Natatandaan Mo Ba?
Nasumpungan mo bang naging kapaki-pakinabang para sa iyo ang kamakailang mga labas ng Ang Bantayan? Kung gayon bakit hindi mo subukin ang iyong memorya sa sumusunod na mga tanong?
◻ Ano ang pagkakaiba ng “araw ng Panginoon” at ng “araw ni Jehova”? (Apocalipsis 1:10; Joel 2:11)
Kalakip sa “araw ng Panginoon” ang katuparan ng 16 na pangitain na inilarawan sa Apocalipsis mga kabanata 1 hanggang 22 at ang mahahalagang pangyayari na inihula ni Jesus bilang kasagutan sa tanong ng kaniyang mga alagad tungkol sa tanda ng kaniyang pagkanaririto. Sa kasukdulan ng araw ng Panginoon, sisiklab ang kakila-kilabot na araw ni Jehova kapag kaniyang hinatulan ang tiwaling sanlibutan ni Satanas. (Mateo 24:3-14; Lucas 21:11)—12/15, pahina 11.
◻ Ano ang ilan sa mahusay na katangian ng Bibliya ni Makarios?
Ang pangalan ni Jehova ay lumitaw ng mahigit sa 3,500 ulit sa Bibliya ni Makarios. Isang iskolar ng relihiyosong literatura sa Russia ang nagsabi: “[Ang] salin ay nanghahawakan sa tekstong Hebreo, at ang pananalita ng salin ay dalisay at angkop sa paksa.”—12/15, pahina 27.
◻ Ano ang “katotohanan” na sinabi ni Jesus na magpapalaya sa atin? (Juan 8:32)
Hinggil sa “katotohanan,” ang ibig tukuyin ni Jesus ay ang impormasyong kinasihan ng Diyos—lalo na ang impormasyong hinggil sa kalooban ng Diyos—na iningatan sa Bibliya.—1/1, pahina 3.
◻ Sino ang makabagong-panahong Jehu at Jehonadab?
Si Jehu ay lumalarawan kay Jesu-Kristo, na kinakatawanan ng “Israel ng Diyos” sa lupa, ang pinahirang mga Kristiyano. (Galacia 6:16; Apocalipsis 12:17) Kung paanong sinalubong ni Jehonadab si Jehu, isang “malaking pulutong” mula sa mga bansa ang sumalubong upang suportahan ang makalupang mga kinatawan ni Jesus. (Apocalipsis 7:9, 10; 2 Hari 10:15)—1/1, pahina 13.
◻ Ano ang ibig sabihin ng ‘lumalakad na kasama ng Diyos’? (Genesis 5:24; 6:9)
Nangangahulugan ito na ang gumagawa ng gayon, tulad nina Enoc at Noe, ay gumagawi sa paraang nagbibigay ng katibayan ng matibay na pananampalataya sa Diyos. Ginawa nila kung ano ang iniutos ni Jehova sa kanila at iniayon ang kanilang buhay ayon sa kung ano ang kanilang natutuhan hinggil sa kaniya mula sa kaniyang pakikitungo sa sangkatauhan.—1/15, pahina 13.
◻ Bakit dapat na patiunang paghandaan ng isang tao ang posibleng pagkamatay niya?
Sa isang banda, ang gayong pagsasaayos ay isang kaloob sa pamilya ng isang tao. Ito’y pagpapakita ng pag-ibig. Pinatutunayan nito ang pagnanais na ‘maglaan sa mga miyembro ng sambahayan ng isa’ kahit na siya’y hindi na nila kapiling. (1 Timoteo 5:8)—1/15, pahina 22.
◻ Ano ang naisakatuparan ng “matandang tipan”? (2 Corinto 3:14)
Inilarawan nito ang bagong tipan at, sa pamamagitan ng paulit-ulit na mga paghahandog, ipinakita nito ang malubhang pangangailangan ng tao para sa pantubos mula sa kasalanan at kamatayan. Ito’y naging isang ‘tagapagturo na umaakay tungo sa Kristo.’ (Galacia 3:24)—2/1, pahina 14.
◻ Sa anu-anong paraan ang bagong tipan ay walang hanggan? (Hebreo 13:20)
Una, di-tulad ng tipang Batas, hindi na ito kailanman mahahalinhan. Ikalawa, ang mga bunga ng katuparan nito ay permanente. At ikatlo, ang makalupang mga sakop ng Kaharian ng Diyos ay patuloy na makikinabang mula sa kaayusan ng bagong tipan hanggang sa Milenyo.—2/1, pahina 22.
◻ Ano ang mga pakinabang na bunga ng pagiging mapagpasalamat?
Ang init ng damdamin na nadarama ng isang tao dahil sa pagiging mapagpasalamat ay nagiging sanhi ng kaniyang kaligayahan at kapayapaan. (Ihambing ang Kawikaan 15:13, 15.) Dahil sa ito’y isang positibong katangian, ang pagiging mapagpasalamat ay nag-iingat sa isa mula sa negatibong mga damdamin gaya ng galit, paninibugho, at hinanakit ng loob.—2/15, pahina 4.
◻ Sa anong mga tipan inilakip ang mga inianak sa espiritu?
Sa bagong tipan, na ginawa ni Jehova sa mga miyembro ng espirituwal na Israel, at sa tipan para sa Kaharian, na ginawa ni Jesus sa kaniyang mga pinahirang tagasunod-yapak. (Lucas 22:20, 28-30)—2/15, pahina 16.
◻ Anong tatlong malaking kapistahan ang iniutos na daluhan ng mga Israelita?
Ang Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa, kasunod ng Paskuwa ng Nisan 14; ang Kapistahan ng mga Sanlinggo, sa ika-50 araw mula Nisan 16; at ang Kapistahan ng Pagtitipon, o Kapistahan ng mga Kubol, sa ikapitong buwan. (Deuteronomio 16:1-15)—3/1, pahina 8, 9.
◻ Bakit isang pribilehiyo na dumalo sa mga Kristiyanong pagtitipon?
Sinabi ni Jesus: “Kung saan may dalawa o tatlong nagtitipon sa aking pangalan, naroon ako sa kanilang gitna.” (Mateo 18:20; 28:20) Gayundin, ang isang mahalagang paraan kung saan nagaganap ang espirituwal na pagpapakain ay sa pamamagitan ng mga pulong sa kongregasyon at sa mas malalaking pagtitipon. (Mateo 24:45)—3/1, pahina 14.
◻ Ano ang pinagmulan ng pangalang Nimrod?
Ilang iskolar ang may iisang opinyon na ang pangalang Nimrod ay hindi pangalang ibinigay pagkasilang. Sa halip, itinuring nila itong isang pangalan na ibinigay nang maglaon upang umangkop sa rebelyosong katangian niya pagkatapos na ito’y mahayag.—3/15, pahina 25.
◻ Gaano kahalaga ang pamilya sa lipunan ng tao?
Mahalaga ang pamilya sa tao. Ipinakikita ng kasaysayan na kapag gumuguho ang kaayusan sa pamilya, humihina ang katatagan ng mga pamayanan at bansa. Kaya ang pamilya ay may tuwirang epekto sa katatagan ng lipunan at sa kapakanan ng mga bata at ng susunod na mga henerasyon.—4/1, pahina 6.
◻ Ano ang tatlong hanay ng patotoo na ang Bibliya ay Salita ng Diyos?
(1) Ito’y may katumpakan ayon sa siyensiya; (2) naglalaman ito ng walang-kupas na mga simulain na praktikal para sa modernong pamumuhay; (3) naglalaman ito ng espesipikong mga hula na natupad, gaya ng pinatutunayan ng mga pangyayari sa kasaysayan.—4/1, pahina 15.