Report ng mga Tagapaghayag ng Kaharian
“Gawin Mo ang Gawain ng Isang Ebanghelisador”
ANO ang ibig sabihin ng maging isang ebanghelisador? Ang salita ay salin ng Griego na eu·ag·ge·li·stesʹ, na may malapit na kaugnayan sa salitang eu·ag·geʹli·on, na ang ibig sabihin ay “mabuting balita.” Samakatuwid, ang isang ebanghelisador ay isang mángangarál, o mensahero, ng mabuting balita.
Lahat ng tunay na Kristiyano ay mga ebanghelisador sapagkat ipinahahayag nila ang mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos. Angkop lamang, pinayuhan ni apostol Pablo si Timoteo na “gawin ang gawain ng isang ebanghelisador.” Kailangang maging seryoso si Timoteo sa gawaing ito. Hinimok siya ni Pablo na ‘panatilihin ang kaniyang katinuan sa lahat ng mga bagay’ at ‘lubusang ganapin ang kaniyang ministeryo.’—2 Timoteo 4:5.
Bilang mga ebanghelisador tayo ay seryoso rin sa ating ministeryo at ‘pinananatili ang ating katinuan,’ o nananatiling alisto sa pamamahagi ng mabuting balita sa lahat ng pagkakataon. Sa gayon ay marami ang nakakilala kay Jehova at nakaalam ng kaniyang mga pangako pagkatapos na sila’y makausap ng mga Saksi ni Jehova sa isang impormal na paraan. Ganito ang nangyari kay Seymore, isang lalaking taga-Barbados.
Si Seymore ay guro sa isang paaralang pampubliko. Si Charles, na isang part-time na guro sa paaralan ding iyon at isa sa mga Saksi ni Jehova, ay isang alistong ebanghelisador. Siya ay isang buong-panahong ministro, o payunir, at gumagamit ng lahat ng pagkakataon upang ibahagi sa iba ang mabuting balita. Sa pamamagitan ng impormal na pagpapatotoo ni Charles kung kaya narinig ni Seymore ang mensahe ng Kaharian sa unang pagkakataon.
Di-nagtagal at si Seymore ay determinado na ring ibahagi ang mga katotohanan ng Bibliya sa pinakamaraming tao hangga’t maaari. Kaya nagsimula siya ng impormal na pakikipag-usap sa mga tao sa lugar ng kaniyang trabaho, lalo na sa kaniyang mga estudyante. Bagaman sa ilang lupain ang relihiyon ay hindi itinuturo sa mga paaralang pampubliko, ang lalaking ito ay naatasang magturo ng mga relihiyoso at moral na mga pamantayan. Ngunit ngayon ang dating paniniwala ni Seymore sa mga bagay na ito ay nahalinhan ng kaniyang katatamong kaalaman sa Bibliya. Sa panahon ng rises, nakikipag-usap siya sa kaniyang mga estudyante tungkol sa pangako ng Diyos na isang bagong sanlibutan at ang pag-asa ng buhay na walang-hanggan.
Papaano tumugon ang mga bata? Marami ang nagpamalas ng tunay na interes sa mabuting balita ng Kaharian ni Jehova. Nang maglaon, si Seymore ay nagsimulang magdaos ng pag-aaral ng Bibliya sa 13 sa kaniyang mga estudyante. Gayon na lamang ang interes nila anupat isinaayos nilang makipag-aral ng Bibliya nang dalawang beses sa isang linggo. Nang bandang huli ay nagsimulang dumalo ang karamihan sa kanila sa mga Kristiyanong pagpupulong sa lokal na Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova. Sa kasalukuyan ay siyam sa kanila ang nag-alay at naging bautisadong mga Saksi ni Jehova. Si Seymore naman ay lubusang gumaganap ng kaniyang ministeryo sa paglilingkod bilang isang regular pioneer at matanda sa isa sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Barbados.
Ito ay isa lamang halimbawa kung papaanong ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay ‘gumagawa ng gawain ng mga ebanghelisador,’ sa isang paraan sa pamamagitan ng pakikibahagi sa impormal na pagpapatotoo. Sinusunod nila ang payo ng Bibliya na masusumpungan sa Colosas 4:5, 6, na nagsasabi: “Patuloy na lumakad sa karunungan sa mga nasa labas, na binibili ang naaangkop na panahon para sa inyong mga sarili. Hayaang ang inyong pananalita ay laging may kagandahang-loob, na tinimplahan ng asin, upang malaman kung paano kayo dapat magbigay ng sagot sa bawat isa.”