Report ng mga Tagapaghayag ng Kaharian
Nagkakaisa sa Paglilingkod kay Jehova ang Dating Magkakaaway
“ANG unang pagkakataon na nakarinig ako tungkol sa mga Saksi ni Jehova ay noong naglilingkod pa ako bilang isang armadong guwardiya sa Bosnia,” ang paliwanag ni Branko.a
Si Branko ay nakatalagang guwardiya sa isang ospital na kung saan ginagamot ang mga nasusugatan. Isa sa mga doktor ay nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi, at nang panahon ng pagtatrabaho sa gabi, ipinaliwanag niya kay Branko ang marami sa kaniyang mga natutuhan tungkol sa Bibliya.
Ang narinig ni Branko nang gabing iyon ay lubhang nakaantig sa kaniya anupat agad niyang isinuko ang kaniyang armas. Nakipag-ugnayan siya sa mga Saksi, palibhasa’y nais pang matuto nang higit. Pagkaraan, pagkatapos lumipat sa isa pang Europeong bansa, naghanap si Branko ng isang Kingdom Hall at dumalo sa isang pulong ng kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova na taga-Yugoslavia. Doon nakatagpo ni Branko si Slobodan.
Si Slobodan ay nanggaling din sa Bosnia at naglingkod bilang isang boluntaryo na gaya ni Branko sa iisang digmaan—ngunit sa kabilang kampo. Nakipaglaban si Slobodan para sa mga taga-Serbia laban sa mga taga-Croatia. Nang magtagpo ang dalawa, si Slobodan ay isa nang bautisadong Saksi ni Jehova. Nag-alok siya na pag-aralan ang Bibliya kasama ni Branko, ang dati niyang kaaway. Habang sumusulong ang pag-aaral, si Branko ay natuto nang higit tungkol kay Jehova, at lumago ang kaniyang pag-ibig sa Diyos. Ito ang nagpakilos kay Branko na ialay ang kaniyang buhay sa Maylalang. Noong Oktubre 1993 kaniyang sinagisagan ang kaniyang pag-aalay sa pamamagitan ng bautismo sa tubig.
Papaano naging isang Saksi ni Jehova si Slobodan? Di pa natatagalan nang iwan niya ang dako ng digmaan sa Bosnia. Nabasa na niya ang ilang publikasyon ng mga Saksi, ngunit lumago lamang ang kaniyang interes sa Salita ng Diyos nang dalawang Saksi ang dumalaw sa kaniyang tahanan maaga noong 1992. Sino ang dumalaw kay Slobodan, anupat nag-alok na pag-aralan ang Bibliya kasama niya? Iyon ay si Mujo, na nanggaling din sa Bosnia ngunit pinalaking isang Muslim. Habang sumusulong ang pag-aaral sa Bibliya, sina Mujo at Slobodan, na dating magkaaway, ay magkasamang gumugol ng ilang panahon araw-araw upang patibayin ang pananampalataya ng bawat isa.
Ang digmaan sa dating Yugoslavia ay kumitil ng buhay ng daan-daang libong tao. Subalit sina Branko, Slobodan, at Mujo ay nagsisipaglingkod ngayon bilang mga pambuong-panahong mángangarál ng mabuting balita sa isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Napagtagumpayan nila ang panlipi at panlahing alitan, at sila ngayon ay nagtataguyod ng kapayapaan samantalang nagpapasakop sa Maylalang, si Jehova.
Subalit ano ang nagpangyari sa gayong pagbabago? Iyon ay ang kanilang pag-ibig kay Jehova, ang kanilang paggalang sa Bibliya, at ang kanilang pagnanais na ikapit ang katotohanan ng Bibliya sa kanilang buhay. Gaya ng sinasabi ng Banal na Kasulatan, “ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas . . . at may kakayahang umunawa ng mga kaisipan at mga intensiyon ng puso.”—Hebreo 4:12.
[Talababa]
a Hindi tunay na mga pangalan ang ginamit.