Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w95 10/1 p. 25-28
  • Ingatan ang Inyong Pagkadama ng Pagkaapurahan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ingatan ang Inyong Pagkadama ng Pagkaapurahan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Espesipikong mga Panahong Apurahan
  • Pagkaapurahan sa Panahong Kristiyano
  • Wala ba sa Panahon ang Gayong Pagkaapurahan?
  • Higit Pang Pagpapasigla sa Pagkaapurahan
  • Positibong Epekto ng Pagkaapurahan
  • Panatilihin ang Pagkadama ng Pagkaapurahan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Kung Paano Lilinangin ang Pagkadama ng Pagkaapurahan sa Pangangaral
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2014
  • “Ang Dakilang Araw ni Jehova ay Malapit Na”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • Maging Masigasig sa Tunay na Pagsamba
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
w95 10/1 p. 25-28

Ingatan ang Inyong Pagkadama ng Pagkaapurahan

ANO ba ang isang tiyak, sinang-ayunan ng Diyos na paraan upang makapagpatuloy sa paglilingkod kay Jehova nang buong-kaluluwa? Iyon ay ang taimtim at taos-pusong pagkadama ng pagkaapurahan. Ang paglilingkod sa Diyos nang buong-kaluluwa ay nangangahulugan ng paglilingkod sa kaniya taglay ang ating buong pagkatao, at humihiling ito ng taimtim, walang-pasubaling pagsunod sa anumang hilingin niyang gawin natin.

Idiniin ni propeta Moises ang ganitong pangangailangan nang itagubilin niya sa bansang Israel: “Ibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang iyong matinding puwersa.” (Deuteronomio 6:5) Makalipas ang ilang siglo ang utos ding iyan ay inulit ni Kristo Jesus: “Ibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo.” (Mateo 22:37) Ipinahiwatig ni apostol Pablo ang ganito ring kahilingan nang sabihin niya sa mga taga-Efeso na gawin “ang kalooban ng Diyos nang buong-kaluluwa,” at nang himukin niya ang mga taga-Colosas: “Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ito nang buong-kaluluwa na gaya ng kay Jehova, at hindi sa mga tao.”​—Efeso 6:6; Colosas 3:23.

Gayunman, mahirap na ilagak ang ating puso at kaluluwa sa paglilingkod sa Diyos kung hindi natin mismo nadarama nang malalim ang pagkaapurahan o kung ang ating pagkadama ng pagkaapurahan ay naging matamlay na​—marahil ay tuluyan nang nawala. Sa ngayon, tayo’y nabubuhay sa apurahang panahon na wala pang nakakatulad sa anumang ibang yugto sa kasaysayan ng tao.

Espesipikong mga Panahong Apurahan

Bago ng panahong Kristiyano ay mayroon nang mga panahong apurahan. Ang kaarawan ni Noe at ang yugto ng panahong humantong sa pagkapuksa ng Sodoma at Gomorra ay tiyak na mga panahon na totoong apurahan. (2 Pedro 2:5, 6; Judas 7) Ang mga taon bago ang Baha ay walang-alinlangang lipos ng apurahang gawain. Kahit hindi tiyak ni Noe at ng kaniyang pamilya kung kailan magsisimula ang Delubyo, ang kanilang “maka-Diyos na takot” ang tumitiyak na sila’y hindi nagpatumpik-tumpik.​—Hebreo 11:7.

Sa katulad na paraan, bago pinuksa ang Sodoma at Gomorra, ang mga anghel ay “nag-apura kay Lot” at sinabihan siya: “Tumakas kayo alang-alang sa inyong kaluluwa!” (Genesis 19:15, 17) Oo, nang panahon ding iyon, ang pagkaapurahan ang nagligtas sa buhay ng mga matuwid. Makalipas ang daan-daang taon ang mga bihag na Judio sa Babilonya ay pinayuhan: “Umalis kayo, umalis kayo, lumabas kayo mula roon, huwag humipo ng anumang di-malinis; lumabas kayo mula sa kaniya.” (Isaias 52:11) Noong 537 B.C.E., humigit-kumulang 200,000 bihag ang madaliang nagsilabas sa Babilonya bilang pagsunod sa apurahan at makahulang utos na iyan.

Ang pagkadama ng pagkaapurahan sa bawat situwasyong iyon ay nagbunga ng buong-kaluluwang paglilingkod niyaong mga nakadama at nagpatuloy sa paniniwala na sila’y nabubuhay sa mga panahong apurahan.

Pagkaapurahan sa Panahong Kristiyano

Ang pagkaapurahan ay paulit-ulit ding binabanggit sa buong Kristiyanong Griegong Kasulatan. “Patuloy na tumingin,” “manatiling gising,” “patuloy na magbantay,” “patunayan ninyong kayo’y handa”​—lahat ng ito’y mga pananalita na ginamit ni Kristo Jesus upang itimo sa kaniyang mga tagasunod ang wastong pagkadama ng pagkaapurahan. (Mateo 24:42-44; Marcos 13:32-37) Karagdagan pa, pawang pumupukaw ng pananabik at pagkadama ng pagkaapurahan ang kaniyang mga ilustrasyon tungkol sa sampung dalaga, balakyot na alipin, mga talento, at sa pagbubukod ng mga tupa sa mga kambing.​—Mateo 25:1, 14, 15, 32, 33.

Hindi lamang bumanggit si Jesus tungkol sa pagkaapurahan kundi sinuhayan din niya ang pagiging totoo ng kaniyang mga salita sa pamamagitan ng paggawa nang may pagkaapurahan. Minsan ay ganito ang sinabi niya sa mga pulutong nang tangkain nilang pigilin siya: “Sa ibang mga lunsod din ay dapat kong ipahayag ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos, sapagkat sa dahilang ito ako isinugo.” (Lucas 4:42, 43) Gayundin, pinatibay-loob niya ang kaniyang mga alagad na hilingin sa Panginoon ng pag-aani na magpadala ng higit pang manggagawa sa Kaniyang pag-aani sapagkat “ang pag-aani ay malaki, ngunit ang mga manggagawa ay kakaunti.” (Mateo 9:37, 38) Ang gayong may pananalanging paghiling sa Diyos ay tunay ngang nagpapamalas ng isang espiritu ng pagkaapurahan.

Wala ba sa Panahon ang Gayong Pagkaapurahan?

Ang ilan ay baka magbangon ng makatuwirang tanong, Bakit kailangan noon ang pagkadama ng pagkaapurahan kung daan-daang taon pa naman bago ang inihulang “malaking kapighatian”?​—Mateo 24:21.

Matitiyak natin na iyon ay hindi isang pandaraya lamang na ginamit ni Jesus upang panatilihing abala ang kaniyang mga tagasunod sa gawaing pangangaral at pagtuturo. Hindi, iyon ay ang pag-ibig ni Kristo sa kaniyang mga alagad, gayundin ang kaniyang sakdal na kaunawaan sa pangmalas ni Jehova sa panahon, na siyang saligan ng kaniyang payo tungkol sa pagkaapurahan. Oo, alam ni Kristo Jesus na isang diwa ng pagkaapurahan ang kailangan upang maganap ang kalooban ni Jehova ayon sa layunin ng Diyos. Isa pa, batid niya na ang kaniyang mga alagad mismo ay makikinabang sa espirituwal na paraan sa pamamagitan ng pananatiling nakadarama ng pagkaapurahan hanggang sa kaniyang pagbabalik.

Maliwanag na ipinakita ni Jesu-Kristo na may pambuong-daigdig na pagpapatotoong kailangang isagawa at sa limitadong panahon. (Mateo 24:14; Marcos 13:10) Ang baytang-baytang na yugto ng atas na ito ay isiniwalat lamang habang nagpapatuloy ang gawain. Subalit kailangan ang pagkaapurahan upang matupad ang bawat baytang. Ipinakita ni Jesus ang pagkakasunud-sunod ng atas na ito nang kaniyang sabihin: “Magiging mga saksi ko kayo kapuwa sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) At ganiyan isinasagawa ang atas hanggang sa kasalukuyan. Nangahulugan ito ng ilang sorpresa para sa mga lingkod ng Diyos sa paglakad ng panahon, anupat kailangan ang mga pagbabago sa pagkaunawa sa pana-panahon.

Ang Kristiyanong pagkadama ng pagkaapurahan ay nagsilbi ukol sa layunin ni Jehova. Ito’y tumulong sa mga alagad ni Kristo na isagawa ang pagkasunud-sunod ng kanilang gawain ayon sa walang-pagkabisalang iskedyul ni Jehova. Kaya ngayon, sa paglingon sa nakalipas na halos 2,000 taon, mas lubusan nating nauunawaan ang banal na iskedyul na iyan.

Ang Kristiyanong pagkaapurahan ang tumulong sa mga alagad na lubusang magpatotoo sa Jerusalem, Judea, Samaria, at sa nagsipangalat na mga Judio bago sumapit ang 36 C.E. nang matapos ang pantanging pabor sa Israel. (Daniel 9:27; Gawa 2:46, 47) Gayundin, ang Kristiyanong pagkaapurahan ay tumulong sa naunang kongregasyon sa pagbibigay ng malinaw na babala sa lahat ng Judio na malapit nang magwakas ang kanilang sistema. (Lucas 19:43, 44; Colosas 1:5, 6, 23) At pagkatapos na magwakas iyon nang di-inaasahan noong 70 C.E., ang pagkaapurahan ang tumulong sa unang-siglong mga saksi ni Kristo na ihayag ang makalangit na pag-asa sa marami bago ang nakamamatay na paglaganap ng inihulang apostasya. (2 Tesalonica 2:3; 2 Timoteo 4:2) Pagkatapos, nang sumunod na mga siglo ng Madilim na Panahon, pinanatiling buháy ng iilang tulad-trigong Kristiyano ang pag-asa sa Kaharian, gaya ng inihula ni Kristo Jesus. (Mateo 13:28-30) Sa wakas, sa kaniyang takdang panahon, si Jehova ay nagbangon ng isang masigla, modernong-panahong kongregasyon, na pinukaw ng kaniyang apurahang mensahe ng paghatol para sa mga nabubuhay sa pangwakas na salinlahing ito.​—Mateo 24:34.

atulad ni Daniel noong una, ang tapat na modernong-panahong mga Saksi ay hindi mangangahas na tanungin si Jehova: “Ano ba ang ginagawa mo?” (Daniel 4:35) Sila’y may tiwala na alam na alam ni Jehova kung ano ang kailangan upang matapos ang kaniyang gawain sa takdang panahon. Kaya sa halip na pag-alinlanganan ang pamamaraan ni Jehova ng pagsasaayos ng mga bagay-bagay, sila’y maligaya na binigyan sila ng Diyos ng pagkakataong gumawang kasama niya sa mahalagang mga panahong ito.​—1 Corinto 3:9.

Higit Pang Pagpapasigla sa Pagkaapurahan

Ang isa pang dahilan para sa pagkaapurahan ay ang ating kawalang-kakayahan na tukuyin ang eksaktong araw at oras ng biglang pagsisimula ng malaking kapighatian. Tiyakang sinabi ni Kristo na walang sinuman sa lupa ang nakaaalam sa itinalagang araw at oras ng pagsisimula ng mahalagang pangyayaring iyon. (Mateo 24:36) Sa isa pang pagkakataon sinabi niya sa kaniyang nananabik na mga apostol: “Hindi sa inyo ang alamin ang mga panahon o mga kapanahunan na inilagay ng Ama sa kaniyang sariling hurisdiksiyon.” (Gawa 1:7) Oo, maliwanag ang resulta, ngunit hindi para sa atin ang malaman ang lahat ng detalye.

Si apostol Pablo ay may tamang saloobin ng pagkaapurahan. Marahil ay nasa isip niya ang mga salita ni Jesus nang siya’y sumulat sa mga taga-Tesalonica tungkol sa pagkanaririto ni Kristo: “Ngayon kung tungkol sa mga panahon at mga kapanahunan, mga kapatid, hindi ninyo kailangan na isulat pa sa inyo ang anuman.” (1 Tesalonica 5:1) Isinulat niya ang liham na ito mga 17 taon pagkaraang sabihin ni Jesus: “Magiging mga saksi ko kayo . . . hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Noon ay wala nang maisusulat pa sapagkat wala nang naisiwalat. Magkagayon man, makapagtitiwala sila na ang araw ni Jehova ay tiyak na darating na “kagayang-kagaya ng isang magnanakaw sa gabi” sa panahong ang mga Kristiyano ay apurahan pa ring nangangaral.​—1 Tesalonica 5:2.

Waring imposible na samantalang taglay sa isipan ang mga salitang ito, inakala ng unang-siglong mga Kristiyano na daan-daang taon pa bago ang araw ni Jehova. Totoo, alam nila ang mga talinghaga ni Jesus tungkol sa hari na naparoon sa malayong lupain at tungkol sa isang tao na naglakbay sa ibang lupain. Batid din nila na ipinakita ng mga talinghaga na ang hari ay magbabalik sa “bandang huli” at ang manlalakbay naman ay “pagkatapos ng mahabang panahon.” Ngunit tiyak na sila’y nag-isip sa mga katanungang gaya ng, Kailan ang “bandang huli”? At ano ang ibig sabihin ng “pagkatapos ng mahabang panahon”? Sampung taon? Dalawampung taon? Limampung taon? O mas matagal pa? (Lucas 19:12, 15; Mateo 25:14, 19) Patuloy na maaalaala nila ang mga salita ni Jesus: “Kayo rin, manatiling handa, sapagkat sa oras na hindi ninyo sukat akalain ang Anak ng tao ay darating.”​—Lucas 12:40.

Positibong Epekto ng Pagkaapurahan

Oo, ang pagkadama ng pagkaapurahan na pinukaw ng Diyos sa unang-siglong mga Kristiyano ay nagdulot ng kamangha-mangha at nakapagpapatibay na epekto, anupat tumulong sa kanila na manatiling abala sa pinakamahalagang gawain na pangangaral at pagtuturo. Patuloy rin nitong pinasisigla tayo ngayon sa maraming paraan. Iniiwas tayo nito sa pagiging kampante o ‘panghihina sa paggawa ng mabuti.’ (Galacia 6:9, King James Version) Ipinagsasanggalang tayo nito sa labis na pagkasangkot sa sanlibutan at sa mapaminsalang materyalismo nito. Iniingatan nito ang ating isip sa “tunay na buhay.” (1 Timoteo 6:19) Sinabi ng Panginoong Jesus na ang kaniyang mga alagad ay magiging gaya ng “mga tupa sa gitna ng mga lobo,” at batid niya na tayo’y kailangang manatiling may determinado, matatag na pangmalas upang mapaglabanan ang sanlibutan. Oo, tayo’y naiingatan, anupat naipagsasanggalang ng ating Kristiyanong pagkadama ng pagkaapurahan.​—Mateo 10:16.

Ang Diyos na Jehova sa kaniyang walang-hanggang karunungan ay laging nagbibigay sa kaniyang mga lingkod ng sapat na impormasyon upang panatilihing buháy ang kanilang pagkadama ng pagkaapurahan. May kabaitang tinitiyak niya sa atin na tayo’y nasa “mga huling araw” ng tiwaling sistemang ito ng mga bagay. (2 Timoteo 3:1) Patuloy na ipinagugunita sa atin na tayo’y kailangang sumikat bilang mga tagapagbigay-liwanag hanggang sa ang salinlahing kinabubuhayan natin ay lumipas sa malaking kapighatian, na ang kasukdulan ay sa Har–​Magedon.​—Filipos 2:15; Apocalipsis 7:14; 16:14, 16.

Oo, ang maka-Diyos na pagkadama ng pagkaapurahan ay isang mahalagang bahagi ng buong-kaluluwang paglilingkod kay Jehova. Hinahadlangan at binibigo nito ang mga pagtatangka ng Diyablo na pangyarihing ‘manghimagod at manghina ang mga kaluluwa’ ng mga lingkod ng Diyos. (Hebreo 12:3) Magpakailanman, ang buong-kaluluwang debosyon ay magpapakilos sa mga lingkod ni Jehova na sumunod sa kaniya, subalit ngayon, sa mga araw na ito bago sumapit ang Armagedon, ang isang matindi, taimtim na pagkadama ng pagkaapurahan ay isang mahalagang bahagi ng buong-kaluluwang debosyon.

Harinawang lahat tayo ay tulungan ng ating Diyos na si Jehova na ingatan ang ating pagkadama ng pagkaapurahan samantalang patuloy nating inuulit ang mga salita ni apostol Juan: “Amen! Pumarito ka, Panginoong Jesus.”​—Apocalipsis 22:20.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share