Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w96 9/15 p. 16-21
  • Kilalanin Nawa ni Jehova na Mabuti ang Iyong Ulat

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kilalanin Nawa ni Jehova na Mabuti ang Iyong Ulat
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Magsusulit Tayo Dahil sa Ating Kaalaman
  • Magsusulit Dahil sa Ating Ministeryo
  • Gumagawa ng Mainam na Ulat Bilang mga Pamilya
  • Nagsusulit ang Matatanda​—Paano?
  • Patuloy na Gumawa ng Mainam na Ulat
  • Lahat ay Dapat na Magsulit sa Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Nehemias
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • “Alalahanin Mo Ako, O Diyos Ko, sa Ikabubuti”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
  • Aklat ng Bibliya Bilang 16—Nehemias
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
w96 9/15 p. 16-21

Kilalanin Nawa ni Jehova na Mabuti ang Iyong Ulat

“Ito’y alalahanin mo . . . alang-alang sa akin, O aking Diyos . . . Alalahanin mo ako, O aking Diyos, magpakailanman.”​—NEHEMIAS 13:22, 31.

1. Ano ang tumutulong doon sa mga nakaalay sa Diyos upang makagawa ng mainam na ulat kay Jehova?

TAGLAY ng mga lingkod ni Jehova ang lahat ng tulong na kailangan upang makagawa ng mainam na ulat sa kaniya. Bakit? Sapagkat sila’y may malapit na kaugnayan sa Diyos bilang bahagi ng kaniyang makalupang organisasyon. Isiniwalat niya sa kanila ang kaniyang mga layunin, at binigyan niya sila ng tulong at ng malalim na espirituwal na unawa sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu. (Awit 51:11; 119:105; 1 Corinto 2:10-​13) Dahil sa pantanging mga kalagayang ito, maibiging tinatawagan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod sa lupa upang magbigay sa kaniya ng ulat ng kanilang sarili kapuwa sa kung ano sila at kung ano ang nagagawa nila sa pamamagitan ng kaniyang lakas at sa tulong ng kaniyang banal na espiritu.

2. (a) Sa anu-anong paraan nagbigay si Nehemias ng mabuting ulat ng kaniyang sarili sa Diyos? (b) Sa pamamagitan ng anong pakiusap tinapos ni Nehemias ang aklat sa Bibliya na may pangalan niya?

2 Ang isang tao na nakagawa ng mabuting ulat ng kaniyang sarili sa Diyos ay si Nehemias, ang tagapagdala ng kopa sa Persianong si Haring Artajerjes (Longimanus). (Nehemias 2:1) Si Nehemias ay naging gobernador ng mga Judio at nagtayong muli sa pader ng Jerusalem sa kabila ng mga kaaway at panganib. Taglay ang sigasig sa tunay na pagsamba, ipinatupad niya ang Batas ng Diyos at ipinakita ang pagmamalasakit sa mga inaapi. (Nehemias 5:14-19) Hinimok ni Nehemias ang mga Levita na palagiang dalisayin ang kanilang sarili, bantayan ang mga pintuang-bayan, at pakabanalin ang araw ng Sabbath. Kaya naman nakapanalangin siya: “Ito’y alalahanin mo rin naman alang-alang sa akin, O aking Diyos, at kahabagan mo ako alinsunod sa kasaganaan ng iyong maibiging-kabaitan.” Angkop din naman na tapusin ni Nehemias ang kaniyang aklat na kinasihan ng Diyos sa pakiusap na: “Alalahanin mo ako, O aking Diyos, magpakailanman.”​—Nehemias 13:22, 31.

3. (a) Paano mo ilalarawan ang isang taong gumagawa ng mabuti? (b) Ang pagsasaalang-alang sa landasin ni Nehemias ay mag-uudyok sa atin na magtanong ng ano sa ating sarili?

3 May kagalingan ang isang taong gumagawa ng mabuti at matuwid na mga gawa sa kapakinabangan ng iba. Gayong uri ng tao si Nehemias. Siya ay may mapitagang pagkatakot sa Diyos at matinding sigasig sa tunay na pagsamba. Bukod dito, pinahalagahan niya ang kaniyang mga pribilehiyo sa paglilingkuran sa Diyos at gumawa ng mainam na ulat ng kaniyang sarili kay Jehova. Ang pagsasaalang-alang sa kaniyang landasin ay mag-uudyok sa atin na tanungin ang ating sarili, ‘Paano ko minamalas ang aking bigay-Diyos na mga pribilehiyo at pananagutan? Anong ulat ng aking sarili ang ginagawa ko sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo?’

Magsusulit Tayo Dahil sa Ating Kaalaman

4. Ano ang iniutos ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod, at ano ang ginawa niyaong mga “wastong nakaayon para sa buhay na walang-hanggan”?

4 Ganito ang iniutos ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Humayo kayo . . . at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila . . . , na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20) Gagawa ng mga alagad sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila. Kaya yaong mga naturuan at “wastong nakaayon para sa buhay na walang-hanggan” ay magpapabautismo, gaya ng ginawa ni Jesus. (Gawa 13:48; Marcos 1:9-11) Magmumula sa puso ang kanilang hangaring tuparin ang lahat ng kaniyang iniutos. Hahantong sila sa punto ng pag-aalay sa pamamagitan ng pagkuha at pagkakapit ng tumpak na kaalaman sa Salita ng Diyos.​—Juan 17:3.

5, 6. Paano natin uunawain ang Santiago 4:17? Ilarawan ang pagkakapit nito.

5 Mientras mas malalim ang ating kaalaman sa Kasulatan, mas matibay ang pundasyon ng ating pananampalataya. Kasabay nito, mas malaki ang ipagsusulit natin sa Diyos. Ganito ang sabi ng Santiago 4:17: “Kung nalalaman ng isa kung paano gagawin ang tama at gayunma’y hindi ito ginagawa, ito ay kasalanan sa kaniya.” Ang pangungusap na ito ay maliwanag na batay sa kasasabi lamang ng alagad na si Santiago tungkol sa paghahambog sa halip na lubusang pagtitiwala sa Diyos. Kung alam ng isang tao na wala siyang anumang magagawa na mamamalagi kung walang tulong ni Jehova ngunit hindi kumikilos alinsunod dito, ito ay kasalanan. Subalit kumakapit din ang mga salita ni Santiago sa mga kasalanan dahil sa hindi paggawa. Halimbawa, sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa mga tupa at mga kambing, ang mga kambing ay hinatulan, hindi dahil sa masasamang gawa, kundi dahil sa hindi pagtulong sa mga kapatid ni Kristo.​—Mateo 25:41-46.

6 Isang lalaking nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova ay hindi gaanong sumusulong sa espirituwal, maliwanag na dahil sa hindi siya humihinto sa paninigarilyo, bagaman alam niya na dapat niyang gawin iyon. Hiniling sa kaniya ng isang matanda na basahin ang Santiago 4:17. Pagkatapos magkomento sa kahulugan ng kasulatang ito, sinabi ng matanda: “Bagaman hindi ka bautisado, ikaw ay magsusulit at dapat na umako sa lahat ng pananagutan para sa iyong pasiya.” Mabuti na lamang, tumugon ang lalaki, huminto sa paninigarilyo, at di-nagtagal ay naging kuwalipikado sa bautismo bilang sagisag ng kaniyang pag-aalay sa Diyos na Jehova.

Magsusulit Dahil sa Ating Ministeryo

7. Ano ang isang paraan upang maipamalas ang ating pagtanaw ng utang na loob dahil sa “mismong kaalaman ng Diyos”?

7 Ang ating taos-pusong hangarin ay dapat na ang mapalugdan ang ating Maylalang. Ang isang paraan upang ipamalas ang ating pagtanaw ng utang na loob dahil sa “mismong kaalaman ng Diyos” ay ang tuparin ang atas na gumawa ng mga alagad ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Ito rin naman ay isang paraan upang ipakita ang ating pag-ibig sa Diyos at sa ating kapuwa. (Kawikaan 2:1-5; Mateo 22:35-​40) Oo, dahil sa ating kaalaman sa Diyos ay magsusulit tayo sa kaniya, at kailangang malasin natin ang ating mga kapuwa tao bilang potensiyal na mga alagad.

8. Bakit natin masasabi na nadama ni Pablo na siya ay magsusulit sa Diyos dahil sa kaniyang ministeryo?

8 Batid ni apostol Pablo na nagbubunga ng kaligtasan ang buong-pusong pagtanggap at pagsunod sa mabuting balita, samantalang hahantong sa pagkapuksa ang pagtanggi rito. (2 Tesalonica 1:6-8) Kaya naman nadama niya na magsusulit siya kay Jehova dahil sa kaniyang ministeryo. Sa katunayan, gayon na lamang ang pagpapahalaga ni Pablo at ng kaniyang mga kasama sa kanilang ministeryo anupat maingat nilang iniwasan ang impresyon na sila’y nakikinabang sa pinansiyal mula roon. Isa pa, si Pablo ay naudyukan ng kaniyang puso na magsabi: “Ngayon, kung ipinapahayag ko ang mabuting balita, hindi dahilan iyon upang maghambog ako, sapagkat ang pangangailangan ay iniatang sa akin. Tunay nga, ako ay aba kung hindi ko ipinahayag ang mabuting balita!”​—1 Corinto 9:11-16.

9. Anong mahalagang utang ang dapat na bayaran ng lahat ng Kristiyano?

9 Yamang tayo ay nakaalay na mga lingkod ni Jehova, ‘ang pangangailangan ay iniatang sa atin upang ipahayag ang mabuting balita.’ Tayo ay may atas na ipangaral ang mensahe ng Kaharian. Tinanggap natin ang pananagutang iyan nang ialay natin ang ating sarili sa Diyos. (Ihambing ang Lucas 9:23, 24.) Isa pa, may utang tayo na dapat bayaran. Sinabi ni Pablo: “Kapuwa sa mga Griego at sa mga Barbaro, kapuwa sa marurunong at sa mga mangmang ako ay may-utang: kaya may pananabik sa aking bahagi na ipahayag din ang mabuting balita sa inyo diyan sa Roma.” (Roma 1:14, 15) May utang si Pablo dahil alam niya na tungkulin niyang mangaral upang marinig ng mga tao ang mabuting balita at maligtas. (1 Timoteo 1:12-​16; 2:3, 4) Kaya naman nagpagal siya upang matupad ang kaniyang atas at mabayaran ang kaniyang utang sa kapuwa. Bilang mga Kristiyano, tayo rin naman ay may gayong utang na dapat bayaran. Ang pangangaral tungkol sa Kaharian ay isa ring mahalagang paraan upang ipamalas ang ating pag-ibig sa Diyos, sa kaniyang Anak, at sa ating kapuwa.​—Lucas 10:25-28.

10. Sa paggawa ng ano napalawak ng ilan ang kanilang ministeryo?

10 Ang isang paraan upang makagawa ng kaayaayang ulat sa Diyos ay ang paggamit ng ating mga kakayahan upang palawakin ang ating ministeryo. Upang ilarawan: Maraming tao buhat sa ibang bansa ang dumagsa sa Britanya nang nakaraang mga taon. Upang maabot ng mabuting balita ang gayong mga tao, mahigit sa 800 payunir (buong-panahong mangangaral ng Kaharian) at daan-daang iba pang Saksi ang nag-aaral ng iba’t ibang wika. Nagbunga ito ng mainam na pampasigla sa ministeryo. Ganito ang sabi ng isang payunir na nagtuturo ng Tsino sa isang klase: “Hindi ko kailanman naisip na magtuturo ako ng aking wika sa ibang Saksi, upang maibahagi nila sa iba ang katotohanan sa ganitong paraan. Ito’y totoong kasiya-siya!” Maaari kaya ninyong mapalawak ang inyong ministeryo sa katulad na paraan?

11. Ano ang ibinunga nang isang Kristiyano ang nagpatotoo sa di-pormal na paraan?

11 Malamang, gagawin ng bawat isa sa atin ang ating makakaya upang sagipin ang isang taong nalulunod. Gayundin naman ang kasabikan ng mga lingkod ni Jehova na gamitin ang kanilang kakayahang magpatotoo sa lahat ng pagkakataon. Isang Saksi kamakailan ang umupo sa tabi ng isang babae sa bus at kumausap sa kaniya tungkol sa Kasulatan. Palibhasa’y natuwa sa kaniyang narinig, ang babae ay nagbangon ng maraming tanong. Nang ang Saksi ay bababa na sa bus, namanhik sa kaniya ang babae na dumaan muna siya sa kaniyang tahanan, yamang marami pa siyang tanong. Pumayag ang Saksi. Ang resulta? Nasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya, at pagkaraan ng anim na buwan ang babae ay naging isang di-bautisadong mamamahayag ng Kaharian. Di-nagtagal at siya mismo’y nagdaraos na ng sariling anim na pag-aaral sa Bibliya. Ano ngang kasiya-siyang gantimpala sa paggamit ng kakayahan ng isa sa paglilingkod sa Kaharian!

12. Paano natin mabisang magagamit sa paglilingkod sa larangan ang ating kakayahan bilang mga ministro?

12 Mapapakinabangan sa larangan ang ating kakayahan bilang mga ministro sa pamamagitan ng paggamit ng mga publikasyon tulad ng 192-pahinang aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan. Noong Abril ng 1996, inaprobahan ng Writing Committee ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ang paglalathala ng aklat na Kaalaman sa mahigit na 140 wika, at mula noon ay 30,500,000 kopya nito ang nailimbag na sa 111 wika. Isinulat ang aklat na ito sa layuning matulungan ang mga estudyante ng Bibliya na matuto nang sapat tungkol sa Salita at sa mga layunin ng Diyos upang makapag-alay kay Jehova at mabautismuhan. Yamang ang mga mamamahayag ng Kaharian ay hindi magdaraos ng pantahanang pag-aaral ng Bibliya sa iyon at iyon ding estudyante sa loob ng maraming taon, makapagdaraos sila ng pag-aaral sa mas maraming tao o mapalalawak ang kanilang pakikibahagi sa gawaing pagbabahay-bahay at iba pang anyo ng ministeryo. (Gawa 5:42; 20:20, 21) Palibhasa’y nababatid na sila’y magsusulit sa Diyos, itinatawag-pansin nila ang mga babala ng Diyos. (Ezekiel 33:7-9) Ngunit ang kanilang pangunahing interes ay ang parangalan si Jehova at tulungan ang marami hangga’t maaari na matutuhan ang mabuting balita sa maikling panahong nalalabi pa sa balakyot na sistemang ito ng mga bagay.

Gumagawa ng Mainam na Ulat Bilang mga Pamilya

13. Bakit dapat na magkaroon ng regular na pampamilyang pag-aaral ng Bibliya ang maka-Diyos na mga pamilya?

13 Bawat isa at pamilya na yumayakap sa tunay na Kristiyanismo ay magsusulit sa Diyos at sa gayo’y dapat na ‘sumulong tungo sa pagkamaygulang’ at maging “matatag sa pananampalataya.” (Hebreo 6:1-3; 1 Pedro 5:8, 9) Halimbawa, yaong nakapag-aral na ng aklat na Kaalaman at nabautismuhan ay kailangang lubusin ang kanilang kaalaman sa Kasulatan sa pamamagitan ng pagdalo nang regular sa mga pulong gayundin sa pagbabasa ng Bibliya at iba pang Kristiyanong publikasyon. Ang maka-Diyos na mga pamilya ay dapat din magkaroon ng regular na pampamilyang pag-aaral, sapagkat iyan ay mahalagang paraan upang ‘manatiling gising, tumayong matatag sa pananampalataya, magpakalalaki, magpakalakas.’ (1 Corinto 16:13) Kung ikaw ay ulo ng isang sambahayan, lalo kang may pananagutan sa Diyos na tiyaking napapakaing mainam ang iyong pamilya sa espirituwal na paraan. Kung paanong ang masustansiyang pisikal na pagkain ay mahalaga sa likas na kalusugan, gayon kailangan ang sagana at regular na espirituwal na pagkain upang ikaw at ang iyong pamilya ay manatiling ‘malusog sa pananampalataya.’​—Tito 1:13.

14. Ano ang resulta ng pagpapatotoo ng isang batang Israelitang mainam na naturuan?

14 Kung may mga anak sa iyong sambahayan, kikilalanin ni Jehova na mabuti ang iyong ulat dahil sa paglalaan sa kanila ng mahusay na espirituwal na pagtuturo. Makikinabang sila sa gayong pagtuturo, kung paanong nakinabang ang isang munting batang babaing Israelita na nabihag ng mga taga-Siria noong kaarawan ng propeta ng Diyos na si Eliseo. Naging katulong siya ng asawa ng ketonging hepe ng hukbo ng Siria, si Naaman. Bagaman nasa murang edad pa ang bata, sinabi niya sa kaniyang among babae: “Kung ang aking panginoon ay naroon lang sana sa harap ng propeta na nasa Samaria! Sa gayon ay pagagalingin niya siya mula sa kaniyang ketong.” Dahil sa kaniyang patotoo, naparoon si Naaman sa Israel, anupat sa wakas ay sumunod sa tagubilin ni Eliseo na maligo nang pitong ulit sa Ilog Jordan, at nalinis sa kaniyang ketong. Isa pa, si Naaman ay naging mananamba ni Jehova. Tiyak ngang ikinagalak iyan ng munting bata!​—2 Hari 5:1-3, 13-19.

15. Bakit mahalagang sanaying mainam sa espirituwal ng mga magulang ang kanilang mga anak? Ilarawan.

15 Hindi madaling magpalaki ng mga anak na may takot sa Diyos sa salat-sa-kalinisang-asal na sanlibutang ito na nasa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. (1 Juan 5:19) Gayunman, mula sa pagkasanggol ni Timoteo, matagumpay na tinuruan siya sa Kasulatan ng kaniyang lolang si Loida at inang si Eunice. (2 Timoteo 1:5; 3:14, 15) Ang pakikipag-aral ng Bibliya sa inyong mga anak, pagdadala sa kanila nang regular sa mga pulong Kristiyano, at sa dakong huli ay pagsasaayos na samahan nila kayo sa ministeryo ay pawang bahagi ng parisan ng pagsasanay na doo’y tiyak na ipagsusulit ninyo sa Diyos. Nagunita ng isang mahigit nang 80 anyos na Kristiyano sa Wales, na noong mga unang taon ng dekada ng 1920, isinasama siya ng kaniyang ama kapag naglalakad siya ng 10 kilometro patungo sa isang bundok (ang paglalakbay nang balikan ay 20 kilometro) upang mamahagi ng mga tract sa Bibliya sa mga taganayon sa susunod na libis. “Sa mga panahong iyon ng paglalakad ikinintal ng aking ama ang katotohanan sa aking puso,” ang nasabi niya nang may pagtanaw ng utang na loob.

Nagsusulit ang Matatanda​—Paano?

16, 17. (a) Anu-anong pribilehiyo ang tinamasa ng may-gulang sa espirituwal na nakatatandang mga lalaki sa sinaunang Israel? (b) Kung ihahambing sa kalagayan sa sinaunang Israel, bakit higit pa ang hinihiling sa Kristiyanong matatanda sa ngayon?

16 “Ang ulong may uban ay korona ng kagandahan kapag nasumpungan sa daan ng katuwiran,” sabi ng pantas na taong si Solomon. (Kawikaan 16:31) Subalit hindi lamang ang pisikal na edad ang nagsasangkap sa isang tao para sa pananagutan sa kongregasyon ng bayan ng Diyos. Ang may-gulang sa espirituwal na nakatatandang mga lalaki sa sinaunang Israel ay naglingkod bilang mga hukom at mga opisyal para sa pagpapatupad ng katarungan at pagpapanatili ng kapayapaan, mabuting kaayusan, at espirituwal na kalusugan. (Deuteronomio 16:18-20) Bagaman totoo rin ito sa Kristiyanong kongregasyon, higit pa ang hinihiling sa matatanda habang papalapit na ang wakas ng sistemang ito ng mga bagay. Bakit?

17 Ang mga Israelita ay isang ‘bayang pinili’ na iniligtas ng Diyos mula sa sinaunang Ehipto. Yamang tinanggap nila ang Batas sa pamamagitan ng kanilang tagapamagitan, si Moises, ang kanilang mga inapo ay isinilang sa isang nakaalay na bansa at nakaaalam ng mga simulain ni Jehova. (Deuteronomio 7:6, 11) Gayunman, walang sinuman ang likas na isinilang sa gayong nakaalay na bansa sa ngayon, at medyo kakaunti ang lumaki sa maka-Diyos na mga pamilya na lubusang nakababatid ng katotohanan sa Kasulatan. Lalo nang nangangailangan ng tagubilin kung paano mamumuhay ayon sa mga simulain ng Kasulatan yaong kamakailan lamang nagsimulang ‘lumakad sa katotohanan.’ (3 Juan 4) Ano ngang laking pananagutan kung gayon ang nakapatong sa balikat ng tapat na matatanda habang sila’y ‘nanghahawakan sa parisan ng nakapagpapalusog na mga salita’ at tumutulong sa bayan ni Jehova!​—2 Timoteo 1:13, 14.

18. Anong uri ng tulong ang dapat na handang ibigay ng matatanda sa kongregasyon, at bakit?

18 Ang isang batang paslit na natututo pa lamang lumakad ay maaaring matisod at matumba. Natatakot pa siya at nangangailangan ng tulong at kasiguruhan buhat sa magulang. Maaari rin namang matisod o mabuwal sa espirituwal na paraan ang isa na nakaalay kay Jehova. Maging si apostol Pablo ay kinailangang makipagpunyagi upang magawa ang tama o mabuti sa paningin ng Diyos. (Roma 7:21-25) Ang mga pastol sa kawan ng Diyos ay kailangang maglaan ng maibiging tulong sa mga Kristiyanong nagkasala ngunit totoong nagsisisi. Nang dalawin ng matatanda ang isang nakaalay na babae na nakagawa ng malubhang pagkakamali, sinabi niya sa harap ng kaniyang nakaalay na asawa: “Alam ko na ititiwalag ninyo ako!” Ngunit napahagulhol siya nang sabihin ng matatanda na ibig nilang malaman kung ano ang tulong na kailangan upang maibalik ang pamilya sa espirituwal na paraan. Yamang batid na sila’y dapat na magsulit, nagagalak ang matatanda na tulungan ang isang nagsisising kapananampalataya.​—Hebreo 13:17.

Patuloy na Gumawa ng Mainam na Ulat

19. Paano tayo makapagpapatuloy sa paggawa ng mainam na ulat ng ating sarili sa Diyos?

19 Ang matatanda sa kongregasyon at lahat ng iba pang lingkod ng Diyos ay kailangang patuloy na gumawa ng mainam na ulat ng kanilang sarili kay Jehova. Ito ay posible kung susundin natin ang Salita ng Diyos at gagawin ang kaniyang kalooban. (Kawikaan 3:5, 6; Roma 12:1, 2, 9) Lalo nang ibig nating gumawa ng mabuti sa mga kaugnay sa atin sa pananampalataya. (Galacia 6:10) Gayunman, malaki pa rin ang aanihin, at kakaunti ang mga manggagawa. (Mateo 9:37, 38) Kaya gumawa tayo ng mabuti sa iba sa pamamagitan ng masikap na paghahayag ng mensahe ng Kaharian. Kikilalanin ni Jehova na mabuti ang ating ulat kung tutuparin natin ang ating pag-aalay, gagawin ang kaniyang kalooban, at buong-katapatang ipahahayag ang mabuting balita.

20. Ano ang natututuhan natin sa pagsasaalang-alang ng landasin ni Nehemias?

20 Kaya patuloy tayong maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon. (1 Corinto 15:58) At makabubuti sa atin na isaalang-alang si Nehemias, na nagtayong muli ng pader ng Jerusalem, nagpatupad ng batas ng Diyos, at masigasig na nagtaguyod ng tunay na pagsamba. Nanalangin siya na sana’y alalahanin siya ng Diyos na Jehova dahil sa mabuti na kaniyang ginawa. Sana’y mapatunayang gayundin ang iyong debosyon kay Jehova, at kilalanin nawa niya na mabuti ang iyong ulat.

Ano ang Iyong Sagot?

◻ Anong halimbawa ang ipinakita ni Nehemias?

◻ Bakit tayo magsusulit sa Diyos dahil sa ating kaalaman?

◻ Paano tayo makagagawa ng kaayaayang ulat kay Jehova sa ating ministeryo?

◻ Ano ang magagawa ng mga pamilya upang magkaroon ng mainam na ulat sa Diyos?

◻ Paano nagsusulit ang Kristiyanong matatanda?

[Mga larawan sa pahina 18]

Tulad ni Pablo, makagagawa tayo ng mainam na ulat sa Diyos bilang mga tagapaghayag ng Kaharian

[Larawan sa pahina 19]

Ang inyo bang mga anak ay may matatag na pananampalataya katulad niyaong sa munting batang Israelita sa tahanan ni Naaman?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share