Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w97 3/1 p. 6-7
  • Isang Mas Mabuting Paraan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Mas Mabuting Paraan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Sanlibutan na May Matatag na mga Pamantayan
  • Pundamentalismo—Ano ba Ito?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Isang Pamahalaang Magtataguyod ng Makadiyos na mga Pamantayang Moral
    Gumising!—2003
  • Mga Saksi ni Jehova
    Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan
  • Ano ang Paniwala ng mga Saksi ni Jehova?
    Ano ang Paniwala ng mga Saksi ni Jehova?
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
w97 3/1 p. 6-7

Isang Mas Mabuting Paraan

ANG mga Saksi ni Jehova ay nababahala sa paghina ng espirituwalidad sa sanlibutan at sa imoralidad at di-katiyakan sa relihiyon na umiiral sa lipunan. Bunga nito, kung minsan ay tinatawag silang mga pundamentalista. Subalit gayon nga ba sila? Hindi. Bagaman mayroon silang matibay na relihiyosong pananalig, hindi sila mga pundamentalista sa diwa ng pagpapakahulugan sa salitang iyan. Hindi nila ginigipit ang mga pulitikal na lider na magtaguyod ng isang pangmalas, at hindi sila bumabaling sa mga demonstrasyon at karahasan laban sa mga hindi nila sinasang-ayunan. Nakasumpong sila ng mas mabuting paraan. Tinutularan nila ang kanilang Lider, si Jesu-Kristo.

Kumbinsido ang mga Saksi ni Jehova na mayroong relihiyosong katotohanan, na ito ay masusumpungan sa Bibliya. (Juan 8:32; 17:17) Subalit tinuturuan ng Bibliya ang mga Kristiyano na maging mabait, mabuti, mahinahon, at makatuwiran​—mga katangian na hindi nagpapahintulot sa pagkapanatiko. (Galacia 5:22, 23; Filipos 4:5) Sa aklat ng Bibliya na Santiago, pinasisigla ang mga Kristiyano na linangin “ang karunungan mula sa itaas,” na inilalarawan bilang “una sa lahat malinis, pagkatapos ay mapayapa, makatuwiran, handang sumunod, punô ng awa at mabubuting bunga.” Idinagdag pa ni Santiago: “Ang bunga ng katuwiran ay may binhing inihasik sa ilalim ng mapayapang mga kalagayan para doon sa mga nakikipagpayapaan.”​—Santiago 3:17, 18.

Natatandaan ng mga Saksi ni Jehova na si Jesus ay lubhang nabahala tungkol sa katotohanan. Sinabi niya kay Poncio Pilato: “Dahil dito ako ipinanganak, at dahil dito ako dumating sa sanlibutan, upang ako ay magpatotoo sa katotohanan.” (Juan 18:37) Bagaman siya ay isang walang-takot na tagapagtanggol ng katotohanan, hindi niya ipinilit sa iba ang kaniyang mga paniniwala. Sa halip, pinukaw niya ang kanilang isip at puso. Batid niya na ang kaniyang makalangit na Ama, na isang “mabuti at matuwid” na Diyos, ang magpapasiya kung paano at kung kailan papalisin ang kasinungalingan at kawalang-katarungan mula sa balat ng lupa. (Awit 25:8) Kaya naman, hindi niya ginipit yaong mga di-sumasang-ayon sa kaniya. Sa kabaligtaran, yaong mga ortodoksong lider ng relihiyon noong kaarawan niya ang nagsikap na gipitin si Jesus.​—Juan 19:5, 6.

Matibay ang paniniwala ng mga Saksi ni Jehova tungkol sa relihiyosong mga doktrina, at nagpapamalas sila ng matatag na mga pamantayan may kinalaman sa moral. Tulad ni apostol Pablo, kumbinsido sila na mayroon lamang “isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo.” (Efeso 4:5) Batid din nila ang mga salita ni Jesus: “Makipot ang pintuang-daan at masikip ang daan na umaakay patungo sa buhay, at kakaunti ang mga nakasusumpong nito.” (Mateo 7:13, 14) Gayunpaman, hindi nila pinipilit ang iba na sundin ang kanilang mga paniniwala. Sa halip, tinutularan nila si Pablo at “nagsusumamo” sa lahat niyaong nagnanais na ‘makipagkasundo sa Diyos.’ (2 Corinto 5:20) Ito ang mas mabuting paraan. Ito ang paraan ng Diyos.

Ibang-iba naman ang relihiyosong pundamentalismo, gaya ng kahulugan ng salitang ito sa ngayon. Gumagamit ang mga pundamentalista ng maraming pamamaraan​—kasali na ang karahasan​—upang ipilit ang kanilang mga simulain sa lipunan. Sa paggawa nito, sila’y nagiging mahalagang bahagi ng sistemang pulitikal. Subalit sinabi ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay dapat na “hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 15:19; 17:16; Santiago 4:4) Kasuwato ng mga salitang iyan, ang mga Saksi ni Jehova ay mahigpit na nananatiling neutral sa mga alitan sa pulitika. At, gaya ng inamin ng Italyanong pahayagan na Fuoripagina, sila ay “hindi namimilit ng anuman sa kaninuman; lahat ay malayang tumanggap o tumanggi sa kanilang sinasabi.” Ano ang resulta? Ang mapayapang mensahe ng mga Saksi mula sa Bibliya ay nakaaakit sa lahat ng uri ng tao, maging doon sa mga dating pundamentalista.​—Isaias 2:2, 3.

Isang Sanlibutan na May Matatag na mga Pamantayan

Kinikilala ng mga Saksi na hindi malulutas ng mga tao ang mga suliranin na ikinababahala ng mga pundamentalista. Hindi mo maaaring pilitin ang isang tao na maniwala sa Diyos o tanggapin ang iyong personal na mga paniniwala. Ang pag-iisip na posible ang gayong bagay ay humantong sa ilan sa pinakasukdulang kakilabutan sa kasaysayan, tulad ng mga Krusada, ang mga inkisisyon noong edad medya, at ang “pagkumberte” sa mga Amerikanong Indian. Subalit kung nagtitiwala ka sa Diyos, ipagpapaubaya mo na lamang sa kaniyang kamay ang mga bagay-bagay.

Ayon sa Bibliya, nagtakda ng hangganan ang Diyos sa panahon na pahihintulutan niya ang mga tao na labagin ang kaniyang mga batas at sa gayo’y magdulot ng pagdurusa at kirot. Halos tapos na ang panahong iyan. Si Jesus ay namamahala na ngayon bilang Hari sa makalangit na Kaharian ng Diyos, at malapit nang kumilos ang Kahariang ito upang alisin ang mga pamahalaan ng tao at halinhan ang pang-araw-araw na pamamahala sa sangkatauhan. (Mateo 24:3-​14; Apocalipsis 11:15, 18) Ang resulta ay isang pambuong-daigdig na paraiso na doo’y mangingibabaw ang kapayapaan at katuwiran. Sa panahong iyon ay wala nang mga pag-aalinlangan kung paano sasambahin ang tunay na Diyos. “Ang matuwid ay magmamana ng lupa, at sila’y maninirahan dito magpakailanman.” (Awit 37:29) Ang walang-hanggang mga katangian tulad ng maibiging-kabaitan, katotohanan, katarungan, at kabutihan ay magtatagumpay sa ikabubuti ng lahat ng masunuring sangkatauhan.

Sa pag-asam sa panahong iyon, ganito ang sinabi ng salmista sa isang matulaing paraan: “Ang maibiging-kabaitan at katotohanan ay nagsalubong; ang katuwiran at kapayapaan​—sila’y naghalikan. Ang katotohanan ay bubukal sa lupa, at ang katuwiran ay durungaw mula sa langit. Gayundin si Jehova, sa ganang kaniya, ay magbibigay ng mabuti, at ang ating lupain ay magbibigay ng kaniyang ani. Sa harap niya ay lalakad ang katuwiran, at gagawa ng daan ang kaniyang mga bakas.”​—Awit 85:10-13.

Samantalang hindi natin mababago ang sanlibutan, bilang mga indibiduwal ay malilinang natin ang maka-Diyos ng mga katangian maging sa ngayon. Sa gayon, maaari nating sikapin na maging uri ng mga tao na nanaisin ng Diyos na maging mananamba sa kaniya sa bagong sanlibutang iyon. Kung magkagayon ay makakabilang tayo sa maaamo na tinukoy ng salmista: “Ang maaamo mismo ang magmamay-ari sa lupa, at sila’y tunay na makasusumpong ng matinding kasiyahan sa kasaganaan ng kapayapaan.” (Awit 37:11) Inaalalayan at pinagpapala ng Diyos yaong gumagawa ng kaniyang kalooban, at nangangako siya ng kamangha-manghang mga bagay para sa kanilang kinabukasan. Sinabi ni apostol Juan: “Ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”​—1 Juan 2:17.

[Larawan sa pahina 7]

Inaanyayahan ng mga Saksi ni Jehova ang lahat na malaman ang tungkol sa mabuting balita ng Kaharian ng Diyos

[Picture Credit Line sa pahina 6]

Ilawan sa pahina 3, 4, 5, at 6: Printer’s Ornaments/ni Carol Belanger Grafton/Dover Publications, Inc.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share