Ang “Banal na Tunika ng Trier”
ANG Trier, na ang kasaysayan ay matatalunton sa nakalipas na 2,000 taon, ang siyang pinakamatandang lunsod sa Alemanya.a May matatag na kaugnayan ang Trier sa Simbahang Katoliko sa loob ng maraming siglo. Noong 1996 ay ipinakita ng katedral sa Trier ang isang relikya na ipinagpapalagay na halos sintanda na ng lunsod mismo. Ito ay tinawag na ang Banal na Tunika ng Trier.
Ang haba ng tunika ay 1.57 metro at ang lapad ay 1.09 metro at kalahati nito ang haba ng mga manggas. Yari ito sa koton at, ayon kay Hans-Joachim Kann sa kaniyang aklat na Wallfahrtsführer Trier und Umgebung (Giya sa Peregrinasyon sa Trier at sa Palibot), ay malamang na ginamit bilang isang panlabas na kasuutan. Binigyan ng petsa ng ilang pagtaya ang orihinal na kasuutan—na ang malaking bahagi ay inayos at pinatibay sa pamamagitan ng ibang tela sa nagdaang mga siglo—mula noong ikalawa o maging noong unang siglo C.E. Kung wasto, ito ay magiging isang pambihirang sinaunang kasuutan, anupat isang pang-akit na bagay para sa museo.
Gayunman, iginigiit ng ilan na hindi lamang pambihira ang kasuutan kundi banal din naman—kaya pinanganlang Banal na Tunika. Ito ay dahil sa iyon ay walang tahi, gaya ng panloob na kasuutan ni Jesu-Kristo. (Juan 19:23, 24) Sinasabi ng ilan na ang “Banal na Tunika” ay talagang pag-aari ng Mesiyas.
Di-tiyak kung paano napunta ang tunika sa Trier. Sinasabi sa isang reperensiya na ito ay “inihandog sa lunsod ng emperatris na si Helena, ang ina ni Constantinong Dakila.” Sinabi ni Kann na ang unang mapananaligang ulat sa pagkanaroroon ng tunika sa Trier ay noong 1196.
Ang tunika, na iniingatan sa katedral, ay ipinakikita sa pana-panahon sapol noong ika-16 na siglo. Halimbawa, ginawa ito noong 1655, di pa natatagalan pagkatapos ng Tatlumpung Taóng Digmaan, na naging magastos para sa Trier. Kung minsan ay kumikita ng malaki ang pagbebenta ng mga alaala ng peregrinasyon.
Nagkaroon ng tatlong peregrinasyon sa “Banal na Tunika” sa siglong ito—noong 1933, 1959, at 1996. Ang peregrinasyon ay ipinatalastas noong 1933 sa mismong araw na si Hitler ay hinirang na chancellor ng Alemang Reich. Tinukoy ni Kann na ang pagkakasabay ng dalawang pangyayaring ito sa iisang petsa ay nagtatampok sa mga kalagayan may kinalaman sa peregrinasyon. Ang mga nakaunipormeng sundalong Nazi ay bumuo ng guard of honor para sa mga peregrino sa labas ng katedral. Dalawa at kalahating milyon katao ang nakakita sa tunika nang taóng iyon.
Pinaghambing ni Herbert, isang residente ng Trier sa loob ng maraming taon, ang mga peregrinasyon ng 1959 at ng 1996. “Punung-puno ang mga lansangan noong 1959, anupat may mga tindahan ng mga subenir sa halos bawat panulukang-daan. Ang pagdiriwang sa taóng ito ay mas tahimik.” Sa katunayan, 700,000 lamang ang tumingin sa tunika noong 1996, mababa ng isang milyon sa bilang noong 1959.
Bakit Sila Pumaparoon Upang Tingnan ang Tunika?
Idiniriin ng simbahan na ang tunika ay hindi dapat malasin bilang bagay na pinakukundanganan. Ang tunikang walang tahi ay itinuturing na sagisag ng pagkakaisa sa simbahan. Iniulat ng Frankfurter Allgemeine Zeitung na noong ipinatatalastas ang peregrinasyon, ganito ang sabi ni Obispo Spital: “Ang di-karaniwang kalagayan sa ating daigdig ay humahamon sa ating mga Kristiyano na magkaroon ng di-karaniwang mga sagot. Kailangan tayong manindigan laban sa dumaraming insidente ng pagkakapootan, kalupitan, at karahasan.” Ipinaliwanag ng obispo na ang pagtingin sa tunika ay magpapaalaala sa isa ng tungkol sa pagkakaisa.
Ngunit bakit kailangan ng sinuman ang “Banal na Tunika” upang maalaala ang pagkakaisa sa simbahan? Paano kung ang tunika ay masira o magkapira-piraso o matuklasang huwad pala? Manganganib ba kung gayon ang pagkakaisa sa simbahan? Paano na ang mga taong hindi makapaglakbay patungo sa Trier? Sila ba’y di-gaanong palaisip sa anumang pagkakaisa sa loob ng simbahan?
Hindi binabanggit ng Banal na Kasulatan na nangailangan ang mga unang Kristiyano ng mga bagay na magpapaalaala sa kanila ng pangangailangang magkaisa bilang mga Kristiyano. Sa katunayan, pinatibay-loob ni apostol Pablo ang mga Kristiyano sa pamamagitan ng mga salitang: “Lumalakad kami sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin.” (2 Corinto 5:7) Kaya naman ang pagkakaisa na tinatamasa ng mga Kristiyano ay inilarawan bilang “pagiging-isa sa pananampalataya.”—Efeso 4:11-13.
[Talababa]
a Tingnan ang Awake! ng Abril 22, 1980, pahina 21-3.