Umasa kay Jehova Para sa Kaaliwan
“Ipagkaloob nawa sa inyo ng Diyos na naglalaan ng pagbabata at kaaliwan na magkaroon sa gitna ninyo ng gayunding pangkaisipang saloobin na tinaglay ni Kristo Jesus.”—ROMA 15:5.
1. Bakit tumitindi sa bawat araw ang pangangailangan para sa kaaliwan?
SA BAWAT dumaraang araw ay tumitindi ang pangangailangan sa kaaliwan. Gaya ng sinabi ng isang manunulat ng Bibliya mahigit 1,900 taon na ang nakalipas, “ang buong paglalang ay patuloy na dumaraing na magkakasama at nasasaktang magkakasama hanggang ngayon.” (Roma 8:22) Sa ating panahon ay tumitindi higit kailanman ang ‘pagdaing’ at ang ‘sakit.’ Sapol noong Digmaang Pandaigdig I, dumaranas ang sangkatauhan ng sunud-sunod na krisis sa anyo ng mga digmaan, krimen, at likas na mga kapahamakan na kadalasa’y bunga ng maling pamamalakad ng tao sa lupa.—Apocalipsis 11:18.
2. (a) Sino ang pangunahing dapat na managot sa kasalukuyang kaabahan ng sangkatauhan? (b) Anong katotohanan ang nagbibigay sa atin ng saligan para sa kaaliwan?
2 Bakit gayon na lamang ang pagdurusa sa ating kapanahunan? Sa paglalarawan sa pagbubulid kay Satanas mula sa mga langit kasunod ng pagsilang ng Kaharian noong 1914, sumasagot ang Bibliya: “Kaabahan para sa lupa at para sa dagat, sapagkat ang Diyablo ay bumaba na sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na maikli na ang kaniyang yugto ng panahon.” (Apocalipsis 12:12) Ang maliwanag na katuparan ng hulang iyan ay nangangahulugan na halos sumapit na tayo sa katapusan ng balakyot na pamamahala ni Satanas. Anong laking kaaliwan na mabatid na malapit nang ibalik ang lupa sa mapayapang kalagayan nito bago akayin ni Satanas sa paghihimagsik ang ating mga unang magulang!
3. Kailan hindi nangailangan ng kaaliwan ang mga tao?
3 Sa pasimula, ang Maylalang sa tao ay naglaan ng magandang parke bilang tahanan ng unang mag-asawa. Iyon ay nasa isang lugar na tinawag na Eden, na ang ibig sabihin ay “Kaluguran” o “Kasiyahan.” (Genesis 2:8, talababa sa Ingles) Isa pa, nagtamasa sina Adan at Eva ng sakdal na kalusugan, taglay ang pag-asang di-mamatay kailanman. Isip-isipin lamang ang maraming larangan na doo’y mapasusulong sana nila ang kanilang kakayahan—paghahalaman, sining, pagtatayo, musika. Isipin din ang lahat ng gawa ng paglalang na mapag-aaralan sana nila habang tinutupad ang kanilang atas na supilin ang lupa at gawin itong paraiso. (Genesis 1:28) Oo, ang buhay nina Adan at Eva ay punung-puno sana, hindi ng pagdaing at kirot, kundi ng kasiyahan at kaluguran. Maliwanag, hindi na sana nila kailangan ng kaaliwan.
4, 5. (a) Bakit hindi nakapasa sina Adan at Eva sa pagsubok sa kanilang pagkamasunurin? (b) Paano nagsimulang mangailangan ng kaaliwan ang sangkatauhan?
4 Gayunman, kailangang linangin nina Adan at Eva ang taimtim na pag-ibig at pagpapahalaga sa kanilang mabait na Ama sa langit. Naudyukan sana sila ng gayong pag-ibig na sundin ang Diyos sa ilalim ng lahat ng kalagayan. (Ihambing ang Juan 14:31.) Nakalulungkot, nabigo ang ating orihinal na mga magulang na sundin ang kanilang matuwid na Soberano, si Jehova. Sa halip, hinayaan nilang mapasailalim sila sa balakyot na pamamahala ng isang masamang anghel, si Satanas na Diyablo. Si Satanas ang siyang tumukso kay Eva upang magkasala at kainin ang ipinagbabawal na prutas. Pagkatapos ay nagkasala si Adan nang siya ay kumain din ng prutas ng punungkahoy na tungkol dito ay maliwanag na nagbabala ang Diyos: “Sa araw na kumain ka ay tiyak na mamamatay ka.”—Genesis 2:17.
5 Sa ganitong paraan, nagsimulang mamatay ang makasalanang mag-asawa. Nang ihatol ang kamatayan, sinabi rin ng Diyos kay Adan: “Sumpain ang lupa dahil sa iyo. Sa kirot ay kakanin mo ang bunga niyaon sa lahat ng mga araw ng iyong buhay. At mga tinik at mga dawag ang patutubuin nito para sa iyo, at dapat mong kanin ang pananim sa parang.” (Genesis 3:17, 18) Sa gayon ay naiwala nina Adan at Eva ang pag-asa na gawing paraiso ang di pa nabubungkal na lupa. Palibhasa’y napalayas mula sa Eden, kinailangan nilang ibuhos ang kanilang lakas upang makakuha ng pagkain buhat sa lupa na isinumpa. Ang kanilang mga inapo, yamang minana ang ganitong makasalanan at namamatay na kalagayan, ay nagsimulang lubhang mangailangan ng kaaliwan.—Roma 5:12.
Natupad ang Isang Nakaaaliw na Pangako
6. (a) Ano ang nakaaaliw na ipinangako ng Diyos pagkatapos na mahulog sa pagkakasala ang sangkatauhan? (b) Anong hula hinggil sa kaaliwan ang binigkas ni Lamec?
6 Nang sentensiyahan ang nagsulsol sa tao na magrebelde, si Jehova ay napatunayang ‘ang Diyos na naglalaan ng kaaliwan.’ (Roma 15:5) Ginawa niya ang gayon sa pamamagitan ng pangakong isusugo ang isang “binhi” na sa bandang huli ay magliligtas sa mga supling ni Adan buhat sa kapaha-pahamak na mga epekto ng pagrerebelde ni Adan. (Genesis 3:15) Pagsapit ng panahon, naglaan din ang Diyos ng mga pahiwatig tungkol sa pagliligtas na ito. Halimbawa, kinasihan niya si Lamec, isang malayong inapo ni Adan sa kaniyang anak na si Set, upang humula tungkol sa gagawin ng anak ni Lamec: “Ang isang ito ay magdadala sa atin ng kaaliwan mula sa ating gawa at mula sa kirot ng ating mga kamay na resultang mula sa lupa na isinumpa ni Jehova.” (Genesis 5:29) Kasuwato ng pangakong ito, ang bata ay pinanganlang Noe, na sa pagkaunawa ay nangangahulugang “Kapahingahan” o “Kaaliwan.”
7, 8. (a) Anong situwasyon ang umakay kay Jehova upang ikalungkot ang pagkalalang sa tao, at ano ang nilayon Niyang gawin ukol dito? (b) Paano natupad ni Noe ang kahulugan ng kaniyang pangalan?
7 Samantala, umani na si Satanas ng mga tagasunod mula sa makalangit na mga anghel. Ang mga ito ay nagkatawang-tao at kumuha ng kaakit-akit na mga babaing inapo ni Adan bilang mga asawa. Ang gayong di-likas na pag-aasawa ay lalo pang nagpasama sa lipunan ng tao at nagbunga ng isang walang-diyos na lahi ng Nefilim, “mga tagapagbuwal,” na pumuno ng karahasan sa lupa. (Genesis 6:1, 2, 4, 11; Judas 6) “Dahil dito nakita ni Jehova na ang kasamaan ng tao ay sagana sa lupa . . . At si Jehova ay nakadama ng pagkalungkot na ginawa niya ang mga tao sa lupa, at siya ay nagdamdam sa kaniyang puso.”—Genesis 6:5, 6.
8 Nilayon ni Jehova na puksain ang balakyot na sanlibutang iyon sa pamamagitan ng isang pangglobong baha, ngunit ipinagawa muna niya kay Noe ang isang daong upang magligtas ng buhay. Dahil dito, naligtas ang lahi ng tao at ang mga uri ng hayop. Gayon na lamang ang ginhawang nadama ni Noe at ng kaniyang pamilya nang lumabas sila mula sa daong tungo sa isang nilinis na lupa! Anong laking kaaliwang malaman na napawi na ang sumpa sa lupa, anupat ginawang mas madali ang pagtatanim! Oo, napatunayang totoo ang hula ni Lamec, at natupad ni Noe ang kahulugan ng kaniyang pangalan. (Genesis 8:21) Bilang tapat na lingkod ng Diyos, naging kasangkapan si Noe sa pagdudulot ng isang antas ng “kaaliwan” sa sangkatauhan. Gayunman, ang masamang impluwensiya ni Satanas at ng kaniyang mga demonyong anghel ay hindi nagwakas sa Baha, at ang sangkatauhan ay patuloy na dumaraing sa ilalim ng pasanin ng kasalanan, sakit, at kamatayan.
Isang Lalong Dakila Kaysa kay Noe
9. Paano napatunayang si Jesu-Kristo ay katulong at mang-aaliw para sa nagsisising mga tao?
9 Nang dakong huli, sa katapusan ng mga 4,000 taon ng kasaysayan ng tao, dumating ang ipinangakong Binhi. Palibhasa’y napakilos ng matinding pag-ibig sa sangkatauhan, isinugo ng Diyos na Jehova sa lupa ang kaniyang bugtong na Anak upang mamatay bilang pantubos sa makasalanang sangkatauhan. (Juan 3:16) Nagdudulot si Jesu-Kristo ng malaking kaginhawahan sa mga nagsisising makasalanan na sumasampalataya sa kaniyang sakripisyong kamatayan. Lahat ng nag-alay ng kanilang buhay kay Jehova at naging bautisadong mga alagad ng kaniyang Anak ay nagtatamasa ng namamalaging ginhawa at kaaliwan. (Mateo 11:28-30; 16:24) Sa kabila ng kanilang di-kasakdalan, nakasusumpong sila ng matinding kagalakan sa paglilingkod sa Diyos taglay ang malinis na budhi. Anong laking kaaliwan para sa kanila ang pagkaalam na kung patuloy silang mananampalataya kay Jesus, gagantimpalaan sila ng walang-hanggang buhay! (Juan 3:36; Hebreo 5:9) Kung dahil sa kahinaan ay makagawa sila ng malubhang kasalanan, kung gayon ay may katulong sila, o mang-aaliw, sa binuhay-muling Panginoong Jesu-Kristo. (1 Juan 2:1, 2) Kung ipagtatapat ang gayong mga kasalanan at gagawa ng maka-Kasulatang mga hakbang upang maiwasang mamihasa sa kasalanan, magtatamo sila ng kaginhawahan, palibhasa’y nalalamang ‘ang Diyos ay tapat at matuwid upang patawarin ang kanilang kasalanan.’—1 Juan 1:9; 3:6; Kawikaan 28:13.
10. Ano ang natututuhan natin mula sa mga himala ni Jesus nang siya’y nasa lupa?
10 Samantalang nasa lupa, nagdulot din si Jesus ng kaginhawahan sa pamamagitan ng pagpapalaya sa mga inaalihan ng demonyo, pagpapagaling sa lahat ng uri ng sakit, at pagbuhay-muli sa mga namatay na minamahal. Totoo, ang pakinabang sa gayong mga himala ay pansamantala lamang, yamang yaong pinagpala sa gayong paraan ay tumanda at namatay pa rin nang dakong huli. Gayunpaman, sa ganito’y itinuro ni Jesus ang permanenteng mga pagpapala sa hinaharap na kaniyang ibubuhos sa buong sangkatauhan. Ngayong isa nang makapangyarihang Hari sa langit, malapit na niyang gawin ang higit pa kaysa sa pagpapalayas lamang sa mga demonyo. Ibubulid niya sila sa kalaliman kasama ng kanilang lider, si Satanas, sa isang kalagayang walang magagawang anuman. Kung magkagayo’y magsisimula na ang maluwalhating Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo.—Lucas 8:30, 31; Apocalipsis 20:1, 2, 6.
11. Bakit tinawag ni Jesus ang kaniyang sarili na “Panginoon ng sabbath”?
11 Sinabi ni Jesus na siya ang “Panginoon ng sabbath,” at marami sa kaniyang pagpapagaling ay ginawa sa araw ng Sabbath. (Mateo 12:8-13; Lucas 13:14-17; Juan 5:15, 16; 9:14) Bakit gayon? Buweno, ang Sabbath ay bahagi ng Batas ng Diyos sa Israel at sa gayo’y nagsilbing “anino ng mabubuting bagay na darating.” (Hebreo 10:1) Ang anim na araw ng sanlinggo ng paggawa ay nagpapagunita sa atin ng nakalipas na 6,000 taon ng pagkaalipin ng tao sa mapaniil na pamamahala ni Satanas. Ang araw ng Sabbath sa dulo ng sanlinggo ay nagpapaalaala ng nakagiginhawang kapahingahan na mararanasan ng sangkatauhan sa Sanlibong Taóng Paghahari ng Lalong Dakilang Noe, si Jesu-Kristo.—Ihambing ang 2 Pedro 3:8.
12. Anong nakaaaliw na mga karanasan ang maaaring asam-asamin natin?
12 Ano ngang laking ginhawa ang madarama ng makalupang mga sakop ng pamamahala ni Kristo kapag, sa wakas, sila’y lubusan nang malaya mula sa balakyot na impluwensiya ni Satanas! Higit pang kaaliwan ang darating habang nararanasan nila ang paggaling ng kanilang mga karamdaman sa katawan, sa damdamin, at sa isip. (Isaias 65:17) Kung magkagayon, isip-isipin lamang ang kanilang masidhing kagalakan habang sinasalubong nila ang binuhay-muling mga minamahal! Sa ganitong mga paraan “papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata.” (Apocalipsis 21:4) Habang unti-unting ikinakapit ang bisa ng haing pantubos ni Jesus, ang masunuring mga sakop ng Kaharian ng Diyos ay susulong tungo sa kasakdalan, anupat magiging lubusang malaya buhat sa lahat ng masasamang epekto ng pagkakasala ni Adan. (Apocalipsis 22:1-5) Pagkatapos ay pakakawalan si Satanas “nang kaunting panahon.” (Apocalipsis 20:3, 7) Lahat ng taong tapat na magtataguyod ng matuwid na soberanya ni Jehova ay gagantimpalaan ng buhay na walang-hanggan. Gunigunihin ang di-halos mabigkas na kagalakan at ginhawa na lubusang ‘makalaya sa pagkaalipin sa kasiraan’! Sa gayon ay tatamasahin ng masunuring sangkatauhan ang “maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.”—Roma 8:21.
13. Bakit kailangan ng lahat ng tunay na Kristiyano ang kaaliwan na inilalaan ng Diyos?
13 Samantala, patuloy tayong dumaranas ng pagdaing at sakit na pangkaraniwan sa lahat ng nabubuhay sa gitna ng balakyot na sistema ni Satanas. Sa pagdami ng sakit at karamdaman sa emosyon ay apektado ang lahat ng uri ng tao, kasali na ang tapat na mga Kristiyano. (Filipos 2:25-27; 1 Tesalonica 5:14) Bukod dito, tayong mga Kristiyano ay malimit na dumaranas ng di-makatarungang panunuya at pag-uusig na ibinubunton sa atin ni Satanas dahil sa ating ‘pagsunod sa Diyos bilang tagapamahala sa halip na sa tao.’ (Gawa 5:29) Kaya naman, kung ibig nating makapagbata sa paggawa ng kalooban ng Diyos hanggang sa katapusan ng sanlibutan ni Satanas, kailangan natin ng kaaliwan, tulong, at lakas na inilalaan Niya.
Kung Saan Makasusumpong ng Kaaliwan
14. (a) Ano ang ipinangako ni Jesus nang gabi bago siya mamatay? (b) Ano ang kailangan upang makinabang tayo nang lubusan sa kaaliwan ng banal na espiritu ng Diyos?
14 Nang gabi bago siya mamatay, niliwanag ni Jesus sa kaniyang tapat na mga apostol na malapit na niya silang iwan at babalik na siya sa kaniyang Ama. Ito’y nakabalisa at nakapighati sa kanila. (Juan 13:33, 36; 14:27-31) Palibhasa’y nababatid na kailangan nila ang patuloy na kaaliwan, nangako si Jesus: “Ako ay hihiling sa Ama at bibigyan niya kayo ng ibang mang-aaliw upang makasama ninyo magpakailanman.” (Juan 14:16, talababa sa Ingles) Tinutukoy rito ni Jesus ang banal na espiritu ng Diyos, na ibinuhos sa kaniyang mga alagad 50 araw pagkatapos na siya’y buhaying-muli.a Bukod sa ibang bagay, inaliw sila ng espiritu ng Diyos sa panahon ng kanilang mga pagsubok at pinalakas sila upang patuloy na gawin ang kalooban ng Diyos. (Gawa 4:31) Gayunman, hindi dapat isipin na kusa na lamang darating ang gayong tulong. Upang lubusang makinabang mula rito, ang bawat Kristiyano ay dapat na patuloy na manalangin para sa nakaaaliw na tulong na inilalaan ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu.—Lucas 11:13.
15. Ano ang ilang paraan na doo’y naglalaan sa atin si Jehova ng kaaliwan?
15 Ang isa pang paraan na doo’y naglalaan ng kaaliwan ang Diyos ay sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya. Sumulat si Pablo: “Ang lahat ng mga bagay na isinulat nang una ay isinulat bilang tagubilin sa atin, upang sa pamamagitan ng ating pagbabata at sa pamamagitan ng kaaliwan mula sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.” (Roma 15:4) Ipinakikita nito na kailangang tayo’y regular na mag-aral at magbulay-bulay ng mga bagay na nasusulat sa Bibliya at salig-sa-Bibliyang mga publikasyon. Kailangan din nating maging regular sa pagdalo sa mga pulong Kristiyano, kung saan ang nakaaaliw na mga kaisipan ay ibinabahagi buhat sa Salita ng Diyos. Ang isa sa mga pangunahing layunin ng gayong mga pagtitipon ay upang magpatibayan sa isa’t isa.—Hebreo 10:25.
16. Ang nakaaaliw na mga paglalaan ng Diyos ay dapat na gumanyak sa atin na gawin ang ano?
16 Ipinakikita pa ng liham ni Pablo sa mga taga-Roma ang mabubuting resulta na natatamo natin sa paggamit ng nakaaaliw na mga paglalaan ng Diyos. “Ipagkaloob nawa sa inyo ng Diyos na naglalaan ng pagbabata at kaaliwan,” ang sulat ni Pablo, “na magkaroon sa gitna ninyo ng gayunding pangkaisipang saloobin na tinaglay ni Kristo Jesus, upang may pagkakaisa ninyong maluwalhati sa pamamagitan ng isang bibig ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo.” (Roma 15:5, 6) Oo, kung lubusan nating sasamantalahin ang nakaaaliw na mga paglalaan ng Diyos, magiging tulad tayo ng ating may lakas ng loob na Lider, si Jesu-Kristo. Gaganyakin tayo nitong patuloy na gamitin ang ating bibig sa pagluwalhati sa Diyos sa ating gawaing pagpapatotoo, sa ating mga pulong, sa pribadong pakikipag-usap sa mga kapananampalataya, at sa ating mga panalangin.
Sa Panahon ng Matinding Pagsubok
17. Paano inaliw ni Jehova ang kaniyang Anak, at ano ang resulta?
17 Si Jesus ay ‘lubhang nabagabag’ at ‘napighati’ nang gabi bago ang kaniyang masakit na kamatayan. (Mateo 26:37, 38) Kaya lumayo siya nang kaunti sa kaniyang mga alagad at nanalangin sa kaniyang Ama ukol sa tulong. “Pinakinggan siya nang may pagsang-ayon dahil sa kaniyang maka-Diyos na takot.” (Hebreo 5:7) Iniulat ng Bibliya na “isang anghel mula sa langit ang nagpakita [kay Jesus] at pinalakas siya.” (Lucas 22:43) Ang may lakas ng loob at maginoong paraan ng pagharap ni Jesus sa mga sumasalansang sa kaniya ay katunayan na pinakamabisa ang paraan ng Diyos sa pag-aliw sa kaniyang Anak.—Juan 18:3-8, 33-38.
18. (a) Anong panahon sa buhay ni apostol Pablo ang lalo nang puno ng pagsubok? (b) Paano tayo magiging kaaliwan sa masisipag at madamaying matatanda?
18 Dumanas din naman si apostol Pablo ng mga panahon ng matinding pagsubok. Halimbawa, ang kaniyang ministeryo sa Efeso ay kinakitaan ng bakas ng “mga luha at mga pagsubok na nangyari sa [kaniya] dahil sa mga pakana ng mga Judio.” (Gawa 20:17-20) Sa wakas, nilisan ni Pablo ang Efeso matapos na ang lunsod ay guluhin ng mga tagapagtaguyod ng diyosang si Artemis dahil sa kaniyang pangangaral. (Gawa 19:23-29; 20:1) Habang patungo si Pablo sa gawing hilaga sa lunsod ng Troas, may isa pang lubhang bumabagabag sa kaniyang isip. Bago ang pagkakagulo sa Efeso, nakatanggap siya ng nakababalisang ulat. Ang bagong kongregasyon sa Corinto ay sinasalot ng pagkakabaha-bahagi, at kinukunsinti nito ang pakikiapid. Kaya mula sa Efeso, sumulat si Pablo ng isang liham ng matinding pagsaway sa pag-asang maituwid ang situwasyon. Hindi ito madali para sa kaniya. “Mula sa maraming kapighatian at panggigipuspos ng puso ay sumulat ako sa inyo taglay ang maraming luha,” ang nang maglaon ay isiniwalat niya sa ikalawang liham. (2 Corinto 2:4) Tulad ni Pablo, hindi madali para sa madamaying matatanda ang magtuwid at sumaway, sa isang banda dahil sa totoong nababatid nila ang sariling mga kahinaan. (Galacia 6:1) Kung gayon, tayo sana ay maging kaaliwan sa mga nangunguna sa atin sa pamamagitan ng handang pagtugon sa maibigin at salig-sa-Bibliyang payo.—Hebreo 13:17.
19. Bakit nagpatuloy si Pablo mula sa Troas patungong Macedonia, at paano siya guminhawa sa wakas?
19 Samantalang nasa Efeso, hindi lamang sumulat si Pablo sa mga kapatid sa Corinto kundi isinugo rin niya si Tito upang tulungan sila, anupat inatasan siyang mag-ulat tungkol sa kanilang naging tugon sa liham. Umaasa si Pablo na magkikita sila ni Tito sa Troas. Doon ay pinagpala si Pablo ng maiinam na pagkakataon upang gumawa ng mga alagad. Ngunit hindi nito napawi ang kaniyang pagkabalisa sapagkat hindi pa dumarating noon si Tito. (2 Corinto 2:12, 13) Kaya ipinagpatuloy niya ang paglalakbay hanggang sa Macedonia, sa pag-asang makikita roon si Tito. Lalo pang nabahala si Pablo dahil sa matinding pagsalansang sa kaniyang ministeryo. “Nang dumating kami sa Macedonia,” paliwanag niya, “ang aming laman ay hindi nagkaroon ng ginhawa, kundi patuloy kaming dinadalamhati sa bawat paraan—may mga labanan sa labas, mga takot sa loob. Gayunpaman ang Diyos, na umaaliw doon sa mga ibinaba, ay umaliw sa amin sa pamamagitan ng pagkanaririto ni Tito.” (2 Corinto 7:5, 6) Anong laking ginhawa nang sa wakas ay dumating si Tito upang ibalita kay Pablo ang positibong tugon ng mga taga-Corinto sa kaniyang liham!
20. (a) Gaya sa kalagayan ni Pablo, ano ang isa pang mahalagang paraan na doo’y naglalaan si Jehova ng kaaliwan? (b) Ano ang isasaalang-alang sa susunod na artikulo?
20 Nakaaaliw ang karanasan ni Pablo para sa mga lingkod ng Diyos sa ngayon, na ang marami sa kanila ay nakaharap din sa mga pagsubok na nagpapangyari sa kanila na ‘maibaba,’ o ‘manlumo.’ (Phillips) Oo, batid ng ‘Diyos na naglalaan ng kaaliwan’ ang kailangan ng bawat isa sa atin at magagamit niya tayo upang aliwin ang isa’t isa, kung paanong si Pablo ay naaliw sa pamamagitan ng ulat ni Tito tungkol sa may pagsisising saloobin ng mga taga-Corinto. (2 Corinto 7:11-13) Sa ating susunod na artikulo, isasaalang-alang natin ang magiliw na tugon ni Pablo sa mga taga-Corinto at kung paano ito makatutulong sa atin na maging epektibong tagapamahagi ng kaaliwan ng Diyos sa ngayon.
[Talababa]
a Ang isa sa mga pangunahing pagkilos ng espiritu ng Diyos sa unang-siglong mga Kristiyano ay ang pahiran sila bilang espirituwal na mga anak na inampon ng Diyos at bilang mga kapatid ni Jesus. (2 Corinto 1:21, 22) Ito ay nakalaan lamang sa 144,000 alagad ni Kristo. (Apocalipsis 14:1, 3) Sa ngayon ang karamihan sa mga Kristiyano ay may kabaitang binibigyan ng pag-asa ng buhay na walang-hanggan sa paraisong lupa. Bagaman hindi pinahiran, sila din naman ay tumatanggap ng tulong at kaaliwan ng banal na espiritu ng Diyos.
Masasagot Mo Ba?
◻ Paano nagsimulang mangailangan ang mga tao ng kaaliwan?
◻ Paano napatunayang si Jesus ay lalong dakila kaysa kay Noe?
◻ Bakit tinawag ni Jesus ang kaniyang sarili na “Panginoon ng sabbath”?
◻ Paano naglalaan ang Diyos ng kaaliwan sa ngayon?
[Mapa/Larawan sa pahina 10]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Nagtamasa ng malaking kaaliwan si Pablo dahil sa ulat ni Tito tungkol sa mga taga-Corinto
MACEDONIA
Filipos
GRESYA
Corinto
ASIA
Troas
Efeso