ang kapatid ni Moises, si Aaron, ay ginipit ng bayan upang gumawa ng isang diyos para sa kanila. Sumunod si Aaron at gumawa ng isang guya buhat sa mga ginto na ibinigay ng mga tao. Inangkin na ang idolong ito ay kumakatawan kay Jehova. (Awit 106:20) Kinabukasan ay naghandog sila ng mga hain at patuloy na “yumukod dito nang mababa.” Pagkatapos ay “nagpakasaya” sila.—Exodo 32:1, 4, 6, 8, 17-19.
6 Bumaba buhat sa bundok si Moises habang nagdiriwang ang mga Israelita. Sa pagkakita sa kanilang kahiya-hiyang paggawi, sumigaw siya: “Sino ang nasa panig ni Jehova?” (Exodo 32:25, 26) Ang mga anak ni Levi ay nagtipun-tipon kay Moises, at inutusan niya sila na kumuha ng mga tabak at paslangin ang mga idolatrosong nagkakaingay sa pagsasaya. Bilang pagtatanghal ng kanilang paninibugho ukol sa dalisay na pagsamba sa Diyos, pinatay ng mga Levita ang humigit-kumulang sa 3,000 sa kanilang nagkasalang mga kapatid. Dinagdagan pa ni Jehova ang pagkilos na ito sa pamamagitan ng pagpapadala ng salot sa mga nakaligtas. (Exodo 32:28, 35) Pagkatapos ay inulit ng Diyos ang utos: “Hindi ka dapat magpatirapa ng iyong sarili sa ibang diyos, sapagkat si Jehova, na ang pangalan ay Mapanibughuin, ay isang mapanibughuing Diyos.”—Exodo 34:14.
Si Baal ng Peor
7, 8. (a) Papaano nahulog ang maraming Israelita sa malubhang idolatriya may kinalaman kay Baal ng Peor? (b) Papaano natapos ang kaparusahan buhat kay Jehova?
7 Makalipas ang apatnapung taon, nang papasok na lamang ang bansang Israel sa Lupang Pangako, nirahuyo ng kaakit-akit na mga babaing Moabita at Midianita ang maraming Israelita upang pumaroon sa kanila at masiyahan sa kanilang pagkamapagpatuloy. Tinanggihan sana ng mga lalaking ito ang matalik na pakikisama sa mga mananamba ng mga huwad na diyos. (Exodo 34:12, 15) Sa halip, nagkumahog sila na parang mga torong patungo sa patayan, anupat nakiapid sa mga babae at nakisama sa kanila sa pagyukod kay Baal ng Peor.—Kawikaan 7:21, 22; Bilang 25:1-3.
8 Nagpadala ng kaparusahan si Jehova upang patayin yaong nasangkot sa ganitong mahalay na pagsamba sa sekso. Inutusan din ng Diyos ang walang-salang mga Israelita na patayin ang kanilang nagkasalang mga kapatid. Bilang isang pangahas na pagsuway, isang pinuno ng Israel na nagngangalang Zimri ang nagdala ng isang prinsesang Midianita sa kaniyang tolda upang makipagtalik sa kaniya. Sa pagkakita nito, pinaslang ng may-takot sa Diyos na saserdoteng si Pinehas ang dalawang imoral. Nang magkagayo’y huminto ang parusa, at ipinahayag ng Diyos: “Si Pinehas . . . ang nag-alis ng aking poot sa mga Israelita; nagpamalas siya sa gitna nila ng gayunding mapanibughuing galit na nagpakilos sa akin, at dahil doon sa aking paninibugho ay hindi ko nilipol ang mga Israelita.” (Bilang 25:11, The New English Bible) Bagaman nasagip ang bansa buhat sa pagkapuksa, di-kukulangin sa 23,000 Israelita ang pumanaw. (1 Corinto 10:8) Nabigo silang tamasahin ang kanilang matagal nang hinihintay na pag-asang makapasok sa Lupang Pangako.
Isang Babalang Aral
9. Ano ang dinanas ng bayan ng Israel at ng Juda dahil sila’y hindi mapanibughuin ukol sa dalisay na pagsamba kay Jehova?
9 Nakalulungkot, madaling nakalimutan ng mga Israelita ang mga aral na ito. Hindi sila napatunayang mapanibughuin ukol sa dalisay na pagsamba kay Jehova. “Sa kanilang nililok na mga larawan ay patuloy nilang pinupukaw [ang Diyos] sa paninibugho.” (Awit 78:58) Bilang resulta, pinahintulutan ni Jehova na ang sampung tribo ng Israel ay dalhing bihag ng mga Asiriano noong 740 B.C.E. Ang nalalabing dalawang-tribong kaharian ng Juda ay dumanas ng katulad na parusa nang ang kanilang kabiserang lunsod ng Jerusalem ay nawasak noong taóng 607 B.C.E. Maraming nasawi, at ang mga nakaligtas ay dinalang bihag sa Babilonya. Anong mariing babalang halimbawa para sa lahat ng Kristiyano sa ngayon!—1 Corinto 10:6, 11.
10. Ano ang mangyayari sa di-nagsisising mga nagsasagawa ng idolatriya?
10 Sangkatlo ng populasyon sa lupa ngayon—humigit-kumulang 1,900 milyon—ang nag-aangking Kristiyano. (1994 Britannica Book of the Year) Karamihan sa mga ito ay kabilang sa mga simbahan na gumagamit ng mga imahen, larawan, at mga krus sa kanilang pagsamba. Hindi pinaligtas ni Jehova ang kaniyang sariling bayan na pumukaw sa kaniya sa paninibugho sa pamamagitan ng kanilang idolatriya. Hindi rin naman niya paliligtasin ang mga nag-aangking Kristiyano na sumasamba sa tulong ng nakikitang mga bagay. “Ang Diyos ay Espiritu, at yaong mga sumasamba sa kaniya ay dapat sumamba sa espiritu at katotohanan,” sabi ni Jesu-Kristo. (Juan 4:24) Isa pa, nagbababala ang Bibliya sa mga Kristiyano na magbantay laban sa idolatriya. (1 Juan 5:21) Ang di-nagsisising mga nagsasagawa ng idolatriya ay kabilang sa mga hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos.—Galacia 5:20, 21.
11. Papaano maaaring magkasala ng idolatriya ang isang Kristiyano nang hindi yumuyukod sa isang idolo, at ano ang tutulong sa isa na maiwasan ang gayong idolatriya? (Efeso 5:5)
11 Bagaman ang isang tunay na Kristiyano ay hindi kailanman yuyukod sa isang idolo, kailangang iwasan niya ang anumang bagay na minamalas ng Diyos na idolatroso, di-malinis, at makasalanan. Halimbawa, ganito ang babala ng Bibliya: “Patayin ninyo . . . ang mga sangkap ng inyong katawan na nasa ibabaw ng lupa na may kinalaman sa pakikiapid, kawalang-kalinisan, seksuwal na pagnanasa, nakasasakit na nasa, at kaimbutan, na siyang idolatriya. Dahil sa mga bagay na iyon ay dumarating ang poot ng Diyos.” (Colosas 3:5, 6) Ang pagsunod sa mga salitang ito ay humihiling ng pagtatakwil sa imoral na asal. Ito’y nangangailangan ng pag-iwas sa libangan na dinisenyo upang pukawin ang di-malinis na seksuwal na pagnanasa. Sa halip na bigyang-kasiyahan ang gayong pagnanasa, ang tunay na mga Kristiyano ay mapanibughuin ukol sa dalisay na pagsamba sa Diyos.
Ang Sumunod na mga Halimbawa ng Maka-Diyos na Paninibugho
12, 13. Papaano nag-iwan si Jesus ng isang namumukod-tanging halimbawa ng pagpapamalas ng paninibugho ukol sa dalisay na pagsamba sa Diyos?
12 Ang namumukod-tanging halimbawa ng isang tao na nagpamalas ng paninibugho ukol sa dalisay na pagsamba sa Diyos ay si Jesu-Kristo. Noong unang taon ng kaniyang ministeryo, nakita niya ang masasakim na mangangalakal na nagnenegosyo sa mga looban ng templo. Ang dumadalaw na mga Judio ay maaaring nangangailangan ng serbisyo ng mga tagapagpalit ng salapi upang ang kanilang dala-dalang salaping banyaga ay mapalitan ng salaping maaaring ibayad bilang buwis sa templo. Kinailangan din nilang bumili ng mga hayop at ibon upang makapaghandog ng mga hain na hinihiling ng Batas ng Diyos. Ang gayong mga transaksiyon sa negosyo ay dapat sanang ginagawa sa labas ng mga looban ng templo. Mas masahol pa, maliwanag na sinasamantala ng mga mangangalakal ang relihiyosong pangangailangan ng kanilang mga kapatid sa pamamagitan ng paniningil ng labis-labis na halaga. Palibhasa’y nag-aalab sa paninibugho ukol sa dalisay na pagsamba sa Diyos, ginamit ni Jesus ang isang panghampas upang itaboy ang mga tupa at mga baka. Pinagtataob din niya ang mga mesa ng mga tagapagpalit ng salapi, anupat nagsabi: “Tigilan ninyo ang paggawa sa bahay ng aking Ama na isang bahay ng kalakal!” (Juan 2:14-16) Sa gayo’y tinupad ni Jesus ang mga salita sa Awit 69:9: “Inuubos ako ng lubos na sigasig [o, “paninibugho,” Byington] para sa iyong bahay.”
13 Pagkaraan ng tatlong taon, nakita na naman ni Jesus na nagnenegosyo sa templo ni Jehova ang masasakim na mangangalakal. Lilinisin kaya niyang muli ito sa ikalawang pagkakataon? Ang kaniyang paninibugho ukol sa dalisay na pagsamba sa Diyos ay matindi pa rin gaya noong pasimulan niya ang kaniyang ministeryo. Itinaboy niya kapuwa ang mga tagapagtinda at mga mamimili. At nagbigay pa man din siya ng mas matibay na dahilan sa kaniyang ginawa, sa pagsasabi: “Hindi ba nasusulat, ‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-panalanginan ng lahat ng mga bansa’? Subalit ginawa ninyo itong yungib ng mga magnanakaw.” (Marcos 11:17) Anong kahanga-hangang halimbawa ng pananatili sa pagpapamalas ng maka-Diyos na paninibugho!
14. Papaano dapat makaapekto sa atin ang paninibugho ni Jesus ukol sa dalisay na pagsamba?
14 Hindi nagbago ang personalidad ng ngayo’y niluwalhating Panginoong Jesu-Kristo. (Hebreo 13:8) Sa ika-20 siglong ito, siya ay mapanibughuin pa rin ukol sa dalisay na pagsamba sa kaniyang Ama gaya noong siya’y nasa lupa. Ito’y makikita sa mga mensahe ni Jesus sa pitong kongregasyon na iniulat sa aklat ng Apocalipsis. Ang mga ito ay may malaking katuparan sa ngayon, sa “araw ng Panginoon.” (Apocalipsis 1:10; 2:1–3:22) Sa isang pangitain nakita ni apostol Juan ang niluwalhating si Jesu-Kristo na ang “mga mata ay gaya ng maapoy na liyab.” (Apocalipsis 1:14) Ipinahihiwatig nito na walang nakaliligtas sa pansin ni Kristo habang sinisiyasat niya ang mga kongregasyon upang tiyakin na sila’y nananatiling malinis at kaayaaya sa paglilingkod kay Jehova. Kailangang tandaan ng mga Kristiyano sa kasalukuyang panahon ang babala ni Jesus laban sa pagsisikap na maglingkod sa dalawang panginoon—sa Diyos at sa mga kayamanan. (Mateo 6:24) Ganito ang sabi ni Jesus sa materyalistikong mga miyembro ng kongregasyon sa Laodicea: “Dahil sa ikaw ay malahininga at hindi mainit ni malamig man, ay isusuka kita mula sa aking bibig. . . . Maging masigasig ka at magsisi.” (Apocalipsis 3:14-19) Sa pamamagitan ng salita at halimbawa, nararapat tulungan ng hinirang na matatanda sa kongregasyon ang kanilang mga kapananampalataya na maiwasan ang silo ng materyalismo. Kailangan ding ipagsanggalang ng matatanda ang kawan buhat sa mahalay na asal ng sanlibutang ito na haling sa sekso. Isa pa, hindi pinahihintulutan ng bayan ng Diyos ang anumang impluwensiya ni Jezebel sa kongregasyon.—Hebreo 12:14, 15; Apocalipsis 2:20.
15. Papaano tinularan ni apostol Pablo si Jesus sa pagpapakita ng paninibugho ukol sa pagsamba kay Jehova?
15 Si apostol Pablo ay tagatulad ni Kristo. Upang ipagsanggalang ang bagong bautisadong mga Kristiyano buhat sa mga impluwensiyang nakasisira sa espirituwal, sinabi niya: “Naninibugho ako may kinalaman sa inyo taglay ang maka-Diyos na paninibugho.” (2 Corinto 11:2) Bago nito, ang paninibugho ni Pablo ukol sa dalisay na pagsamba ay nagpakilos sa kaniya na itagubilin sa kongregasyon ding ito na itiwalag ang isang di-nagsisising mapakiapid na isang nagpaparuming impluwensiya. Ang kinasihang utos na ibinigay sa pagkakataong iyon ay isang malaking tulong sa matatanda sa ngayon habang nagsusumikap sila na panatilihing malinis ang mahigit sa 75,500 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova.—1 Corinto 5:1, 9-13.
Nakikinabang ang Bayan ng Diyos sa Kaniyang Paninibugho
16, 17. (a) Nang parusahan ng Diyos ang sinaunang Juda, anong saloobin ang ipinakita ng mga bansa? (b) Pagkatapos ng 70 taon ng pagkabihag ng Juda, papaano ipinamalas ni Jehova ang kaniyang paninibugho para sa Jerusalem?
16 Nang parusahan ng Diyos ang bayan ng Juda sa pamamagitan ng pagpapahintulot na sila’y madalang bihag sa Babilonya, sila’y nilibak. (Awit 137:3) Udyok ng may paninibughong poot, tinulungan pa man din ng mga Edomita ang mga taga-Babilonya na dalhan ng kalamidad ang bayan ng Diyos, at ito’y binigyang-pansin ni Jehova. (Ezekiel 35:11; 36:15) Sa pagkabihag ay nagsisi ang mga nakaligtas, at pagkatapos ng 70 taon ay ibinalik sila ni Jehova sa kanilang lupain.
17 Sa simula, mahirap ang kalagayan ng bayan ng Juda. Nananatiling guho ang lunsod ng Jerusalem at ang templo nito. Subalit sinasalungat ng nakapalibot na mga bansa ang lahat ng pagsisikap na muling itayo ang templo. (Ezra 4:4, 23, 24) Ano ang nadama ni Jehova hinggil dito? Ganito ang sabi ng kinasihang ulat: “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo: ‘Ako’y naninibugho para sa Jerusalem at para sa Sion nang may malaking paninibugho. Sa malaking pagkagalit ay nakadarama ako ng pagkagalit laban sa mga bansa na maginhawa; sapagkat ako, sa ganang akin, ay nakadama ng pagkagalit nang kaunti lamang, ngunit sila, sa ganang kanila, ay tumulong sa pagdadala ng kalamidad.’ Kaya ganito ang sabi ni Jehova, ‘Tiyak na babalik ako sa Jerusalem taglay ang awa. Itatayo sa kaniya ang aking sariling bahay,’ ang kapahayagan ni Jehova ng mga hukbo.” (Zacarias 1:14-16) Tapat sa pangakong ito, matagumpay na naitayong-muli ang templo at ang lunsod ng Jerusalem.
18. Ano ang naranasan ng tunay na mga Kristiyano noong unang digmaang pandaigdig?
18 Katulad din nito ang nararanasan ng tunay na Kristiyanong kongregasyon sa ika-20 siglo. Noong unang digmaang pandaigdig, dinisiplina ni Jehova ang kaniyang bayan dahil sila’y hindi naging ganap na neutral sa makasanlibutang alitang iyan. (Juan 17:16) Pinahintulutan ng Diyos na sila’y siilin ng pulitikal na mga kapangyarihan, at nagsaya ang klero ng Sangkakristiyanuhan sa kalamidad na ito. Sa katunayan, ang mga klerigo ang nasa unahan ng pagbabawal ng mga pulitiko sa gawain ng mga Estudyante ng Bibliya, gaya ng tawag noon sa mga Saksi ni Jehova.—Apocalipsis 11:7, 10.
19. Papaano ipinakikita ni Jehova ang kaniyang paninibugho ukol sa pagsamba sa kaniya sapol noong 1919?
19 Gayunpaman, si Jehova ay nagpakita ng paninibugho ukol sa pagsamba sa kaniya at isinauli ang kaniyang pabor sa kaniyang nagsising bayan noong taong 1919 pagkatapos ng digmaan. (Apocalipsis 11:11, 12) Bunga nito, ang bilang ng mga tagapuri kay Jehova ay tumaas buhat sa wala pang 4,000 noong 1918 hanggang sa mga 5 milyon sa ngayon. (Isaias 60:22) Di-magtatagal, ang paninibugho ni Jehova ukol sa kaniyang dalisay na pagsamba ay maitatanghal sa mas dramatikong mga paraan.
Panghinaharap na mga Gawa ng Banal na Paninibugho
20. Ano ang malapit nang gawin ng Diyos upang ipakita ang kaniyang paninibugho ukol sa dalisay na pagsamba?
20 Sa loob ng mga siglo ang mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan ay sumunod sa landasin ng apostatang mga Judio na pumukaw ng paninibugho ni Jehova. (Ezekiel 8:3, 17, 18) Malapit nang kumilos si Jehova sa pamamagitan ng paglalagay ng marahas na kaisipan sa puso ng mga miyembro ng United Nations. Ito ang magpapakilos sa pulitikal na mga kapangyarihang ito na itiwangwang ang Sangkakristiyanuhan at ang nalalabing bahagi ng huwad na relihiyon. (Apocalipsis 17:16, 17) Makaliligtas ang tunay na mga mananamba sa nakasisindak na pagsasagawa ng banal na kahatulang iyan. Tutugon sila sa mga salita ng makalangit na mga nilalang na nagsasabi: “Purihin ninyo si Jah! . . . Sapagkat naglapat siya ng kahatulan sa dakilang patutot [huwad na relihiyon] na nagpasamâ sa lupa dahil sa kaniyang pakikiapid [sa kaniyang mga maling turo at suporta sa tiwaling pulitika], at ipinaghiganti niya ang dugo ng kaniyang mga alipin sa kaniyang kamay.”—Apocalipsis 19:1, 2.
21. (a) Ano ang gagawin ni Satanas at ng kaniyang sistema pagkatapos na mapuksa ang huwad na relihiyon? (b) Papaano kikilos ang Diyos?
21 Ano ang mangyayari pagkatapos ng pagkapuksa ng pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon? Pupukawin ni Satanas ang pulitikal na mga kapangyarihan upang maglunsad ng isang pandaigdig na pagsalakay sa bayan ni Jehova. Papaano kikilos ang Diyos sa pagtatangkang ito ni Satanas na palisin ang tunay na pagsamba sa balat ng lupa? Ganito ang sinasabi sa atin ng Ezekiel 38:19-23: “Sa aking pag-aalab [o, paninibugho], sa apoy ng aking mainit na galit, ako [si Jehova] ay magsasalita. . . . At dadalhin ko ang aking sarili sa paghatol sa kaniya [si Satanas], taglay ang peste at ang dugo; at magpapaulan ako ng bumabahang buhos ng ulan at mga batong-granizo, apoy at asupre sa kaniya at sa kaniyang mga pangkat at sa maraming bayan na makakasama niya. At tiyak na dadakilain ko ang aking sarili at pababanalin ang aking sarili at ipakikilala ang aking sarili sa harap ng mga mata ng maraming bansa; at kanilang makikilala na ako si Jehova.”—Tingnan din ang Zefanias 1:18; 3:8.
22. Papaano natin maipakikita na tayo ay mapanibughuin ukol sa dalisay na pagsamba kay Jehova?
22 Nakaaaliw ngang malaman na ang Soberano ng sansinukob ay may paninibughong nagmamalasakit sa kaniyang tunay na mga mananamba! Dahil sa matinding pagpapahalaga sa kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan, tayo nawa’y maging mapanibughuin ukol sa dalisay na pagsamba sa Diyos na Jehova. Taglay ang sigasig, harinawang patuloy na ipangaral natin ang mabuting balita at may-pagtitiwalang hintayin ang dakilang araw na dadakilain at pababanalin ni Jehova ang kaniyang maringal na pangalan.—Mateo 24:14.
Mga Puntong Dapat Bulay-bulayin
◻ Ano ang ibig sabihin ng maging mapanibughuin ukol kay Jehova?
◻ Ano ang matututuhan natin sa mga halimbawang ipinakita ng sinaunang mga Israelita?
◻ Papaano natin maiiwasang pukawin sa paninibugho si Jehova?
◻ Papaano nagpakita ang Diyos at si Kristo ng paninibugho ukol sa dalisay na pagsamba?
[Kahon sa pahina 12]
Ang Pag-ibig ay Hindi Mapanibughuin
HINGGIL sa pagkainggit, ganito ang isinulat ng ika-19-na-siglong iskolar sa Bibliya na si Albert Barnes: “Iyon ang isa sa pinakapangkaraniwang palatandaan ng kabalakyutan, at malinaw na nagpapakita ng malubhang kabulukan ng tao.” Sinabi pa niya: “Siya na makatatalunton sa pinagmulan ng lahat ng digmaan at alitan at makasanlibutang mga plano—sa tunay na pinagmulan ng lahat ng pakana at layunin maging ng nag-aangking mga Kristiyano, na gayon na lamang ang nagawa upang dungisan ang kanilang relihiyon at gawin silang makasanlibutan—ay magtatakang matuklasan na ang malaking bahagi ay nag-uugat sa pagkainggit. Nagdaramdam tayo dahil ang iba ay mas maunlad kaysa sa atin; hangad nating magkaroon ng tinataglay ng iba, bagaman wala tayong karapatan doon; at ito’y umaakay sa iba’t ibang nakababahalang paraan na ginagamit upang bawasan ang pagtatamasa nila nito, o upang makuha iyon para sa ating sarili, o maipakita na hindi gayon karami ang taglay nila di-gaya ng karaniwang ipinagpapalagay. . . . sapagkat sa gayon ang espiritu ng pagkainggit sa ating mga sinapupunan ay mapalulugdan.”—Roma 1:29; Santiago 4:5.
Sa kabaligtaran, kapansin-pansin ang sinabi ni Barnes hinggil sa pag-ibig, na “hindi nananaghili.” (1 Corinto 13:4, King James Version) Sumulat siya: “Hindi nananaghili ang pag-ibig sa kaligayahan na tinatamasa ng iba; nalulugod ito sa kanilang kapakanan; at habang ang kanilang kaligayahan ay lumalaki . . . , yaong nauudyukan ng pag-ibig ay . . . hindi babawasan iyon; hindi nila hihiyain sila dahil sa kanilang tinataglay; hindi nila sisirain ang kaligayahang iyon; hindi sila magbubulung-bulungan o magrereklamo na hindi sila lubhang kinalugdan nang gayon. . . . Kung mahal natin ang iba—kung nagagalak tayo sa kanilang kaligayahan, hindi tayo dapat managhili sa kanila.”
[Larawan sa pahina 10]
Si Pinehas ay mapanibughuin ukol sa dalisay na pagsamba kay Jehova