Lubhang Pagpapahalaga sa mga Pribilehiyo ng Sagradong Paglilingkod
ANG mga atas ng sagradong paglilingkod ay hindi dapat ipagwalang-bahala. Nang ang mga saserdote sa sinaunang Juda ay magpakita ng saloobin ng pagwawalang-bahala sa kanilang mga pribilehiyo may kaugnayan sa templo ni Jehova, kaniyang matinding sinaway sila. (Malakias 1:6-14) At nang himukin ng ilan sa Israel ang mga Nazareo na ipagwalang-bahala ang mga pananagutan na tinanggap nila may kaugnayan sa kanilang sagradong paglilingkod, pinagwikaan ni Jehova ang makasalanang mga Israelitang iyon. (Amos 2:11-16) Nagsasagawa rin ng sagradong paglilingkod ang mga tunay na Kristiyano, at dinidibdib nila ito. (Roma 12:1) Ang sagradong paglilingkod na ito ay maraming pitak, lahat ay pawang mahalaga.
Samantalang si Jesus ay nasa lupa pa kasama ang kaniyang mga tagasunod, sinanay niya sila na maging mga tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos. Sa kalaunan, ang mensahe nila ay makararating hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa. (Mateo 28:19, 20; Gawa 1:8) Lalo pang naging apurahan ang pangangaral na ito sa mga huling araw ng kasalukuyang sistema ng mga bagay.
Nakikibahagi sa gawaing ito ang lahat ng mga Saksi ni Jehova. Daan-daang libo ang nakasusumpong ng kagalakan sa paggawa nito bilang mga payunir. Upang punan ang mahalagang pangangailangan sa pambuong daigdig na gawain, inilaan ng libu-libo ang kanilang sarili para sa pantanging buong-panahong paglilingkod sa Bethel, sa gawaing paglalakbay bilang mga tagapangasiwa ng sirkito at distrito, o sa paglilingkod bilang misyonero. Ano ang maaaring kahulugan nito sa bahagi niyaong mga nagnanais magpatuloy sa gayong pantanging paglilingkod?
Kapag May mga Pangangailangan sa Pamilya na Kailangang Harapin
Bago pasukin ang pantanging buong-panahong paglilingkod, ang isang tao ay karaniwan nang kailangang gumawa ng ilang pagbabago sa kaniyang mga kalagayan. Hindi ito magagawa ng lahat. Maaaring maging imposible ito sa isang tao na mayroon nang maka-Kasulatang mga pananagutan. Gayon man, ano ang nangyayari kung ang mahahalagang pangangailangan ng pamilya, marahil may kinalaman sa matatanda nang magulang, ay mapaharap sa mga nasa pantanging paglilingkod? Ang mga simulain at payo ng Bibliya na gaya ng sumusunod ay nagbibigay ng kinakailangang patnubay.
Ang ating buong buhay ay dapat na nakasentro sa ating kaugnayan kay Jehova. (Eclesiastes 12:13; Marcos 12:28-30) Dapat na lubhang pahalagahan ang mga sagradong bagay na ipinagkatiwala sa atin. (Lucas 1:74, 75; Hebreo 12:16) Sa isang pagkakataon, isang lalaki na kailangang magbago ng kaniyang mga priyoridad ay sinabihan ni Jesus na dapat siyang maging abala sa paghahayag ng Kaharian ng Diyos. Maliwanag, balak ng lalaki na iantala ang gawaing iyon hanggang sa pagkamatay ng kaniyang ama. (Lucas 9:59, 60) Sa kabilang dako naman, ibinunyag ni Jesus ang maling pag-iisip ng sinumang nagsasabing inialay na niya ang lahat sa Diyos at pagkatapos ay hindi ‘gumagawa ng isa mang bagay para sa kaniyang ama o sa kaniyang ina.’ (Marcos 7:9-13) Ipinakita rin ni apostol Pablo ang seryosong pananagutan ng paglalaan para ‘doon sa mga sariling kaniya,’ kasali na ang mga magulang at mga lolo’t lola.—1 Timoteo 5:3-8.
Nangangahulugan ba ito na kung bumangon ang mahahalagang pangangailangan, dapat iwan ng mga nasa pantanging paglilingkod ang kanilang mga atas upang maging mga tagapangalaga? Maraming salik ang nakaaapekto sa sagot. Personal na desisyon ito. (Galacia 6:5) Bagaman mahal nila ang kanilang atas, nadarama ng marami na makabubuting makapiling ng kanilang mga magulang upang mabigyan sila ng kinakailangang tulong. Bakit? Ang pangangailangan ay maaaring mahalaga, maaaring walang ibang miyembro ng pamilya ang makatutulong, o maaaring hindi magawa ng lokal na kongregasyon ang kinakailangan. Ang ilan ay nakapagpapayunir samantalang ibinibigay ang gayong tulong. Ang iba naman ay nagbalik sa pantanging buong-panahong paglilingkod pagkatapos na maasikaso ang kalagayan ng pamilya. Gayunman, sa maraming kaso, posibleng pangasiwaan ang kalagayan sa ibang paraan.
Pagsasabalikat ng Kanilang Pananagutan
Nang bumangon ang mga pangangailangan na dapat asikasuhin agad, napag-ukulan ng pansin ng ilang nasa pantanging buong-panahong paglilingkod ang mga pangangailangang iyon nang hindi iniiwan ang kanilang mga atas. Isaalang-alang ang ilan sa maraming halimbawa.
Isang mag-asawang naglilingkod sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova ang pumasok sa paglilingkod sa Bethel noong 1978, pagkatapos na makibahagi sa pansirkito at pandistritong gawain. Ang atas ng kapatid na lalaki ay may kaugnayan sa isang mabigat na pananagutan sa teokratikong organisasyon. Subalit nangangailangan din ng tulong ang kaniyang mga magulang. Ang mag-asawang ito na naglilingkod sa Bethel ay dumadalaw nang tatlo o apat na beses sa bawat taon—ng balikang biyahe na mga 3,500 kilometro—upang asikasuhin ang mga magulang. Personal silang nagtayo ng isang bahay upang maasikaso ang mga pangangailangan ng mga magulang. Nariyan ang mga paglalakbay upang pangalagaan ang biglaang pangangailangan sa pagpapagamot. Naubos nila ang halos lahat ng kanilang bakasyon sa loob ng 20 taon upang gampanan ang pananagutang ito. Iniibig at pinararangalan nila ang mga magulang, subalit pinahahalagahan din nila ang kanilang mga pribilehiyo ng sagradong paglilingkod.
Isa pang kapatid na lalaki ang nasa gawaing paglalakbay sa loob ng 36 na taon nang makaharap niya ang inilalarawan niyang isa sa lubhang mapanghamong kalagayan sa kaniyang buhay. Ang kaniyang 85-taóng-gulang na biyenang babae, isang tapat na lingkod ni Jehova, ay nangangailangan ng isang makakasama na makatutulong sa kaniya. Nang panahong iyon, inakala ng karamihan sa kaniyang mga anak na hindi kombinyenteng tumira siya sa kanila. Isa sa mga kamag-anak ang nagsabi sa naglalakbay na tagapangasiwa na dapat nilang iwan ng kaniyang asawa ang paglilingkurang iyon at, alang-alang sa pamilya, ay pangalagaan ang ina. Ngunit hindi binitiwan ng mag-asawa ang kanilang mahalagang paglilingkod, ni ipinagwalang-bahala man nila ang mga pangangailangan ng ina. Sa sumunod na siyam na taon, kadalasan ay kasama nila siya. Noong una ay nakatira sila sa isang mobile home, pagkatapos ay sa iba’t ibang apartment na inilaan ng mga sirkito. Sa mahabang panahon, ang kapatid na lalaki, na noo’y isang tagapangasiwa ng distrito, ay patuloy na naglakbay upang asikasuhin ang kaniyang mga atas samantalang ang kaniyang asawa ay naiwan na kasama ng kaniyang ina upang maglaan ng maibiging buong-panahong pangangalaga. Tuwing Linggo pagkatapos ng mga pulong, naglalakbay nang mahaba pauwi ang asawang lalaki upang tulungan sila. Ang marami na nakababatid sa kalagayan ay nagpahayag ng matinding pagpapahalaga sa ginagawa ng mag-asawang ito. Nang maglaon, napakilos din ang iba pang miyembro ng pamilya na maglaan ng tulong. Libu-libo sa bayan ni Jehova ang patuloy na nakikinabang mula sa paglilingkod ng mag-asawang ito na mapagsakripisyo sa sarili sapagkat nanghawakan sila sa kanilang pribilehiyo ng pantanging buong-panahong paglilingkod.
Pakikipagtulungan ng Pamilya
Kung pinahahalagahan ng iba’t ibang miyembro ng pamilya ang kahalagahan ng pantanging buong-panahong paglilingkod, maaari silang makipagtulungan upang sa paano man ang ilan sa kanila ay makibahagi rito.
Ang gayong espiritu ng pagtutulungan ng pamilya ay nakatulong sa isang mag-asawang taga-Canada na naglilingkod bilang mga misyonero sa Kanlurang Aprika. Hindi na sila naghintay na bumangon pa ang isang biglaang pangangailangan, anupat umaasa na lamang na walang anumang mangyayari. Bago sila nagtungo sa Watchtower Bible School of Gilead, bilang paghahanda para sa paglilingkod sa ibang bansa, ipinakipag-usap ng asawang lalaki sa kaniyang nakababatang kapatid na lalaki ang pangangalaga sa kanilang ina sakali mang ito ay magkasakit o magkaroon ng kapansanan. Bilang pagpapakita ng pag-ibig sa kanilang ina gayundin bilang pagpapahalaga sa kahalagahan ng pagmimisyonero, ganito ang sabi ng nakababatang kapatid na lalaki: “May pamilya at mga anak na ako ngayon. Hindi na ako makapupunta sa napakalayo at magagawa ang mga bagay na nagagawa mo. Kaya kung may anumang mangyari kay Inay, pangangalagaan ko siya.”
Isang mag-asawang naglilingkod sa Timog Amerika ang tumanggap ng malaking tulong mula sa pamilya ng asawang babae sa pangangalaga sa tumatanda nang ina ng babae. Isa sa kaniyang mga ate at ang asawa nito ang nag-alaga sa ina hanggang sa ang ateng iyon ay magkaroon ng isang nakamamatay na karamdaman. Pagkatapos ay ano? Upang maibsan ang anumang pagkabahala, ang bayaw ay sumulat: “Habang kami ng mga anak ko ay nabubuhay, hindi ninyo kailanman kailangang iwan ang inyong paglilingkod bilang misyonero.” Higit pang tulong ng pamilya ang dumating nang lisanin ng isa pang kapatid na babae at ng kaniyang asawa ang kanilang bahay at lumipat kung saan nakatira ang ina upang pangalagaan siya, at ginawa nila iyon hanggang sa mamatay ang ina. Anong inam na espiritu ng pagtutulungan! Lahat sila ay tumutulong upang suportahan ang paglilingkod bilang misyonero.
Mga Magulang na Malayang Nagbibigay kay Jehova
Malimit na ipinakikita ng mga magulang ang katangi-tanging pagpapahalaga sa sagradong paglilingkod. Isa sa pinakamahalaga sa kanilang mga tinatangkilik na doo’y mapararangalan nila si Jehova ay ang kanila mismong mga anak. (Kawikaan 3:9) Pinatitibay-loob ng maraming Kristiyanong magulang ang kanilang mga anak na pumasok sa buong-panahong paglilingkod. At ang ilan sa kanila ay nakadarama ng gaya ni Ana, na ibinigay ang kaniyang anak na si Samuel kay Jehova para sa paglilingkod sa kaniya “hanggang sa panahong walang takda,” yaon ay, sa “lahat ng araw na kaniyang ikabubuhay.”—1 Samuel 1:22, 28.
Isang magulang na gayon ang sumulat sa kaniyang anak na babae sa Aprika: “Kami’y nagpapasalamat kay Jehova dahil sa kamangha-manghang pribilehiyong taglay mo. Wala na kaming mahihiling pa.” At sa isa pang pagkakataon ay sinabi niya: “Totoo na kailangan naming gumawa ng sakripisyo na mapalayo sa isa’t isa, subalit anong laking kagalakan na makita kung paano ka pinangangalagaan ni Jehova!”
Pagkatapos repasuhin ang iba’t ibang kalagayan na bumangon sa paglalaan ng kinakailangang pangangalaga para sa kaniyang matatanda nang mga magulang, isang misyonero sa Ecuador ang sumulat: “Sa palagay ko ang pinakamalaking tulong na maaaring tinanggap naming mag-asawa ay ang mga panalangin ng aking tatay. Pagkamatay niya, sinabi sa amin ni nanay: ‘Hindi lumilipas ang isang araw na ang inyong ama ay hindi nananalangin kay Jehova na kayong dalawa ay hayaang manatili sa inyong atas.’ ”
Isang may edad nang mag-asawa sa California, E.U.A., ang nalulugod na magkaroon ng isa sa kanilang mga anak na lalaki na nasa buong-panahong paglilingkod. Ang anak na lalaking iyon at ang kaniyang asawa ay nasa Espanya nang mamatay ang ina. Nadama ng iba pang miyembro ng pamilya na kailangang gumawa ng mga kaayusan upang alagaan ang ama. Palibhasa’y abala sila sa sekular na trabaho at sa pagpapalaki ng kanilang mga anak, nadama nilang hindi nila maisasabalikat ang pananagutang iyon. Sa halip, masidhi nilang hinimok ang mag-asawa na nasa buong-panahong paglilingkod na umuwi at pangalagaan ang ama. Gayunman, ang ama, bagaman 79 taóng gulang na, ay nagtatamasa pa rin ng mabuting kalusugan, at malinaw pa rin ang kaniyang espirituwal na paningin. Sa isang pulong ng pamilya, pagkatapos na ipahayag ng ibang miyembro ang kanilang sariling niloloob, ang ama ay tumayo at matatag na nagsabi: “Gusto kong bumalik sila sa Espanya at patuloy na maglingkod.” Gayon nga ang kanilang ginawa, subalit tinulungan din nila siya sa tiyak na mga paraan. Ang kanilang kasalukuyang atas ay sa pansirkitong gawain sa Espanya. Mula noong pulong ng pamilya, ang iba pang miyembro ng pamilya ay nagpakita ng pagpapahalaga sa ginagawa ng mag-asawa na paglilingkod sa ibang bansa. Pagkalipas ng ilang taon, kinupkop ng isa sa mga anak na lalaki ang ama sa kaniyang bahay upang pangalagaan siya hanggang mamatay ito.
Sa Pennsylvania, E.U.A., isang pinahirang kapatid na lalaki na nagpayunir sa loob halos ng 40 taon ay mahigit nang 90 taóng gulang nang malubhang magkasakit ang kaniyang asawa at mamatay. Mayroon siyang isang anak na lalaki at tatlong anak na babae na nabubuhay noon, bukod pa sa maraming espirituwal na mga anak. Isa sa kaniyang anak na babae ay mahigit nang 40 taon sa buong-panahong paglilingkod, na naglingkod kasama ng kaniyang asawa bilang isang misyonero, at pagkatapos ay sa Bethel. Tumulong siya sa paggawa ng mga kaayusan upang maibigay ang angkop na pangangalaga sa kaniyang ama. Ang lokal na mga kapatid ay tumulong din na maisama ito sa mga pulong sa Kingdom Hall. Nang maglaon, pagkaraang mamatay ang kaniyang asawang lalaki, tinanong niya ang kaniyang ama kung nais ba nitong umalis na siya sa Bethel upang pangalagaan siya. Lubhang pinahahalagahan nito ang sagradong mga bagay, anupat nadama niyang ang kaniyang mga pangangailangan ay mapangangalagaan sa ibang paraan. Kaya siya’y tumugon: “Iyan na ang pinakamasamang bagay na magagawa mo, at lalo nang masama kung hahayaan kitang gawin mo ito.”
Mga Kongregasyong Umaalalay
Ang ilang kongregasyon ay naging napakamatulungin sa pangangalaga sa tumatanda nang mga magulang niyaong mga nasa pantanging buong-panahong paglilingkod. Pinahahalagahan nila lalo na yaong nag-ukol ng maraming taon sa gayong paglilingkod. Bagaman hindi nila inaalis sa mga ito ang kanilang maka-Kasulatang mga pananagutan, malaki ang ginagawa ng mga kongregasyong ito upang gumaan ang pasan anupat hindi na kailangan pang iwan ng mga anak ang kanilang pantanging mga atas.
Isang mag-asawa sa Alemanya ang mga 17 taon na sa kanilang atas sa ibang bansa, karamihan ng panahong iyon ay ginugol sa gawaing paglalakbay, nang sumidhi ang mga pangangailangan ng kaniyang matanda nang ina. Ginugugol nila ang kanilang bakasyon taun-taon upang tulungan siya. Naglaan din ng maibiging tulong ang mga kapitbahay na Saksi. Pagkatapos, nang ang mag-asawang nasa buong-panahong paglilingkod ay kapiling ng kaniyang ina noong mahalagang panahong iyon, isinaayos ng matatanda sa lokal na kongregasyon na makipagkita sa kanila. Batid nila kung ano ang regular na ginagawa ng mag-asawang ito para sa ina. Naunawaan din nila ang kahalagahan ng pantanging paglilingkod na doo’y nakikibahagi ang mag-asawa. Kaya ang matatanda ay bumalangkas ng isang mungkahing programa ng pangangalaga para sa ina at saka nagsabi: “Hindi na ninyo kayang pangalagaan siya nang higit pa sa ginagawa ninyo; tutulong kami upang makapanatili kayo sa inyong atas sa Espanya.” Sa nakalipas na pitong taon, patuloy na ginagawa ito ng matatandang iyon.
Sa katulad na paraan, isang kapatid na lalaki na naglilingkod sa Senegal mula pa noong 1967 ang tumanggap ng labis na maibiging alalay mula sa kongregasyon kung saan naroroon ang kaniyang ama. Nang bumangon ang isang krisis, ang asawang lalaki, at sa kusang pakikipagtulungan ng kaniyang maibiging asawa, ay naglakbay na mag-isa sa Estados Unidos upang tulungan ang kaniyang mga magulang. Nasumpungan niyang kailangan na manatili siya roon sa loob ng ilang buwan. Mahirap ang kalagayan, subalit nang magawa na niya ang makakaya niya, nakibahagi na ang kongregasyon at tumulong upang maipagpatuloy niya ang kaniyang paglilingkod bilang misyonero. Sa loob ng mga 18 taon, ang kongregasyon ay naglaan ng maibiging tulong sa di-mabilang na paraan, una’y sa ama (kahit na hindi na nito nakikilala ang marami sa kanila) at pagkatapos ay sa ina. Pinalaya ba niyan ang anak sa pananagutan? Hindi; madalas siyang magbiyahe mula sa Senegal at gumugol ng kaniyang bakasyon upang ilaan ang lahat ng magagawa niyang tulong. Subalit marami sa kongregasyong iyon ang nagkaroon ng kaluguran sa pagkaalam na sila ay nagkaroon ng bahagi upang manatili ang masipag na mag-asawa sa pantanging buong-panahong paglilingkod sa Senegal.
Sinabi ni Jesus na yaong mga nag-iwan ng lahat alang-alang sa mabuting balita ay magkakaroon ng sandaang ulit na mga kapatid na lalaki, mga kapatid na babae, mga ina, at mga anak. (Marcos 10:29, 30) Tiyak na totoo ito sa mga lingkod ni Jehova. Naranasan ito sa pantanging paraan ng isang mag-asawa na naglilingkod ngayon sa Benin, Kanlurang Aprika, nang dalawang Saksi sa kongregasyon ng kanilang mga magulang ang nagsabi sa kanila na huwag silang mag-alala tungkol sa kanilang mga magulang. Sabi pa nila: “Ang mga magulang ninyo ay mga magulang na rin namin.”
Oo, maipapakita natin sa maraming paraan na lubha nating pinahahalagahan ang mga pribilehiyo ng sagradong paglilingkod. May mga paraan ba upang magawa mo ito nang higit pa?
[Mga larawan sa pahina 26]
Inilaan nila ang kanilang sarili para sa pantanging buong-panahong paglilingkod