Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w98 10/15 p. 8-13
  • Jerusalem—“Ang Lunsod ng Dakilang Hari”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Jerusalem—“Ang Lunsod ng Dakilang Hari”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Dako ng “Trono ni Jehova”
  • Mula sa Kapayapaan Tungo sa Pagkatiwangwang
  • Sinalansang ng mga Kalapit-Bayan na Nagsasagawa ng Huwad na Relihiyon
  • Lumitaw ang Mesiyas!
  • Mga Pahiwatig ng Namamalaging Kapayapaan
  • Jerusalem
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Isang Jerusalem na Totoo Ayon sa Pangalan Nito
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Ano ang Bagong Jerusalem?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Ang Maringal na Lunsod
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
w98 10/15 p. 8-13

Jerusalem​—“Ang Lunsod ng Dakilang Hari”

“Huwag mong ipanumpa . . . ang Jerusalem, sapagkat iyon ang lunsod ng dakilang Hari.”​—MATEO 5:34, 35.

1, 2. Ano ang maaaring makalito sa ilan hinggil sa Jerusalem?

JERUSALEM​—ang mismong pangalan nito ay pumupukaw ng matitinding damdamin sa mga tao mula sa iba’t ibang relihiyon. Sa katunayan, hindi maaaring ipagwalang-bahala ng sinuman sa atin ang sinaunang lunsod na ito, yamang madalas itong mapabalita. Subalit nakalulungkot, isinisiwalat ng maraming ulat na ang Jerusalem ay hindi laging isang dako ng kapayapaan.

2 Maaaring magharap ito sa ilang mambabasa ng Bibliya ng isang nakalilitong kaisipan. Noon, ang pinaikling pangalan ng Jerusalem ay Salem, na nangangahulugang “kapayapaan.” (Genesis 14:18; Awit 76:2; Hebreo 7:1, 2) Kaya baka itanong ninyo, ‘Bakit gayon na lamang ang kawalang-kapayapaan sa isang lunsod na may gayong pangalan sa nakalipas na mga dekada?’

3. Saan natin maaaring masumpungan ang tumpak na impormasyon tungkol sa Jerusalem?

3 Upang masagot ang tanong na iyan, kailangang balikan natin ang malaon nang kasaysayan at alamin natin ang tungkol sa Jerusalem noong sinaunang panahon. Ngunit maaaring isipin ng ilan, ‘Wala tayong panahon para pag-aralan ang sinaunang kasaysayan.’ Gayunpaman, mahalaga sa ating lahat ang tumpak na kaalaman tungkol sa sinaunang kasaysayan ng Jerusalem. Sinasabi ng Bibliya kung bakit sa pamamagitan ng mga salitang ito: “Ang lahat ng mga bagay na isinulat nang una ay isinulat bilang tagubilin sa atin, upang sa pamamagitan ng ating pagbabata at sa pamamagitan ng kaaliwan mula sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.” (Roma 15:4) Ang kaalaman sa Bibliya tungkol sa Jerusalem ay magbibigay sa atin ng kaaliwan​—oo, at pag-asa ng kapayapaan, hindi lamang sa lunsod na iyan kundi sa buong lupa.

Ang Dako ng “Trono ni Jehova”

4, 5. Paano nasangkot si David sa pagtulong sa Jerusalem na gumanap ng isang pangunahing papel sa pagsasakatuparan ng layunin ng Diyos?

4 Noong ika-11 siglo B.C.E., ang Jerusalem ay napabantog sa daigdig bilang kabisera ng isang matiwasay at mapayapang bansa. Pinahiran ng Diyos na Jehova ang kabataang si David bilang hari sa sinaunang bansang iyon​—ang Israel. Yamang ang sentro ng pamahalaan ay nasa Jerusalem, si David at ang kaniyang maharlikang mga inapo ay umupo sa “trono ng pagkahari ni Jehova,” o sa “trono ni Jehova.”​—1 Cronica 28:5; 29:23.

5 Ang may-takot sa Diyos na si David​—isang Israelita sa tribo ng Juda​—ay sumakop sa Jerusalem mula sa idolatrosong mga Jebusita. Ang lunsod noon ay sumasaklaw lamang sa isang burol na tinatawag na Sion, ngunit ang pangalang iyan nang malaunan ay tumukoy sa Jerusalem mismo. Nang maglaon, ang kaban ng tipan ng Diyos sa Israel ay inilipat ni David sa Jerusalem, kung saan ito ay inilagay sa isang tolda. Maraming taon bago nito, nagsalita ang Diyos sa kaniyang propetang si Moises mula sa isang ulap sa ibabaw ng sagradong Kaban na iyon. (Exodo 25:1, 21, 22; Levitico 16:2; 1 Cronica 15:1-3) Ang Kaban ay sumasagisag sa presensiya ng Diyos, sapagkat si Jehova ang tunay na Hari ng Israel. Samakatuwid, sa isang dobleng diwa, masasabi na namahala ang Diyos na Jehova mula sa lunsod ng Jerusalem.

6. Ano ang ipinangako ni Jehova hinggil kay David at sa Jerusalem?

6 Nangako si Jehova kay David na hindi magwawakas ang kaniyang maharlikang sambahayan, na kinakatawanan ng Sion, o Jerusalem. Nangangahulugan ito na isang inapo ni David ang magmamana ng karapatang mamahala magpakailanman bilang Isa na Pinahiran ng Diyos​—ang Mesiyas, o Kristo.a (Awit 132:11-​14; Lucas 1:31-​33) Isinisiwalat din ng Bibliya na ang permanenteng tagapagmanang ito sa “trono ni Jehova” ay mamamahala sa lahat ng bansa, hindi lamang sa Jerusalem.​—Awit 2:6-8; Daniel 7:13, 14.

7. Paano itinaguyod ni Haring David ang dalisay na pagsamba?

7 Napatunayang bigo ang mga pagtatangkang alisin sa trono si Haring David, ang isa na pinahiran ng Diyos. Sa halip, nalupig ang mga kaaway na bansa, at napalawak ang mga hangganan ng Lupang Pangako ayon sa itinakda ng Diyos. Sinamantala ni David ang situwasyong ito upang itaguyod ang dalisay na pagsamba. At marami sa mga awit ni David ang pumupuri kay Jehova bilang tunay na Hari sa Sion.​—2 Samuel 8:1-​15; Awit 9:1, 11; 24:1, 3, 7-​10; 65:1, 2; 68:1, 24, 29; 110:1, 2; 122:1-4.

8, 9. Paano lumawak ang tunay na pagsamba sa Jerusalem sa ilalim ng pamamahala ni Haring Solomon?

8 Noong naghahari ang anak ni David na si Solomon, lalong pinalawak ang pagsamba kay Jehova. Pinalawak ni Solomon ang Jerusalem pahilaga upang ilakip ang burol ng Moria (ang lugar ng kasalukuyang-panahong Dome of the Rock). Sa mas mataas na dakong ito, nagkapribilehiyo siya na magtayo ng isang maringal na templo ukol sa kapurihan ni Jehova. Ang kaban ng tipan ay inilagay sa Kabanal-banalang dako ng templong iyon.​—1 Hari 6:1-38.

9 Nagtamasa ng kapayapaan ang bansang Israel habang buong-puso nilang tinatangkilik ang pagsamba kay Jehova, na nakasentro sa Jerusalem. Buong-kagandahang inilalarawan ng Kasulatan ang situwasyong ito sa pagsasabi: “Ang Juda at ang Israel ay marami, tulad ng mga butil ng buhangin na nasa tabi ng dagat sa karamihan, kumakain at umiinom at nagsasaya. . . . At ang kapayapaan ay naging [kay Solomon] sa lahat ng kaniyang pook, sa buong palibot. At ang Juda at ang Israel ay patuloy na nanahanan nang tiwasay, ang bawat isa sa ilalim ng kaniyang sariling punong-ubas at sa ilalim ng kaniyang sariling puno ng igos.”​—1 Hari 4:20, 24, 25.

10, 11. Paano pinatutunayan ng arkeolohiya ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa Jerusalem noong naghahari si Solomon?

10 Ang mga natuklasan ng arkeolohiya ay sumusuhay sa salaysay na ito ng matagumpay na paghahari ni Solomon. Sa kaniyang aklat na The Archaeology of the Land of Israel, ganito ang sabi ni Propesor Yohanan Aharoni: “Ang kayamanan na dumagsa sa maharlikang palasyo mula sa lahat ng dako, at ang maunlad na komersiyo . . . ay nagpangyari ng mabilis at kapansin-pansing pag-unlad sa bawat pitak ng materyal na kultura. . . . Ang pagbabago sa materyal na kultura . . . ay makikita hindi lamang sa maluluhong bagay kundi lalo na sa seramiks. . . . Napakalaki ng pagsulong sa kalidad ng mga palayok at ng paghuhurno sa mga ito.”

11 Kahawig nito, sumulat si Jerry M. Landay: “Sa paghahari ni Solomon, ang materyal na kultura ng Israel ay higit na sumulong sa loob ng tatlong dekada kaysa sa naging pagsulong nito sa naunang dalawang daang taon. Sa lugar na nahukayan ng mga bagay mula sa panahon ni Solomon ay natagpuan namin ang mga labí ng dambuhalang mga gusali, malalaking lunsod na may makakapal na pader, ang biglang paglitaw ng mga tirahan na may mahusay-ang-pagkakagawang grupo ng mga tahanan ng mayayaman, isang napakalaking pagsulong sa teknikal na kahusayan ng magpapalayok at sa kaniyang pamamaraan ng paggawa. Natuklasan din namin ang mga labí ng mga sinaunang bagay na kumakatawan sa mga kalakal na galing sa malalayong lugar, anupat palatandaan ng masiglang komersiyo at hanapbuhay sa pagitan ng mga bansa.”​—The House of David.

Mula sa Kapayapaan Tungo sa Pagkatiwangwang

12, 13. Paanong ang pagtataguyod ng tunay na pagsamba ay hindi nagpatuloy sa Jerusalem?

12 Ang kapayapaan at kaunlaran ng Jerusalem, ang lunsod kung saan naroon ang santuwaryo ni Jehova, ay isang angkop na paksa sa pananalangin. Sumulat si David: “Hilingin ninyo, O bayan, ang kapayapaan ng Jerusalem. Yaong mga umiibig sa iyo, O lunsod, ay magiging malaya mula sa kabalisahan. Magpatuloy nawa ang kapayapaan sa iyong muralya, kalayaan mula sa kabalisahan sa loob ng iyong mga tinatahanang tore. Alang-alang sa aking mga kapatid at aking mga kasamahan ay nagsasalita ako ngayon: ‘Sumaiyo nawa ang kapayapaan.’ ” (Awit 122:6-8) Bagaman nagkapribilehiyo si Solomon na magtayo ng maringal na templo sa mapayapang lunsod na iyon, nang dakong huli ay nag-asawa siya ng maraming paganong babae. Sa kaniyang katandaan, siya ay kanilang nahikayat na itaguyod ang pagsamba sa huwad na mga diyos noong panahong iyon. Nagkaroon ng masamang epekto ang apostasyang ito sa buong bansa, anupat inalisan ito at ang mga naninirahan dito ng tunay na kapayapaan.​—1 Hari 11:1-8; 14:21-​24.

13 Sa pagsisimula ng paghahari ng anak ni Solomon na si Rehoboam, sampung tribo ang nagrebelde at bumuo ng hilagang kaharian ng Israel. Dahil sa pagsamba nila sa mga idolo, hinayaan ng Diyos na ibagsak ng Asirya ang kahariang iyan. (1 Hari 12:16-​30) Nanatili sa Jerusalem ang sentro ng dalawang-tribong kaharian ng Juda sa gawing timog. Ngunit nang maglaon ay tumalikod din sila sa dalisay na pagsamba, kaya hinayaan ng Diyos na wasakin ng mga taga-Babilonya ang suwail na lunsod noong 607 B.C.E. Sa loob ng 70 taon, ang mga Judiong ipinatapon ay nagdusa bilang mga bihag sa Babilonya. Pagkatapos, sa awa ng Diyos, sila’y pinahintulutang makabalik sa Jerusalem at maisauli ang tunay na pagsamba.​—2 Cronica 36:15-​21.

14, 15. Paano nabawi ng Jerusalem ang isang pangunahing papel matapos ng pagkakatapon sa Babilonya, ngunit nagkaroon ng anong pagbabago?

14 Matapos ang 70 taon ng pagkakatiwangwang, tiyak na natakpan na ng damo ang kaguhuan ng mga gusali. Giba na ang mga pader ng Jerusalem, na may malalaking puwang sa dating kinaroroonan ng mga pintuang-daan at mga pundasyong tore. Gayunman, naging malakas ang loob ng nagbalik na mga Judio. Nagtayo sila ng isang altar sa dating kinaroroonan ng templo at nagsimulang maghandog kay Jehova ng mga hain sa araw-araw.

15 Magandang pasimula ito, ngunit ang naisauling Jerusalem na iyon ay hindi na kailanman muling magiging kabisera ng isang kaharian na ang nasa trono ay inapo ni Haring David. Sa halip, ang mga Judio ay pinamahalaan ng isang gobernador na inatasan ng mga mananakop ng Babilonya at kinailangan nilang magbayad ng buwis sa kanilang mga panginoong Persiano. (Nehemias 9:34-37) Bagaman nasa isang ‘niyurakang’ kalagayan, ang Jerusalem pa rin ang nag-iisang lunsod sa buong lupa na may pantanging pabor ng Diyos na Jehova. (Lucas 21:24) Bilang sentro ng dalisay na pagsamba, kumatawan din ito sa karapatan ng Diyos na gamitin ang kaniyang soberanya sa lupa sa pamamagitan ng isang inapo ni Haring David.

Sinalansang ng mga Kalapit-Bayan na Nagsasagawa ng Huwad na Relihiyon

16. Bakit inihinto ng mga Judiong nagbalik mula sa Babilonya ang kanilang pagsasauli ng Jerusalem?

16 Di-nagtagal at ang pundasyon ng bagong templo ay inilatag ng mga Judiong nagsibalik sa Jerusalem mula sa pagkakatapon. Ngunit ang mga kalapit-bayan na nagsasagawa ng huwad na relihiyon ay nagpadala ng isang mapanirang-puring liham sa Persianong Haring Artajerjes, na nagsabing magrerebelde ang mga Judio. Dahil dito, ipinatigil na ni Artajerjes ang pagtatayo ng Jerusalem. Maguguniguni ninyo na kung nabuhay kayo noon sa lunsod, maaaring naitanong ninyo kung ano kaya ang magiging kinabukasan nito. Nangyari na inihinto ng mga Judio ang pagtatayo ng templo at sila’y nagbuhos ng pansin sa kanilang sariling materyal na kapakanan.​—Ezra 4:11-​24; Hagai 1:2-6.

17, 18. Sa pamamagitan ng anong mga paraan tiniyak ni Jehova ang muling pagtatayo ng Jerusalem?

17 Mga 17 taon pagkabalik nila, ibinangon ng Diyos ang mga propetang sina Hagai at Zacarias upang ituwid ang pag-iisip ng kaniyang bayan. Palibhasa’y napakilos na magsisi, isinagawa ng mga Judio ang muling pagtatayo ng templo. Samantala, si Dario ang naging hari ng Persia. Pinagtibay niya ang utos ni Haring Ciro na muling itayo ang templo ng Jerusalem. Nagpadala si Dario ng liham sa mga kalapit-bayan ng mga Judio, na binabalaan silang ‘magsilayo mula sa Jerusalem’ at maglaan ng pinansiyal na tulong mula sa buwis ng hari upang matapos ang gawaing pagtatayo.​—Ezra 6:1-​13.

18 Natapos ng mga Judio ang templo noong ika-22 taon mula nang makabalik sila. Mauunawaan ninyo na ang mahalagang pangyayaring ito ay isang bagay na dapat ipagdiwang nang may matinding pagsasaya. Gayunman, malaking bahagi pa rin ng Jerusalem at ng mga pader nito ang nananatiling giba. Nakamit ng lunsod ang kinakailangang atensiyon “noong mga araw ni Nehemias na gobernador at ni Ezra na saserdote, ang tagakopya.” (Nehemias 12:26, 27) Lumilitaw na sa pagtatapos ng ikalimang siglo B.C.E., natapos na ang muling pagtatayo ng Jerusalem bilang isang pangunahing lunsod ng sinaunang daigdig.

Lumitaw ang Mesiyas!

19. Paano kinilala ng Mesiyas ang natatanging katayuan ng Jerusalem?

19 Subalit lumundag tayo ng ilang siglo hanggang sa sumapit tayo sa isang napakahalagang pangyayari, ang kapanganakan ni Jesu-Kristo. Sinabihan ng anghel ng Diyos na Jehova ang birheng ina ni Jesus: “Ibibigay sa kaniya ng Diyos na Jehova ang trono ni David na kaniyang ama, . . . at hindi magkakaroon ng wakas ang kaniyang kaharian.” (Lucas 1:32, 33) Pagkaraan ng mga taon, binigkas ni Jesus ang kaniyang bantog na Sermon sa Bundok. Doon, nagbigay siya ng pampatibay-loob at payo hinggil sa maraming paksa. Halimbawa, hinimok niya ang kaniyang mga tagapakinig na tuparin ang kanilang mga panata sa Diyos ngunit mag-ingat na huwag magbigay-daan sa walang-kabuluhang panunumpa. Sabi ni Jesus: “Narinig ninyong sinabi sa mga yaon noong sinaunang mga panahon, ‘Huwag kang susumpa nang hindi tumutupad, kundi bayaran mo ang iyong mga panata kay Jehova.’ Gayunman, sinasabi ko sa inyo: Huwag mong ipanumpa sa paanuman, kahit ang langit, sapagkat iyon ang trono ng Diyos; ni ang lupa, sapagkat ito ang tuntungan ng kaniyang mga paa; ni ang Jerusalem, sapagkat iyon ang lunsod ng dakilang Hari.” (Mateo 5:33-35) Kapansin-pansin na kinilala ni Jesus ang natatanging katayuan ng Jerusalem​—isa na tinamasa nito sa loob ng maraming siglo. Oo, iyon ang “lunsod ng dakilang Hari,” ang Diyos na Jehova.

20, 21. Anong malaking pagbabago ang naganap sa saloobin ng marami na nakatira sa Jerusalem?

20 Nang malapit nang magwakas ang kaniyang buhay sa lupa, iniharap ni Jesus ang kaniyang sarili sa mga residente ng Jerusalem bilang kanilang angkop na hinirang na Hari. Bilang pagtugon sa kapana-panabik na pangyayaring iyon, marami ang buong-kagalakang humiyaw: “Pinagpala siya na dumarating sa pangalan ni Jehova! Pinagpala ang dumarating na kaharian ng ating amang si David!”​—Marcos 11:1-10; Juan 12:12-​15.

21 Subalit, wala pang isang linggo, binigyang-daan ng mga pulutong ang panunulsol ng mga relihiyosong lider ng Jerusalem na bumaling sila laban kay Jesus. Nagbabala siya na maiwawala ng lunsod ng Jerusalem at ng buong bansa ang kanilang sinang-ayunang katayuan sa harap ng Diyos. (Mateo 21:23, 33-​45; 22:1-7) Halimbawa, ipinahayag ni Jesus: “Jerusalem, Jerusalem, ang pumapatay ng mga propeta at tagabato sa mga isinugo sa kaniya,​—kay dalas na ninais kong tipunin ang iyong mga anak, sa paraang tinitipon ng inahing manok ang kaniyang mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak! Ngunit hindi ninyo ibig iyon. Narito! Ang inyong bahay ay pinababayaan sa inyo.” (Mateo 23:37, 38) Noong Paskuwa ng 33 C.E., walang-katarungang ipinapatay si Jesus ng mga sumasalansang sa kaniya sa labas ng Jerusalem. Gayunpaman, binuhay-muli ni Jehova ang Isa na kaniyang Pinahiran at niluwalhati siya sa pamamagitan ng imortal na espiritung buhay sa makalangit na Sion, na isang tagumpay na mapakikinabangan nating lahat.​—Gawa 2:32-​36.

22. Pagkamatay ni Jesus, paano ikinapit ang maraming pagtukoy sa Jerusalem?

22 Mula noon, ang karamihan sa di pa natutupad na mga hula tungkol sa Sion, o Jerusalem, ay maaaring maunawaan na kumakapit sa makalangit na mga kaayusan o sa pinahirang mga tagasunod ni Jesus. (Awit 2:6-8; 110:1-4; Isaias 2:2-4; 65:17, 18; Zacarias 12:3; 14:12, 16, 17) Ang ilang pagtukoy sa “Jerusalem” o “Sion” na isinulat matapos ang pagkamatay ni Jesus ay maliwanag na may makasagisag na diwa at hindi kumakapit sa literal na lunsod o lokasyon. (Galacia 4:26; Hebreo 12:22; 1 Pedro 2:6; Apocalipsis 3:12; 14:1; 21:2, 10) Dumating ang ganap na patotoo na ang Jerusalem ay hindi na “ang lunsod ng dakilang Hari” noong 70 C.E. nang gawing tiwangwang ito ng mga hukbong Romano, gaya ng inihula nina Daniel at Jesu-Kristo. (Daniel 9:26; Lucas 19:41-​44) Hindi inihula ng mga manunulat ng Bibliya o ni Jesus mismo ang isang pagsasauli sa dakong huli ng makalupang Jerusalem sa pantanging pabor ng Diyos na Jehova na dati nitong tinamasa.​—Galacia 4:25; Hebreo 13:14.

Mga Pahiwatig ng Namamalaging Kapayapaan

23. Bakit dapat pa rin tayong maging interesado sa Jerusalem?

23 Sa pagrerepaso ng sinaunang kasaysayan ng makalupang Jerusalem, hindi maikakaila ng isa na tinupad ng lunsod ang kahulugan ng pangalan nito​—“Pagtataglay [o, Pundasyon] ng Dobleng Kapayapaan”​—sa panahon ng mapayapang paghahari ni Haring Solomon. Gayunman, iyan ay isa lamang pahiwatig ng kapayapaan at kaunlaran na malapit nang tamasahin ng mga umiibig sa Diyos na mabubuhay sa lupang binago upang maging paraiso.​—Lucas 23:43.

24. Ano ang matututuhan natin mula sa kalagayan na umiral noong naghahari si Solomon?

24 Masasalamin sa ika-72 Awit 72 ang mga kalagayan na umiral noong paghahari ni Haring Solomon. Ngunit ang magandang awit na iyan ay hula ng mga pagpapala sa sangkatauhan sa ilalim ng makalangit na pamamahala ng Mesiyas, si Jesu-Kristo. Tungkol sa kaniya, umawit ang salmista: “Sa kaniyang mga araw ay mamumukadkad ang mga matuwid, at saganang kapayapaan hanggang sa mawala ang buwan. . . . Ililigtas niya ang dukha na humihingi ng tulong, gayundin ang nagdadalamhati at sinumang walang katulong. Kahahabagan niya ang mababa at dukha, at ililigtas niya ang mga kaluluwa ng mga dukha. Tutubusin niya ang kanilang kaluluwa mula sa pang-aapi at karahasan, at ang kanilang dugo ay magiging mahalaga sa kaniyang mga mata. Magkakaroon ng saganang trigo sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay may labis-labis.”​—Awit 72:7, 8, 12-14, 16.

25. Bakit dapat nating naisin na matuto pa ng higit tungkol sa Jerusalem?

25 Anong laking kaaliwan at pag-asa ang mga salitang ito para sa mga umiibig sa Diyos sa Jerusalem o saanmang dako sa lupa! Maaari kayong mapabilang sa mga magtatamasa ng kapayapaan sa buong lupa sa ilalim ng Mesiyanikong Kaharian ng Diyos. Ang kaalaman tungkol sa nakaraan ng Jerusalem ay makatutulong sa atin na maunawaan ang layunin ng Diyos sa sangkatauhan. Ang susunod na mga artikulo ay magtutuon ng pansin sa mga pangyayari noong ikapito at ikawalong dekada matapos na makabalik ang mga Judio mula sa pagkakatapon sa Babilonya. Nagbibigay ito ng kaaliwan sa lahat ng nagnanais na mag-ukol ng kaayaayang pagsamba sa Diyos na Jehova, ang Dakilang Hari.

[Talababa]

a Ang mga titulong “Mesiyas” (kinuha mula sa isang salitang Hebreo) at “Kristo” (mula sa Griego) ay kapuwa nangangahulugang “Isa na Pinahiran.”

Natatandaan ba Ninyo?

◻ Paano naging dako ng “trono ni Jehova” ang Jerusalem?

◻ Anong mahalagang papel ang ginampanan ni Solomon sa pagtataguyod ng tunay na pagsamba?

◻ Paano natin nalalaman na ang Jerusalem ay hindi na ang sentro ng pagsamba kay Jehova?

◻ Bakit tayo interesado na matuto pa ng higit tungkol sa Jerusalem?

[Larawan sa pahina 10]

Ang Lunsod ni David ay nasa tagaytay sa gawing timog, ngunit pinalawak ni Solomon ang lunsod pahilaga at itinayo niya ang templo

[Credit Line]

Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.

[Picture Credit Line sa pahina 8]

Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share