Si Jehova ang Aking Kanlungan
AYON SA PAGKALAHAD NI PENELOPE MAKRIS
Taimtim na nakiusap sa akin ang aking ina: “Hiwalayan mo ang iyong asawa; ihahanap ka ng iyong mga kapatid ng isa na mas mabuti.” Bakit nais ng aking maibiging ina na ipawalang-bisa ko ang aking kasal? Ano ang labis na nakabalisa sa kaniya?
ISINILANG ako noong 1897 sa maliit na nayon ng Ambelos, sa isla ng Samos sa Gresya. Ang aming pamilya ay mga debotong miyembro ng Griegong Iglesya Ortodokso. Namatay si Itay di-nagtagal bago ako isilang, at kinailangang puspusang magtrabaho si Inay, gayundin ako at ang aking tatlong kapatid na lalaki upang makaraos lamang sa matinding karukhaan noong mga panahong iyon.
Sumiklab ang Digmaang Pandaigdig I noong 1914, at di-nagtagal pagkaraan nito ay ipinag-utos sa aking dalawang nakatatandang kapatid na magpatala sa hukbo. Subalit upang maiwasan ito, nandayuhan sila sa Amerika, anupat iniwan ako at ang isa ko pang kapatid kasama ni Inay. Pagkaraan ng ilang taon, noong 1920, pinakasalan ko si Dimitris, isang kabataang guro sa aming nayon.
Isang Mahalagang Pagdalaw
Di-nagluwat pagkaraang ako’y ikasal, ang kuya ng aking ina ay dumalaw sa amin galing ng Amerika. Nagkataon na dala niya ang isa sa mga tomo ng Studies in the Scriptures, na isinulat ni Charles Taze Russell. Ito ay publikasyon ng mga Estudyante ng Bibliya, na kilala ngayon bilang mga Saksi ni Jehova.
Nang buksan ni Dimitris ang aklat, napansin niya ang isang paksa na pinag-iisipan niya sapol nang siya ay bata, “Anong nangyayari sa tao kapag namatay siya?” Nang siya’y nasa haiskul ay nagtanong siya sa isang teologo na Ortodoksong Griego tungkol sa mismong paksang ito ngunit hindi nakatanggap ng kasiya-siyang sagot. Labis na natuwa si Dimitris sa malinaw at makatuwirang paliwanag sa publikasyon anupat pumunta siya sa kapihan sa nayon, kung saan karaniwang nag-uumpukan ang mga kalalakihan sa Gresya. Doon ay inilahad niya ang mga bagay na kaniyang natutuhan buhat sa Bibliya.
Ang Aming Paninindigan sa Katotohanan sa Bibliya
Sa panahong iyon—noong unang mga taon ng 1920—nagaganap ang isa pang digmaan sa Gresya. Si Dimitris ay nakalap at ipinadala sa pangunahing lugar ng Turkey, sa Asia Minor. Nasugatan siya at pinauwi. Nang gumaling siya, sumama ako sa kaniya sa Smirna, Asia Minor (ngayon ay Izmir, Turkey). Kinailangang tumakas kami nang sa di-inaasahan ay magwakas ang digmaan noong 1922. Sa katunayan, muntik na kaming di-makatakas patungo sa Samos sakay ng isang bangkang may malaking sira. Nang makauwi na, lumuhod kami at nagpasalamat sa Diyos—isang Diyos na bahagya pa rin naming nakikilala.
Di-nagtagal ay naatasang magturo si Dimitris sa isang paaralan sa Vathy, ang kabisera ng isla. Patuloy niyang binabasa ang literatura ng mga Estudyante ng Bibliya, at isang gabing maulan dalawa sa kanila ang dumalaw sa amin buhat sa isla ng Chios. Umuwi sila galing ng Amerika upang maglingkod bilang mga colporteur, gaya ng tawag noon sa mga buong-panahong ebanghelisador. Tumuloy sila sa amin nang gabing iyon, at nakipag-usap sila sa amin tungkol sa maraming bagay hinggil sa mga layunin ng Diyos.
Pagkaraan ay sinabi sa akin ni Dimitris: “Penelope, nauunawaan kong ito ang katotohanan, at kailangang sundin ko ito. Nangangahulugan ito na kailangang huminto ako ng pag-awit sa Griegong Iglesya Ortodokso at na hindi ako makasisimba kasama ng mga batang mag-aarál.” Bagaman limitado ang aming kaalaman tungkol kay Jehova, masidhi ang aming hangaring paglingkuran siya. Kaya tumugon ako: “Hindi kita hahadlangan. Basta magpatuloy ka lang.”
Bantulot na sinabi niya: “Oo, subalit kung mahayag ang ating gawain, mawawalan ako ng trabaho.”
“Huwag kang mag-alala,” ang sabi ko, “pagtuturo lamang ba ang ikinabubuhay ng lahat ng tao? Bata pa tayo at malakas, at sa tulong ng Diyos ay makahahanap tayo ng ibang trabaho.”
Nalaman namin sa panahong iyon na isa pang Estudyante ng Bibliya—isa ring colporteur—ang dumating sa Samos. Nang mabalitaan namin na hindi siya pinahintulutan ng pulisya na magpahayag sa madla salig sa Bibliya, hinanap namin siya. Nakita namin siya sa isang tindahan habang nakikipag-usap sa dalawang teologong Ortodoksong Griego. Palibhasa’y napahiya dahil sa hindi naipagtanggol ang kanilang paniniwala sa pamamagitan ng Bibliya, di-nagtagal ay lumisan ang mga teologo. Dahil sa humanga sa kaalaman ng colporteur, nagtanong ang aking asawa: “Bakit ang husay mong gumamit ng Bibliya?”
“Sistematiko ang aming pag-aaral ng Bibliya,” ang sagot niya. Nang buksan niya ang kaniyang bag, kinuha niya ang aklat-aralin na The Harp of God at ipinakita sa amin kung paano gagamitin ang aklat na ito sa gayong pag-aaral. Sabik na sabik kaming matuto anupat kaming mag-asawa, ang colporteur, at ang dalawa pang lalaki ay agad-agad na sumama sa tindero pauwi sa kaniyang tahanan. Ang colporteur ay nagbigay ng tig-iisang kopya ng The Harp of God sa amin, at agad kaming nagsimula sa pag-aaral. Ipinagpatuloy namin ang aming pag-aaral hanggang sa madaling-araw, at nang malapit nang magbukang-liwayway, nagsimula kaming matuto ng mga awitin ng mga Estudyante ng Bibliya.
Mula noon, pinag-aralan ko ang Bibliya nang maraming oras sa isang araw. Patuloy na nagpadala sa amin ng mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya ang mga Estudyante ng Bibliya na nasa ibang bansa. Noong Enero 1926, nag-alay ako sa Diyos sa panalangin, anupat nanata na lubusang gagawin ang kaniyang kalooban. Di-nagtagal noong tag-araw na iyon ay sinagisagan naming mag-asawa ang aming pag-aalay sa pamamagitan ng pagpapabautismo sa tubig. Masidhi ang aming hangaring ipakipag-usap sa iba ang mga bagay na aming natututuhan, kaya nagsimula kaming magbahay-bahay taglay ang tract na Message of Hope.
Pagbabata ng Matinding Pagsalansang
Isang araw inanyayahan ako ng isang kabataang babae upang dumalo sa isang liturhiya sa isang maliit na kapilyang Ortodoksong Griego. “Hindi na ako sumasamba sa Diyos sa ganiyang paraan,” ang paliwanag ko. “Sinasamba ko siya ngayon sa espiritu at katotohanan, gaya ng itinuturo ng Bibliya.” (Juan 4:23, 24) Nagtaka siya at ipinamalita kung ano ang nangyari, anupat nasangkot pati ang aking asawa.
Halos lahat ay nagsimulang sumalansang. Hindi na kami matahimik—sa bahay man o sa mga pulong na aming idinaraos kasama ng ilang interesadong tao sa isla. Sa sulsol ng mga paring Ortodokso, pulu-pulutong ang nagtipon sa labas ng aming pinagpupulungan, anupat nambabato at sumisigaw ng pang-iinsulto.
Nang ipamahagi namin ang tract na Message of Hope, pinalibutan kami ng mga batang sumisigaw ng “mga Milenyalista” at iba pang nanghahamak na pananalita. Ang mga kasamahan ng aking asawa ay nagsimula na ring manggulo sa kaniya. Siya ay nilitis nang papatapos na ang 1926, anupat pinaratangang di-karapat-dapat na maging guro sa pampublikong paaralan, at sinentensiyahang mabilanggo ng 15 araw.
Nang mabalitaan ito ni Inay, pinayuhan niya ako na hiwalayan ko ang aking asawa. “Pakinggan po ninyo ako, mahal kong ina,” ang sabi ko, “pareho nating nababatid kung gaano ang pagmamahal at paggalang ko sa inyo. Subalit hindi ko po mapapayagang hadlangan ninyo kami sa aming pagsamba sa tunay na Diyos, si Jehova.” Siya’y bigung-bigo na umuwi sa kaniyang nayon.
Ginanap sa Atenas ang isang asamblea ng mga Estudyante ng Bibliya noong 1927, at pinagpala kami ni Jehova na makadalo. Natuwa kami at napatibay sa espirituwal na paraan sa pakikipagtipong kasama ng maraming kapananampalataya. Nang makauwi sa Samos, namahagi kami ng 5,000 kopya ng tract na pinamagatang A Testimony to the Rulers of the World sa mga bayan at mga nayon sa aming isla.
Nang panahong iyon ay inalis sa tungkulin bilang guro si Dimitris, at dahil sa maling akala sa amin, halos imposibleng makahanap ng trabaho. Subalit yamang marunong akong manahi at bihasang pintor naman si Dimitris, nagawa naming kumita nang sapat upang makaraos. Noong 1928 ang aking asawa, gayundin ang apat pang Kristiyanong kapatid na lalaki sa Samos, ay sinentensiyahang mabilanggo nang dalawang buwan dahil sa pangangaral ng mabuting balita. Palibahasa’y ako na lamang ang malayang Estudyante ng Bibliya, nadadalhan ko sila ng pagkain sa bilangguan.
Paglaban sa Malulubhang Sakit
Minsan ako ay nagkasakit ng tubercular spondylitis, isang di-pa-kilalang talamak na sakit noon. Nawalan ako ng ganang kumain at laging may mataas na lagnat. Ang paggamot ay nagsasangkot ng pagbalot sa katawan ng gasang may halong semento mula leeg hanggang hita. Upang may magastos, ipinagbili ng aking asawa ang isang lote ng lupa upang maipagpatuloy ang aking therapy. Palibhasa’y nababagabag, araw-araw akong nananalangin sa Diyos ukol sa lakas.
Kapag ako’y dinadalaw, patuloy na pinag-iibayo ng mga kamag-anak ang pagsalansang. Sinabi ni Inay na naranasan namin ang lahat ng problemang ito dahil nagbago kami ng relihiyon. Palibhasa’y di-makakilos, basang-basa ang aking unan sa luha habang nagsusumamo ako sa ating makalangit na Ama na bigyan ako ng kakayahang magtiis at ng lakas ng loob upang makapagbata.
Sa mesa na nasa tabi ng aking higaan, inilagay ko ang aking Bibliya at ilang suplay ng mga buklet at tract para sa mga bisita. Isang pagpapala na idinaraos sa aming tahanan ang mga pulong ng aming maliit na kongregasyon; ako ay regular na nakatatanggap ng espirituwal na pampatibay-loob. Kinailangang ipagbili namin ang isa pang lote ng lupa upang ibayad sa pagpapagamot sa isang doktor sa Atenas.
Di-nagtagal pagkaraan, dumalaw sa amin ang naglalakbay na tagapangasiwa. Lungkot na lungkot siya na makita ako sa ganitong kalagayan at si Dimitris na walang trabaho. May kabaitan siyang tumulong sa amin na maisaayos ang paninirahan namin sa Mytilene sa isla ng Lesbos. Lumipat kami roon noong 1934, at nakahanap ng trabaho si Dimitris. Nakilala rin namin doon ang kahanga-hangang mga Kristiyanong kapatid na kumalinga sa akin nang ako’y maysakit. Unti-unti, pagkaraan ng limang taóng paggamot, ako’y lubusang gumaling.
Subalit noong 1946, di-nagtagal pagkaraan ng Digmaang Pandaigdig II, ako’y muling nagkasakit nang malubha, sa pagkakataong ito ay tubercular peritonitis naman. Ako ay limang buwan na naratay sa higaan na may mataas na lagnat at matitinding kirot. Ngunit, gaya ng dati, hindi ako tumigil sa pagsasalita tungkol kay Jehova sa aking mga bisita. Nang maglaon, bumalik ang aking kalusugan.
Pagpapayunir sa Kabila ng Pagsalansang
Walang-humpay na pagsalansang ang nararanasan ng mga Saksi ni Jehova sa Gresya noong mga taon pagkaraan ng digmaan. Maraming beses kaming naaresto samantalang nakikibahagi sa bahay-bahay na ministeryo. Sa kabuuan ay halos isang taon na napiit sa bilangguan ang aking asawa. Kapag hahayo kami sa ministeryo, kadalasan ay naghahanda kaming gumugol ng magdamag sa himpilan ng pulisya dahil sa pag-aresto. Subalit hindi kami pinabayaan ni Jehova. Lagi siyang naglalaan ng kinakailangang tibay ng loob at lakas upang makapagbata.
Noong mga dekada ng 1940, nabasa ko sa Informant (ngayon ay Ating Ministeryo sa Kaharian) ang tungkol sa kaayusan sa pagiging vacation pioneer. Ipinasiya kong subukang makibahagi sa ganitong pitak ng paglilingkod na humihiling na mag-ukol ng 75 oras sa ministeryo sa isang buwan. Bilang resulta, dumami ang aking mga pagdalaw-muli at pag-aaral sa Bibliya—may panahon na nagdaraos ako ng 17 pag-aaral bawat sanlinggo. Nakapagtatag din ako ng ruta sa magasin sa lugar ng negosyo sa Mytilene, kung saan regular na nakapaghahatid ako ng mga 300 sipi ng Ang Bantayan at Gumising! sa mga tindahan, opisina, at mga bangko.
Nang maglingkod sa aming kongregasyon ang isang naglalakbay na tagapangasiwa noong 1964, sinabi niya: “Sister Penelope, nakita ko sa iyong Publisher’s Record Card ang kahanga-hangang ibinubunga ng iyong ministeryo. Bakit hindi mo punan ang isang aplikasyon upang maging regular pioneer?” Pinasasalamatan ko lagi ang kaniyang pampatibay-loob; naging kagalakan ko ang buong-panahong ministeryo sa loob ng mahigit sa tatlong dekada.
Isang Kasiya-siyang Karanasan
May isang mataong pamayanan sa Mytilene na tinatawag na Langada, na pinananahanan ng mga lumikas na Griego. Iniiwasan naming magbahay-bahay doon dahil sa matinding pagsalansang na naranasan namin. Gayunman, nang mabilanggo ang aking asawa, kailangang dumaan ako sa lugar na iyon upang madalaw siya. Isang araw na maulan ay inanyayahan ako ng isang babae sa kaniyang tahanan upang magtanong kung bakit nakabilanggo ang aking asawa. Ipinaliwanag ko na iyon ay dahil sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos at na nagdurusa siya kung paanong nagdusa rin si Kristo.
Nang maglaon, isa pang babae ang nagsaayos na ako ay tumuloy sa kaniyang tahanan. Nang dumating ako ay nasumpungan kong nag-anyaya siya sa kabuuan ng 12 babae. Inasahan ko ang posibleng pagsalansang, kaya nanalangin ako sa Diyos na bigyan ako ng karunungan at lakas ng loob upang maharap ang anumang mangyayari. Maraming tanong ang mga babae, at tumutol ang ilan, ngunit nakapagbigay ako ng mga maka-Kasulatang sagot. Nang tumayo ako upang magpaalam, hiniling sa akin ng maybahay na bumalik kinabukasan. Tuwang-tuwa na tinanggap ko ang paanyaya. Nang pagdating namin ng aking kasama kinabukasan, nadatnan naming naghihintay na ang mga babae.
Mula noon ay regular na nagpatuloy ang aming pag-uusap sa Kasulatan, at napasimulan ang maraming pag-aaral sa Bibliya. Ang ilan sa mga babae ay sumulong sa tumpak na kaalaman, at gayundin ang kanilang pamilya. Ang grupong ito nang maglaon ang nagpasimula sa isang bagong kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Mytilene.
Naging Mabuti si Jehova sa Akin
Sa loob ng nakaraang mga taon ay ginantimpalaan ni Jehova ang pagsisikap naming mag-asawa na paglingkuran Siya. Ang iilang Saksi sa Samos noong dekada ng 1920 ay lumago tungo sa dalawang kongregasyon at isang grupo na may mga 130 mamamahayag. At sa isla ng Lesbos, may apat na kongregasyon at limang grupo na kinabibilangan ng mga 430 mamamahayag ng Kaharian. Aktibong inihayag ng aking asawa ang Kaharian ng Diyos hanggang sa mamatay siya noong 1977. Tunay na isang pribilehiyo na makita yaong mga natulungan namin na nananatili pa ring masigasig sa ministeryo! Aba, kasama ang kanilang mga anak, apo, at mga apo-sa-tuhod, binubuo sila ng isang malaking pulutong ng mga nagkakaisang sumasamba kay Jehova!
Ang aking landasin ng Kristiyanong paglilingkod, na umaabot na ngayon sa mahigit na 70 taon, ay hindi naging madali. Subalit si Jehova ay naging walang-katulad na moog. Dahil sa pagtanda at paghina ng katawan, naratay ako sa higaan at totoong limitado ang nagagawa sa pangangaral. Subalit gaya ng salmista, masasabi ko kay Jehova: “Ikaw ang aking kanlungan at aking moog, aking Diyos, na siya kong pagtitiwalaan.”—Awit 91:2.
(Namatay si Sister Makris habang inihahanda ang artikulong ito. Siya ay may makalangit na pag-asa.)
[Larawan sa pahina 26]
Kasama ang kaniyang asawa noong 1955
[Larawan sa pahina 26]
Magiging 100 taon na sana si Sister Makris sa Enero 1997