Masasabi Mo ba ang Pagkakaiba ng Tama at Mali?
“Ako mismo ay nakapatay ng mga 25 katao. . . . Naaalaala ko iyon gabi-gabi, araw-araw. Napapanaginipan ko. . . . Kahit saan ako pumunta ay nakikita ko ang mukha ng mga taong pinatay ko. Kitang-kita ko, na para bang ngayon lamang nangyari, ngayon mismo. . . . Hindi ko mapapatawad ang sarili ko.”—V.S.
“Inutusan ako na lipulin ang mga kaaway. . . . Hindi na ako nag-atubili at nag-isip na sila’y mga lalaki, babae at mga bata. . . . Sa palagay ko noon at ngayon ay ginawa ko lamang ang iniutos sa akin at wala akong kasalanan.”—W.C.
NOONG Marso 16, 1968, ang dalawang lalaking nabanggit sa itaas ay nakibahagi sa isang bagay na noong dakong huli ay ipinahayag na isang nakahihiyang krimen sa digmaan. Sila, kasama ng iba pang sundalo, ay pumasok sa isang munting nayon sa Vietnam at pumaslang ng daan-daang sibilyan—kasali na ang mga babae, bata, at matatandang lalaki. Pero pansinin ang magkaibang reaksiyon ng dalawang sundalong ito. Ang unang sundalo ay maliwanag na nababagabag sa kaniyang ginawa. Inaakala naman ng pangalawa na may-katuwiran ang ginawa niya. Paano nangyayaring magkaibang-magkaiba ang reaksiyon ng dalawang tao sa iisang karanasan?
Ang sagot ay may kinalaman sa budhi—isang bigay-Diyos na kakayahan na tumutulong sa atin upang prangkahang suriin ang ating sarili at hatulan ang ating mga ginagawa at mga intensiyon. Ang budhi ay ang ating kakayahang makilala kung ano ang tama at mali.
Kapag nagpapasiya, bumabaling ang ilang tao sa kasabihang, “Hayaan mong akayin ka ng iyong budhi.” Subalit nakalulungkot, hindi laging maaasahan ang budhi. Sa katunayan, marami ang kumunsinti at gumawa pa nga ng kakila-kilabot na mga kalupitan, at hindi man lamang sila binagabag ng kanilang budhi. (Juan 16:2; Gawa 8:1) Gaya ng minsa’y nasabi ng Ingles na nobelistang si Samuel Butler, “di-nagtatagal at [ang budhi] ay hindi na nagsasalita sa mga ayaw makinig dito.”
Mapagkakatiwalaan mo ba ang iyong budhi? Ang sagot ay pangunahin nang nakasalalay sa kung gaano kahusay ang pagsasanay rito, gaya ng ipapakita sa susunod na artikulo.
[Picture Credit Line sa pahina 3]
Tanawin ng digmaan sa gawing itaas: Kuha ng U.S. Signal Corps