Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w98 3/15 p. 26-30
  • Constantinong Dakila—Isa Bang Tagapagtanggol ng Kristiyanismo?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Constantinong Dakila—Isa Bang Tagapagtanggol ng Kristiyanismo?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Si Constantino Ayon sa Kasaysayan
  • Ang Relihiyon sa Estratehiya ni Constantino
  • Siya ba Kailanma’y Naging Kristiyano?
  • Isang “Santo”?
  • Ang mga Bunga ng Kaniyang mga Pagsisikap
  • Nasaan ang Tunay na Kristiyanismo
  • Sulyap sa Nakaraan—Constantino
    Gumising!—2014
  • Pagkakumberte kay Constantino—Sa Ano?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Kung Papaano Naging Bahagi ng Sanlibutang Ito ang Sangkakristiyanuhan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Apostasya—Nahadlangan ang Daan Tungo sa Diyos
    Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
w98 3/15 p. 26-30

Constantinong Dakila​—Isa Bang Tagapagtanggol ng Kristiyanismo?

Ang Romanong Emperador na si Constantino ay kabilang sa iilang lalaki na ang pangalan ay pinaganda ng kasaysayan sa pamamagitan ng katagang “Dakila.” Idinagdag ng Sangkakristiyanuhan ang mga ekspresyong “santo,” “ikalabintatlong apostol,” “banal na kapantay ng mga apostol,” at ‘pinili sa pamamagitan ng Kalinga ng Diyos upang gawin ang pinakadakilang pagbabago sa buong daigdig.’ Sa kabilang panig naman, inilarawan ng ilan si Constantino bilang “nabahiran ng dugo, nadungisan ng di-mabilang na grabeng pagkakasala at punô ng panlilinlang, . . . isang kakila-kilabot na mapang-api, na may-sala ng kasindak-sindak na mga krimen.”

MARAMING nag-aangking Kristiyano ang naturuan na si Constantinong Dakila ay isa sa pinakakilalang tagapagtaguyod ng Kristiyanismo. Kanilang pinapupurihan siya sa pagliligtas sa mga Kristiyano mula sa hirap ng pag-uusig ng mga Romano at pagbibigay sa kanila ng relihiyosong kalayaan. Bukod pa riyan, marami ang naniniwala na siya ay isang tapat na tagasunod-yapak ni Jesu-Kristo na may masidhing pagnanais na isulong ang kilusang Kristiyano. Si Constantino at ang kaniyang ina, si Helena, ay ipinahayag ng Simbahang Ortodokso sa Silangan at ng Simbahang Coptic bilang “mga santo.” Ipinagdiriwang ang kanilang kapistahan sa Hunyo 3 o ayon sa kalendaryo ng simbahan, sa Mayo 21.

Sino nga ba si Constantinong Dakila? Ano ang bahagi niya sa pag-unlad ng Kristiyanismo pagkatapos ng panahon ng mga apostol? Lubhang nakapagtuturo na hayaang sagutin ng kasaysayan at ng mga iskolar ang mga tanong na ito.

Si Constantino Ayon sa Kasaysayan

Si Constantino, ang anak ni Constantius Chlorus, ay isinilang sa Naissus sa Serbia noong mga taong 275 C.E. Nang maging emperador ng kanlurang mga lalawigan ng Roma ang kaniyang ama noong 293 C.E., siya’y nakikipagbaka sa Danube sa utos ni Emperador Galerius. Nagbalik si Constantino sa kaniyang naghihingalong ama sa Britanya noong taong 306 C.E. Di-nagtagal pagkamatay ng kaniyang ama, si Constantino ay itinaas ng hukbo sa katayuan ng isang emperador.

Nang panahong iyon, limang iba pang indibiduwal ang nag-aangking sila’y Augusti. Ang yugto sa pagitan ng 306 at 324 C.E., pagkatapos na si Constantino ay maging nag-iisang emperador, ay isang panahon ng walang-tigil na digmaang sibil. Ang tagumpay sa dalawang kampanyang militar ang nagbigay ng garantiya kay Constantino ng isang dako sa kasaysayan ng Roma at gumawa sa kaniya na nag-iisang tagapamahala ng Imperyong Romano.

Noong 312 C.E., tinalo ni Constantino ang kaniyang kalaban na si Maxentius sa labanan sa Milvian Bridge sa labas ng Roma. Ang Kristiyanong mga apologist o tagapagtanggol ng pananampalataya ay nagsabing noong panahon ng kampanyang iyon, may lumitaw sa ilalim ng araw na isang nagliliyab na krus na may mga salitang Latin na In hoc signo vinces, na nangangahulugang “Sa pamamagitan ng tandang ito ay manakop ka.” Sinasabi rin na sa isang panaginip, si Constantino ay sinabihang iguhit ang unang dalawang titik ng pangalan ni Kristo sa Griego sa mga kalasag ng kaniyang mga kawal. Gayunman, ang kuwentong ito ay maraming maling kronolohiya. Ang aklat na A History of Christianity ay nagsasabi: “May pagkakasalungatan ng ebidensiya tungkol sa eksaktong panahon, dako at mga detalye ng pangitaing ito.” Bilang malugod na pagtanggap kay Constantino sa Roma, ipinahayag siya ng isang Senadong pagano na punong Augustus at Pontifex Maximus, ang ibig sabihin, mataas na saserdote ng paganong relihiyon ng imperyo.

Noong 313 C.E., si Constantino ay nakipag-ayos ng isang alyansa kay Emperador Licinius, tagapamahala ng mga lalawigan sa silangan. Sa pamamagitan ng Kautusan sa Milan, magkasama nilang ipinagkaloob ang kalayaan ng pagsamba at pantay-pantay na karapatan sa lahat ng relihiyosong grupo. Subalit, binale-wala ng maraming mananalaysay ang kahalagahan ng dokumentong ito, anupat sinasabing isa lamang itong rutin na opisyal na liham at hindi isang mahalagang dokumento ng imperyo na nagpapahiwatig ng isang pagbabago ng patakaran tungkol sa Kristiyanismo.

Sa loob ng sumunod na sampung taon, tinalo ni Constantino ang kaniyang huling natitirang karibal, si Licinius, at naging ang hindi mapag-aalinlanganang tagapamahala ng Romanong daigdig. Noong 325 C.E., bagaman hindi pa nababautismuhan, siya ang namuno sa unang malaking ekumenikal na konseho ng simbahang “Kristiyano,” na kumondena sa Arianismo at bumalangkas ng isang kapahayagan ng mahahalagang paniniwala na tinatawag na Kredong Nicene.

Si Constantino ay nagkasakit nang malubha noong taong 337 C.E. Sa huling sandali ng kaniyang buhay, siya’y nabautismuhan, at pagkatapos ay namatay. Pagkamatay niya ay isinama siya ng Senado sa mga Romanong diyos.

Ang Relihiyon sa Estratehiya ni Constantino

Kung tungkol sa karaniwang pakikitungo ng mga Romanong emperador sa relihiyon noong ikatlo at ikaapat na siglo, ang aklat na Istoria tou Ellinikou Ethnous (Kasaysayan ng Bansang Griego) ay nagsasabi: “Kahit na nang yaong mga umupo sa trono ng imperyo ay walang gayong matinding hilig sa relihiyon, anupat sumusunod sa kaisipan ng mga tao noong panahong iyon, natuklasan nilang kailangang bigyan ang relihiyon ng higit na kahalagahan sa loob ng balangkas ng kanilang pulitikal na mga pakana, upang sa paano man ay magkaroon ng relihiyosong katangian ang kanilang mga kilos.”

Tiyak, si Constantino ay isang lalaking kaagapay ng panahong kaniyang kinabubuhayan. Sa pasimula ng kaniyang karera, kinailangan niya ang isang “makadiyos” na pagtangkilik, at hindi ito maibibigay ng humihinang mga diyos ng Roma. Ang imperyo, pati na ang relihiyon at iba pang institusyon nito, ay humihina na, at kailangan ang isang bagay na naiiba at nagbibigay-lakas upang muli itong patatagin. Ganito ang sabi ng ensayklopidiyang Hidria: “Si Constantino ay lalo nang interesado sa Kristiyanismo dahil sa tumulong ito hindi lamang sa kaniyang tagumpay kundi rin naman sa reorganisasyon ng kaniyang imperyo. Ang mga simbahang Kristiyano na umiral sa lahat ng dako ay naging pulitikal na tagapagtaguyod niya. . . . Pinalibutan niya ang kaniyang sarili ng dakilang mga prelado nang panahong iyon . . . , at hinilingan niya sila na panatilihin ang kanilang pagkakaisa.”

Napagwari ni Constantino na ang relihiyong “Kristiyano”​—bagaman apostata at lubhang pinasama noon​—ay mabisang magagamit bilang isang puwersang tagapagpasigla at tagapagkaisa upang maisakatuparan ang kaniyang dakilang pakana na pamunuan ang imperyo. Sa pamamagitan ng pagsunod sa mga saligan ng apostatang Kristiyanismo upang makuha ang suporta sa pagpapasulong ng kaniyang sariling pulitikal na mga layunin, nagpasiya siyang pagkaisahin ang mga tao sa ilalim ng isang “katoliko,” o pansansinukob na relihiyon. Ang paganong mga kaugalian at pagdiriwang ay binigyan ng mga pangalang “Kristiyano.” At ang mga klerigong “Kristiyano” ay binigyan ng posisyon, suweldo, at impluwensiya ng mga paring pagano.

Palibhasa’y naghahangad ng relihiyosong pagkakaisa para sa pulitikal na mga kadahilanan, agad na nilupig ni Constantino ang anumang tumututol na tinig, hindi dahil sa katotohanan may kinalaman sa doktrina, kundi batay sa pagtanggap ng nakararami. Ang matinding mga pagkakaiba sa doktrina sa loob ng lubhang nababahaging simbahang “Kristiyano” ay nagbigay sa kaniya ng pagkakataon na makialam bilang isang tagapamagitan na “sinugo ng Diyos.” Sa pamamagitan ng kaniyang pakikitungo sa mga Donatista sa Hilagang Aprika at sa mga tagasunod ni Arius sa silangang bahagi ng imperyo, agad niyang natuklasan na hindi sapat ang panghihikayat upang gawing matatag at nagkakaisa ang pananampalataya.a Sa pagsisikap na malutas ang kontrobersiyang Arian ay tinipon niya ang unang ekumenikong konseho sa kasaysayan ng simbahan.​—Tingnan ang kahon na “Si Constantino at ang Konseho ng Nicaea.”

Tungkol kay Constantino, ganito ang sabi ng mananalaysay na si Paul Johnson: “Ang isa sa kaniyang pangunahing dahilan upang pahintulutan ang Kristiyanismo ay maaaring dahil sa ito’y nagbigay sa kaniya at sa Estado ng pagkakataon na makontrol ang patakaran ng Simbahan tungkol sa doktrina at ang pakikitungo sa may naiibang doktrina.”

Siya ba Kailanma’y Naging Kristiyano?

Ganito ang sabi ni Johnson: “Hindi kailanman tinalikuran ni Constantino ang pagsamba sa araw at pinanatili ang larawan ng araw sa kaniyang mga barya.” Ganito ang sabi ng Catholic Encyclopedia: “Si Constantino ay nagpakita ng pantay na pagsang-ayon sa kapuwa mga relihiyon. Bilang pontifex maximus ay kinalinga niya ang pagsambang pagano at pinangalagaan ang mga karapatan nito.” “Si Constantino ay hindi kailanman naging Kristiyano,” ang sabi ng ensayklopidiyang Hidria, idinagdag pa: “Si Eusebius ng Cesarea, na sumulat ng kaniyang talambuhay, ay nagsasabi na siya’y naging Kristiyano sa huling mga sandali ng kaniyang buhay. Hindi ito nakakakumbinsi, yamang bago ng araw na ito, [si Constantino] ay naghain kay Zeus sapagkat titulo rin niya ang Pontifex Maximus.”

Hanggang sa araw ng kaniyang kamatayan noong 337 C.E., taglay ni Constantino ang paganong titulo na Pontifex Maximus, ang kataas-taasang pinuno ng relihiyosong mga bagay. Tungkol naman sa kaniyang bautismo, makatuwirang magtanong, Nagkaroon ba ng tunay na pagsisisi at pagbabalik-loob bago ang bautismo, gaya ng hinihiling sa Kasulatan? (Gawa 2:38, 40, 41) Ito ba’y lubusang paglubog sa tubig bilang sagisag ng pag-aalay ni Constantino sa Diyos na Jehova?​—Ihambing ang Gawa 8:36-39.

Isang “Santo”?

Ang Encyclopædia Britannica ay nagsasabi: “Si Constantino ay tinawag na Dakila dahil sa kaniyang mga nagawa kaysa kung ano siya. Kung susubukin ayon sa kaniyang katangian, tunay, siya ang lubhang hindi karapat-dapat sa lahat na binigyan ng titulong [Dakila] sa sinauna o modernong panahon.” At ganito ang sabi sa atin ng aklat na A History of Christianity: “May mga naunang ulat tungkol sa kaniyang marahas na ugali at tungkol sa kaniyang kalupitan dahil sa galit. . . . Wala siyang galang sa buhay ng tao . . . Ang kaniyang pribadong buhay ay naging kakila-kilabot habang siya’y tumatanda.”

Maliwanag na si Constantino ay may malulubhang suliranin sa personalidad. Sinabi ng isang mananaliksik sa kasaysayan na “ang kaniyang pagiging sumpungin ay siyang kadalasang dahilan sa paggawa niya ng mga krimen.” (Tingnan ang kahon na “Mga Pagpaslang sa Dinastiya.”) Si Constantino ay hindi “isang Kristiyanong tauhan,” ang sabi ng mananalaysay na si H. Fisher sa kaniyang History of Europe. Ang mga katotohanan ay hindi nagpapakilala sa kaniya bilang isang tunay na Kristiyano na nagsuot ng “bagong personalidad” at na kasusumpungan ng bunga ng banal na espiritu ng Diyos​—ang pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang-pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, at pagpipigil-sa-sarili.​—Colosas 3:9, 10; Galacia 5:22, 23.

Ang mga Bunga ng Kaniyang mga Pagsisikap

Bilang ang paganong Pontifex Maximus​—at samakatuwid ang relihiyosong ulo ng Imperyong Romano​—sinikap ni Constantino na makuha ang pagsang-ayon ng mga obispo ng apostatang simbahan. Inalok niya sila ng mga posisyon ng kapangyarihan, katanyagan, at kayamanan bilang mga opisyal ng relihiyon ng Estadong Romano. Ang Catholic Encyclopedia ay umamin: “Ang ilang obispo, palibhasa’y nabulag sa karangyaan ng palasyo, ay nagpakalabis pa nga sa pagpuri sa emperador bilang anghel ng Diyos, bilang isang banal na tao, at humula na siya, gaya ng Anak ng Diyos, ay maghahari sa langit.”

Palibhasa’y nakamit ng apostatang Kristiyanismo ang pagsang-ayon ng pulitikal na pamahalaan, higit at higit itong naging bahagi ng sanlibutang ito, ng sekular na sistemang ito, at lumayo sa mga turo ni Jesu-Kristo. (Juan 15:19; 17:14, 16; Apocalipsis 17:1, 2) Bunga nito, ang “Kristiyanismo” ay nahaluan ng huwad na mga doktrina at gawain​—ang Trinidad, imortalidad ng kaluluwa, apoy ng impiyerno, purgatoryo, mga panalangin para sa patay, paggamit ng mga rosaryo, mga larawan, mga imahen, at mga katulad nito.​—Ihambing ang 2 Corinto 6:14-18.

Mula kay Constantino, namana rin ng simbahan ang hilig na maging makadiktador. Ganito ang sabi ng mga iskolar na sina Henderson at Buck: “Ang pagiging simple ng Ebanghelyo ay pinasama, ipinakilala ang mararangyang ritwal at seremonya, ang makasanlibutang mga parangal at suweldo ay ibinigay sa mga guro ng Kristiyanismo, at ang Kaharian ni Kristo sa kalakhang bahagi ay ginawang isang kaharian ng sanlibutang ito.”

Nasaan ang Tunay na Kristiyanismo

Isinisiwalat ng patotoo ng kasaysayan ang katotohanan sa likod ng “kadakilaan” ni Constantino. Sa halip na itinatag ni Jesu-Kristo, ang Ulo ng tunay na kongregasyong Kristiyano, ang Sangkakristiyanuhan ay bunga sa bahagi ng pulitikal na kaangkupan at ng tusong mga pagkilos ng isang paganong emperador. Tamang-tama, ganito ang tanong ng mananalaysay na si Paul Johnson: “Sumuko ba ang imperyo sa Kristiyanismo, o nagpatutot ba ang Kristiyanismo sa imperyo?”

Lahat ng talagang nagnanais na manindigan sa dalisay na Kristiyanismo ay matutulungang makilala at makisama sa tunay na kongregasyong Kristiyano sa ngayon. Ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay handang tumulong sa tapat-pusong mga tao na makilala ang tunay na Kristiyanismo at sumamba sa Diyos sa paraang kalugud-lugod sa kaniya.​—Juan 4:23, 24.

[Talababa]

a Ang Donatismo ay isang sektang “Kristiyano” noong ikaapat at ikalimang siglo C.E. Ang mga tagasunod nito ay nagsasabing ang bisa ng mga sakramento ay depende sa moral na pagkatao ng ministro at na hindi dapat maging miyembro ng simbahan ang mga taong may malubhang kasalanan. Ang Arianismo ay isang kilusang “Kristiyano” noong ikaapat na siglo na itinatanggi ang pagkadiyos ni Jesu-Kristo. Itinuro ni Arius na ang Diyos ay hindi inianak at walang pasimula. Ang Anak, sapagkat siya’y inianak, ay hindi maaaring maging Diyos na katulad ng Ama. Ang Anak ay hindi umiral mula sa walang hanggan kundi nilalang at umiiral sa pamamagitan ng kalooban ng Ama.

[Kahon sa pahina 28]

Si Constantino at Ang Konseho ng Nicaea

Anong bahagi ang ginampanan ng di-binyagang si Emperador Constantino sa Konseho ng Nicaea? Ganito ang sabi ng Encyclopædia Britannica: “Si Constantino mismo ang namuno at aktibong pumatnubay sa mga talakayan . . . Palibhasa’y nasindak ng emperador, ang mga obispo, maliban sa dalawa, ay pumirma sa kredo, na labag sa kalooban ng marami sa kanila.”

Pagkaraan ng dalawang buwan ng mainit na debate sa relihiyon, ang paganong pulitikong ito ay namagitan at nagpasiya na pabor sa mga nagsasabing si Jesus ay Diyos. Ngunit bakit? “Si Constantino ay walang kaalam-alam sa anumang itinatanong sa teolohiyang Griego,” ang sabi ng A Short History of Christian Doctrine. Ang nauunawaan niya ay na isang banta sa kaniyang imperyo ang pagkakabaha-bahagi ng relihiyon, at siya’y determinadong pagkaisahin ang kaniyang imperyo.

Tungkol sa huling dokumento na binalangkas sa Nicaea sa ilalim ng pagtangkilik ni Constantino, ganito ang sabi ng Istoria tou Ellinikou Ethnous (Kasaysayan ng Bansang Griego): “Ipinakikita nito ang pagwawalang-bahala [ni Constantino] sa mga bagay na may kinalaman sa doktrina, . . . ang kaniyang masidhing pagsisikap na isauli ang pagkakaisa sa loob ng simbahan anuman ang mangyari, at sa wakas ang kaniyang paniniwala na bilang ‘obispo niyaong mga nasa labas ng simbahan’ siya ang gumagawa ng huling pasiya tungkol sa anumang relihiyosong bagay.” Ang espiritu nga kaya ng Diyos ang nasa likuran ng mga pasiyang ginawa sa konsehong iyon?​—Ihambing ang Gawa 15:28, 29.

[Kahon sa pahina 29]

Mga Pagpaslang sa Dinastiya

Sa ilalim ng pamagat na ito, inilalarawan ng akdang Istoria tou Ellinikou Ethnous (Kasaysayan ng Bansang Griego) ang tinatawag nitong “kasuklam-suklam na mga krimen na ginawa ni Constantino sa pamilya.” Karaka-raka pagkatatag ng kaniyang dinastiya, nakalimutan niya kung paano masiyahan sa di-inaasahang mga pambihirang nagawa at nabatid niya ang mga panganib na nakapalibot sa kaniya. Palibhasa’y mapaghinalang tao at marahil nasulsulan ng mga taong sipsip, naghinala muna siya sa kaniyang pamangking si Licinianus​—ang anak ng kapuwa niya Augustus na ipinapatay na niya​—bilang isang posibleng karibal. Ang pagpaslang dito ay nasundan ng pagpatay sa mismong panganay na anak na lalaki ni Constantino, si Crispus, na pinatay ng kaniyang madrastang si Fausta sapagkat ito ay waring isang sagabal sa ganap na kapangyarihan ng kaniya mismong anak.

Ang ginawang ito ni Fausta ang sa wakas ay naging dahilan ng kaniya mismong madulang kamatayan. Lumilitaw na si Augusta Helena, na may impluwensiya sa kaniyang anak na si Constantino hanggang sa wakas, ang kasangkot sa pagpaslang na ito. Ang walang-katuwirang mga damdamin na kadalasang kumokontrol kay Constantino ang siya ring dahilan ng daluyong ng mga pagpatay sa marami sa kaniyang mga kaibigan at mga kasamahan. Ganito ang konklusyon ng aklat na History of the Middle Ages: “Ang pagpatay​—huwag nang banggitin pa ang pagpaslang​—sa kaniya mismong anak at sa kaniyang asawa ay nagpapahiwatig na ang Kristiyanismo ay hindi nagkaroon ng anumang espirituwal na impluwensiya sa kaniya.”

[Larawan sa pahina 30]

Ang arkong ito sa Roma ay ginamit upang luwalhatiin si Constantino

[Picture Credit Line sa pahina 26]

Musée de Louvre, Paris

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share