Isang Salin ng Bibliya na Bumago sa Daigdig
Nang pasimulan ng propeta ng Diyos na si Moises ang pagsulat ng Bibliya mahigit nang 3,500 taon ang nakalilipas, isa lamang maliit na bansa ang makababasa niyaon. (Deuteronomio 7:7) Ito’y sapagkat ang Kasulatan ay mababasa lamang sa orihinal na wika ng bansang iyon, ang Hebreo. Gayunman, ang kalagayang iyon ay magbabago sa paglipas ng panahon.
MALAKI ang papel na ginampanan ng unang salin ng Bibliya—ang Septuagint—sa paglaganap ng mensahe ng Bibliya at ng positibong impluwensiya nito sa loob ng mga siglo. Bakit ginawa iyon? At angkop ba na sabihing ito ay isang Bibliya na bumago sa daigdig?
Isang Kinasihang Salin?
Pagkatapos silang mapatapon sa Babilonya noong ikapito at ikaanim na siglo B.C.E., maraming Judio ang nanatili sa labas ng lupain ng sinaunang Israel at Juda. Para sa mga Judiong naisilang sa panahong ito ng pagkatapon, ang Hebreo ay naging isang pangalawang wika. Pagsapit ng ikatlong siglo B.C.E., mayroon nang isang komunidad ng mga Judio sa Alejandria, sa Ehipto—isang pangunahing sentro ng kultura sa Imperyo ng Gresya. Nakita ng mga Judiong iyon ang kahalagahan ng pagsasalin ng Banal na Kasulatan sa Griego, na kanilang katutubong wika noon.
Hanggang sa panahong iyon, ang kinasihang mensahe ng Bibliya ay naitala sa Hebreo, na may maliliit na bahaging isinulat sa kahawig na wikang Aramaiko. Ang pagpapahayag ba ng Salita ng Diyos sa ibang wika ay makababawas sa makapangyarihang epekto ng banal na pagkasi, marahil ay umakay pa nga sa maling interpretasyon? Hahayaan ba ng mga Judio, na siyang pinagkatiwalaan ng kinasihang Salita, ang panganib na mapilipit nila ang mensaheng iyon sa pamamagitan ng pagsasalin?—Awit 147:19, 20; Roma 3:1, 2.
Ang maselan na mga isyung ito ay nagdulot ng pag-aalala. Ngunit sa wakas ay nanaig ang pangamba na baka dumating ang panahon na hindi na maiintindihan ng mga Judio ang Salita ng Diyos. Pinagpasiyahang maghanda ng isang Griegong salin ng Torah—ang unang limang aklat ng Bibliya na isinulat ni Moises. Ang aktuwal na gawain ng pagsasalin ay pinalabo ng mga alamat. Ayon sa Letter of Aristeas, nais ng pinuno ng Ehipto na si Ptolemy II (285-246 B.C.E.) ang isang kopya ng Pentateuch (o, Torah) na isinalin sa Griego para sa kaniyang maharlikang aklatan. Inatasan niya ang 72 Judiong iskolar, na nagpunta sa Ehipto mula sa Israel at kanilang natapos ang pagsasalin sa loob ng 72 araw. Pagkatapos, ang saling ito ay binasa sa komunidad ng mga Judio, na nagpahayag na ito’y kapuwa maganda at tumpak. Nang malaunan, naragdagan ang kuwentong ito, na sinasabing inilagay raw sa hiwa-hiwalay na kuwarto ang bawat tagapagsalin, ngunit magkagayon man, ang kanilang mga salin ay magkatulad na magkatulad, letra por letra. Dahil sa paniniwala tungkol sa 72 tagapagsalin, ang saling ito ng Bibliya sa Griego ay tinawag na Septuagint, na salig sa isang salitang Latin na nangangahulugang “Pitumpu.”
Karamihan sa kasalukuyang mga iskolar ay sumasang-ayon na ang Letter of Aristeas ay isang apokripal na akda. Naniniwala rin sila na ang pagpapasinaya ng pagsasalin ay nagmula, hindi kay Ptolemy II, kundi sa mga pinuno ng komunidad ng mga Judio sa Alejandria. Gayunman, ang mga akda ng pilosopong Judio na taga-Alejandria na si Philo at ng Judiong istoryador na si Josephus pati na ang Talmud ay pawang nagpapamalas ng pangkalahatang paniniwala sa gitna ng unang-siglong mga Judio na kung paanong ang orihinal na mga Kasulatan ay kinasihan, gayon din ang Septuagint. Ang gayong mga paniniwala ay walang pagsalang nagbunga ng pagsisikap na gawing kanais-nais ang Septuagint para sa komunidad ng mga Judio sa buong daigdig.
Bagaman sa pasimula ay ang limang aklat lamang ni Moises ang isinalin, ang katawagang Septuagint nang maglaon ay tumukoy sa buong Hebreong Kasulatan na isinalin sa Griego. Ang natitirang mga aklat ay isinalin sa loob ng sumunod na mga dantaon. Sa halip na isang sama-samang pagsisikap, kani-kaniya ang paggawa upang matapos ang kabuuan ng Septuagint. Magkakaiba ang kakayahan at kaalaman sa Hebreo ng mga tagapagsalin. Ang karamihan sa mga aklat ay isinalin sa literal na paraan, kung minsa’y sobrang literal, samantalang may mga salin na liberal naman. May ilang aklat na ginawan ng mahaba at maikling mga bersiyon. Sa pagtatapos ng ikalawang siglo B.C.E., ang lahat ng aklat ng Hebreong Kasulatan ay mababasa na sa Griego. Sa kabila ng hindi pare-parehong resulta, ang epekto ng pagsasalin ng Hebreong Kasulatan sa wikang Griego ay di-hamak na mas malaki kaysa sa inakala ng mga tagapagsalin.
Si Japet sa mga Tolda ni Sem?
Sa pagtalakay sa Septuagint, sinipi ng Talmud ang Genesis 9:27: “Hayaan . . . si Japet . . . na manirahan sa mga tolda ni Sem.” (Megillah 9b, Babilonikong Talmud) Makalarawang ipinahihiwatig ng Talmud na sa pamamagitan ng kagandahan ng wikang Griego sa Septuagint, si Japet (ang ama ni Javan na ninuno ng mga Griego) ay nanirahan sa mga tolda ni Sem (ang ninuno ng bansang Israel). Gayunman, maaari ring sabihin na dahil sa Septuagint, si Sem ay nanirahan sa mga tolda ni Japet. Paano nagkagayon?
Nang matapos ang mga pananakop ni Alejandrong Dakila, sa huling bahagi ng ikaapat na siglo B.C.E. ay nagkaroon ng puspusang pagsisikap na palaganapin ang wika at kultura ng mga Griego sa mga nasakop na lupain. Ang patakaran na ito ay tinawag na Hellenisasyon. Naramdaman ng mga Judio ang patuloy na pananalakay sa kanilang kultura. Kung mananaig ang Griegong kultura at pilosopiya, ang mismong relihiyon ng mga Judio ay manghihina. Ano ang makapipigil sa ganitong malaganap na pagsalakay?
May kaugnayan sa isang posibleng motibo ng mga Judio sa pagsasalin ng Septuagint, ganito ang komento ni Max Margolis, isang Judio na tagapagsalin ng Bibliya: “Kung ipagpapalagay ng isa na ang komunidad ng mga Judio ang pinagmulan ng ideya ng ganitong pagsasalin, maaaring may isa pang motibo na nasasangkot, samakatuwid baga’y upang ibahagi sa mga Gentil ang Batas ng mga Judio at upang kumbinsihin ang daigdig na ang mga Judio ay may kultura na maipapantay sa karunungan ng Hellas [Gresya].” Kung gayon, maaaring ang pagsisikap upang maipamahagi ang Hebreong Kasulatan sa mga taong nakapagasasalita ng Griego ay isang anyo ng pagsasanggalang sa sarili at ganting-salakay.
Dahil sa patakaran ni Alejandro na Hellenisasyon, ang Griego ang naging pangkaraniwang wika sa daigdig. Kahit na noong makuha ng mga Romano ang kaniyang nasasakupan, ang karaniwang Griego (o, Koine) ang nanatiling wika ng pakikipagkalakalan at pakikipagtalastasan sa pagitan ng mga bansa. Ito man ay bunga ng tahasang pagsisikap o isang likas na pangyayari, kaagad na naabot ng bersiyong Septuagint ng Hebreong Kasulatan ang mga tahanan at puso ng maraming di-Judio na dati’y walang kaalaman sa Diyos at sa Batas ng mga Judio. Ang mga resulta ay kagila-gilalas.
Mga Proselita at mga May Takot sa Diyos
Pagsapit ng unang siglo C.E., naisulat ni Philo na ang “kagandahan at dignidad ng batas ni Moises ay pinararangalan hindi lamang sa gitna ng mga Judio, kundi maging sa ibang mga bansa.” May kaugnayan sa mga Judiong naninirahan sa labas ng Palestina noong unang siglo, ang Judiong istoryador na si Joseph Klausner ay nagsabi: “Mahirap paniwalaan na ang lahat ng milyun-milyong Judiong ito ay nagsilikas mula sa maliit na lugar ng Palestina lamang. Hindi maitatatwa na ang ganito kabilis na pagdami ay dahil din sa pagdagsa ng mga lalaki at babaing proselita.”
Gayunman, ang kahanga-hangang mga punto na ito ay hindi pa ang siyang kabuuan ng istorya. Ang manunulat na si Shaye J. D. Cohen, isang propesor ng kasaysayang Judio, ay bumanggit: “Maraming gentil, kapuwa mga lalaki at babae, ay nakumberte sa Judaismo noong mga huling siglo B.C.E. at unang dalawang siglo C.E. Gayunman, ang higit na marami ay yaong mga gentil na tumanggap sa ilang turo ng Judaismo subalit hindi nakumberte.” Kapuwa tinukoy nina Klausner at Cohen ang mga ito na hindi nakumberte bilang mga may takot sa Diyos, isang pananalitang madalas lumitaw sa Griegong literatura nang panahong iyon.
Ano ang pagkakaiba ng isang proselita at ng isang may takot sa Diyos? Ang mga proselita ay lubusang nakumberte, na itinuturing nang mga Judio sa lubos na kahulugan ng salita sapagkat kanilang tinanggap ang Diyos ng Israel (na itinakwil ang lahat ng iba pang diyos), sila’y nagpatuli at nakisama sa bansang Israel. Sa kabaligtaran, ganito ang sabi ni Cohen tungkol sa mga may takot sa Diyos: “Bagaman tinutupad ng mga gentil na ito ang maraming kaugaliang Judio at kanilang sinasamba ang Diyos ng mga Judio sa isang paraan o sa iba pa, hindi nila itinuturing ang kanilang sarili bilang mga Judio at hindi sila itinuturing ng iba bilang mga Judio.” Inilarawan sila ni Klausner bilang mga “nakatayo sa gitna,” sapagkat kanilang tinanggap ang Judaismo at “tinupad nila ang ilan sa mga kaugalian nito, ngunit . . . hindi sila naging ganap na mga Judio.”
Marahil ang ilan ay naging interesado sa Diyos dahil sa pakikipag-usap sa mga Judiong nakikibahagi sa gawaing pagmimisyonero o dahil sa pagmamasid kung paano sila naiiba sa paggawi, kinaugalian, at pagkilos. Gayunman, ang Septuagint ang pangunahing kasangkapan sa pagtulong sa mga ito na may takot sa Diyos na matuto ng higit tungkol sa Diyos na Jehova. Bagaman walang paraan upang malaman ang eksaktong bilang ng mga may takot sa Diyos noong unang siglo, walang duda na pinalaganap ng Septuagint sa buong Romanong Imperyo ang ilang kaalaman tungkol sa Diyos. Sa pamamagitan ng Septuagint, isa ring mahalagang pundasyon ang nailatag.
Nakatulong ang Septuagint sa Paghahanda ng Daan
Malaking bahagi rin ang ginampanan ng Septuagint sa pagpapalaganap ng mensahe ng Kristiyanismo. Maraming Judio na nagsasalita ng Griego ang naroroon nang itatag ang Kristiyanong kongregasyon noong Pentecostes 33 C.E. Ang mga proselita ay kabilang din sa mga naging alagad ni Kristo sa maagang yugto na iyon. (Gawa 2:5-11; 6:1-6; 8:26-38) Yamang ang kinasihang mga sulat ng mga apostol at ng ibang unang mga alagad ni Jesus ay nilayon hangga’t maaari para sa karamihan ng tao, ang mga ito’y isinulat sa Griego.a Sa gayon, maraming pagsipi sa Kristiyanong Griegong Kasulatan mula sa Hebreong Kasulatan ang isinalig sa Septuagint.
Ang iba pa, bukod sa likas na mga Judio at mga proselita, ay handa nang tumanggap sa mensahe ng Kaharian. Ang Gentil na si Cornelio ay “isang taong deboto at isa na natatakot sa Diyos kasama ng kaniyang buong sambahayan, at nagbibigay siya ng maraming kaloob ng awa sa mga tao at nagsusumamo sa Diyos nang patuluyan.” Noong 36 C.E., si Cornelio, ang kaniyang pamilya, at ang iba pa na natipon sa kaniyang tahanan ang kauna-unahang mga Gentil na nabautismuhan bilang mga tagasunod ni Kristo. (Gawa 10:1, 2, 24, 44-48; ihambing ang Lucas 7:2-10.) Nang maglakbay si apostol Pablo sa buong Asia Minor at Gresya, nangaral siya sa maraming Gentil na may takot na sa Diyos at maging sa “mga Griego na sumasamba sa Diyos.” (Gawa 13:16, 26; 17:4) Bakit handa si Cornelio at ang iba pang mga Gentil na iyon na tanggapin ang mabuting balita? Nakatulong ang Septuagint na maihanda ang daan. Nahinuha ng isang iskolar na ang Septuagint “ay isang napakahalagang aklat anupat kung wala ito, kapuwa ang Sangkakristiyanuhan at ang kultura ng kanluran ay hindi maaaring umiral maging sa isipan.”
Nawala ang Pagiging “Kinasihan” ng Septuagint
Ang malawakang paggamit sa Septuagint ay nagbunga sa wakas ng matitinding reaksiyon sa gitna ng mga Judio. Halimbawa, sa pakikipag-usap sa mga Kristiyano, inangkin ng mga Judio na mali ang pagkakasalin ng Septuagint. Pagsapit ng ikalawang siglo C.E., lubusan nang itinakwil ng komunidad ng mga Judio ang salin na minsa’y pinapurihan nito bilang kinasihan. Itinakwil ng mga rabbi ang alamat ng 72 tagapagsalin, na sinasabing: “Minsan nang nangyari na limang matatanda ang nagsalin ng Torah sa Griego para kay Haring Ptolemy, at ang araw na iyon ay nagbanta ng panganib para sa Israel, katulad noong araw na ginawa ang gintong guya, yamang ang Torah ay hindi maisasalin nang may katumpakan.” Upang tiyakin ang mas malapit na pagkakasuwato sa mga pananaw ng mga rabbi, pinahintulutan ng mga rabbi ang isang bagong salin sa Griego. Ito’y isinagawa noong ikalawang siglo C.E. ng isang Judiong proselita na nagngangalang Aquila, isang alagad ng rabbi na si Akiba.
Itinigil ng mga Judio ang paggamit sa Septuagint, subalit ito ang kinilalang opisyal na “Matandang Tipan” ng bumabangon na Simbahang Katoliko, hanggang sa nahalinhan ito ng Latin na Vulgate ni Jerome. Bagaman hindi maaaring mapalitan ng isang salin ang orihinal, mahalagang papel ang ginampanan ng Septuagint sa pagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa Diyos na Jehova at sa kaniyang Kaharian sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Tunay, ang Septuagint ay isang salin ng Bibliya na bumago sa daigdig.
[Talababa]
a Ang Ebanghelyo ni Mateo ay maaaring unang isinulat sa Hebreo, at nang matapos iyon ay saka nagkaroon ng Griegong bersiyon.
[Larawan sa pahina 31]
Ang “Septuagint” ay nauunawaan ng maraming tao na pinangaralan ni Pablo
[Picture Credit Line sa pahina 29]
Sa kagandahang-loob ng Israel Antiquities Authority