Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w96 5/1 p. 21-24
  • Panatilihing Matatag ang Iyong Pagtitiwala Hanggang sa Wakas

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Panatilihing Matatag ang Iyong Pagtitiwala Hanggang sa Wakas
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isagawa ang Iyong Pananampalataya
  • Paglinang ng Tiwala sa Pamamagitan ng Karanasan
  • Maililigaw Tayo ng mga Kasamahan
  • Ang Mapanlinlang na Kapangyarihan ng Kayamanan
  • Ang Pananampalataya ay Nakasalalay sa Isang Pusong Tumutugon
  • Tumitingin sa Diyos ng Ating Kaligtasan
  • Talaga Bang May Pananampalataya Ka sa Mabuting Balita?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • Kung Bakit Ako Bumagsak at Muling Lumipad
    Gumising!—1991
  • Ipakita ang Iyong Pananampalataya sa mga Pangako ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2016
  • “Bigyan Mo Kami ng Higit Pang Pananampalataya”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2015
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
w96 5/1 p. 21-24

Panatilihing Matatag ang Iyong Pagtitiwala Hanggang sa Wakas

ISIP-ISIPIN ang isang maliit na eruplanong lumilipad habang masungit ang panahon. Hindi na makita ng piloto ang mga palatandaan sa lupa. Nababalutan siya ng makakapal na ulap. Hindi na niya makita kung ano ang nasa harapan niya, gayunma’y natitiyak niyang matatapos niya nang ligtas ang kaniyang paglalakbay. Ano ang dahilan ng kaniyang pagtitiwala?

Mayroon siyang wastong mga instrumento na nagpapangyaring makalipad siya patawid sa mga ulap at lupain kahit na sa kadiliman. Sa kaniyang daraanan, lalo na malapit sa paliparan, may mga panghudyat na ilaw na gumagabay sa kaniya sa elektronikong paraan, at may pakikipag-ugnayan din siya sa mga tauhan ng paliparan sa pamamagitan ng radyo.

Sa katulad na paraan, maaari nating harapin ang kinabukasan taglay ang pagtitiwala, bagaman lalong kumukulimlim sa araw-araw ang mga kalagayan sa daigdig. Maaaring tumatagal kaysa sa inaasahan ng ilan ang paglalakbay natin sa balakyot na sanlibutang ito, ngunit tayo’y makapagtitiwala na tayo’y nasa tamang direksiyon at nasa oras. Bakit tayo makatitiyak? Sapagkat taglay natin ang patnubay na nagpapangyaring makita natin ang hindi nakikita ng mga mata ng tao.

Ang Salita ng Diyos ay ‘liwanag sa ating daan,’ at ito ay “mapagkakatiwalaan, anupat ginagawang pantas ang walang karanasan.” (Awit 19:7; 119:105) Tulad ng mga panghudyat na ilaw na nagpapakita ng landas na tatahakin ng piloto, may kawastuang binabalangkas ng Bibliya ang mga pangyayari sa hinaharap at nagbibigay sa atin ng malilinaw na tagubilin upang matiyak na makararating tayo nang ligtas sa ating patutunguhan. Gayunman, upang makinabang sa patnubay ng Diyos, dapat nating pagtiwalaan ito.

Sa kaniyang liham sa mga Hebreo, hinimok ni Pablo ang mga Kristiyanong Judio na ‘higpitan ang kanilang paghawak sa pagtitiwalang tinaglay nila sa pasimula nang matatag hanggang sa wakas.’ (Hebreo 3:14) Hihina ang pagtitiwala kung hindi natin ‘hihigpitan’ ang pagkakahawak dito. Kaya ang tanong na bumabangon, Papaano natin mapananatiling matatag ang ating pagtitiwala kay Jehova hanggang sa wakas?

Isagawa ang Iyong Pananampalataya

Bago makalipad ang piloto sa pamamagitan ng mga instrumento, anupat lubusang umaasa sa mga ito at sa mga tauhan sa paliparan, kailangan niya ng sapat na pagsasanay at maraming oras sa paglipad. Gayundin naman, kailangang isagawa ng Kristiyano ang kaniyang pananampalataya nang patuluyan upang mapanatili ang kaniyang pagtitiwala sa patnubay ni Jehova, lalo na kapag bumangon ang mahihirap na kalagayan. Sumulat si apostol Pablo: “Dahilan sa taglay namin ang iisang espiritu ng pananampalataya gaya niyaong tungkol dito ay nasusulat: ‘Nagsagawa ako ng pananampalataya, kaya nga ako ay nagsalita,’ kami rin ay nagsasagawa ng pananampalataya at kaya nga kami ay nagsasalita.” (2 Corinto 4:13) Sa gayon, kapag nagsasalita tayo tungkol sa mabuting balita ng Diyos, isinasagawa at pinatitibay natin ang ating pananampalataya.

Si Magdalena, na gumugol ng apat na taon sa isang kampong piitan noong ikalawang digmaang pandaigdig, ay nagpaliwanag ng kahalagahan ng gawaing pangangaral: “Itinuro sa akin ng aking ina na upang mapanatiling matibay ang pananampalataya, kailangang mabahala tayo tungkol sa espirituwal na kapakanan ng iba. Natatandaan ko ang isang pangyayari na naglalarawan kung ano ang nadama namin. Pagkatapos naming makalaya buhat sa kampong piitan ng Ravensbrück, Biyernes nang kami’y makauwi ni Inay. Pagkaraan ng dalawang araw, noong Linggo, sumama kami sa mga kapatid sa pangangaral sa bahay-bahay. Matatag ang aking paniniwala na kung magbubuhos kami ng pansin sa pagtulong sa iba na magtiwala sa mga pangako ng Diyos, lalong magiging totoo para sa amin ang mga pangakong iyon.”​—Ihambing ang Gawa 5:42.

Sa pagpapanatiling matatag ng ating pananampalataya hanggang sa wakas ay kailangan ang espirituwal na gawain sa iba pang larangan. Isa pang napakahusay na ehersisyong pampatibay ng pananampalataya ang personal na pag-aaral. Kung tutularan natin ang mga taga-Berea at masikap na susuriin ang Kasulatan sa araw-araw, tutulong ito sa atin na “magkaroon ng lubos na katiyakan ng pag-asa hanggang sa wakas.” (Hebreo 6:11; Gawa 17:11) Totoo, nangangailangan ng panahon at determinasyon ang personal na pag-aaral. Malamang, iyan ang dahilan kung kaya binigyang babala ni Pablo ang mga Hebreo tungkol sa panganib na maging “makupad,” o tamad, sa gayong mga bagay.​—Hebreo 6:12.

Ang pagiging tamad ay may malulubhang kahihinatnan sa maraming pitak ng buhay. Sinabi ni Solomon na “sa di-pagkilos ng mga kamay ay tumutulo ang bahay.” (Eclesiastes 10:18) Sa malao’t madali ay magsisimulang tumagos ang ulan sa bubong na hindi pinangalagaan. Kung hahayaan nating di-kumilos ang ating mga kamay sa espirituwal na paraan at hindi natin pangangalagaan ang ating pananampalataya, sisingit ang mga pag-aalinlangan. Sa kabilang dako, ang regular na pagbubulay-bulay at pag-aaral ng Salita ng Diyos ay magpapalusog at magsasanggalang sa ating pananampalataya.​—Awit 1:2, 3.

Paglinang ng Tiwala sa Pamamagitan ng Karanasan

Mangyari pa, natutuhan ng piloto na mapagkakatiwalaan ang kaniyang mga instrumento sa pamamagitan ng karanasan gayundin sa pag-aaral. Gayundin naman, lalago ang ating pagtitiwala kay Jehova kapag nakikita natin sa ating buhay ang katunayan ng kaniyang maibiging pangangalaga. Naranasan iyan ni Josue, at ipinaalaala niya sa mga kapuwa Israelita: “Talastas ng inyong buong puso at ng inyong buong kaluluwa na walang isa mang salita na nagkulang sa lahat ng mabubuting salita na sinalita sa inyo ni Jehova na inyong Diyos. Lahat ay natupad para sa inyo.”​—Josue 23:14.

Katulad na aral ang natutuhan ni Josefina, isang may-asawang sister mula sa Pilipinas. Ipinaliwanag niya kung ano ang kaniyang buhay bago niya mabatid ang katotohanan: “Madalas uminom nang labis ang aking asawa, at kapag lasing na siya, nagagalit siya at sinasaktan niya ako. Nakaapekto rin sa aming anak na lalaki ang aming di-maligayang pagsasama. Kapuwa kami nagtatrabaho ng aking asawa, anupat kumikita ng maraming pera, ngunit ipinatatalo lamang namin sa sugal ang halos lahat ng aming kinikita. Maraming kaibigan ang aking asawa, pero karamihan sa kanila ay nakikipagkaibigan lamang sa kaniya upang siya ang magbayad ng kanilang iinumin, at sinubukan pa nga ng iba na lasingin siya para lamang pagtawanan siya.

“Nagbago ang mga bagay-bagay nang makilala namin si Jehova at isapuso ang kaniyang payo. Hindi na naglalasing ang aking asawa, huminto na kami ng pagsusugal, at mayroon kaming mga tunay na kaibigan na nagmamahal at tumutulong sa amin. Maligaya ang aming pagsasama, at ang aming anak ay lumalaking isang mabuting kabataan. Binawasan namin ang panahon ng pagtatrabaho, pero mas marami kaming pera. Karanasan ang nagturo sa amin na si Jehova ay tulad ng isang maibiging Ama, na laging umaakay sa amin sa tamang direksiyon.”

Bunga ng tagubilin sa pamamagitan ng radyo o pagsusuri sa instrumento, kung minsan ay nalalaman ng mga piloto na kailangan nilang baguhin ang kanilang direksiyon. Maaaring kailanganin din nating magbago ng direksiyon alinsunod sa tagubilin ni Jehova. “Ang iyong sariling mga tainga ay makaririnig ng salita sa likuran mo na nagsasabi: ‘Ito ang daan. Dito kayo lumakad,’ sakaling kayo’y pumihit sa kanan o sakaling kayo’y pumihit sa kaliwa.” (Isaias 30:21) Sa pamamagitan ng kaniyang Salita at ng kaniyang organisasyon, tumatanggap tayo ng payo na nagbababala sa atin tungkol sa espirituwal na mga panganib. Isa sa mga ito ay may kinalaman sa mga kasamahan.

Maililigaw Tayo ng mga Kasamahan

Ang isang maliit na eruplano ay madaling mapalihis ng direksiyon kung hindi gagawin ang kailangang mga pagtutuwid. Gayundin naman, ang mga impluwensiya sa labas ay palaging humahampas sa mga Kristiyano sa ngayon. Nabubuhay tayo sa isang sanlibutang makalaman kung saan marami ang humahamak sa espirituwal na mga pamantayan, anupat lalong pinahahalagahan ang salapi at kaluguran. Nagbabala si Pablo kay Timoteo na ang mga huling araw ay magiging “mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1-5) Ang mga kabataan, na naghahangad na tanggapin at maging popular, ay lalo nang nakalantad sa masasamang kasama.​—2 Timoteo 2:22.

Si Amanda, na 17 taóng gulang, ay nagpaliwanag: “Sa isang banda ay humina ang aking pananampalataya nang sandaling panahon dahil sa aking mga kamag-aral. Lagi nilang sinasabi na mahigpit at di-makatuwiran ang aking relihiyon, at ito’y nagsimulang magpahina ng aking loob. Gayunman, tinulungan ako ng aking mga magulang upang maunawaan na ang mga Kristiyanong tuntunin ay nagsasanggalang sa isa sa halip na higpitan siya. Ngayon ay natanto ko na ang mga simulaing ito ang tumutulong sa akin na magkaroon ng higit na kasiya-siyang buhay kaysa sa dati kong mga kasamahan sa paaralan. Natutuhan kong pagtiwalaan yaong talagang nagmamalasakit sa akin​—ang aking mga magulang at si Jehova​—at nasisiyahan ako sa paglilingkuran bilang payunir.”

Bata man tayo o matanda, makatatagpo tayo ng mga taong hahamak sa ating mga paniniwala. Waring sila’y marurunong sa sanlibutan, ngunit sa Diyos sila ay makalaman, di-espirituwal. (1 Corinto 2:14) Isang maimpluwensiyang grupo sa Corinto noong kaarawan ni Pablo ang makasanlibutang marurunong na mga Esceptico. Ang mga turo ng mga pilosopong ito ang malamang na umakay sa ilang Kristiyanong taga-Corinto na mawalan ng pananampalataya sa pag-asa ng pagkabuhay-muli. (1 Corinto 15:12) “Huwag kayong palíligaw,” ang babala ni apostol Pablo. “Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga kinaugalian.”​—1 Corinto 15:33.

Sa kabilang panig, pinatitibay tayo sa espirituwal ng mabubuting kasama. Sa loob ng Kristiyanong kongregasyon, may pagkakataon tayong makisalamuha sa mga taong namumuhay nang may pananampalataya. Si Norman, isang kapatid na nakaalam ng katotohanan noong 1939, ay isa pa ring bukal ng malaking pampatibay-loob sa lahat. Ano ang nagpanatili sa pagiging malinaw ng kaniyang espirituwal na pangmalas? “Mahalaga ang mga pulong at ang malapit na pakikipagkaibigan sa tapat na mga kapatid,” ang sagot niya. “Ang ganitong uri ng mga kasama ang nakatulong sa akin na makita nang malinaw ang pagkakaiba sa pagitan ng organisasyon ng Diyos at ng kay Satanas.”

Ang Mapanlinlang na Kapangyarihan ng Kayamanan

Ipinaliwanag ni Brian, isang makaranasang piloto, na “kung minsan ay nahihirapan ang isang piloto na maniwala sa kaniyang mga instrumento​—dahil lamang sa salungat iyon sa kaniyang katutubong hilig. May makaranasang mga piloto na napag-alamang lumipad nang nakabaligtad ang kanilang eruplano dahil sa ang mga ilaw sa lupa ay parang mga bituin​—kahit na hindi gayon ang ipinakikita sa kanila ng kanilang mga instrumento.”

Sa katulad na paraan, maaari tayong iligaw ng ating mapag-imbot na katutubong hilig sa espirituwal na diwa. Sinabi ni Jesus na ang mga kayamanan ay may “mapanlinlang na kapangyarihan,” at nagbabala si Pablo na ‘ang pag-ibig sa salapi ang nagligaw sa ilan mula sa pananampalataya.’​—Marcos 4:19; 1 Timoteo 6:10.

Tulad ng mapanlinlang na kumikislap na mga ilaw, ang kaakit-akit na materyalistikong mga tunguhin ay maaaring umakay sa atin sa maling direksiyon. Sa halip na magalak sa “pag-asam sa mga bagay na inaasahan,” maaari tayong mailihis ng pagpaparangya ng sanlibutang lumilipas. (Hebreo 11:1; 1 Juan 2:16, 17) Kung tayo ay “determinadong” magkaroon ng marangyang istilo ng pamumuhay, malamang na magiging kaunti na lamang ang panahon natin para sa espirituwal na pagsulong.​—1 Timoteo 6:9; Mateo 6:24; Hebreo 13:5.

Isang kabataang may-asawa na nagngangalang Patrick ang umamin na isinakripisyo nilang mag-asawa ang espirituwal na mga tunguhin upang makapagtamasa ng mas maginhawang pamumuhay. Ganito ang paliwanag niya: “Naimpluwensiyahan kami niyaong mga nasa kongregasyon na may mamahaling kotse at maluluhong tahanan. Bagaman hindi namin nakalimutan ang pag-asa sa Kaharian, nadama namin na samantala ay puwede naman kaming mamuhay nang maalwan. Subalit nang maglaon ay natanto naming ang tunay na kaligayahan ay nagmumula sa paglilingkod kay Jehova at mula sa pagsulong sa espirituwal. Ngayon ay simple na naman ang aming pamumuhay. Binawasan namin ang oras ng pagtatrabaho, at kami’y naging mga regular pioneer.”

Ang Pananampalataya ay Nakasalalay sa Isang Pusong Tumutugon

Ang isang pusong tumutugon ay gumaganap din ng mahalagang papel sa paglinang ng pagtitiwala kay Jehova. Totoo, “ang pananampalataya ay ang mapananaligang pag-asam sa mga bagay na inaasahan, ang malinaw na pagtatanghal [o, “kapani-paniwalang ebidensiya,” talababa (sa Ingles)] ng mga katunayan bagaman hindi nakikita.” (Hebreo 11:1) Subalit kung hindi tumutugon ang ating puso, malayong tayo’y makumbinsi. (Kawikaan 18:15; Mateo 5:6) Sa dahilang ito kung kaya sinabi ni Pablo na “ang pananampalataya ay hindi taglay ng lahat ng tao.”​—2 Tesalonica 3:2.

Papaano, kung gayon, mapananatili nating tumutugon ang ating puso sa lahat ng kapani-paniwalang ebidensiya na makukuha? Sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng maka-Diyos na mga katangian, mga katangian na nagpapatibay at nagpapasigla ng pananampalataya. Hinihimok tayo ni Pedro na ‘ilaan sa ating pananampalataya ang kagalingan, kaalaman, pagpipigil-sa-sarili, pagbabata, maka-Diyos na debosyon, pagmamahal na pangkapatid, at ang pag-ibig.’ (2 Pedro 1:5-7; Galacia 5:22, 23) Sa kabilang banda, kung magiging makasarili tayo o mag-uukol lamang kay Jehova ng bahagyang paglilingkod, hindi natin makatuwirang maaasahan na lalago ang ating pananampalataya.

“Inihanda ni Ezra ang kaniyang puso” upang basahin ang Salita ni Jehova at ikapit iyon. (Ezra 7:10) Si Mikas din naman ay may isang pusong tumutugon. “Kung para sa akin, kay Jehova ako mananatiling nagbabantay. Maghihintay ako sa Diyos ng aking kaligtasan. Didinggin ako ng aking Diyos.”​—Mikas 7:7.

Si Magdalena, na naunang binanggit, ay matiyaga ring naghihintay kay Jehova. (Habacuc 2:3) Sabi niya: “Mayroon na tayong espirituwal na paraiso. Ang susunod, ang pisikal na paraiso, ay malapit nang dumating. Samantala daan-daang libo ang nakikisama sa malaking pulutong. Tuwang-tuwa akong makita ang gayong karaming dumadagsa sa organisasyon ng Diyos.”

Tumitingin sa Diyos ng Ating Kaligtasan

Sa pagpapanatiling matatag ng ating pagtitiwala hanggang sa wakas ay kailangan ang pagsasagawa ng ating pananampalataya at maingat na pakikinig sa patnubay na tinatanggap natin buhat kay Jehova at sa kaniyang organisasyon. Tiyak na sulit ang pagsisikap. Lubhang nasisiyahan ang isang piloto kapag natapos ang isang mahaba at mahirap na paglalakbay, lalapag na siya at sa wakas ay nalampasan na niya ang makakapal na ulap. Naroon sa harap niya ang lupa​—luntian at nag-aanyaya. Nasa ibaba ang runway ng paliparan, anupat naghihintay na tanggapin siya.

Isang kapana-panabik na karanasan din ang naghihintay sa atin. Ang makulimlim at balakyot na sanlibutang ito ay hahalinhan ng isang bagong lupa ng katuwiran. Sasalubungin tayo ng Diyos. Makararating tayo roon kung pakikinggan natin ang mga salita ng salmista: “Ikaw ang aking pag-asa, O Soberanong Panginoong Jehova, ang aking tiwala mula sa aking kabataan. . . . Ang papuri ko’y magiging laging sa iyo.”​—Awit 71:5, 6.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share