Dapat Bang Magkasalungatan ang Tradisyon at ang Katotohanan?
KUMBINSIDO si Martin Luther na siya ay tama. Naniniwala siya na may suporta siya mula sa Bibliya. Sa kabilang dako, inakala naman ng Polakong astronomo na si Copernicus na mali ang tradisyunal na paniniwala noong panahon niya.
Anong paniniwala? Na ang lupa ang siyang sentro ng sansinukob at ang lahat ng bagay ay umiikot sa palibot nito. Ang katotohanan, sabi ni Copernicus, ay na ang lupa mismo ang umiikot sa palibot ng araw. Tinanggihan ito ni Luther, na nagsabi: “Nakikinig ang mga tao sa isang hambog na astronomo na nagsisikap ipakitang ang lupa ang siyang umiikot, hindi ang mga langit o ang papawirin, ang araw at ang buwan.”—History of Western Philosophy.
MADALAS na magkasalungatan ang tradisyunal na mga paniniwala at ang tunay na mga pangyayari, sa katotohanan. Ang mga ito ay maaari pa ngang mag-udyok sa mga tao na gumawa ng nakapipinsalang mga bagay.
Mangyari pa, hindi ito nangangahulugan na ang tradisyon at ang katotohanan ay palaging nagkakasalungatan. Sa katunayan, pinasigla ni apostol Pablo ang mga Kristiyano noong kaarawan niya na patuloy na sundin ang mga tradisyon na ibinigay niya sa kanila: “Ngayon ay pinapupurihan ko kayo sapagkat . . . pinanghahawakan ninyong mahigpit ang mga tradisyon kung paanong ibinigay ko ang mga iyon sa inyo.”—1 Corinto 11:2; tingnan din ang 2 Tesalonica 2:15; 3:6.
Ano ang ibig sabihin ni Pablo sa “mga tradisyon”? Sinasabi ng Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 1118, na ang Griegong salita na ginamit niya para sa “tradisyon,” pa·raʹdo·sis, ay nangangahulugan ng isang bagay na “inihatid sa pamamagitan ng binigkas na salita o ng pagsulat.” Ang salitang Ingles ay nangangahulugan ng “impormasyon, doktrina, o kaugalian na ipinasa ng mga magulang sa mga anak o naging siyang kinaugaliang paraan ng pag-iisip o pagkilos.”a Dahil sa ang mga tradisyon na ibinigay ni apostol Pablo ay buhat sa isang mabuting pinagmulan, makabubuti sa mga Kristiyano na manghawakan sa mga ito.
Subalit maliwanag na ang tradisyon ay maaaring tama o mali, mabuti o masama. Halimbawa, pinupuri ng Britanong pilosopo na si Bertrand Russell ang mga taong kagaya ni Copernicus ng ika-16 na siglo na gayon na lamang katapat at kalakas ang loob na hamunin ang tradisyunal na mga paniniwala. Sila ay nagkaroon ng “pagkaunawa na kung ano ang pinaniniwalaan sapol noong sinaunang panahon ay maaaring maging mali.” Nakikita mo rin ba ang karunungan sa gayong hindi pagpapaakay nang bulag sa tradisyon?—Ihambing ang Mateo 15:1-9, 14.
Kung gayon, kumusta naman ang mga relihiyosong paniniwala at kaugalian? Ipagpapalagay na lamang ba natin na ang mga ito ay wasto at di-nakapipinsala? Papaano natin malalaman? Ano ang dapat nating gawin kung matuklasan nating ang mga relihiyosong tradisyon ay aktuwal na salungat sa katotohanan? Susuriin ng susunod na artikulo ang mga tanong na ito.
[Talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Picture Credit Line sa pahina 2]
Cover: Jean-Leon Huens © National Geographic Society
[Picture Credit Line sa pahina 3]
Universität Leipzig