Paglalaan ng Tulong sa Gitna ng Kaguhuan
TUNAY na kapuri-puri ang pagsisikap ng tao na maglaan ng tulong karaka-raka pagkatapos ng kasakunaan. Maraming programa sa pagtulong ang humantong sa muling pagpapatayo ng mga tahanan, muling pagsasama-sama ng mga pamilya, at, higit sa lahat, pagkaligtas ng mga buhay.
Kapag sumasapit ang kasakunaan, ginagamit—at pinasasalamatan—ng mga Saksi ni Jehova ang anumang paglalaan mula sa sekular na mga programa sa pagtulong. Kasabay nito, mayroon silang maka-Kasulatang obligasyon na ‘gumawa ng mabuti . . . lalo na doon sa mga kaugnay sa [kanila] sa pananampalataya.’ (Galacia 6:10) Oo, nadarama ng mga Saksi na para bang sila’y magkakamag-anak; itinuturing nila ang isa’t isa bilang “kapamilya.” Kaya naman tinatawag nila ang isa’t isa na “brother” at “sister.”—Ihambing ang Marcos 3:31-35; Filemon 1, 2.
Kaya kapag napinsala ng kasakunaan ang isang pamayanan, ang matatanda na kabilang sa mga Saksi ni Jehova ay lubhang nagpapagal upang alamin ang mga kalagayan at pangangailangan ng bawat miyembro ng kongregasyon at nagsasaayos ng kinakailangang tulong. Tingnan kung paano nangyari ito sa Accra, Ghana; San Angelo, E.U.A.; at sa Kobe, Hapon.
Accra—“Munting Larawan ng Panahon ni Noe”
Nagsimulang bumuhos ang ulan nang mga alas onse ng gabi, at walang-tigil ang buhos nito nang maraming oras. “Gayon na lamang kalakas ang ulan anupat hindi natulog ang aking buong pamilya,” sabi ni John Twumasi, isa sa mga Saksi ni Jehova sa Accra. Tinawag iyon ng Daily Graphic na “isang munting larawan ng Panahon ni Noe.” “Tinangka naming iakyat ang ilang mahahalagang bagay,” ang sabi pa ni John, “pero nang buksan namin ang pinto sa hagdanan, umagos papasok ang tubig-baha.”
Ang mga awtoridad ay humudyat ng babala upang lumikas, ngunit marami ang nag-atubili, palibhasa’y natatakot na ang isang tahanang walang tao—kahit na punô ng tubig—ay mag-aanyaya ng mga magnanakaw. Ang iba naman ay hindi makaalis kahit na gustuhin nila. “Hindi namin mabuksan ng aking ina ang pinto,” sabi ng batang babaing nagngangalang Paulina. “Patuloy ang pagtaas ng tubig, kaya tumayo kami sa mga bariles na kahoy at kumapit sa tahilan ng bubong. Sa wakas, nang mga alas singko ng umaga, sinagip kami ng aming mga kapitbahay.”
Sa lalong madaling panahon, kumilos ang mga Saksi ni Jehova. Ganito ang paglalahad ng isang Kristiyanong sister na nagngangalang Beatrice: “Hinanap kami ng matatanda sa kongregasyon, at natagpuan nila kami sa bahay ng isang kapuwa Saksi, kung saan kami nanganlong. Tatlong araw pa lamang pagkatapos ng baha, dumating ang matatanda at mga kabataang miyembro ng kongregasyon upang tulungan kami at kanilang kinayod ang putik sa loob at sa labas ng aming bahay. Ang Samahang Watch Tower ay naglaan ng mga sabon, pamatay ng mikrobyo, pintura, kutson, kumot, tela, at mga damit para sa mga bata. Ilang araw na nagpadala sa amin ng pagkain ang mga kapatid. Lubhang naantig ang aking damdamin!”
Ganito naman ang ulat ni John Twumasi, na naunang nabanggit: “Sinabi ko sa ibang nangungupahan na ang ating Samahan ay nagpadala sa amin ng mga sabon at pamatay ng mikrobyo—sapat para linisin ang buong bahay. Mga 40 nangungupahan ang tumulong sa paglilinis. Ibinigay ko ang ilang sabon sa aking mga kapitbahay, kasali na ang isang lalaki na siyang pari sa isang lokal na simbahan. May kamaliang inakala ng aking mga katrabaho na ang mga Saksi ay nagpapamalas lamang ng pag-ibig sa kanilang karelihiyon.”
Lubhang pinahalagahan ng Kristiyanong mga kapatid ang maibiging tulong sa kanila. Ganito ang pagtatapos ni Brother Twumasi: “Bagaman ang halaga ng mga bagay na nawala sa akin dahil sa baha ay mas malaki kaysa sa halaga ng mga tulong, nadama ko at ng aking pamilya na dahil sa nakaaantig-damdaming paglalaan mula sa Samahan, higit pa ang nakamit namin kaysa sa nawala sa amin.”
San Angelo—“Para Bang Katapusan Na ng Mundo”
Ang mga buhawi na sumalanta sa San Angelo noong Mayo 28, 1995, ay bumunot sa mga punungkahoy, pumutol sa mga poste ng kuryente, at naghagis sa mga kawad ng kuryente sa mga daan. Ang bugso ng hangin ay umabot sa bilis na 160 kilometro bawat oras, anupat puminsala ng mga gusaling pambayan. Mahigit na 20,000 tahanan ang nawalan ng kuryente. Pagkatapos ay umulan ng granizo. Nag-ulat ang National Weather Service ng “granizong sinlaki ng bola ng golf,” sinundan ng “granizong sinlaki ng bola ng softball,” at sa wakas, “granizong sinlaki ng suha.” Nakabibingi ang pagbagsak. Ganito ang sabi ng isang naninirahan doon: “Para bang katapusan na ng mundo.”
Nagbabantang katahimikan ang kasunod ng bagyo. Dahan-dahang lumabas ang mga tao mula sa kanilang binagyong mga tahanan upang tingnan ang pinsala. Ang mga punungkahoy na nakatayo pa ay naubusan na ng mga dahon. Ang mga tahanang nakatayo pa rin ay para bang nabalatan. Sa ilang lugar ang lupa ay natakpan ng buntun-bunton na granizo na umabot sa isang metro ang taas. Libu-libong bintana ng mga tahanan at mga sasakyan ang winasak ng bagyo, kung kaya ang mga piraso ng basag na salamin ay kumikislap kasama ng mga granizo na tumakip sa lupa. “Nang makauwi na ako,” sabi ng isang babae, “naupo na lamang ako sa loob ng aking kotse sa driveway at umiyak. Gayon na lamang kalaki ang pinsala, anupat nanggipuspos ako.”
Ang mga programa sa pagtulong at ang mga ospital ay mabilis na naglaan ng pinansiyal na tulong, mga materyales sa pagtatayo, paggamot, at payo. Kapuri-puri naman, maraming indibiduwal na mga biktima mismo ng bagyo ang gumawa ng makakaya nila upang tumulong sa iba.
Kumilos din naman ang mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Ganito ang ulat ni Aubrey Conner, isang matanda sa San Angelo: “Kaagad-agad pagkatapos ng bagyo, hawak na namin ang telepono upang alamin ang kalagayan ng isa’t isa. Nagtulungan kami at ang aming mga kapitbahay na di-Saksi upang tapalan ng tabla ang mga bintana, lagyan ng plastik ang mga bubong, at patibayin ang mga tahanan laban sa bagyo hangga’t maaari. Pagkatapos ay gumawa kami ng rekord para sa bawat tao sa kongregasyon na ang tahanan ay napinsala. Mga isang daang tahanan ang kailangang kumpunihin, at ang materyales na galing sa mga ahensiya sa pagtulong ay hindi sapat. Kaya bumili kami ng karagdagang materyales at nag-organisa para sa gawain. Lahat-lahat, mga 1,000 Saksi ang nagboluntaryo, mga 250 bawat dulo ng sanlinggo. Ang pinanggalingan nila ay umabot hanggang sa 740 kilometro ang layo. Lahat ay walang-pagod na nagtrabaho, malimit sa temperaturang halos 40° Celsius. Kahit ang isang 70-anyos na sister ay gumawang kasama namin bawat dulo ng sanlinggo maliban noong kinukumpuni ang kaniyang tahanan. At nang dulo ng sanlinggong iyon ay naroon siya sa kaniyang bubong at tumutulong sa pagkukumpuni!
“Madalas naming marinig ang mga nagmamasid na nagsasabi, ‘Hindi ba mabuti kung ang ibang relihiyon ay gagawa nito para sa kanilang mga miyembro?’ Humanga ang aming mga kapitbahay nang makita ang isang pangkat ng 10 hanggang 12 boluntaryo (kasali ang mga sister) na dumating maaga noong Biyernes sa tahanan ng isang kapuwa Saksi, anupat handang kumpunihin o ikabit pa nga ang buong bubong nang walang bayad. Kadalasan ang trabaho ay nakukumpleto sa loob ng isang dulo ng sanlinggo. Kung minsan, ang isang tagalabas na kontratista ay gumagawa na sa bubong ng isang bahay kapag dumating kami sa katabing bahay. Makapagbabaklas at makapaglalagay kami ng panibagong bubong at malilinis na namin ang bakuran bago pa man sila matapos sa kanilang trabaho. Kung minsan ay humihinto sila sa trabaho para lamang pagmasdan kami!”
Ganito ang pagtatapos ni Brother Conner: “Hahanap-hanapin naming lahat ang mga karanasang tinamasa namin nang sama-sama. Nakilala namin ang isa’t isa buhat sa naiibang pangmalas sa pamamagitan ng pagpapakita at pagtatamasa ng pag-ibig pangkapatid na di pa nararanasan kailanman. Nadarama namin na ito ay halimbawa lamang ng magiging kalagayan sa bagong sanlibutan ng Diyos, na ang mga kapatid ay nagtutulungan sa isa’t isa dahil sa totoong ibig nilang gawin iyon.”—2 Pedro 3:13.
Kobe—“Labí ng mga Kahoy, Paletada at mga Katawan ng Tao”
Dapa’t sana’y nakahanda ang mga mamamayan ng Kobe. Sa katunayan, ipinagdiriwang nila tuwing Setyembre 1 ang Araw ng Pag-iwas sa Kasakunaan. Nagsasanay ang mga bata sa paaralan para sa lindol, nag-eensayo ang militar ng pagsagip sa pamamagitan ng helikopter, at inilalabas ng mga kagawaran ng pamatay-sunog ang kanilang mga makinang gumagaya sa lindol, anupat doo’y sinasanay ng mga boluntaryo ang kanilang kakayahang makaligtas sa loob ng isang sinlaki-ng-silid na kahong umuuga at yumayanig tulad ng totoong lindol. Ngunit nang maganap ang tunay na lindol noong Enero 17, 1995, waring nawalang-saysay ang lahat ng paghahanda. Sampu-sampung libong bubong ang bumagsak—isang bagay na kailanma’y hindi nangyari sa mga makinang gumagaya sa lindol. Bumaligtad ang mga tren; nagkahiwalay ang mga bahagi ng lansangang-bayan; sumabog ang mga tubo ng gas at tubig; bumagsak na parang karton ang mga bahay. Inilarawan ng magasing Time ang tanawin bilang “labí ng mga kahoy, paletada at mga katawan ng tao.”
Pagkatapos ay nagkaroon ng mga sunog. Nagliliyab ang mga gusali samantalang ang nasiphayong mga bombero ay naipit sa milya-milyang nagkabuhul-buhol na trapik. Madalas na matuklasan niyaong mga nakarating sa sunog na walang tubig na makuha mula sa napinsalang sistema ng tubig sa lunsod. “Ang unang araw ay ganap na kaguluhan,” sabi ng isang opisyal. “Hindi ko pa nadama kailanman sa aking buhay ang gayong kawalang-kakayahan, sa pagkaalam na napakaraming tao ang natabunan sa nasusunog na mga bahay na iyon. At nalalamang wala akong magagawa tungkol doon.”
Lahat-lahat, mga 5,000 katao ang nasawi, at humigit-kumulang na 50,000 gusali ang nagiba. Sangkatlo lamang ng pagkaing kailangan nito ang mayroon sa Kobe. Upang magkaroon ng tubig ang ilan ay napilitang kumuha ng maruming likido mula sa ilalim ng sumabog na mga tubo ng tubig. Marami sa mga nawalan ng tahanan ang humugos sa mga kanlungan, na ang ilan sa mga ito ay nagrasyon ng pagkain, anupat naglalaan lamang sa bawat tao ng kasing-unti ng binilot na kanin bawat araw. Di-nagtagal at lumaganap ang pagiging di-kontento. “Walang ginagawang anuman ang mga awtoridad,” ang reklamo ng isang lalaki. “Kung patuloy kaming aasa sa kanila ay mamamatay kami sa gutom.”
Ang mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Kobe at sa karatig na mga lugar ay agad na nag-organisa ng kanilang sarili. Ganito ang sabi ng isang piloto ng helikopter na tuwirang nakakita sa kanilang gawain: “Nagpunta ako sa lugar ng sakuna noong araw ng lindol at gumugol ng isang linggo roon. Nang dumating ako sa isang kanlungan, magulo ang lahat. Walang ginagawang pagtulong. Ang mga Saksi ni Jehova lamang ang humangos sa lugar na iyon, anupat ginagawa ang mga bagay na kailangan.”
Ang totoo, marami pang dapat gawin. Sampung Kingdom Hall ang hindi na puwedeng gamitin, at mahigit sa 430 Saksi ang walang tahanan. Mayroon pang 1,206 na tahanan na kanilang tinitirahan ang kailangang kumpunihin. Hindi lamang iyan kundi pati ang mga pamilya ng 15 Saksi na namatay sa sakuna ay lubhang nangangailangan ng kaaliwan.
Mga 1,000 Saksi mula sa buong bansa ang nagboluntaryo ng kanilang panahon upang tumulong sa pagkukumpuni. “Nang gumagawa kami sa mga bahay ng mga estudyante sa Bibliya na hindi pa bautisado,” sabi ng isang brother, “lagi kaming tinatanong, ‘Magkano ang dapat naming ibayad para sa lahat ng ito?’ Nang sabihin namin sa kanila na ang gawain ay suportado ng mga kongregasyon, pinasalamatan nila kami, anupat sinabi, ‘Ang napag-aralan namin ay isa na ngayong katunayan!’ ”
Marami ang humanga sa mabilis at lubusang pagtugon ng mga Saksi sa kasakunaan. “Ako’y lubhang humanga,” sabi ng piloto na nabanggit na. “Tinatawag ninyo ang isa’t isa na ‘brother’ at ‘sister.’ Nakita ko kung paano ninyo tinutulungan ang isa’t isa; talagang kayo ay isang pamilya.”
Ang mga Saksi mismo ay natuto ng mahahalagang aral mula sa lindol. Ganito ang inamin ng isang sister: “Lagi kong iniisip na habang lumalaki ang isang organisasyon, lalong nagiging mahirap magpakita ng personal na pagmamalasakit.” Ngunit ang magiliw na pangangalaga na naranasan niya ay nagpabago ng kaniyang pangmalas. “Alam ko na ngayon na inaalagaan tayo ni Jehova hindi lamang bilang isang organisasyon kundi gayundin bilang mga indibiduwal.” Gayunman, nasa unahan pa ang permanenteng ginhawa mula sa kasakunaan.
Malapit na ang Permanenteng Ginhawa!
Inaasam-asam ng mga Saksi ni Jehova ang panahon na walang buhay ng tao o kabuhayan ang maglalaho dahil sa kasakunaan. Sa bagong sanlibutan ng Diyos, ang tao ay tuturuang makipagtulungan sa kapaligiran ng lupa. Habang tinatalikuran ng mga tao ang mapag-imbot na mga gawain, hindi na sila gaanong maaapektuhan ng likas na mga panganib.
Isa pa, titiyakin ng Diyos na Jehova—ang Maylalang ng mga puwersa ng kalikasan—na ang kaniyang pamilya ng mga tao at mga nilalang sa lupa ay hindi na muling pagbabantaan ng mga puwersa ng kalikasan. Kung magkagayo’y magiging isang tunay na paraiso ang lupa. (Isaias 65:17, 21, 23; Lucas 23:43) Maluwalhating matutupad ang hula sa Apocalipsis 21:4: “Papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”
[Larawan sa pahina 5]
Ipinakikita ni Beatrice Jones (sa kaliwa) kung paanong siya at ang iba pa ay nagkawing-kawing upang makatawid sa tubig-baha
[Larawan sa pahina 6]
Pagtulong pagkatapos ng mga buhawi