Mga Kabataang Nakaaalaala sa Kanilang Maylalang
“Alalahanin mo, ngayon, ang iyong Dakilang Maylalang sa mga kaarawan ng iyong kabataan.”—ECLESIASTES 12:1.
1. Anong sinabi ng isang 11-taóng-gulang ang nagsisiwalat na ang ating Maylalang ay totoo sa kaniya?
ANO ngang inam kapag ang mga kabataan ay nagsasalita at kumikilos sa paraan na nagpapakitang minamalas nila ang Diyos na Jehova bilang isang tunay na personang kanilang hinahangaan at ibig paluguran! Ganito ang sabi ng isang 11-taóng-gulang na batang lalaki: “Kapag ako’y nag-iisa at dumurungaw sa bintana, nakikita ko kung gaano kagila-gilalas ang mga nilalang ni Jehova. Pagkatapos ay nangangarap ako kung gaano kaganda ang Paraiso sa hinaharap at kung paano ko mahahaplos ang mga hayop sa panahong iyon.” (Isaias 11:6-9) Idinugtong pa niya: “Kapag ako’y nag-iisa, nananalangin ako kay Jehova. Alam kong hindi niya ikagagalit ang lagi kong pakikipag-usap sa kaniya. Alam kong lagi siyang nariyan at nakamasid sa akin.” Ang atin bang Maylalang ay totoo rin sa iyo katulad ng pangmalas ng batang ito?
Gaano Katotoo ang Diyos sa Iyo?
2. (a) Paano magiging totoo sa iyo ang iyong Maylalang? (b) Ano ang maaaring maging bahagi ng mga magulang upang matulungan ang kanilang mga anak na maunawaang ang Diyos ay isang tunay na persona?
2 Upang si Jehova at ang kaniyang mga pangako ay maging totoo sa iyo, dapat mo munang malaman ang tungkol sa kaniya at ang kahanga-hangang kinabukasan na iniaalok niya sa iyo sa matuwid na bagong sanlibutan na inilalarawan sa Bibliya. (Apocalipsis 21:3, 4) Kung naituro na sa iyo ng mga magulang mo ang tungkol sa mga bagay na ito, may dahilan ka upang magpasalamat dahil pinapangyayari nito na masunod mo ang kinasihang utos: “Alalahanin mo, ngayon, ang iyong Dakilang Maylalang.” (Eclesiastes 12:1) Ganito ang sabi ng isang kabataan tungkol sa maagang pagsasanay sa kaniya ng kaniyang mga magulang: “Lahat ng bagay sa buhay ay may kinalaman kay Jehova. Ito ang susi sa pag-alaala ko sa aking Maylalang.” Ganito naman ang sabi ng isa pang kabataang babae: “Tinatanaw kong walang-hanggang utang-na-loob sa aking mga magulang ang pagtuturo nila sa akin na si Jehova ay isang tunay na persona. Ipinakita nila sa akin kung paano siya iibigin at sinabi sa akin ang tungkol sa kagalakan ng paglilingkuran sa kaniya nang buong-panahon.”
3, 4. Ano ang makatutulong sa iyo na isiping si Jehova ay isang tunay na persona?
3 Subalit, nahihirapan ang marami na isiping ang Diyos ay isang totoong persona na interesado sa kanila. Nahihirapan ka bang isipin ito? Isang kabataan ang natulungang isipin ang Diyos sa isang personal na paraan sa pamamagitan ng pangungusap na ito sa The Watchtower: “Kung gaano kalaki si Jehova kung tungkol sa kaniyang katawan, hindi natin alam.” Sabihin pa, ang kadakilaan ng Diyos ay hindi nakasalalay sa kaniyang sukat o hugis, gaya ng sinabi ng sumunod na pangungusap sa Watchtower na iyan: “Ang kaniyang tunay na kadakilaan ay nasa kung anong uri siya ng Diyos,” sa katunayan, isang tapat, madamayin, maibigin, at mapagpatawad na Diyos.a (Exodo 34:6; Deuteronomio 32:4; Awit 86:5; Santiago 5:11) Minamalas mo ba si Jehova bilang gayong persona, isang mapagkakatiwalaang kaibigan na sa kaniya ay maaari kang magkaroon ng napakahalagang kaugnayan?—Isaias 41:8; Santiago 2:23.
4 Tinulungan ni Jesus ang kaniyang mga naunang tagasunod na magtamasa ng personal na kaugnayan sa Diyos. Kaya naman, nang sumulat si apostol Juan tungkol sa inaasam niyang pagkabuhay-muli sa langit, sinabi ni Juan: “Tayo ay magiging tulad [ng Diyos], sapagkat makikita natin siya gaya ng kung ano nga siya.” (1 Juan 3:2; 1 Corinto 15:44) Matutulungan din naman ang mga kabataan sa ngayon na malasin ang Diyos bilang isang tunay na persona, isa na makikilala nilang mabuti bagaman di nila personal na nakikita siya. Ganito ang sabi ng isang kabataang lalaki: “Tinulungan ako ng aking mga magulang na alalahanin si Jehova sa pamamagitan ng maraming tanong, tulad ng, ‘Ano kaya ang sasabihin ni Jehova? Paano mo ipaliliwanag iyon sa iyong sariling pananalita? Ano ang ibig sabihin nito?’ ” Hindi ba ang mga tanong na kagaya nito ay mag-uudyok sa ating pag-isipan ang ating personal na kaugnayan sa Diyos?
Kung Ano ang Ibig Sabihin ng Alalahanin
5. Anong mga halimbawa sa Bibliya ang nagpapakita na sa pag-alaala sa isa ay higit pa ang nasasangkot kaysa sa pag-alaala sa kaniyang pangalan?
5 Ang pagsunod sa utos na, “Alalahanin mo, ngayon, ang iyong Dakilang Maylalang,” ay nangangahulugan ng higit pa kaysa sa pag-iisip lamang tungkol kay Jehova. Kasangkot dito ang pagkilos, ang paggawa ng nakalulugod sa kaniya. Nang makiusap kay Jesus ang isang kriminal, “Alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian,” higit pa sa pag-alaala sa kaniyang pangalan ang ibig niyang gawin ni Jesus. Ibig niyang kumilos si Jesus, anupat buhayin siyang muli. (Lucas 23:42) Gayundin naman, inaasahan ni Jose ang isang pagkilos alang-alang sa kaniya nang hilingin niya sa katiwala ng kopa ni Faraon na alalahanin siya nito kay Faraon. At nang magsumamo si Job sa Diyos, “Alalahanin mo ako,” hinihiling ni Job na sa hinaharap, kikilos ang Diyos upang buhayin siyang muli.—Job 14:13; Genesis 40:14, 23.
6. Paanong ang salitang Hebreo para sa “alalahanin” ay nagpapahiwatig ng pagmamahal sa bagay o sa personang inaalaala?
6 Sinabi ng isang awtoridad na ang salitang Hebreo na isinaling “alalahanin” ay malimit na nagpapahiwatig ng “pagmamahal sa isip at ng pagkilos na kaakibat ng pag-alaala.” Ang kaugnayan ng “pagmamahal” sa salitang “alalahanin” ay makikita sa ibinulalas ng “haluang pulutong” sa ilang: “Naalaala namin nang gayon na lamang ang isda na kinakain namin sa Ehipto!” Kung paanong nagsumamo si Job na siya’y alalahanin nang may pabor ng Diyos, nakiusap din nang gayon sina Hezekias, Nehemias, David, at isang salmistang di-nabanggit ang pangalan na sila’y alalahanin ni Jehova nang may pagmamahal bilang pagkilala sa kanilang katapatan.—Bilang 11:4, 5; 2 Hari 20:3; Nehemias 5:19; 13:31; Awit 25:7; 106:4.
7. Kung naaalaala natin ang Diyos nang may pagmamahal, paano nito maaapektuhan ang ating paggawi?
7 Kaya maitatanong natin, ‘Naaalaala ba natin nang may pagmamahal ang ating Maylalang at iniiwasang gawin ang anumang bagay na ikalulungkot o ipagdaramdam niya?’ Ganito ang sabi ng isang kabataan: “Tinulungan ako ni Inay na matantong si Jehova ay may damdamin, at sa murang edad, natalos ko na may epekto sa kaniya ang aking mga pagkilos.” (Awit 78:40-42) Nagpaliwanag ang isa pa: “Batid ko na ang aking mga pagkilos ay makatutulong o kaya’y makahahadlang sa pagsagot sa hamon ni Satanas kay Jehova. Ibig kong pasayahin ang puso ni Jehova, kaya iyan ang nakatulong sa akin at patuloy na nakatutulong sa akin sa ngayon.”—Kawikaan 27:11.
8. (a) Anong tunguhin ang magpapakita na naaalaala natin si Jehova nang may pagmamahal? (b) Anu-anong tanong ang may katalinuhang isasaalang-alang ng mga kabataan?
8 Totoo, sa balakyot na sanlibutang ito, hindi laging madali na alalahanin si Jehova sa pamamagitan ng lubusang pakikibahagi sa gawain na nakalulugod sa kaniya. Subalit anong inam kung matutularan mo ang kabataang si Timoteo ng unang siglo—bukod pa sa libu-libong may-takot sa Diyos na mga kabataan sa ngayon—sa pamamagitan ng pagtataguyod ng buong-panahong paglilingkurang Kristiyano bilang isang ministrong payunir! (Gawa 16:1-3; 1 Tesalonica 3:2) Gayunman, maitatanong, Matutustusan mo ba ang iyong sarili sa ministeryo bilang isang payunir? At kung mag-asawa ka, taglay mo ba ang kakayahang maglaan para sa iyong pamilya? (1 Timoteo 5:8) Mahalaga ang mga tanong na ito, at kailangang pag-isipan mong mabuti ang mga ito.
Edukasyon na May Layunin
9. Anong pasiya ang napapaharap sa mga kabataan may kinalaman sa sekular na edukasyon?
9 Habang lalong nagiging masalimuot ang lipunan ng tao, baka kailanganin ang mas malaking panahon sa pag-aaral upang makakuha ng sapat na trabaho para matustusan ang iyong sarili sa pagpapayunir. Napansin mo marahil na maging ang ilan na nakapag-aral sa pamantasan ay kailangang mag-aral pa upang magkamit ng bagong mga kasanayan na pinahahalagahan ng mga maypatrabaho sa ngayon. Kaya gaano kalaking panahon sa pag-aaral ang gugugulin ninyong mga kabataan na ibig makalugod sa Diyos? Ang pagpapasiya ay dapat na gawin taglay sa isip ang kinasihang utos: “Alalahanin mo, ngayon, ang iyong Dakilang Maylalang.”
10. Ano ang pinakamahusay na edukasyon na maaari nating matamo?
10 Sabihin pa, nanaisin ninyong itaguyod ang itinuturing maging ng maraming sekular na awtoridad bilang ang pinakamahusay na edukasyon—ang isa na natamo mula sa masusing pag-aaral ng Salita ng Diyos. Ganito ang sabi ng manunulat na Aleman na si Johann Wolfgang von Goethe: “Habang lumalawak ang intelektuwal na pagsulong ng [isang bayan], lalong nagiging lubusang posible rin na gamitin ang Bibliya kapuwa bilang saligan at kasangkapan sa edukasyon.” Oo, higit kang masasangkapan para sa buhay sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya kaysa sa magagawa ng anumang ibang edukasyon!—Kawikaan 2:6-17; 2 Timoteo 3:14-17.
11. (a) Ano ang pinakamahalagang gawain na magagampanan natin? (b) Bakit minabuti ng isang kabataan na magkaroon ng edukasyon?
11 Yamang nagbibigay-buhay ang kaalaman sa Diyos, ang pinakamahalagang magagawa mo ngayon ay ang ibahagi sa iba ang kaalamang iyan. (Kawikaan 3:13-18; Juan 4:34; 17:3) Gayunman, upang mabisang magawa ito, kailangan mong matuto sa mga saligang paraan. Kailangang makapag-isip ka nang malinaw, makapagsalita nang wasto, at makabasa’t makasulat nang mahusay—mga kasanayang itinuturo sa paaralan. Kaya pag-aralang mabuti ang iyong mga kurso sa paaralan, kagaya ng ginawa ni Tracy, isang kabataan sa Florida, E.U.A., na nagtapos sa mataas na paaralan nang may karangalan. Ipinahayag niya ang kaniyang pag-asa: “Noon pa ma’y tunguhin ko na ang maging buong-panahong lingkod ng aking Diyos na si Jehova, at umaasa ako na makatutulong sa akin ang aking edukasyon upang maabot ang tunguhing ito.”
12. Kung maipasiya na kumuha ng karagdagang sekular na edukasyon, anong layunin ang matutulungan nitong tuparin?
12 Napag-isipan mo na ba kung bakit ka pumapasok sa paaralan? Iyon ba ay pangunahin nang upang ihanda ang iyong sarili na maging mabisang ministro ni Jehova? Kung gayon, nanaisin mong isaalang-alang na mabuti kung paano makatutulong ang iyong edukasyon upang matupad mo ang layuning ito. Pagkatapos sumangguni sa iyong mga magulang, baka mapagpasiyahan na dapat mong ipagpatuloy ang pag-aaral kahit natapos mo na ang itinakdang kahilingan ng batas sa pag-aaral. Maaaring makatulong ang gayong karagdagang edukasyon upang makakuha ka ng trabaho na makatutustos sa iyong sarili at magkakaroon ka pa rin ng panahon at lakas sa lubusang pakikibahagi sa gawaing pang-Kaharian.—Mateo 6:33.
13. Paanong ipinamalas ng dalawang Kristiyanong taga-Russia na kumuha ng karagdagang edukasyon kung ano ang kanilang layunin sa buhay?
13 Ang ilan na kumukuha ng karagdagang edukasyon ay nakikibahagi sa buong-panahong ministeryo kahit na sila’y nag-aaral pa. Tingnan sina Nadia at Marina, dalawang tin-edyer na taga-Moscow, Russia. Kapuwa sila nabautismuhan noong Abril 1994 at nagsimulang maglingkod bilang mga ministrong auxiliary pioneer. Di-nagtagal ay nakatapos sila sa mataas na paaralan at kumuha ng dalawang-taong kurso sa accounting. Nagsimula silang maglingkod bilang mga regular pioneer noong Mayo 1995, gayunma’y napanatili nila ang pinakamataas na marka sa kanilang mga klase sa accounting. Bukod dito, silang dalawa ay nakapagdaraos ng aberids na 14 na pag-aaral sa Bibliya bawat sanlinggo bagaman pumapasok pa sa paaralan. Umaasa ang mga kabataang ito na ang kanilang kurso sa accounting ay makatutulong sa kanila na makasumpong ng angkop na trabaho, upang matustusan nila ang kanilang sarili sa buong-panahong ministeryo.
14. Gaano man kahaba ang panahon para sa sekular na edukasyon na pinili natin, ano ang dapat na siyang pinakamahalagang bagay sa ating buhay?
14 Kung nagpapatuloy ka sa sekular na edukasyon kahit natapos mo na ang kahilingan ng batas, may katalinuhang suriin ang dahilan mo sa paggawa nito. Iyon ba ay upang magkapangalan at yumaman? (Jeremias 45:5; 1 Timoteo 6:17) O ang iyo bang tunguhin ay ang gamitin ang karagdagang edukasyon upang makibahagi nang lubusan sa paglilingkod kay Jehova? Si Lydia, isang kabataan na nagpasiyang kumuha ng karagdagang edukasyon, ay nagpahayag ng isang mainam na pangmalas sa espirituwal na mga bagay, anupat nagpaliwanag: “Ang iba ay kumukuha ng mataas na edukasyon at hinahayaang mahadlangan sila ng materyalismo, at kanilang kinalilimutan ang Diyos. Ang aking kaugnayan sa Diyos ang siyang pinakamahalagang bagay para sa akin.” Tunay na isang kapuri-puring saloobin para sa ating lahat!
15. Ano ang iba’t ibang antas ng edukasyon na taglay ng mga unang-siglong Kristiyano?
15 Kapansin-pansin, iba-iba ang antas ng edukasyon ng mga Kristiyano noong unang siglo. Halimbawa, sina apostol Pedro at Juan ay itinuring na “walang pinag-aralan at pangkaraniwan” dahil sa sila’y hindi nakapagsanay sa mga rabinikong paaralan. (Gawa 4:13) Sa kabilang banda, si apostol Pablo ay nakapag-aral sa maituturing ngayon na isang pamantasan. Gayunman, hindi ginamit ni Pablo ang edukasyong iyon upang tumawag ng pansin sa kaniyang sarili; sa halip, iyon ay napakinabangan niya nang nangangaral siya sa mga taong may iba’t ibang katayuan sa buhay. (Gawa 22:3; 1 Corinto 9:19-23; Filipos 1:7) Gayundin naman, si Manaen, na “tinuruang kasama ni Herodes na tagapamahala ng distrito,” ay kabilang sa mga nanguna sa kongregasyon sa Antioquia.—Gawa 13:1.
Bakit Gagamitin Nang May Katalinuhan ang Iyong Salapi?
16. (a) Bakit magiging mas mahirap na alalahanin ang ating Maylalang kung tayo’y may pagkakautang? (b) Paano isinisiwalat ng isa sa mga ilustrasyon ni Jesus ang kahalagahan ng pag-iisip bago tayo gumasta?
16 Kung hindi mo gagamitin nang may katalinuhan ang iyong salapi, baka mahirapan kang alalahanin ang iyong Maylalang sa pamamagitan ng paggawa ng nakalulugod sa kaniya. Dahil kung mababaon ka sa utang, masasabi na mayroon kang isa pang panginoon. Ganito ang paliwanag ng Bibliya: “Humiram ka ng salapi at magiging alipin ka ng nagpahiram.” (Kawikaan 22:7, Today’s English Version) Itinatampok ng isa sa mga ilustrasyon ni Jesus ang halaga ng pag-iisip muna bago tayo gumasta. “Sino sa inyo,” sabi ni Jesus, “na nagnanais na magtayo ng tore ang hindi muna uupo at kakalkulahin ang gastusin, upang makita kung mayroon siyang sapat upang makumpleto iyon? Kung di-gayon, maaaring mailagay niya ang pundasyon nito ngunit hindi makakayang tapusin iyon, at ang lahat ng nagmamasid ay magpapasimulang manuya sa kaniya.”—Lucas 14:28, 29.
17. Bakit madalas na mahirap makontrol ang paggasta ng isa?
17 Samakatuwid, isang katalinuhan na sikaping mamuhay ayon sa maka-Kasulatang simulain na ‘huwag magkautang kaninuman ng anumang bagay, maliban sa ibigin ang isa’t isa.’ (Roma 13:8) Ngunit mahirap itong gawin, lalo na kapag napaharap sa walang-tigil na suplay ng mga bagong produktong talagang kailangan daw ninyo ayon sa mga tagapag-anunsiyo. Ganito ang sabi ng isang magulang, na nagsisikap na tulungan ang kaniyang mga anak na maging matalino: “Mahabang panahon ang ginugugol namin sa pag-uusap kung ano ang kailangan at kung ano ang gusto lamang.” Karaniwan nang hindi itinuturo ng mga paaralan ang tungkol sa gayong mga bagay, anupat bahagya lamang, kung itinuturo man, kung paano gagamitin ang salapi sa isang responsableng paraan. “Natapos tayo sa mataas na paaralan na mas maraming alam tungkol sa isosceles na tatsulok kaysa sa kung paano mag-iimpok,” sabi ng isang social worker. Ano, kung gayon, ang makatutulong sa iyo upang maging matalino sa paggasta?
18. Ano ang isang susi sa matalinong paggamit ng salapi, at bakit?
18 Ang pagsunod sa payo na, “Alalahanin mo, ngayon, ang iyong Dakilang Maylalang,” ang siyang susi sa matalinong paggamit ng iyong salapi. Gayon nga dahil sa kapag sinusunod mo ang utos na iyan, uunahin mo ang nakalulugod kay Jehova, at ang pagmamahal mo sa kaniya ay makaiimpluwensiya sa paraan ng paggugol mo sa iyong salapi. Kaya naman, hindi mo hahayaan ang mga pansariling kagustuhan ay makahadlang sa pag-uukol sa Diyos ng buong-kaluluwang debosyon. (Mateo 16:24-26) Sisikapin mong panatilihing “simple” ang iyong mata, alalaong baga, malinaw na nakapako sa Kaharian ng Diyos at sa paggawa ng kaniyang kalooban. (Mateo 6:22-24) Sa gayo’y matututuhan mong malasin na isang maligayang pribilehiyo ang banal na payo na “parangalan si Jehova ng iyong mahahalagang bagay.”—Kawikaan 3:9.
Mga Kabataang Karapat-dapat Tularan
19. Paano naalaala ng mga kabataan noong nakaraan ang kanilang Maylalang?
19 Nakatutuwa, naaalaala ng maraming kabataan, noon at ngayon, ang kanilang Maylalang. Nanatiling matatag ang munting si Samuel sa paglilingkuran sa tabernakulo sa kabila ng imoral na impluwensiya niyaong mga pinaglilingkuran niya. (1 Samuel 2:12-26) Hindi nagtagumpay ang kaakit-akit na asawa ni Potipar sa pagtukso sa kabataang si Jose upang gumawa ng pakikiapid. (Genesis 39:1-12) Bagaman “isang bata lamang,” nangaral si Jeremias nang may lakas ng loob sa kabila ng matinding pagsalansang. (Jeremias 1:6-8) Buong-tapang na itinuro ng isang munting batang Israelita sa makapangyarihang hepe ng hukbo ng Sirya na humanap ng tulong sa Israel, kung saan matututuhan niya ang tungkol kay Jehova. (2 Hari 5:1-4) Nanatiling tapat ang kabataang si Daniel at ang kaniyang mga kasama nang sila’y subukin may kinalaman sa mga batas ng Diyos tungkol sa pagkain. At minabuti ng mga kabataang sina Shadrac, Meshac, at Abednego na mapahagis sa nag-aapoy na hurno kaysa ipakipagkompromiso ang kanilang pagkamatapat sa Diyos sa pamamagitan ng pagsamba sa isang imahen.—Daniel 1:8, 17; 3:16-18; Exodo 20:5.
20. Paano naaalaala ng maraming kabataan sa ngayon ang kanilang Maylalang?
20 Sa ngayon mahigit sa 2,000 kabataan na ang edad ay nasa pagitan ng 19 hanggang 25 ang naglilingkod sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Estado ng New York, E.U.A. Sila ay maliit lamang na bahagi ng sampu-sampung libong kabataan sa buong daigdig na nakaaalaala sa kanilang Maylalang. Tulad ni Jose noon, tumanggi silang ipakipagkompromiso ang kanilang moral na kalinisan. Marami ang sumusunod sa Diyos sa halip na sa mga tao kapag pinilit na mamili kung sino ang kanilang paglilingkuran. (Gawa 5:29) Noong 1946 sa Poland, pinahirapan ang 15-taóng-gulang na si Henryka Zur nang tumangging magsagawa ng relihiyosong idolatriya. “Isipin mo na kung ano ang gusto mong isipin,” mungkahi ng isa sa mga nagpapahirap sa kaniya, “basta magkrus kang tulad sa Katoliko.” Dahil sa tumanggi siya, kinaladkad siya hanggang sa gubat at binaril, ngunit buong-buo ang kaniyang pag-asa sa pagkabuhay-muli!b
21. Anong paanyaya ang may katalinuhang tanggapin, at ano ang resulta?
21 Tiyak na nalugod ang puso ni Jehova sa mga kabataang nakaalaala sa kaniya sa nagdaang mga siglo! Tutugon ka kaya sa kaniyang paanyayang, “Alalahanin mo, ngayon, ang iyong Dakilang Maylalang”? Tunay na siya’y karapat-dapat mong alalahanin! Isip-isipin sa araw-araw ang lahat ng ginawa niya para sa iyo at ang gagawin pa niya, at tanggapin mo ang kaniyang paanyaya: “Magpakadunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso, upang masagot ko siya na tumutuya sa akin.”—Kawikaan 27:11.
[Mga talababa]
a The Watchtower, Disyembre 15, 1953, pahina 750.
b Tingnan ang 1994 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, pahina 217-18, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Paano matutulungan ang mga kabataan na malasin ang Diyos bilang isang tunay na persona?
◻ Ano ang kahulugan ng alalahanin ang iyong Maylalang?
◻ Ano ang dapat na maging layunin ng ating edukasyon?
◻ Bakit napakahalaga na maging matalino sa paggamit ng ating salapi?
◻ Sinu-sinong kabataan ang nararapat mong tularan?
[Larawan sa pahina 17]
Napag-isipan mo na ba kung bakit ka pumapasok sa paaralan?
[Larawan sa pahina 18]
Natututo ka bang maging matalino sa paggamit ng salapi?