Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w97 6/15 p. 4-8
  • Paano Ba Kinasihan ng Diyos ang Bibliya?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Ba Kinasihan ng Diyos ang Bibliya?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kinailangan ang Maingat na Pagsisikap
  • Praktikal na Payo​—Mula Kanino?
  • Mga Taong Manunulat​—Bakit?
  • Sino ang Awtor ng Bibliya?
    Gumising!—2007
  • Pagkasi
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • ‘Ginabayan Sila ng Banal na Espiritu’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Karunungan sa “Salita ng Diyos”
    Maging Malapít kay Jehova
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
w97 6/15 p. 4-8

Paano Ba Kinasihan ng Diyos ang Bibliya?

ANG komunikasyon ay higit na kawili-wili ngayon kaysa sa iba pang panahon sa kasaysayan. Mga telepono, fax machine, computer​—sino ang makaiisip noon na darating ang panahon na ang mga mensahe ay ihahatid halos kahit saan sa buong daigdig nang karaka-raka?

Subalit ang pinakakawili-wiling uri ng komunikasyon ay yaong isa na hindi matutuhan nang lubos ng tao​—ang banal na pagkasi. Kinasihan ni Jehova ang mga 40 taong manunulat upang gawin ang kaniyang nasusulat na Salita, ang Banal na Bibliya. Kung paanong maraming paraan ng komunikasyon ang mga tao na magagamit nila, gumamit din si Jehova ng maraming paraan ng komunikasyon upang kasihan ang Kasulatan.

Pagdidikta. Naghatid ang Diyos ng espesipikong mensahe na pagkaraan ay isinulat sa Bibliya.a Halimbawa, isaalang-alang ang mga alituntunin na bumubuo ng tipang Batas. “Isulat mo ang mga salitang ito,” sabi ni Jehova kay Moises, “sapagkat alinsunod sa mga salitang ito ay nakikipagtipan ako sa iyo at sa Israel.” (Exodo 34:27) Ang “mga salitang” iyon, na “inihatid ng mga anghel,” ay kinopya ni Moises at masusumpungan ngayon sa mga aklat ng Bibliya na Exodo, Levitico, Bilang, at Deuteronomio.​—Gawa 7:53.

Maraming iba pang propeta, kasali na sina Isaias, Jeremias, Ezekiel, Amos, Nahum, at Mikas, ang tumanggap ng espesipikong mga mensahe mula sa Diyos sa pamamagitan ng mga anghel. Kung minsan ay pinasimulan ng mga taong ito ang kanilang kapahayagan sa pamamagitan ng mga salitang: “Ito ang sinabi ni Jehova.” (Isaias 37:6; Jeremias 2:2; Ezekiel 11:5; Amos 1:3; Mikas 2:3; Nahum 1:12) Pagkatapos ay isinulat nila ang sinabi ng Diyos.

Mga Pangitain, Panaginip, at Kawalan-ng-Diwa. Ang isang pangitain ay isang tanawin, tagpo, o mensahe na inilagay sa isip ng isang tao habang gising siya, karaniwan nang sa pamamagitan ng pambihirang mga paraan. Halimbawa, nakita nina Pedro, Santiago, at Juan, ang pangitain ng nagbagong-anyong si Jesus “nang sila ay magising nang lubos.” (Lucas 9:28-​36; 2 Pedro 1:16-​21) Sa ilang pagkakataon ang mensahe ay inihatid sa pamamagitan ng isang panaginip, o pangitain sa gabi, anupat naikintal sa tumanggap nang di-namamalayan samantalang siya’y natutulog. Kaya sumulat si Daniel tungkol sa “mga pangitain sa aking ulo sa aking higaan”​—o, gaya ng pagkasalin ng tagapagsalin na si Ronald A. Knox, “habang nakahiga akong nagmamasid sa aking panaginip.”​—Daniel 4:10.

Ang isang tao na inilalagay ni Jehova sa kawalan-ng-diwa ay lumilitaw na okupado sa isang kalagayan ng matamang pagbibigay-pansin, bagaman sa paano man ay hindi gaanong gising. (Ihambing ang Gawa 10:9-​16.) Sa Bibliya ang Griegong salita na isinaling “kawalan-ng-diwa” (ekʹsta·sis) ay nangangahulugan ng ‘pagtatabi o pag-aalis.’ Ipinahihiwatig nito ang ideya ng pagkakaalis ng isip sa normal na kalagayan nito. Samakatuwid, di-namamalayan ng isang taong nasa kawalan-ng-diwa ang kaniyang kapaligiran samantalang lubusang nakikita ang pangitain. Malamang na nasa gayong kawalan-ng-diwa si apostol Pablo nang “inagaw siya patungong paraiso at nakarinig ng di-mabigkas na mga salita na hindi kaayon ng batas na salitain ng tao.”​—2 Corinto 12:2-4.

Kabaligtaran naman niyaong sumulat ng mga idiniktang mensahe mula sa Diyos, ang mga manunulat ng Bibliya na nakatanggap ng mga pangitain o mga panaginip o nakaranas ng kawalan-ng-diwa ay malimit na nagkaroon ng kalayaang ilarawan sa kanilang sariling salita ang kanilang nakita. Sinabihan si Habacuc: “Isulat mo ang pangitain, at iukit mo na malinaw sa mga tapyas na bato, upang siyang bumabasa nang malakas ay basahin iyon nang maliwanag.”​—Habacuc 2:2.

Nangangahulugan ba ito na sa paano man ang mga bahaging ito ng Bibliya ay hindi gaanong kinasihan di-tulad sa mga talatang idinikta? Tunay na hindi. Sa pamamagitan ng kaniyang espiritu, matatag na ikinintal ni Jehova ang kaniyang mensahe sa isip ng bawat manunulat, upang ang kaisipan ng Diyos at hindi ng tao ang siyang maihatid. Bagaman pinayagan ni Jehova ang manunulat na pumili ng angkop na mga salita, inakay niya ang isip at puso ng manunulat upang walang mahalagang impormasyon na makaligtaan at sa katapusan ang mga salita ay may kawastuang malasin na galing sa Diyos.​—1 Tesalonica 2:13.

Banal na Pagsisiwalat. Naglalaman ang Bibliya ng hula​—kasaysayang isiniwalat at isinulat nang patiuna​—na totoong lampas pa sa kakayahan lamang ng tao. Isang halimbawa ang pagbangon at pagbagsak ng “hari ng Gresya,” si Alejandrong Dakila, na inihula mga 200 taon patiuna! (Daniel 8:1-8, 20-​22) Isinisiwalat din ng Bibliya ang mga pangyayari na hindi kailanman nasaksihan ng mga mata ng tao. Ang pagkalalang sa langit at lupa ay isang halimbawa. (Genesis 1:1-​27; 2:7, 8) Pagkatapos ay nariyan ang mga usapan na naganap sa langit, tulad niyaong iniulat sa aklat ng Job.​—Job 1:6-​12; 2:1-6.

Kung hindi man tuwirang isiniwalat ng Diyos sa manunulat, ipinabatid ng Diyos ang gayong mga pangyayari sa isang tao anupat ang mga ito ay naging bahagi ng binigkas o nasusulat na kasaysayan, na ipinapasa sa sumunod na mga salinlahi hanggang sa ang mga ito ay maging bahagi ng ulat ng Bibliya. (Tingnan ang kahon sa pahina 7.) Sa paano man, makatitiyak tayo na si Jehova ang Pinagmulan ng lahat ng gayong impormasyon, at pinatnubayan niya ang mga manunulat ng Bibliya upang ang kanilang salaysay ay hindi mabahiran ng kamalian, kalabisan, o alamat. Sumulat si Pedro hinggil sa hula: “Ang mga tao ay nagsalita mula sa Diyos habang sila ay inaakay ng banal na espiritu.”b​—2 Pedro 1:21.

Kinailangan ang Maingat na Pagsisikap

Bagaman ‘inakay ng banal na espiritu’ ang mga manunulat ng Bibliya, gayunma’y kinailangan nila ang maingat na pagsasaalang-alang. Halimbawa, si Solomon ay “nagmuni-muni at lubusang nagsaliksik, upang maisaayos niya ang maraming kawikaan. Humanap [siya] ng kalugud-lugod na mga salita at ng pagsulat ng tamang mga salita ng katotohanan.”​—Eclesiastes 12:9, 10.

Kinailangang magsaliksik nang husto ang ilang manunulat ng Bibliya upang makatotohanang maitala ang kanilang materyal. Halimbawa, sumulat si Lucas tungkol sa kaniyang ulat sa Ebanghelyo: “Tinalunton ko ang lahat ng bagay mula sa pasimula nang may katumpakan, na isulat ang mga iyon . . . ayon sa lohikal na pagkakasunud-sunod.” Sabihin pa, pinagpala ng espiritu ng Diyos ang mga pagsisikap ni Lucas, anupat tiyak na pinakilos siya na hanapin ang mapananaligang makasaysayang mga dokumento at kapanayamin ang mapagkakatiwalaang mga nakasaksi, tulad ng nabubuhay pang mga alagad at malamang na ang ina ni Jesus, si Maria. Pagkatapos ay pinatnubayan ng espiritu ng Diyos si Lucas upang iulat ang impormasyon nang may katumpakan.​—Lucas 1:1-4.

Naiiba naman sa Ebanghelyo ni Lucas, ang kay Juan ay salaysay ng isang nakasaksi, anupat isinulat mga 65 taon pagkamatay ni Jesus. Tiyak na pinatalas ng espiritu ni Jehova ang memorya ni Juan upang hindi ito humina sa paglipas ng panahon. Ito’y kasuwato ng ipinangako ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Ang katulong, ang banal na espiritu, na ipadadala ng aking Ama sa aking pangalan, ang isang iyon ay magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at ibabalik sa inyong mga pag-iisip ang lahat ng bagay na sinabi ko sa inyo.”​—Juan 14:26.

Sa ilang kaso ay inilakip ng mga manunulat ng Bibliya ang mga tinipong ulat ng mga nakasaksi na isinulat ng mas naunang manunulat ng kasaysayan, na hindi naman lahat ay kinasihan. Halos sa ganitong paraan isinulat ni Jeremias ang Una at Ikalawang Hari. (2 Hari 1:18) Si Ezra ay sumangguni sa di-kukulangin sa 14 na di-kinasihang pinagmumulan ng impormasyon upang magtipon ng materyal para sa Una at Ikalawang Cronica, kasali na “ang salaysay tungkol sa mga pangyayari nang mga araw ni Haring David” at “ang Aklat ng mga Hari ng Juda at ng Israel.” (1 Cronica 27:24; 2 Cronica 16:11) Sumipi pa man din si Moises mula “sa aklat ng mga Digmaan ni Jehova”​—waring isang mapananaligang rekord ng mga digmaan ng bayan ng Diyos.​—Bilang 21:14, 15.

Sa gayong mga kaso ay aktibong nasangkot ang banal na espiritu, anupat inudyukan ang mga manunulat ng Bibliya na piliin lamang ang mapananaligang materyal, na pagkaraan ay naging bahagi ng kinasihang ulat ng Bibliya.

Praktikal na Payo​—Mula Kanino?

Taglay ng Bibliya ang saganang praktikal na payo batay sa matalas na personal na obserbasyon. Halimbawa, sumulat si Solomon: “Walang lalong maigi sa tao kundi ang kumain at uminom nga at pagalaking mabuti ang kaniyang kaluluwa sa kaniyang pinagpagalan. Ito rin naman ay nakita ko, samakatuwid nga’y ako, na ito’y mula sa kamay ng tunay na Diyos.” (Eclesiastes 2:24) Sinabi ni Pablo na ang payo niya hinggil sa pag-aasawa ay “ayon sa [kaniyang] opinyon,” bagaman idinagdag niya: “Iniisip ko na talagang taglay ko rin ang espiritu ng Diyos.” (1 Corinto 7:25, 39, 40) Talagang taglay ni Pablo ang espiritu ng Diyos, sapagkat gaya ng sinabi ni apostol Pedro, ang isinulat ni Pablo ay “ayon sa karunungang ibinigay sa kaniya.” (2 Pedro 3:15, 16) Kaya naman, palibhasa’y inaakay ng espiritu ng Diyos, ibinibigay niya ang kaniyang opinyon.

Kapag ang mga manunulat ng Bibliya ay nagpahayag ng gayong personal na paniniwala, ginawa nila iyon lakip ang pag-aaral ng kaugnay na impormasyon at pagkakapit ng mga kasulatan na magagamit nila. Makatitiyak tayo na ang kanilang isinulat ay kasuwato ng pag-iisip ng Diyos. Ang isinulat nila ay naging bahagi ng Salita ng Diyos.

Mangyari pa, nasa Bibliya ang mga pangungusap ng ilan na may maling kaisipan. (Ihambing ang Job 15:15 sa Job 42:7.) Kasali rin doon ang ilang pananalita na nagpapahayag ng hinagpis ng mga lingkod ng Diyos, bagaman hindi nito ipinakikita ang buong pangyayari.c Samantalang nagpapahayag ng gayong personal na pangungusap, ang manunulat ay inaakay pa rin ng espiritu ng Diyos upang gumawa ng tumpak na ulat, sa gayo’y makilala at malantad ang maling pangangatuwiran. Isa pa, sa bawat kaso ay nililinaw ng konteksto sa sinumang makatuwirang mambabasa kung may saligan ang kaisipan ng manunulat.

Sa maikli, makapagtitiwala tayo na mensahe ng Diyos ang buong Bibliya. Sa katunayan, tiniyak ni Jehova na lahat ng nilalaman nito ay angkop sa kaniyang layunin at naglalaan ng mahalagang instruksiyon para sa mga nagnanais na maglingkod sa kaniya.​—Roma 15:4.

Mga Taong Manunulat​—Bakit?

Ang paggamit ni Jehova ng mga tao upang isulat ang Bibliya ay nagpapakita ng kaniyang dakilang karunungan. Isaalang-alang ito: Kung iniatas iyon ng Diyos sa mga anghel, magiging gayundin kaya ang pang-akit ng Bibliya? Totoo, matutuwa tayong basahin ang mga katangian at pakikitungo ng Diyos mula sa pananaw ng isang anghel. Ngunit kung walang salik na mula sa tao, baka mahirapan tayong unawain ang mensahe ng Bibliya.

Upang ilarawan: Maaaring iulat na lamang ng Bibliya na si Haring David ay nangalunya at pumatay at na pagkatapos ay nagsisi siya. Subalit ano ngang inam na malaman ang sariling pananalita ni David, habang ipinahahayag niya ang matinding dalamhati sa kaniyang nagawa at pagsusumamo sa kapatawaran ni Jehova! “Ang aking kasalanan ay palaging nasa harap ko,” ang sulat niya. “Ang isang pusong wasak at bagbag, O Diyos, ay hindi mo hahamakin.” (Awit 51:3, 17) Kaya naman, ang Bibliya ay may init, pagkakasari-sari, at pang-akit na inilakip dito ng katangian ng tao.

Oo, pinili ni Jehova ang pinakamainam na paraan upang maibigay sa atin ang kaniyang Salita. Bagaman ginamit ang mga taong may kahinaan at pagkukulang, sila ay inakay ng banal na espiritu upang hindi makagawa ng pagkakamali sa kanilang mga isinulat. Sa gayon, nakahihigit ang kahalagahan ng Bibliya. Makatuwiran ang payo nito, at maaasahan ang mga hula nito hinggil sa Paraisong lupa sa hinaharap.​—Awit 119:105; 2 Pedro 3:13.

Bakit hindi ugaliing basahin ang isang bahagi ng Salita ng Diyos araw-araw? Sumulat si Pedro: “Magkaroon kayo ng pananabik sa di-nabantuang gatas na nauukol sa salita, upang sa pamamagitan nito ay lumaki kayo tungo sa kaligtasan.” (1 Pedro 2:2) Yamang kinasihan ito ng Diyos, masusumpungan mong lahat ng Kasulatan ay “kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging lubos na may-kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.”​—2 Timoteo 3:16, 17.

[Mga talababa]

a Sa paano man sa isang kaso, yaong sa Sampung Utos, ang impormasyon ay tuwirang isinulat “ng daliri ng Diyos.” Pagkatapos ay kinopya lamang ni Moises ang mga salitang iyon sa mga balumbon o iba pang materyales.​—Exodo 31:18; Deuteronomio 10:1-5.

b Ang Griegong salita rito na isinaling “inaakay,” pheʹro, ay ginamit sa ibang anyo sa Gawa 27:15, 17 upang ilarawan ang isang barko na tinatangay ng hangin. Kaya ang banal na espiritu ang siyang ‘umuugit sa landasin’ ng mga manunulat ng Bibliya. Pinakilos sila nito na tanggihan ang anumang impormasyon na huwad at na ilakip lamang ang bagay na totoo.

c Halimbawa, ihambing ang 1 Hari 19:4 sa 1Hari 19 talata 14 at 18; Job 10:1-3; Awit 73:12, 13, 21; Jonas 4:1-3, 9; Habacuc 1:1-4, 13.

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 7]

Saan Nakuha ni Moises ang Kaniyang Impormasyon?

ISINULAT ni Moises ang aklat ng Bibliya na Genesis, ngunit lahat ng isinulat niya ay matagal na panahon nang naganap bago siya isilang. Kung gayon, saan niya nakuha ang gayong impormasyon? Maaaring tuwirang isiniwalat iyon sa kaniya ng Diyos, o ang kaalaman tungkol sa ilang pangyayari ay maaaring naipasa nang bibigan mula sa sunud-sunod na salinlahi. Yamang mas mahaba ang buhay ng mga tao noong unang panahon, ang malaking bahagi ng isinulat ni Moises sa Genesis ay maaaring naipasa mula kay Adan hanggang kay Moises sa pamamagitan lamang ng limang sunud-sunod na tao​—sina Matusalem, Shem, Isaac, Levi, at Amram.

Karagdagan pa, maaaring sumangguni si Moises sa nasusulat na mga rekord. Hinggil dito, kapansin-pansin na malimit gamitin ni Moises ang pananalitang “ito ang kasaysayan ni,” bago banggitin ang pangalan ng tao na tatalakayin. (Genesis 6:9; 10:1; 11:10, 27; 25:12, 19; 36:1, 9; 37:2) Sinasabi ng ilang iskolar na ang Hebreong salita na isinalin ditong “kasaysayan,” toh·le·dhohthʹ, ay tumutukoy sa isang umiiral nang nasusulat na makasaysayang dokumento na ginamit ni Moises bilang pinagmumulan ng impormasyon para sa kaniyang isinusulat. Mangyari pa, hindi naman ito masasabi nang may katiyakan.

Maaaring ang impormasyon na nilalaman ng aklat ng Genesis ay nakuha sa pamamagitan ng tatlong nabanggit na pamamaraan​—ang ilan sa pamamagitan ng tuwirang pagsisiwalat, ang ilan sa pamamagitan ng bibigang paghahatid, at ang ilan naman ay mula sa nasusulat na mga rekord. Ang mahalaga ay na kinasihan ng espiritu ni Jehova si Moises. Kaya naman, ang kaniyang isinulat ay wastong minamalas bilang ang salita ng Diyos.

[Larawan sa pahina 4]

Sa iba’t ibang paraan, kinasihan ng Diyos ang mga tao na isulat ang Bibliya

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share