“Bahay-Panalanginan ng Lahat ng mga Bansa”
“Hindi ba nasusulat, ‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-panalanginan ng lahat ng mga bansa’?”—MARCOS 11:17.
1. Anong uri ng kaugnayan sa Diyos ang orihinal na tinamasa nina Adan at Eva?
NANG lalangin sina Adan at Eva, tinamasa nila ang malapit na kaugnayan sa kanilang makalangit na Ama. Ang Diyos na Jehova ay nakipag-usap sa kanila at binalangkas niya ang kaniyang kamangha-manghang layunin para sa sangkatauhan. Tiyak, malimit silang maudyukang bumulalas ng papuri kay Jehova dahil sa kaniyang dakilang mga gawa ng paglalang. Kung sina Adan at Eva ay nangangailangan ng patnubay habang pinag-iisipan nila ang kanilang papel bilang magiging ama at ina ng sangkatauhan, makalalapit sila sa Diyos buhat sa alinmang dako sa kanilang Paraisong tahanan. Hindi nila kailangan ang paglilingkod ng saserdote sa isang templo.—Genesis 1:28.
2. Anong pagbabago ang naganap nang magkasala sina Adan at Eva?
2 Nagbago ang situwasyon nang isang rebelyosong anghel ang humikayat kay Eva na isiping ang kaniyang kalagayan sa buhay ay lalong bubuti kung tatanggihan niya ang soberanya ni Jehova, anupat sinabing siya ay “magiging gaya ng Diyos.” Dahil dito, kinain ni Eva ang bunga buhat sa punung-kahoy na ipinagbawal ng Diyos. Pagkatapos ay ginamit ni Satanas si Eva upang tuksuhin ang kaniyang asawa. Nakalulungkot, nakinig si Adan sa kaniyang makasalanang asawa, anupat ipinakita na mas mahalaga sa kaniya ang kaugnayan dito kaysa sa kaniyang kaugnayan sa Diyos. (Genesis 3:4-7) Sa katunayan, pinili nina Adan at Eva si Satanas bilang kanilang diyos.—Ihambing ang 2 Corinto 4:4.
3. Anu-ano ang masamang ibinunga ng paghihimagsik nina Adan at Eva?
3 Sa paggawa nito, naiwala ng unang mag-asawa hindi lamang ang kanilang napakahalagang kaugnayan sa Diyos kundi pati na rin ang pag-asa na mabuhay magpakailanman sa isang paraiso sa lupa. (Genesis 2:16, 17) Sa wakas ay humina ang kanilang makasalanang katawan hanggang sa sila ay mamatay. Minana ng kanilang mga supling ang makasalanang kalagayang ito. “Sa gayon,” paliwanag ng Bibliya, “ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao.”—Roma 5:12.
4. Anong pag-asa ang iniharap ng Diyos sa makasalanang sangkatauhan?
4 May isang bagay na kailangan upang papagkasunduin ang makasalanang sangkatauhan at ang kanilang banal na Maylalang. Nang sinisintensiyahan sina Adan at Eva, ang Diyos ay nagbigay ng pag-asa sa kanilang magiging mga supling sa pamamagitan ng pangangako ng isang “binhi” na magliligtas sa sangkatauhan buhat sa mga epekto ng paghihimagsik ni Satanas. (Genesis 3:15) Nang dakong huli, isiniwalat ng Diyos na ang Binhi ng pagpapala ay darating sa pamamagitan ni Abraham. (Genesis 22:18) Nasa isip ang maibiging layuning ito, hinirang ng Diyos ang mga inapo ni Abraham, ang mga Israelita, upang maging kaniyang piniling bansa.
5. Bakit tayo dapat na maging interesado sa mga detalye ng tipang Kautusan ng Diyos sa Israel?
5 Noong 1513 B.C.E., ang mga Israelita ay nakipagtipan sa Diyos at sumang-ayon na sundin ang kaniyang mga kautusan. Ang lahat ng ibig sumamba sa Diyos ay dapat na maging totoong interesado sa tipang Kautusang iyan sapagkat itinuturo nito ang ipinangakong Binhi. Sinabi ni Pablo na ito ay may “anino ng mabubuting bagay na darating.” (Hebreo 10:1) Nang sabihin ito ni Pablo, tinatalakay niya ang paglilingkuran ng mga saserdote ng Israel sa naililipat na tabernakulo, o tolda ng pagsamba. Iyon ay tinawag na ang “templo ni Jehova” o ang “bahay ni Jehova.” (1 Samuel 1:9, 24) Sa pagsusuri ng sagradong paglilingkuran sa makalupang bahay ni Jehova, mauunawaan natin nang lubusan ang maawaing kaayusan na sa pamamagitan nito ay maaaring makipagkasundo sa Diyos ang makasalanang mga tao sa ngayon.
Ang Kabanal-banalan
6. Ano ang naroroon sa dakong Kabanal-banalan, at paano kinatawanan doon ang pagkanaroroon ng Diyos?
6 “Ang Kataas-taasan ay hindi tumatahan sa mga bahay na ginawa ng mga kamay,” sabi ng Bibliya. (Gawa 7:48) Gayunman, ang pagkanaroroon ng Diyos sa kaniyang makalupang bahay ay kinakatawanan ng isang ulap sa kaloob-loobang silid na tinatawag na ang Kabanal-banalan. (Levitico 16:2) Maliwanag, nagniningning ang ulap na ito, anupat naglalaan ng liwanag sa dakong Kabanal-banalan. Iyon ay nasa ibabaw ng isang sagradong baul na tinatawag na “ang kaban ng patotoo,” na naglalaman ng mga tapyas ng bato na may nakaukit na ilan sa mga utos na ibinigay ng Diyos sa Israel. Sa panakip ng Kaban ay may dalawang ginintuang kerubin na may mga pakpak na nakabuka, anupat lumalarawan sa mga espiritung nilalang na may matataas na posisyon sa makalangit na organisasyon ng Diyos. Ang makahimalang ulap ng liwanag ay nasa ibabaw ng panakip at sa pagitan ng mga kerubin. (Exodo 25:22) Inilalarawan nito na ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ay nakaluklok sa isang makalangit na karo na inaalalayan ng mga nabubuhay na kerubin. (1 Cronica 28:18) Ipinaliliwanag nito kung bakit nanalangin si Haring Ezekias: “O Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel, na nakaupo sa mga kerubin.”—Isaias 37:16.
Ang Dakong Banal
7. Anong mga bagay ang naroroon sa dakong Banal?
7 Ang pangalawang silid ng tabernakulo ay tinatawag na ang dakong Banal. Sa loob ng seksiyong ito, sa gawing kaliwa ng pasukan ay nakatayo ang isang magandang patungan ng lampara na may pitong sanga, at sa gawing kanan ay ang mesa ng pantanghal na tinapay. Deretso sa unahan ay naroon ang altar na pinanggagalingan ng amoy ng nasusunog na insenso. Naroon iyon sa harap ng isang kurtina na naghihiwalay sa dakong Banal at sa Kabanal-banalan.
8. Anong mga tungkulin ang regular na ginaganap ng mga saserdote sa dakong Banal?
8 Tuwing umaga at gabi, kailangang pumasok ang isang saserdote sa tabernakulo at magsunog ng insenso sa altar ng insenso. (Exodo 30:7, 8) Sa umaga, habang nasusunog ang insenso, ang pitong lampara na nasa ginintuang patungan ng lampara ay kailangang lagyan ng langis. Sa gabi ang mga lampara ay sinisindihan upang magbigay ng liwanag sa dakong Banal. Tuwing Sabbath ay kailangang maglagay ang isang saserdote ng 12 bagong tinapay sa mesa ng pantanghal na tinapay.—Levitico 24:4-8.
Ang Looban
9. Ano ang layunin ng palanggana ng tubig, at anong aral ang matututuhan natin mula rito?
9 Ang tabernakulo ay mayroon ding looban, na napalilibutan ng isang bakod na yari sa mga telang pantolda. Sa loobang ito ay may malaking palanggana kung saan ang mga saserdote ay naghuhugas ng kanilang mga kamay at paa bago pumasok sa dakong Banal. Kailangan ding maghugas sila bago maghandog ng mga hain sa altar na nasa looban. (Exodo 30:18-21) Ang kahilingang ito ukol sa kalinisan ay isang matibay na paalaala sa mga lingkod ng Diyos sa ngayon na sila’y dapat na magsumikap na maging malinis sa pisikal, moral, mental, at espirituwal kung ibig nilang maging kaayaaya sa Diyos ang kanilang pagsamba. (2 Corinto 7:1) Nang maglaon ang panggatong para sa apoy sa altar at ang tubig para sa palanggana ay inilaan ng mga di-Israelitang alipin sa templo.—Josue 9:27.
10. Ano ang ilan sa mga inihahandog sa altar ng hain?
10 Tuwing umaga at gabi, isang batang lalaking tupa ang sinusunog sa altar bilang hain kasabay ng handog na butil at inumin. (Exodo 29:38-41) May iba pang paghahain sa mga pantanging araw. Kung minsan ay kailangang maghain dahil sa isang espesipikong personal na kasalanan. (Levitico 5:5, 6) Sa ibang panahon naman ay makapaghahandog ang isang Israelita ng boluntaryong haing pangkomunyon na ang mga bahagi niyao’y kakanin ng mga saserdote at ng isa na naghandog. Nagpapakita ito na ang mga taong makasalanan ay maaaring makipagpayapaan sa Diyos, anupat makakakain na kasama niya, wika nga. Kahit ang naninirahang dayuhan ay maaaring maging mananamba ni Jehova at magkapribilehiyo na magharap ng mga boluntaryong handog sa Kaniyang bahay. Ngunit upang ipakita ang kaukulang karangalan kay Jehova, tatanggapin lamang ng mga saserdote ang pinakamaiinam na handog. Dapat na pino ang pagkagiling ng harina buhat sa handog na mga butil, at walang depekto ang mga hayop na ihahain.—Levitico 2:1; 22:18-20; Malakias 1:6-8.
11. (a) Ano ang ginagawa sa dugo ng mga inihaing hayop, at ano ang itinuturo nito? (b) Ano ang pangmalas ng Diyos sa dugo kapuwa ng tao at ng hayop?
11 Ang dugo ng mga haing ito ay dinadala sa altar. Ito’y nagsisilbing pang-araw-araw na paalaala sa bansa na sila ay mga makasalanan na nangangailangan ng tagatubos na ang itinigis na dugo ay permanenteng makapagbabayad-sala para sa kanila at makapagliligtas sa kanila buhat sa kamatayan. (Roma 7:24, 25; Galacia 3:24; ihambing ang Hebreo 10:3.) Ang sagradong paggamit na ito sa dugo ay nagpapaalaala rin sa mga Israelita na ang dugo ay sumasagisag sa buhay at na ang buhay ay pag-aari ng Diyos. Anumang ibang paggamit ng mga tao sa dugo ay laging ipinagbabawal ng Diyos.—Genesis 9:4; Levitico 17:10-12; Gawa 15:28, 29.
Ang Araw ng Pagbabayad-Sala
12, 13. (a) Ano ang Araw ng Pagbabayad-Sala? (b) Bago makapagdala ng dugo ang mataas na saserdote sa dakong Kabanal-banalan, ano muna ang kailangan niyang gawin?
12 Minsan sa isang taon sa tinatawag na Araw ng Pagbabayad-Sala, ang buong bansang Israel, kasali na ang mga naninirahang dayuhan na sumasamba kay Jehova, ay kailangang huminto sa lahat ng trabaho at mag-ayuno. (Levitico 16:29, 30) Sa mahalagang araw na ito, ang bansa ay nilinis buhat sa kasalanan sa isang makasagisag na paraan upang magtamasa ng mapayapang kaugnayan sa Diyos sa loob ng isa pang taon. Ilarawan natin ang tanawin at isaalang-alang ang ilang tampok na bahagi.
13 Ang mataas na saserdote ay nasa looban ng tabernakulo. Pagkatapos hugasan ang kaniyang sarili sa palanggana ng tubig, kakatayin niya ang toro para ihain. Ang dugo ng toro ay ibubuhos sa isang mangkok; ito ay gagamitin sa isang pantanging paraan upang tubusin ang mga kasalanan ng makasaserdoteng tribo ni Levi. (Levitico 16:4, 6, 11) Subalit bago ituloy ang paghahain, may kailangang gawin ang mataas na saserdote. Nagdadala siya ng mabangong insenso (malamang na nasa isang sandok) at ng nagbabagang uling mula sa altar sa isang suuban ng apoy. Pumapasok siya ngayon sa dakong Banal at naglalakad patungo sa kurtina ng dakong Kabanal-banalan. Dahan-dahan siyang papasok sa kurtina at tatayo sa harap ng kaban ng tipan. Sumunod, nang di-nakikita ng sinumang ibang tao, ibubuhos niya ang insenso sa nag-aapoy na uling, at ang Kabanal-banalan ay mapupuno ng mabangong ulap.—Levitico 16:12, 13.
14. Bakit kinailangang pumasok ang mataas na saserdote sa dakong Kabanal-banalan taglay ang dugo ng dalawang magkaibang hayop?
14 Ngayon ang Diyos ay handang magpakita ng awa at mapalubag ang loob sa isang makasagisag na paraan. Dahil dito kung kaya ang panakip ng Kaban ay tinawag na “luklukan ng awa” o “pampalubag-loob na panakip.” (Hebreo 9:5, talababa [sa Ingles]) Ang mataas na saserdote ay lalabas mula sa Banal ng Mga Banal, kukunin ang dugo ng toro, at papasok muli sa Kabanal-banalan. Gaya ng nakasaad sa Kautusan, ilulubog niya ang kaniyang daliri sa dugo at iwiwisik iyon nang pitong ulit sa harap ng panakip ng Kaban. (Levitico 16:14) Pagkatapos ay babalik siya sa looban at kakatayin ang kambing, na siyang handog ukol sa kasalanan “ng bayan.” Dadalhin niya sa dakong Kabanal-banalan ang ilang bahagi ng dugo ng kambing at gagawin din doon ang ginawa niya sa dugo ng toro. (Levitico 16:15) Ang iba pang mahahalagang serbisyo ay nagaganap din sa Araw ng Pagbabayad-Sala. Halimbawa, kailangang ipatong ng mataas na saserdote ang kaniyang kamay sa ulo ng pangalawang kambing at ipahayag sa ibabaw niyaon “ang mga pagkakasala ng mga anak ni Israel.” Pagkatapos ay aakayin patungo sa ilang ang buháy na kambing na ito upang tangayin ang mga kasalanan ng bansa sa isang makasagisag na diwa. Sa ganitong paraan ay nagagawa ang pagbabayad-sala taun-taon “para sa mga saserdote at para sa buong kongregasyon.”—Levitico 16:16, 21, 22, 33.
15. (a) Paano nahahawig sa tabernakulo ang templo ni Solomon? (b) Ano ang sinasabi ng aklat ng Mga Hebreo tungkol sa sagradong paglilingkod na ginanap kapuwa sa tabernakulo at sa templo?
15 Sa unang 486 na taon ng kasaysayan ng Israel bilang bayan na nakipagtipan sa Diyos, ang naililipat na tabernakulo ay nagsilbing dako para sa kanila upang sambahin ang kanilang Diyos, si Jehova. Pagkatapos, si Solomon ng Israel ay nagkapribilehiyo na magtayo ng isang permanenteng gusali. Bagaman ang templong ito ay magiging mas malaki at mas marangya, ang planong inilaan ng Diyos ay isinunod sa balangkas niyaong sa tabernakulo. Tulad ng tabernakulo, inilalarawan niyaon ang mas dakila, mas mahusay na kaayusan ng pagsamba na ‘itatayo ni Jehova, at hindi ng tao.’—Hebreo 8:2, 5; 9:9, 11.
Ang Unang Templo at ang Ikalawa
16. (a) Ano ang maibiging kahilingan ni Solomon nang iniaalay ang templo? (b) Paano ipinakita ni Jehova ang kaniyang pagtanggap sa panalangin ni Solomon?
16 Nang ialay ang maluwalhating templong iyon, inilakip ni Solomon ang kinasihang kahilingang ito: “Sa banyaga na hindi bahagi ng iyong bayang Israel at na aktuwal na manggagaling sa isang malayong lupain dahil sa iyong dakilang pangalan . . . , at sila’y aktuwal na darating at mananalangin sa bahay na ito, kung magkagayon ay dinggin mo nawa mula sa mga langit, mula sa iyong tatag na tirahang dako, at gawin mo ang ayon sa lahat ng itawag sa iyo ng banyaga; upang makilala ng lahat ng tao sa lupa ang iyong pangalan at matakot sa iyo na gaya ng iyong bayang Israel, at malaman na ang bahay na ito na aking itinayo ay tinatawag sa pamamagitan ng iyong pangalan.” (2 Cronica 6:32, 33) Sa isang di-mapag-aalinlanganang paraan, ipinakita ng Diyos ang kaniyang pagtanggap sa panalangin ni Solomon ukol sa pag-aalay. Isang haligi ng apoy ang nahulog mula sa langit at sinunog ang mga haing hayop na nasa ibabaw ng altar, at ang templo ay napuno ng kaluwalhatian ni Jehova.—2 Cronica 7:1-3.
17. Ano ang nangyari nang dakong huli sa templo na itinayo ni Solomon, at bakit?
17 Nakalulungkot, naiwala ng mga Israelita ang kanilang kapaki-pakinabang na takot kay Jehova. Nang maglaon, nilapastangan nila ang kaniyang dakilang pangalan sa pamamagitan ng pagbububo ng dugo, idolatriya, pangangalunya, insesto, at sa pamamagitan ng pagmamaltrato sa mga ulila, balo, at mga banyaga. (Ezekiel 22:2, 3, 7, 11, 12, 26, 29) Sa gayon, noong taóng 607 B.C.E., iginawad ng Diyos ang hatol sa pamamagitan ng pagdadala sa mga hukbo ng Babilonya upang wasakin ang templo. Ang nakaligtas na mga Israelita ay dinalang bihag sa Babilonya.
18. Sa ikalawang templo, anong mga pribilehiyo ang binuksan sa ilang di-Israelitang lalaki na buong-pusong sumuporta sa pagsamba kay Jehova?
18 Pagkaraan ng 70 taon ang nagsising mga nalabing Judio ay bumalik sa Jerusalem at pinagkalooban ng pribilehiyo na muling itayo ang templo ni Jehova. Kapansin-pansin, kulang ang mga saserdote at mga Levita na maglilingkod sa ikalawang templong ito. Bunga nito, ang mga Netineo, na mga inapo ng mga di-Israelitang alipin sa templo, ay binigyan ng mas malalaking pribilehiyo bilang mga ministro sa bahay ng Diyos. Gayunman, hindi sila kailanman naging kapantay ng mga saserdote at mga Levita.—Ezra 7:24; 8:17, 20.
19. Ano ang ipinangako ng Diyos may kinalaman sa ikalawang templo, at papaano nagkatotoo ang mga salitang ito?
19 Sa una ay waring walang halaga ang ikalawang templo kung ihahambing sa nauna. (Hagai 2:3) Ngunit nangako si Jehova: “Uugain ko ang mga bansa, at ang kanais-nais na mga bagay ng lahat ng mga bansa ay darating; at pupunuin ko ng kaluwalhatian ang bahay na ito . . . Ang kaluwalhatian ng huling bahay na ito ay magiging mas dakila kaysa sa nauna.” (Hagai 2:7, 9) Tapat sa mga salitang ito, ang ikalawang templo ay naging mas maluwalhati. Mas tumagal iyon nang 164 na taon kaysa sa una, at mas marami pang mananamba buhat sa mas maraming lupain ang nagdagsaan sa mga looban nito. (Ihambing ang Gawa 2:5-11.) Ang pagpapaayos sa ikalawang templo ay nagsimula noong mga kaarawan ni Haring Herodes, at pinalaki ang mga looban nito. Palibhasa’y nasa itaas ng isang malawak at patag na bato at napalilibutan ng magagandang haligi, napantayan nito ang karingalan ng orihinal na templong itinayo ni Solomon. Sa gawing labas ay mayroon itong malawak na looban para sa mga tao ng mga bansa na ibig sumamba kay Jehova. May batong nakaharang na naghihiwalay sa Korte ng mga Gentil buhat sa mga looban sa gawing loob na para lamang sa mga Israelita.
20. (a) Anong namumukod-tanging karangalan ang tinaglay ng itinayo-muling templo? (b) Ano ang nagpakita na mali ang pangmalas ng mga Judio sa templo, at ano ang ginawa ni Jesus bilang tugon dito?
20 Nakamit ng ikalawang templong ito ang dakilang karangalan na sa mga looban nito ay nagturo ang Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo. Ngunit gaya sa unang templo, ang mga Judio sa pangkalahatan ay hindi nagkaroon ng wastong pangmalas sa kanilang pribilehiyo bilang mga katiwala ng bahay ng Diyos. Aba, pinahintulutan pa man din nila ang mga mangangalakal na magnegosyo sa looban ng mga Gentil. Isa pa, pinayagan ang mga tao na gamitin ang templo bilang isang malapit na daan kapag nagdadala ng mga kagamitan sa paligid ng Jerusalem. Apat na araw bago siya mamatay, nilinis ni Jesus ang templo mula sa gayong sekular na mga gawain, samantalang patuloy na sinasabi niya: “Hindi ba nasusulat, ‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-panalanginan ng lahat ng mga bansa’? Subalit ginawa ninyo itong yungib ng mga magnanakaw.”—Marcos 11:15-17.
Pinabayaan ng Diyos Magpakailanman ang Kaniyang Makalupang Bahay
21. Ano ang ipinahiwatig ni Jesus hinggil sa templo sa Jerusalem?
21 Dahil sa tibay ng loob ni Jesus sa pagtataguyod ng dalisay na pagsamba, determinado ang mga Judiong lider ng relihiyon na patayin siya. (Marcos 11:18) Palibhasa’y alam na malapit na siyang patayin, sinabi ni Jesus sa mga Judiong lider ng relihiyon: “Ang inyong bahay ay pinababayaan sa inyo.” (Mateo 23:37, 38) Sa gayo’y ipinahiwatig niya na malapit nang itakwil ng Diyos ang anyo ng pagsamba na isinasagawa sa tipikal na templo sa Jerusalem. Hindi na ito magiging “bahay-panalanginan ng lahat ng mga bansa.” Nang ituro kay Jesus ng kaniyang mga alagad ang maringal na mga gusali ng templo, sinabi niya: “Hindi ba ninyo nakikita ang lahat ng mga bagay na ito? . . . Sa anumang paraan ay hindi maiiwan dito ang isang bato sa ibabaw ng isang bato na hindi ibabagsak.”—Mateo 24:1, 2.
22. (a) Paano natupad ang mga salita ni Jesus tungkol sa templo? (b) Sa halip na isentro ang kanilang pag-asa sa isang makalupang lunsod, ano ang hinanap ng mga unang Kristiyano?
22 Ang hula ni Jesus ay natupad 37 taon pagkaraan noong taóng 70 C.E., nang wasakin ng mga hukbong Romano ang Jerusalem at ang templo nito. Iyon ay maliwanag na patotoo na talaga ngang pinabayaan na ng Diyos ang kaniyang tipikong bahay. Hindi kailanman inihula ni Jesus ang muling pagtatayo ng isa pang templo sa Jerusalem. Hinggil sa makalupang lunsod na iyan, sumulat si apostol Pablo sa mga Hebreong Kristiyano: “Wala tayo ritong isang lunsod na nagpapatuloy, kundi may-pananabik nating hinahanap ang isa na darating.” (Hebreo 13:14) Inasam-asam ng mga unang Kristiyano ang pagiging bahagi ng “makalangit na Jerusalem”—ang tulad-lunsod na Kaharian ng Diyos. (Hebreo 12:22) Sa gayon, ang tunay na pagsamba kay Jehova ay hindi na nakasentro sa isang pisikal na templo sa lupa. Sa ating susunod na artikulo, isasaalang-alang natin ang nakahihigit na kaayusan na itinatag ng Diyos para sa lahat ng nagnanais sumamba sa kaniya “sa espiritu at katotohanan.”—Juan 4:21, 24.
Mga Tanong sa Repaso
◻ Anong kaugnayan sa Diyos ang naiwala nina Adan at Eva?
◻ Bakit tayo dapat na maging interesado sa mga bahagi ng tabernakulo?
◻ Ano ang natututuhan natin mula sa mga gawain sa looban ng tabernakulo?
◻ Bakit pinahintulutan ng Diyos na mawasak ang kaniyang templo?
[Mga larawan sa pahina 10, 11]
Ang Templong Muling Itinayo ni Herodes
1. Ang Kabanal-banalan
2. Ang dakong Banal
3. Altar ng Handog na Sinunog
4. Binubong Dagat
5. Korte ng mga Saserdote
6. Korte ng Israel
7. Korte ng mga Babae