Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w97 2/1 p. 3-4
  • Ano Ang Kahulugan sa Iyo ng Kalayaan ng Relihiyon?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ano Ang Kahulugan sa Iyo ng Kalayaan ng Relihiyon?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kumusta Naman ang Tungkol sa Kalayaan ng Relihiyon?
  • Naiibang Uri ng Kalayaan ng Relihiyon
  • Huwag Waling Kabuluhan ang Layunin ng Bigay-Diyos na Kalayaan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Isang Bayang Malaya Ngunit may Pananagutan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Maglingkod kay Jehova, ang Diyos ng Kalayaan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2018
  • Kung Paano Makakamit ang Tunay na Kalayaan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2018
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
w97 2/1 p. 3-4

Ano Ang Kahulugan sa Iyo ng Kalayaan ng Relihiyon?

Bagaman isang saligang karapatan sa Estados Unidos ang kalayaan ng relihiyon, sinalakay ng mararahas na mang-uumog ang mga Saksi ni Jehova sa buong bansa noong mga taon ng 1940

MILYUN-MILYON ang nakikipaglaban para rito. Nasawi pa nga ang ilan alang-alang dito. Tunay na isa ito sa pinakamahahalagang pag-aari ng sangkatauhan. Ano ito? Ang kalayaan! Binibigyang-katuturan ng The World Book Encyclopedia ang kalayaan bilang “ang kakayahan na magpasiya at isagawa iyon.” Sinabi pa nito: “Mula sa pangmalas ng batas, ang mga tao ay malaya kung ang lipunan ay hindi nagpapataw ng di-makatarungan, di-kailangan, o di-makatuwirang limitasyon sa kanila. Dapat din namang pangalagaan ng lipunan ang kanilang mga karapatan​—samakatuwid nga, ang kanilang saligang kalayaan, kapangyarihan, at mga pribilehiyo.”

Waring simple ang ideya. Gayunman, kung isasagawa ay waring halos imposible para sa mga tao na magkasundo sa kung ano talaga ang dapat na maging hangganan ng kalayaan. Halimbawa, naniniwala ang ilan na ang isang pamahalaan ay dapat na magtakda ng mga batas na magsasanggalang sa kalayaan ng mga mamamayan nito. Ngunit mangangatuwiran naman ang iba na ang mga batas na ito ang mismong mga tanikala na mula rito’y kailangang mapalaya ang mga mamamayan! Maliwanag, magkakaiba ang kahulugan ng kalayaan sa iba’t ibang tao.

Kumusta Naman ang Tungkol sa Kalayaan ng Relihiyon?

Marahil ang kalayaan na siyang pinakamatinding pinagtatalunan ay ang kalayaan ng relihiyon, na binigyang-katuturan bilang “ang karapatan na paniwalaan at isagawa ang pananampalataya na pinili ng isa.” Ayon sa United Nations Universal Declaration of Human Rights, “ang lahat ay may karapatan sa malayang kaisipan, budhi at relihiyon.” Kasali rito ang karapatan ng isang tao “na magbago ng kaniyang relihiyon o paniniwala,” lakip na ang kalayaan “na magpahayag ng kaniyang relihiyon o paniniwala sa turo, gawain, pagsamba at pangingilin.”​—Artikulo 18.

Tiyak, aasahan natin na ang gayong kalayaan ay ipagkakaloob ng anumang bansang taimtim na nagmamalasakit sa mga nasasakupan nito. Nakalulungkot, hindi ito laging nangyayari. “Naaantig ng relihiyon ang pinakamarurubdob na damdamin ng maraming tao,” sabi ng The World Book Encyclopedia. “Ang ilang pamahalaan ay may malapit na kaugnayan sa isang relihiyon at nagtuturing na isang panganib sa pulitikal na awtoridad ang mga tao na may ibang pananampalataya. Maaari ring ituring ng isang pamahalaan na panganib sa pulitika ang relihiyon dahil maaaring unahin ng mga relihiyon ang katapatan sa Diyos kaysa sa pagsunod sa estado.”

Dahil sa mga ito kung kaya naglalagay ang ilang pamahalaan ng mga restriksiyon sa pagsasagawa ng relihiyon. May ilan pa nga na humahadlang sa pagsasagawa ng anumang pananampalataya. Ang iba naman, bagaman nag-aangking nagtataguyod sa kalayaan ng pagsamba, ay mahigpit na nakikialam sa lahat ng relihiyosong gawain.

Kuning halimbawa ang naging kalagayan sa Mexico sa loob ng maraming taon. Bagaman ginagarantiyahan ng Saligang Batas ang kalayaan ng relihiyon, nagbibigay ito ng kondisyon: “Ang mga simbahan na ginagamit para sa pampublikong pagsamba ay pag-aari ng Bansa, na kinakatawan ng Pederal na Gobyerno, na siyang magtatakda kung alin ang maaaring ipagpatuloy na gamitin sa gayong paraan.” Noong 1991 ay binago ang Saligang Batas upang wakasan ang restriksiyong ito. Gayunpaman, ipinakikita ng halimbawang ito na ang kalayaan ng relihiyon ay maaaring malasin sa iba’t ibang paraan sa iba’t ibang lupain.

Naiibang Uri ng Kalayaan ng Relihiyon

Mayroon bang kalayaan ng relihiyon sa lupain na tinitirhan mo? Kung gayon, paano ito ipinaliliwanag? Maaari mo bang sambahin ang Diyos sa paraan na ibig mo, o pinipilit kang maging miyembro ng relihiyon ng Estado? Pinahihintulutan ka bang bumasa at mamahagi ng relihiyosong literatura, o ipinagbabawal ng pamahalaan ang gayong nilimbag na materyal? Nakakausap mo ba ang iba tungkol sa iyong pananampalataya, o ito’y itinuturing na paglabag sa kanilang relihiyosong mga karapatan?

Ang sagot sa mga tanong na ito ay depende sa kung saan ka nakatira. Subalit kapansin-pansin na may isang uri ng kalayaan ng relihiyon na talagang hindi nakasalalay sa lugar. Samantalang nasa Jerusalem noong taóng 32 C.E., sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Kung kayo ay nananatili sa aking salita, kayo ay tunay ngang mga alagad ko, at malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.”​—Juan 8:31, 32.

Ano ang ibig sabihin dito ni Jesus? Hangad ng kaniyang mga tagapakinig na Judio na makalaya mula sa pamamahala ng Roma. Ngunit hindi kalayaan mula sa pulitikal na paniniil ang tinatalakay ni Jesus. Sa halip, ipinangako niya sa kaniyang mga alagad ang isang bagay na nakahihigit, gaya ng makikita natin sa susunod na artikulo.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share