Tinutularan ba Ninyo ang Ating Di-nagtatanging Diyos?
KAWALANG-PAGTATANGI—saan ito masusumpungan? May Isa na lubusang di-nagtatangi, malaya mula sa maling akala, paboritismo, at diskriminasyon. Siya ay ang Diyos na Jehova, ang Maylalang ng sangkatauhan. Gayunman, tungkol sa mga tao, ganito ang tahasang isinulat ng ika-19-na-siglong manunulat na Ingles na si Charles Lamb: “Ako, sa simpleng pananalita, ay punung-puno ng maling akala—pulos mga kagustuhan at di-kagustuhan.”
Hinggil sa kawalang-pagtatangi, ang ugnayan ng mga tao ay salat na salat nito. Maraming siglo na ang nakaraan sinabi ng pantas na si Haring Solomon ng Israel na “dominado ng tao ang kaniyang kapuwa tao sa kaniyang ikapipinsala.” (Eclesiastes 8:9) Patuloy na lumalaganap ang pagkakapootan ng mga lahi, alitan ng mga bansa, at hidwaan ng mga pamilya. Samakatuwid, makatotohanan bang maniwala na, sa kanilang ganang sarili, makabubuo ang mga tao ng isang lipunang walang-pagtatangi?
Kailangan ang kusang pagsisikap upang makontrol ang ating mga saloobin at alisin sa ating sarili ang anumang malalim-ang-pagkakaugat na maling akala. (Efeso 4:22-24) Maaaring hindi natin namamalayan ay may hilig tayo na magtaglay ng mga saloobing bunga ng impluwensiya ng ating lipunan at edukasyon at nakaugat sa ating pinagmulang pamilya, lahi, at bansa. Ang waring karaniwang mga hilig na ito ay madalas na malalim ang pagkakaugat at nagtataguyod ng mga saloobing umaakay sa pagtatangi. Ganito pa nga ang inamin ng mambabatas at patnugot na si Lord Francis Jeffrey ng Scotland: “Walang bagay ang matagal nang hindi natatalos ng tao kaysa sa lawak at tindi ng kaniyang mga maling akala.”
Si Lenaa ay isang taong umaamin na kailangan ang kusang pagsisikap upang mapaglabanan ang hilig na magtangi. Upang masugpo ng isa ang kaniyang damdamin ng pagtatangi, ang sabi niya, “ay kailangan ang pagsisikap sapagkat napakalakas ang impluwensiya ng kinalakhan ng isa.” Tinatanggap din ni Lena na kailangan ang palagiang paalaala.
Ang Rekord ni Jehova Tungkol sa Di-pagtatangi
Si Jehova ang sakdal na halimbawa ng kawalang-pagtatangi. Mula sa mga unang pahina ng Bibliya, mababasa natin kung paano niya ipinamalas ang kawalang-pagtatangi sa kaniyang pakikitungo sa mga tao. Malaki ang matututuhan natin mula sa mahuhusay na halimbawa at paalaalang ito.
Hindi nagtangi si Jehova sa pagmamaneobra ng mga bagay-bagay anupat naipahayag ng Judiong si apostol Pedro ang mabuting balita kay Cornelio at sa iba pang mga Gentil noong 36 C.E. Noon ay sinabi ni Pedro: “Ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.”—Gawa 10:34, 35.
Sa lahat ng kaniyang pakikitungo sa pamilya ng tao, walang-pagbabagong ipinamalas ni Jehova na hindi siya nagtatangi. Ganito ang sabi ni Kristo Jesus tungkol sa kaniyang Ama: “Pinasisikat niya ang kaniyang araw sa mga taong balakyot at sa mabubuti at nagpapaulan sa mga taong matuwid at sa mga di-matuwid.” (Mateo 5:45) Sa ibayong pagpuri kay Jehova bilang isang Diyos na di-nagtatangi, nagpatotoo si Pedro: “Siya ay matiisin sa inyo sapagkat hindi niya nais na ang sinuman ay mapuksa kundi nagnanais na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.”—2 Pedro 3:9.
Noong kaarawan ni Noe, nang “ang kasamaan ng tao ay lubhang laganap sa ibabaw ng lupa at ang bawat hilig ng mga kaisipan ng kaniyang puso ay pawang kasamaan na lamang palagi,” itinalaga ni Jehova ang pagpuksa sa sanlibutang iyon ng sangkatauhan. (Genesis 6:5-7, 11, 12) Gayunman, sa utos ng Diyos at sa paraang kitang-kita ng mga kapanahon niya, nagtayo si Noe ng daong. Habang itinatayo niya at ng kaniyang mga anak ang daong, si Noe rin naman ay “isang mangangaral ng katuwiran.” (2 Pedro 2:5) Kahit nalalaman ang masamang hilig ng puso ng salinlahing iyon, walang-pagtatanging nagpadala si Jehova ng maliwanag na mensahe sa kanila. Siya’y nanawagan sa kanilang isip at puso sa pamamagitan ng utos kay Noe na magtayo at mangaral. Taglay nila ang lahat ng pagkakataon upang tumugon, ngunit sa halip ay “hindi sila nagbigay-pansin hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat.”—Mateo 24:39.
Napakahusay na halimbawa ng kawalang-pagtatangi ni Jehova! Sa mapanganib na mga huling araw na ito, pinakikilos nito ang mga lingkod ng Diyos na ipahayag ang mabuting balita ng Kaharian taglay ang gayunding kawalang-pagtatangi. Isa pa, hindi sila nagpipigil sa paghahayag ng araw ng paghihiganti ni Jehova. Sa paraang lubusang hayag sa madla, inihaharap nila ang mensahe ni Jehova nang walang-pagtatangi upang marinig ng lahat.—Isaias 61:1, 2.
Buhat sa mga pangako ni Jehova sa mga patriyarkang sina Abraham, Isaac, at Jacob ay maliwanag na siya ay isang Diyos na di-nagtatangi. Sa pamamagitan ng kanilang pantanging angkan darating ang hinirang na Isa na sa pamamagitan niya ‘ay pagpapalain nga ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili.’ (Genesis 22:18; 26:4; 28:14) Napatunayang si Kristo Jesus ang Isang iyan na hinirang. Sa pamamagitan ng kamatayan at pagkabuhay-muli ni Jesus, naglaan si Jehova ng paraan upang makaligtas ang lahat ng masunuring sangkatauhan. Oo, ang mga kapakinabangan ng haing pantubos ni Kristo ay maaaring tamasahin nang walang pagtatangi.
Noong mga araw ni Moises, nahayag sa ganang sarili ang kawalang-pagtatangi ni Jehova sa isang totoong kapansin-pansing paraan may kinalaman sa mga anak na babae ni Zelofehad. Malaki ang suliranin ng limang babaing ito may kinalaman sa mana ng kanilang ama sa Lupang Pangako. Gayon nga sapagkat kaugalian sa Israel na ang mana sa lupa ay ipapasa sa mga anak na lalaki ng isang tao. Subalit, namatay si Zelofehad na walang anak na lalaki na tatanggap ng mana. Kaya dinala ng limang anak na babae ni Zelofehad ang kanilang kahilingan kay Moises upang bigyan ng makatarungang solusyon, anupat sinabi: “Bakit aalisin ang pangalan ng aming ama mula sa gitna ng kaniyang pamilya dahil lamang sa wala siyang anak na lalaki? O bigyan mo kami ng pag-aari sa gitna ng mga kapatid na lalaki ng aming ama.” Si Jehova ay nakinig sa kanilang pakiusap at nag-utos kay Moises: “Sakaling mamatay ang isang lalaki na hindi nagkaroon ng anak na lalaki, kung gayo’y pangyayarihin mong ilipat ang kaniyang mana sa kaniyang anak na babae.”—Bilang 27:1-11.
Tunay na isang maibigin at walang-pagtatanging pamarisan! Upang matiyak na ang mana ng mga tribo ay hindi maililipat sa ibang tribo kapag nag-asawa ang mga anak na babae, sila’y kailangang mag-asawa lamang mula sa “pamilya ng tribo ng kanilang mga ama.”—Bilang 36:5-12.
Higit pang malalim na unawa tungkol sa kawalang-pagtatangi ni Jehova ang makikita noong mga araw ng hukom at propetang si Samuel. Inatasan siya ni Jehova na humirang ng bagong hari mula sa tribo ni Juda sa pamilya ni Jesse na taga-Betlehem. Ngunit si Jesse ay may walong anak na lalaki. Sino kaya ang hihirangin na hari? Humanga si Samuel sa matipunong pangangatawan ni Eliab. Subalit hindi tumitingin si Jehova sa panlabas na anyo. Sinabi niya kay Samuel: “Huwag mong tingnan ang kaniyang hitsura at ang kaniyang taas . . . Sapagkat ang batayan ng pagtingin ng tao ay di-gaya ng sa Diyos, dahil sa ang nakikita lamang ng hamak na tao ay yaong nakikita ng mga mata; ngunit para kay Jehova, nakikita niya ang nasa puso.” Si David, ang bunsong anak na lalaki ni Jesse, ang siyang napili.—1 Samuel 16:1, 6-13.
Matuto Mula sa Kawalang-Pagtatangi ni Jehova
Makabubuti sa Kristiyanong matatanda na tularan si Jehova sa pamamagitan ng pagtingin sa espirituwal na mga katangian ng isang kapananampalataya. Madaling humatol sa isang tao batay sa sarili nating mga pamantayan, anupat hinahayaang maapektuhan ng ating damdamin ang ating pasiya. Gaya ng pagkasabi ng isang matanda, “Sinisikap kong makitungo sa iba sa paraang nakalulugod kay Jehova, hindi batay sa aking sariling naunang mga ideya.” Totoong nakabubuti para sa lahat ng lingkod ni Jehova na gamitin ang kaniyang Salita bilang kanilang pamantayan!
Ang nabanggit na mga halimbawa mula sa Bibliya ay tumutulong sa atin na paglabanan ang namamalaging damdamin ng pagtatangi sa lahi o bansa. Sa pagtulad natin sa kawalang-pagtatangi ni Jehova, naipagsasanggalang natin ang Kristiyanong kongregasyon buhat sa maling akala, diskriminasyon, at paboritismo.
Natutuhan ni apostol Pedro na “ang Diyos ay hindi nagtatangi.” (Gawa 10:34) Ang paboritismo ay kaaway ng kawalang-pagtatangi at lumalabag sa mga simulain ng pag-ibig at pagkakaisa. Nanawagan si Jesus sa mga dukha, mahihina, at mabababa, at pinagaang niya ang kanilang pasan. (Mateo 11:28-30) Kitang-kita ang malaking pagkakaiba niya sa mga Judiong lider ng relihiyon, na namanginoon sa mga tao, anupat ipinapasan sa kanila ang mabibigat na alituntunin. (Lucas 11:45, 46) Ang paggawa nito at pagpapakita ng paboritismo sa mayayaman at mga prominente ay tiyak na hindi kasuwato ng mga turo ni Kristo.—Santiago 2:1-4, 9.
Sa ngayon, nagpapasakop ang Kristiyanong matatanda sa pagkaulo ni Kristo at di-nagtatangi sa lahat ng kabilang sa nakaalay na bayan ni Jehova. Habang sila’y ‘nagpapastol sa kawan ng Diyos na nasa kanilang pangangalaga,’ hindi sila nagpapakita ng paboritismo batay sa kalagayan sa buhay, pagkakaiba ng personalidad, o ugnayang pampamilya. (1 Pedro 5:2) Sa pagtulad sa di-nagtatanging Diyos at pakikinig sa kaniyang babala laban sa mga gawang nagpapamalas ng paboritismo, itinataguyod ng Kristiyanong matatanda ang diwa ng kawalang-pagtatangi sa kongregasyon.
Ang Kristiyanong kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay isang internasyonal na kapatiran. Iyon ay isang buháy na patotoo na ang isang lipunang malaya sa maling akala at pagtatangi ay iiral sa ilalim ng pamamahala ni Jesu-Kristo. Ang mga Saksi ay ‘nagbibihis ng bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa totoong katuwiran at pagkamatapat.’ (Efeso 4:24) Oo, sila’y natututo mula sa sakdal na halimbawa ng di-nagtatanging Diyos, si Jehova, at taglay ang pag-asang buhay na walang-hanggan sa bagong sanlibutang malaya sa lahat ng pagtatangi.—2 Pedro 3:13.
[Talababa]
a Ipinalit na pangalan.
[Larawan sa pahina 26]
Natutuhan ni apostol Pedro na ang Diyos ay hindi nagtatangi