Tinupad Nila ang Kalooban ni Jehova
Nangaral si Pedro Noong Pentecostes
NOON ay isang katamtamang umaga ng tagsibol ng taong 33 C.E. Pagkasaya-saya ng paligid! Isang nag-aapurang pulutong ng mga Judio at mga proselita ang dumagsa sa mga lansangan ng Jerusalem. Galing sila sa mga lugar tulad ng Elam, Mesopotamia, Cappadocia, Ehipto, at Roma. Nakawiwili silang pagmasdan sa kanilang katutubong kasuutan at marinig ang kanilang iba’t ibang wika! Ang ilan ay naglakbay nang halos dalawang libong kilometro upang makadalo sa pantanging okasyong ito. Ano ba iyon? Ang Pentecostes—isang masayang kapistahan ng mga Judio na tanda ng katapusan ng pag-aani ng sebada.—Levitico 23:15-21.
Pumapailanlang ang usok mula sa mga handog sa altar ng templo, at ang mga Levita ay umaawit ng Hallel (Awit 113 hanggang 118). Sandaling-sandali bago ang 9:00 n.u., may nakagugulat na pangyayari. Buhat sa langit, nagkaroon ng “isang ingay katulad niyaong sa malakas na hanging humahagibis.” Pinunô nito ang buong bahay na kung saan mga 120 alagad ni Jesu-Kristo ay nagkakatipon. Ganito ang sabi ng ulat sa Kasulatan: “Mga dila na parang apoy ang nagpakita sa kanila at nabaha-bahagi, at dumapo ang isa sa bawat isa sa kanila, at silang lahat ay napuspos ng banal na espiritu at nagpasimulang magsalita ng iba’t ibang wika, gaya ng ipinagkaloob ng espiritu sa kanila na salitain.”—Gawa 2:1-4.
Narinig ng Bawat Isa ang Kaniyang Sariling Wika
Di-nagtagal, maraming alagad ang humugos papalabas ng bahay. Kamangha-mangha, nakapagsasalita sila sa iba’t ibang wika ng karamihan! Gunigunihin ang pagkagulat nang marinig ng isang panauhin mula sa Persia at isang taal ng Ehipto na sinasalita ng mga taga-Galilea ang kanilang wika. Mauunawaan naman, gayon na lamang ang panggigilalas ng karamihan. “Ano ang ibig ipangahulugan ng bagay na ito?” ang tanong nila. Ang ilan ay nagsimulang manlibak sa mga alagad, anupat nagsabi: “Sila ay punô ng matamis na alak.”—Gawa 2:12, 13.
Sumunod ay tumayo si apostol Pedro at nagsalita sa pulutong. Ipinaliwanag niya na ang makahimalang kaloob na ito ng mga wika ay katuparan ng pangako ng Diyos sa pamamagitan ni propeta Joel: “Ibubuhos ko ang aking espiritu sa bawat uri ng laman.” (Gawa 2:14-21; Joel 2:28-32) Oo, katatapos lamang ibuhos ng Diyos ang kaniyang banal na espiritu sa mga alagad ni Jesus. Ito ay maliwanag na ebidensiya na si Jesus ay ibinangon mula sa mga patay at ngayo’y nasa langit na sa kanang kamay ng Diyos. “Samakatuwid,” sabi ni Pedro, “alamin ngang may katiyakan ng buong bahay ng Israel na siya ay ginawa ng Diyos na kapuwa Panginoon at Kristo, ang Jesus na ito na inyong ipinako.”—Gawa 2:22-36.
Paano tumugon ang mga nakikinig? “Nasugatan sila sa puso,” sabi ng ulat, “at sinabi nila kay Pedro at sa iba pang mga apostol: ‘Mga lalaki, mga kapatid, ano ang gagawin namin?’ ” Sumagot si Pedro: “Magsisi kayo, at ang bawat isa sa inyo ay magpabautismo.” Gayung-gayon ang ginawa ng mga 3,000! Mula noon, “nagpatuloy sila sa pag-uukol ng kanilang sarili sa turo ng mga apostol.”—Gawa 2:37-42.
Sa pangunguna sa ganitong napakahalagang okasyon, ginamit ni Pedro ang una sa “mga susi ng kaharian ng mga langit” na ipinangako ni Jesus na ibibigay sa kaniya. (Mateo 16:19) Ang mga susing ito ang nagbukas ng pantanging mga pribilehiyo sa iba’t ibang grupo ng mga tao. Dahil sa unang susing ito ay naging posible para sa mga Judio na maging mga Kristiyanong pinahiran ng espiritu. Nang maglaon, ang ikalawa at ikatlong mga susi ang nagbukas ng gayunding pagkakataon sa mga Samaritano at pagkatapos ay sa mga Gentil.—Gawa 8:14-17; 10:44-48.
Mga Aral Para sa Atin
Bagaman ang pulutong na ito ng mga Judio at mga proselita ay magkatuwang sa pananagutan ng pamayanan sa kamatayan ng Anak ng Diyos, magalang na nagsalita si Pedro sa kanila, anupat tinawag silang “mga kapatid.” (Gawa 2:29) Ang tunguhin niya ay ang mapakilos silang magsisi, hindi ang hatulan sila. Kaya naman, positibo ang kaniyang pamamaraan. Iniharap niya ang mga katotohanan at sinuhayan ang kaniyang mga punto sa pamamagitan ng pag-ulit mula sa Kasulatan.
Yaong mga nangangaral ng mabuting balita ngayon ay makikinabang sa pagsunod sa halimbawa ni Pedro. Dapat nilang sikaping makapagtatag ng puntong mapagkakasunduan sa kanilang mga tagapakinig at pagkatapos ay mataktikang makipagkatuwiranan sa kanila mula sa Kasulatan. Kapag ang katotohanan sa Bibliya ay iniharap sa isang positibong paraan, tutugon ang matuwid-pusong mga tao.—Gawa 13:48.
Ang sigasig at tapang ni Pedro noong araw ng Pentecostes ay ibang-iba doon sa kaniyang pagkakaila kay Jesus mga ilang linggo bago nito. Noon ay natigilan si Pedro dahil sa takot sa tao. (Mateo 26:69-75) Subalit si Jesus ay nagsumamo alang-alang kay Pedro. (Lucas 22:31, 32) Walang-alinlangan, ang pagpapakita ni Jesus kay Pedro pagkatapos siyang buhaying-muli ay nagpalakas sa apostol. (1 Corinto 15:5) Bunga nito, hindi gumuho ang pananampalataya ni Pedro. Sa loob lamang ng sandaling panahon, buong-tapang siyang nangangaral. Kaya siya ay nangaral hindi lamang noong Pentecostes kundi hanggang sa nalalabing bahagi ng kaniyang buhay.
Ano kung nagkasala tayo sa ilang paraan, gaya ni Pedro? Magsisi tayo, manalangin ukol sa kapatawaran, at kumuha ng mga hakbang upang makamit ang espirituwal na tulong. (Santiago 5:14-16) Kung magkagayon ay susulong tayo taglay ang pagtitiwala na ang ating sagradong paglilingkod ay kaayaaya sa ating maawain at makalangit na Ama, si Jehova.—Exodo 34:6.