Ang Diyos, ang Estado, at Ikaw
“Nagharap ang Simbahan at ang Estado sa Reperendum Hinggil sa Diborsiyo sa Ireland”
IPINAKIKITA ng ulong balitang ito sa The New York Times kung papaano maaaring mapaharap ang mga tao sa ngayon sa isang pagpili sa pagitan ng hinihiling ng Estado at ng itinuturo ng kanilang simbahan.
Sinabi ng artikulo: “Sa loob ng wala pang isang buwan bago ang isang reperendum hinggil sa kung aalisin ang pagbabawal sa diborsiyo na nakasaad sa saligang-batas nito, ang halos Romano Katolikong Ireland ay nakasasaksi ng di-pangkaraniwang pagsasalungatan sa pagitan ng mga pinuno ng Pamahalaan nito at niyaong sa simbahan nito.” Iminungkahi ng estado ang pag-aalis ng pagbabawal sa diborsiyo, samantalang ang Simbahang Katoliko ay tutol na tutol sa diborsiyo at muling pag-aasawa. Ang mga Katolikong taga-Ireland ay kailangang mamili alinman sa Simbahan at sa Estado. Gaya ng kinalabasan, ang Estado ay nakaungos nang kaunti.
Ang lalong kapansin-pansin, sa loob ng maraming taon ay napaharap ang mga tao sa Hilagang Ireland sa isang malubhang tunggalian hinggil sa pambansang soberanya.
Marami ang namatay. Ang mga Romano Katoliko at ang mga Protestante ay may nagkakasalungatang pangmalas hinggil sa kung aling Estado magpapasakop: sa nagpapatuloy na pamamahalang Britano sa Hilagang Ireland o sa isang sentralisadong gobyerno para sa buong Ireland.
Gayundin naman, sa dating Yugoslavia, hiniling ng mga namamahalang awtoridad sa mga miyembro ng iba’t ibang relihiyon, kasali na ang Katoliko at ang Ortodokso, na makipaglaban sa isang digmaang ukol sa teritoryo. Para sa pangkaraniwang mga mamamayan, ano ang kanilang pangunahing pananagutan? Sila ba ay susunod sa mga nag-aangking kumakatawan sa Estado, o sila ay tatalima sa Diyos, na nagsasabi: “Huwag kang papaslang . . . Ibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili”?—Roma 13:9.
Maaaring ipalagay mo na ang ganitong uri ng sitwasyon ay hindi kailanman makaaapekto sa iyo. Subalit makaaapekto ito. Sa katunayan, maaaring kasangkot ka rito kahit na ngayon. Sa kaniyang aklat na The State in the New Testament, bumanggit ang teologong si Oscar Cullmann tungkol sa “buhay-at-kamatayan na mga pagpapasiya na dapat o maaaring kailangang gawin ng modernong mga Kristiyano sa maseselan na mga sitwasyon kapag pinagbantaan ng mga totalitaryong pamahalaan.” Subalit binanggit din niya “ang kapuwa tunay at mahalagang pananagutan ng bawat Kristiyano—gayundin ang Kristiyanong pamumuhay sa ilalim ng tinatawag na ‘normal,’ ‘pang-araw-araw’ na mga kalagayan—na harapin at sagutin ang isang malubhang suliranin na napapaharap sa kaniya dahil lamang sa siya ay isang Kristiyano.”
Kaya dapat bang magkainteres ang mga Kristiyano ngayon sa ugnayan ng relihiyon at ng Estado? Tiyak na oo. Buhat pa noong una, sinikap na ng mga Kristiyano na malinang ang isang timbang na pangmalas sa sekular na mga awtoridad. Ang kanilang Lider, si Jesu-Kristo, ay hinatulan, isinumpa, at pinatay ng Estadong Romano. Kinailangang pagtimbangin ng kaniyang mga alagad ang kanilang Kristiyanong mga pananagutan sa kanilang mga tungkulin sa Imperyong Romano. Kung gayon, ang pagrerepaso sa kanilang kaugnayan sa mga awtoridad ay maglalaan ng mga alituntunin para sa mga Kristiyano sa ngayon.
[Picture Credit Line sa pahina 3]
Tom Haley/Sipa Press