“Parangalan Mo si Jehova ng Iyong Mahahalagang Bagay”—Paano?
“PARANGALAN mo si Jehova ng iyong mahahalagang bagay at ng mga unang bunga ng lahat mong ani.” Nasa mga kinasihang salitang ito ng karunungan, na isinulat mga 2,600 taon na ang nakalipas, ang susi upang tamasahin ang saganang pagpapala ni Jehova, sapagkat sinabi pa ng manunulat: “Kung magkagayo’y mapupuno nang sagana ang iyong mga kamalig; at ang iyong mga pisaan ay aapawan ng bagong alak.”—Kawikaan 3:9, 10.
Subalit ano ba ang ibig sabihin ng parangalan ang Diyos? Ano ang mahahalagang bagay na sa pamamagitan nito ay mapararangalan natin si Jehova? At paano natin magagawa ito?
“Parangalan Mo si Jehova”
Sa Kasulatan, ang pangunahing Hebreong salita para sa pagpaparangal, ka·vohdhʹ, ay literal na nangangahulugang “kabigatan.” Kaya ang pagpaparangal sa isang tao ay nangangahulugan ng pakikitungo sa kaniya bilang isa na matimbang, kahanga-hanga, o mahalaga. Ang isa pang Hebreong salita para sa pagpaparangal, yeqarʹ, ay isinalin ding “natatangi” at “mga natatanging bagay.” Sa katulad na paraan, ang Griegong salitang ti·meʹ, na isinaling “pagpaparangal” sa Bibliya, ay nagpapahiwatig ng diwa ng pagtingin, pagpapahalaga, pagiging natatangi. Kaya ang isa ay nagpaparangal sa iba sa pamamagitan ng pagpapakita ng matinding paggalang at pagtingin sa taong iyon.
Mayroon ding iba pang anyo ang pagpaparangal. Isaalang-alang ang ulat tungkol sa tapat na Judiong si Mardokeo, na minsa’y nagbunyag ng isang pakana laban sa buhay ni Haring Ahasuero ng sinaunang Persia. Pagkaraan, nang malaman ng hari na walang anumang ginawa upang maparangalan si Mardokeo para sa nagawa nito, tinanong niya ang kaniyang punong ministro, si Haman, kung paano pinakamagaling na mapararangalan ang isa na kinalulugdan ng hari. Inakala ni Haman na ang karangalang iyon ay para sa kaniya, pero maling-mali siya! Gayunpaman, sinabi ni Haman na ang taong iyon ay dapat na damtan ng “maharlikang kasuutan” at sumakay sa “isang kabayo na sinasakyan ng hari.” Sinabi niya bilang pagtatapos: “Dapat nila siyang pasakayin sa kabayo sa liwasang-bayan ng lunsod, at kanilang isigaw sa unahan niya, ‘Ganito ang ginagawa sa taong kinalulugdang parangalan ng hari.’ ” (Esther 6:1-9) Sa pagkakataong ito, sa pagpaparangal sa isang tao ay kasali ang pagbubunyi sa kaniya sa madla upang tumaas ang pagtingin sa kaniya ng buong bayan.
Gayundin naman, ang pagpaparangal kay Jehova ay may dalawang pitak: personal na pagpapakita ng mataas na pagpapahalaga sa kaniya at pagbubunyi sa kaniya nang hayagan sa pamamagitan ng pakikibahagi at pagtangkilik sa pangmadlang paghahayag ng kaniyang pangalan.
Ang “Iyong Mahahalagang Bagay”—Ano ba ang mga Iyon?
Tiyak na kasali sa mahahalagang bagay ay ang ating buhay, panahon, kakayahan, at ang ating lakas. Kumusta naman ang ating materyal na pag-aari? Isaalang-alang ang mga salita ni Jesus nang makita niya ang isang nagdarahop na biyuda na naghulog ng dalawang maliit na barya na may maliit na halaga sa isang kabang-yaman sa templo. Sinabi niya: “Ang babaing balo na ito, bagaman dukha, ay naghulog ng higit kaysa sa kanilang lahat. Sapagkat ang lahat ng mga ito [iba pang nag-abuloy] ay naghulog ng mga kaloob mula sa kanilang labis, ngunit ang babaing ito mula sa kaniyang kakapusan ay naghulog ng lahat ng kabuhayang taglay niya.” (Lucas 21:1-4) Pinuri ni Jesus ang biyudang ito dahil sa paggamit ng kaniyang materyal na pag-aari upang itaguyod ang pagsamba kay Jehova.
Maliwanag, kung gayon, na sa mahahalagang bagay na binanggit ni Solomon ay kasali rin ang anumang materyal na pag-aari na maaaring taglay natin. At ang pananalitang “mga unang bunga ng lahat mong ani” ay nagpapahiwatig ng pagbibigay kay Jehova ng pinakamaiinam sa ating mahahalagang bagay.
Paano, kung gayon, nagpaparangal sa Diyos ang pagbibigay ng materyal na mga bagay? Hindi ba ang lahat naman ng bagay ay pag-aari na niya? (Awit 50:10; 95:3-5) “Ang lahat ng mga bagay ay mula sa iyo,” ang inamin ni Haring David sa isang taos-pusong panalangin kay Jehova. At tungkol sa malaking abuloy na ibinigay niya at ng kaniyang bayan para sa pagtatayo ng templo, ganito ang sabi ni David: “Mula sa iyo ang ipinagkakaloob namin sa iyo.” (1 Cronica 29:14) Kaya kapag naghahandog ng mga kaloob kay Jehova, ibinabalik lamang natin ang mga bagay, na dahil sa kabutihan ng kaniyang puso, ay ibinigay sa atin. (1 Corinto 4:7) Ngunit, gaya ng nabanggit na, sa pagpaparangal kay Jehova ay kasali ang pagbubunyi sa kaniya sa harap ng iba. At ang materyal na mga kaloob na ginagamit sa pagpapalawak ng tunay na pagsamba ay nagpaparangal sa Diyos. Sa Bibliya ay may napakahuhusay na mga halimbawa ng ganitong pagpaparangal kay Jehova.
Mga Halimbawa Noon
Mga 3,500 taon na ang nakalipas, nang sumapit ang panahon para maglaan si Jehova ng tabernakulo sa ilang bilang isang dako ng pagsamba para sa mga Israelita, nangailangan ng iba’t ibang natatanging bagay na hinihiling sa disenyong ibinigay ng Diyos. Inutusan ni Jehova si Moises na ‘hayaang magbigay ang bawat isa na may nagkukusang-puso ng abuloy para kay Jehova.’ (Exodo 35:5) Nagpatuloy ang ulat: “Sila’y nagsidating, bawat isa na naudyukan ang puso, at kanilang dinala, bawat isa na ang espiritu’y nagpakilos sa kaniya, ang abuloy kay Jehova para sa gawain sa tolda ng kapulungan at para sa lahat ng paglilingkuran ukol dito at para sa banal na mga kasuutan.” (Exodo 35:21) Sa katunayan, ang kanilang kusang-loob na handog ay lumabis pa sa kinakailangan para sa gawain anupat ang bayan ay kinailangang “pigilin sa pagdadala niyaon”!—Exodo 36:5, 6.
Isaalang-alang ang isa pang halimbawa. Nang matupad na ang layunin ng tabernakulo at inihahanda na ang pagtatayo ng templo, malaki ang personal na iniabuloy ni David para sa templo na itatayo ng kaniyang anak na si Solomon. Nanawagan din siya sa iba na makibahagi, at tumugon ang bayan sa pamamagitan ng mga kaloob na mahahalagang bagay para kay Jehova. Ang pilak at ginto lamang ay katumbas na ng mga 50 bilyong dolyar sa halaga ngayon. “At ang bayan ay nagbigay-daan sa pagsasaya dahil sa kanilang boluntaryong mga handog.”—1 Cronica 29:3-9; 2 Cronica 5:1.
“Boluntaryong mga Handog” Ngayon
Paano tayo maaaring makibahagi sa kagalakan ng boluntaryong paghahandog ngayon? Ang pinakamahalagang gawain sa sanlibutang ito sa ngayon ay yaong pangangaral ng Kaharian at paggawa ng alagad. (Mateo 24:14; 28:19, 20; Gawa 1:8) At minabuti ni Jehova na ipagkatiwala sa kaniyang mga Saksi ang makalupang mga kapakanan ng Kaharian.—Isaias 43:10.
Maliwanag na kailangan ang salapi upang matustusan ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon. Ang pagtatayo at pangangalaga ng mga Kingdom Hall, Assembly Hall, mga tanggapang pansangay, pagawaan, at mga tahanang Bethel ay nangangailangan ng salapi. May mga gastusin ding nasasangkot sa paglalathala at pamamahagi ng mga Bibliya at salig-sa-Bibliyang mga publikasyon sa iba’t ibang wika. Paano natutustusan ang gayong mga gastusin ng organisasyon? Sa pamamagitan ng mga abuloy na talagang kusang-loob!
Karamihan sa mga abuloy ay mula sa mga indibiduwal na—tulad ng biyudang napagmasdan ni Jesus—may kaunting kabuhayan lamang. Palibhasa’y hindi nais makaligtaan ang ganitong pitak ng pagpaparangal kay Jehova, nag-aabuloy sila ng katamtamang halaga “ayon sa kanilang talagang kakayahan,” at, kung minsan, “higit pa [nga] sa kanilang talagang kakayahan.”—2 Corinto 8:3, 4.
“Gawin ng bawat isa ang ayon sa ipinasiya ng kaniyang puso, nang hindi masama ang loob o sa ilalim ng pamimilit, sapagkat iniibig ng Diyos ang isang masayahing nagbibigay,” sabi ni apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Corinto. (2 Corinto 9:7) Kailangan sa masayang pagbibigay ang mabuting pagpaplano. Ganito ang sabi ni Pablo sa mga taga-Corinto: “Sa bawat unang araw ng sanlinggo ang bawat isa sa inyo ay magbukod na nakatabi sa kaniyang sariling bahay ng anuman ayon sa kaniyang pananagana, upang pagdating ko ay hindi sa pagkakataong iyon maganap ang paglikom.” (1 Corinto 16:2) Gayundin naman, sa isang pribado at boluntaryong paraan, yaong nagnanais mag-abuloy para sa pagpapalawak ng gawaing pang-Kaharian sa ngayon ay makapagtatabi ng isang bahagi ng kanilang kita para sa layuning ito.
Pinagpapala ni Jehova Yaong Nagpaparangal sa Kaniya
Samantalang ang materyal na kasaganaan sa ganang sarili ay hindi umaakay sa espirituwal na kasaganaan, ang bukas-palad na paggamit ng ating mahahalagang bagay—ang ating panahon, lakas, at materyal na tinatangkilik—upang parangalan si Jehova ay nagdudulot ng mayamang pagpapala. Gayon nga sapagkat ang Diyos, na may-ari ng lahat ng bagay, ay tumitiyak sa atin: “Ang kaluluwang mapagbigay ay siya mismong patatabain, at siyang saganang dumidilig sa iba ay siya rin mismo ang saganang didiligin.”—Kawikaan 11:25.
Pagkamatay ni Haring David, ginamit ng kaniyang anak na si Solomon ang boluntaryong abuloy na natipon ng kaniyang ama upang magtayo ng isang maringal na templo, gaya ng iniutos ni Jehova. At hangga’t si Solomon ay nananatiling tapat sa kaniyang pagsamba sa Diyos, “ang Juda at ang Israel ay patuloy na nagsitahang tiwasay . . . mula sa Dan hanggang sa Beer-sheba, lahat ng mga araw ni Solomon.” (1 Hari 4:25) Napuno ang mga kamalig, umapaw ang mga bariles ng alak—hangga’t ang Israel ay ‘nagpaparangal kay Jehova ng kanilang mahahalagang bagay.’
Nang maglaon, sinabi ni Jehova sa pamamagitan ni propeta Malakias: “ ‘Pakisuyong subukin ninyo ako sa bagay na ito,’ sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘kung hindi ko bubuksan sa inyo na mga tao ang mga dungawan sa langit at aktuwal na ihuhulog ko sa inyo ang isang pagpapala hanggang sa wala nang kakulangan.’ ” (Malakias 3:10) Ang espirituwal na kasaganaan na tinatamasa ng mga lingkod ni Jehova sa ngayon ay patotoo na tinutupad ni Jehova ang kaniyang pangako.
Tiyak na nalulugod si Jehova kapag ginagampanan natin ang ating bahagi sa pagpapalawak sa mga kapakanan ng Kaharian. (Hebreo 13:15, 16) At nangangako siya na aalalayan tayo kung ‘patuloy nating hahanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran.’ (Mateo 6:33) Taglay ang malaking kagalakan ng puso, nawa’y ‘parangalan natin si Jehova ng ating mahahalagang bagay.’
[Kahon sa pahina 28, 29]
Mga Paraan na Ginagamit ng Ilan sa Pag-aabuloy Para sa Pambuong-daigdig na Gawain
Marami ang nagtatabi, o naglalaan, ng isang halaga na inilalagay nila sa mga kahong abuluyan na may markang: “Contributions for the Society’s Worldwide Work—Matthew 24:14.” Bawat buwan ay ipinadadala ng kongregasyon ang mga halagang ito alinman sa punong-tanggapan sa Brooklyn, New York, o sa lokal na tanggapang pansangay.
Ang kusang-loob na mga donasyong salapi ay maaari ring tuwirang ipadala sa Treasurer’s Office, Watch Tower Bible and Tract Society of the Philippines, P.O. Box 2044, 1060 Manila, o sa tanggapan ng Samahan na naglilingkod sa inyong bansa. Ang mga alahas o iba pang mahahalagang bagay ay maaari ring ibigay bilang donasyon. Isang maikling liham na nagsasabing ang gayon ay isang tuwirang kaloob na dapat na kasama ng mga abuloy na ito.
Kaayusan ng Kondisyonal na Donasyon
Maaaring magkaloob ng salapi sa Samahang Watch Tower upang ito ang maghawak niyaon hanggang sa kamatayan ng nagkaloob, kasama ang probisyon na kung sakaling magkaroon ng personal na pangangailangan, ito ay ibabalik sa nagkaloob. Para sa higit pang impormasyon, pakisuyong makipag-alam sa Treasurer’s Office sa nabanggit na direksiyon.
Isinaplanong Pagbibigay
Bukod pa sa tuwirang mga kaloob na salapi at kondisyonal na mga donasyong salapi, may iba pang paraan ng pagbibigay sa kapakinabangan ng paglilingkod sa Kaharian sa buong daigdig. Kasali sa mga ito ang:
Seguro: Ang Samahang Watch Tower ay maaaring gawing benepisyari ng isang polisa sa seguro-sa-buhay o isang plano sa pagreretiro/pensiyon. Dapat na ipaalam sa Samahan ang alinman sa gayong mga kaayusan.
Deposito sa Bangko: Ang mga deposito sa bangko, sertipiko ng deposito, o indibiduwal na deposito sa pagreretiro ay maaaring ipagkatiwala o ibayad sa oras na mamatay sa Samahang Watch Tower, ayon sa mga kahilingan ng bangko sa inyong lugar. Dapat na ipaalam sa Samahan ang alinman sa gayong mga kaayusan.
Mga Aksiyón at Bono: Ang mga aksiyón at bono ay maaaring ibigay na donasyon sa Samahang Watch Tower alinman bilang tuwirang kaloob o sa ilalim ng kaayusan na sa pamamagitan niyaon ang kita ay patuloy na ibabayad sa nagkaloob ng donasyon.
Lupa’t Bahay: Ang maipagbibiling lupa’t bahay ay maaaring ibigay na donasyon sa Samahang Watch Tower alinman sa pamamagitan ng tuwirang pagkakaloob o ng pagrereserba niyaon bilang tirahan ng nagkaloob, na makapagpapatuloy manirahan doon habang-buhay. Dapat munang makipag-alam sa Samahan bago ilipat sa pangalan ng Samahan ang anumang ari-arian.
Testamento at Ipinagkatiwala: Ang mga ari-arian o salapi ay maaaring ipamana sa Samahang Watch Tower sa pamamagitan ng isang testamentong isinaayos ayon sa legal na paraan, o ang Samahan ang maaaring gawing benepisyari ng isang kasunduan sa ipinagkatiwala. Ang isang ipinagkatiwala na pakikinabangan ng isang organisasyong relihiyoso ay maaaring maglaan ng ilang bentaha sa pagbubuwis. Ang isang kopya ng testamento o kasunduan ay dapat na ipadala sa Samahan.
Ang Samahan ay naghanda ng brosyur sa wikang Ingles na may pamagat na Planned Giving. Masusumpungan niyaong mga nasa Estados Unidos na nagbabalak ngayon na magbigay ng isang pantanging kaloob sa Samahan o mag-iwan ng pamana pagkamatay na nakatutulong ang impormasyong ito. Iyon ay lalo pang totoo kung hangad nilang matamo ang isang pampamilyang tunguhin o isinaplanong layunin sa ari-arian samantalang ginagamit ang mga kapakinabangan sa buwis upang makatipid sa gastos ng kaloob o pamana.
Para sa higit pang impormasyon hinggil sa alinmang nabanggit, sumulat sa Watch Tower, P.O. Box 2044, 1060 Manila o sa tanggapan ng Samahan na naglilingkod sa inyong bansa.