Pananampalataya sa Diyos—Kailangan Pa ba Nito ng Isang Himala?
SI Albert ay mahigit na sa 20 anyos nang simulan niyang hanapin ang Diyos. Sinubukan niya ang maraming relihiyon ngunit hindi pa rin siya nasiyahan. Sa pagbabasa ng ilang bahagi ng Bibliya, nalaman niya kung paano nakitungo ang Diyos sa mga tao tulad nina Noe, Abraham, Sara, at Moises. Naging interesado si Albert sa Diyos ng Bibliya. Gayunman, makatitiyak kaya siya na talagang umiiral ang Diyos?
Isang gabi ay nagmaneho si Albert patungo sa isang ilang na dako na doo’y nanalangin siya, “Diyos ko, pakisuyong bigyan mo ako ng isang tanda—kahit ano upang patunayan na umiiral ka.” Naghintay nang matagal si Albert. Natatandaan niyang nang walang nangyari, ang pag-asam niya ay “nauwi sa kabiguan, kahungkagan, sa galit.”
Tulad ni Albert, nadarama ng marami na nawalang-saysay ang paghahanap nila sa Diyos. Maaaring naguluhan sila sa mga sermon ng mga klerigo o nasiphayo sa pagiging ahente ng mga ebanghelisador sa telebisyon. Palibhasa’y nakintal sa kanila ang kitang-kitang pagpapaimbabaw ng kanilang kapuwa, hindi nakatitiyak ang ilan kung ano ang paniniwalaan. Gayunman, tiniyak ni Haring David ng sinaunang Israel sa kaniyang anak na si Solomon: “Kung hahanapin mo [ang Diyos], kaniyang hahayaang masumpungan mo siya.”—1 Cronica 28:9.
Buweno, paano, kung gayon, isinisiwalat ng Diyos ang kaniyang sarili? Dapat mo bang asahan ang isang tanda—isang makahimalang karanasan na magpapatunay sa iyo na umiiral ang Diyos? Ayon sa isang kamakailang surbey na iniulat sa magasing Time, mahigit na dalawang-katlo sa mga Amerikano ang naniniwala sa mga himala. Binanggit din ng artikulo na “ang pinakamabibilis-lumaking simbahan sa Amerika ay ang mga kongregasyong Karismatiko at Pentecostal na ang pagsamba ay nakasentro sa ‘mga tanda at mga kababalaghan.’ ”
Kailangan ba talaga ang “mga tanda at mga kababalaghan” upang maniwala sa Diyos? Gumamit siya ng mga himala noon. Halimbawa: Si Saulo ng Tarso, na umusig sa mga tagasunod ng Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, ay nagkaroon ng di-pangkaraniwang karanasan habang nasa daan mula sa Jerusalem patungo sa Damasco. Ang makahimalang pakikipagtagpong ito sa binuhay-muling si Jesus ay umakay sa pagkakumberte ni Saulo. (Gawa 9:1-22) Kaya ang isang dating mang-uusig ay naging si apostol Pablo—isa sa mga pangunahing tagapagtanggol ng Kristiyanismo!
Ngunit lagi bang pumupukaw ng gayong positibong tugon ang mga himala? Nakasalalay ba sa pagkakaroon ng isang makahimalang karanasan ang tunay na pananampalataya sa Diyos?
[Larawan sa pahina 3]
Nakipag-usap ang Anak ng Diyos kay Saulo ng Tarso sa isang makahimalang paraan. Dapat mo bang asahan ang isang himala?