Ang mga Panalangin Mo Ba’y “Inihanda na Parang Insenso”?
“Ang aking panalangin nawa ay maging inihanda na parang insenso sa harap mo.”—AWIT 141:2.
1, 2. Ano ang isinasagisag ng pagsusunog ng insenso?
INIUTOS ng Diyos na Jehova sa kaniyang propetang si Moises na maghanda ng sagradong insenso para magamit sa tabernakulo sa pagsamba ng Israel. Ang banal na pormula ay nangangailangan ng apat na mabangong sangkap. (Exodo 30:34-38) Iyon ay napatunayang talagang napakabango.
2 Sa Kautusan na ipinakipagtipan sa bansang Israel ay nakasaad ang pagsusunog ng insenso sa araw-araw. (Exodo 30:7, 8) Mayroon bang pantanging kahulugan ang paggamit ng insenso? Oo, sapagkat umawit ang salmista: “Ang aking panalangin nawa ay maging inihanda na parang insenso sa harap mo [Diyos na Jehova], ang pagtataas ng aking mga palad na parang panggabing handog na butil.” (Awit 141:2) Sa aklat ng Apocalipsis, inilarawan ni apostol Juan na yaong mga nasa palibot ng makalangit na trono ng Diyos ay may hawak na mga ginintuang mangkok na puno ng insenso. “At,” sabi ng kinasihang ulat, “ang insenso ay nangangahulugan ng mga panalangin ng mga banal.” (Apocalipsis 5:8) Kaya ang pagsusunog ng mabangong insenso, kung gayon, ay sumasagisag sa kaayaayang mga panalangin ng mga lingkod ni Jehova kapuwa sa araw at sa gabi.—1 Tesalonica 3:10; Hebreo 5:7.
3. Ano ang dapat tumulong sa atin na ‘maihanda ang ating mga panalangin na parang insenso sa harap ng Diyos’?
3 Upang maging kaayaaya sa Diyos ang ating mga panalangin, dapat tayong manalangin sa kaniya sa pangalan ni Jesu-Kristo. (Juan 16:23, 24) Ngunit paano natin mapasusulong ang kalidad ng ating mga panalangin? Buweno, ang pagsasaalang-alang sa ilang maka-Kasulatang halimbawa ay tutulong sa atin na maihanda ang ating mga panalangin na parang insenso sa harap ni Jehova.—Kawikaan 15:8.
Manalangin Nang May Pananampalataya
4. Paano nauugnay ang pananampalataya sa kaayaayang panalangin?
4 Upang pumailanlang sa Diyos ang ating mga panalangin na parang mabangong insenso, dapat tayong manalangin nang may pananampalataya. (Hebreo 11:6) Kapag nasumpungan ng Kristiyanong matatanda na tumatanggap ng kanilang maka-Kasulatang tulong ang isang may sakit sa espirituwal, ang kanilang “panalangin ng pananampalataya ay magpapagaling sa isa na may dinaramdam.” (Santiago 5:15) Kalugud-lugod sa ating makalangit na Ama ang mga panalanging inihandog nang may pananampalataya, at gayundin ang may-pananalanging pag-aaral ng Salita ng Diyos. Nagpakita ang salmista ng isang mainam na saloobin nang umawit siya: “Itataas ko ang aking mga palad sa iyong mga utos na aking iniibig, at pagkakaabalahan ko ang iyong mga alituntunin. Ituro mo sa akin ang kabutihan, pagiging makatuwiran at ang kaalaman, sapagkat nananampalataya ako sa iyong mga utos.” (Awit 119:48, 66) Ating ‘ibuka ang ating mga palad’ sa isang mapagpakumbabang panalangin at sumampalataya tayo sa pamamagitan ng pagsunod sa mga utos ng Diyos.
5. Ano ang dapat nating gawin kung nagkukulang tayo ng karunungan?
5 Ipagpalagay nang kulang tayo ng karunungan na kailangan upang harapin ang isang pagsubok. Marahil ay hindi tayo nakatitiyak kung natutupad na nga sa ngayon ang isang partikular na hula sa Bibliya. Sa halip na pahintulutan itong magpahina sa ating espirituwalidad, manalangin tayo ukol sa karunungan. (Galacia 5:7, 8; Santiago 1:5-8) Mangyari pa, hindi natin maaasahan na sasagutin tayo ng Diyos sa isang kagila-gilalas na paraan. Kailangan tayong magpakita ng kataimtiman sa ating mga panalangin sa pamamagitan ng paggawa ng inaasahan niya na gagawin ng kaniyang buong bayan. Kailangang magsagawa tayo ng nakapagpapatibay-pananampalatayang pag-aaral ng Kasulatan sa tulong ng mga publikasyon na inilalaan sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45-47; Josue 1:7, 8) Kailangan ding sumulong tayo sa kaalaman sa pamamagitan ng regular na pakikibahagi sa mga pulong ng bayan ng Diyos.—Hebreo 10:24, 25.
6. (a) Ano ang dapat matanto nating lahat tungkol sa ating panahon at sa katuparan ng mga hula sa Bibliya? (b) Bukod sa pananalangin para sa pagpapabanal sa pangalan ni Jehova, ano ang dapat nating gawin?
6 Sa ngayon, ang ilang Kristiyano ay nagtataguyod ng mga interes at karerang nagpapahiwatig na nawala na sa kanilang isip na tayo’y napakalapit na sa “panahon ng kawakasan.” (Daniel 12:4) Angkop naman na ipanalangin ng mga kapananampalataya na muling paningasin o pasiglahin ng gayong mga tao ang kanilang pananampalataya sa patotoo ng Kasulatan na ang pagkanaririto ni Kristo ay nagsimula noong 1914 nang iluklok siya ni Jehova bilang makalangit na Hari at na siya ay namamahala na sa gitna ng kaniyang mga kaaway. (Awit 110:1, 2; Mateo 24:3) Dapat na matanto nating lahat na ang mga inihulang pangyayari gaya ng pagpuksa sa huwad na relihiyon—ang “Babilonyang Dakila”—ang satanikong pagsalakay ni Gog ng Magog sa bayan ni Jehova, at ang pagsagip sa kanila ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat sa digmaan ng Armagedon ay maaaring sumapit nang biglang-bigla at maaaring maganap sa loob ng maikli-ikling yugto ng panahon. (Apocalipsis 16:14, 16; 18:1-5; Ezekiel 38:18-23) Kaya manalangin tayo para sa tulong ng Diyos na manatiling gising sa espirituwal. Tayong lahat sana ay marubdob na manalangin ukol sa pagpapabanal ng pangalan ni Jehova, sa pagdating ng kaniyang Kaharian, at sa paggawa ng kaniyang kalooban sa lupa gaya sa langit. Oo, magpatuloy nawa tayong manampalataya at magpatunay na taimtim ang ating mga panalangin. (Mateo 6:9, 10) Oo, sana’y hanapin muna ng lahat ng umiibig kay Jehova ang Kaharian at ang kaniyang katuwiran at magkaroon sana ng pinakamalaking bahagi hangga’t maaari sa pangangaral ng mabuting balita bago sumapit ang wakas.—Mateo 6:33; 24:14.
Purihin at Pasalamatan si Jehova
7. Ano ang nakaaantig sa iyo tungkol sa panalangin ni David na ang bahagi ay nakaulat sa 1 Cronica 29:10-13?
7 Ang isang mahalagang paraan upang ‘ihanda ang ating mga panalangin na parang insenso’ ay ang taos-pusong papuri at pasasalamat sa Diyos. Gayong panalangin ang inihandog ni Haring David nang siya at ang bayan ng Israel ay mag-abuloy para sa pagtatayo ng templo ni Jehova. Nanalangin si David: “Pagpalain ka nawa, O Jehova na Diyos ng Israel na aming ama, mula sa panahong walang takda maging hanggang sa panahong walang takda. Sa iyo, O Jehova, ang kadakilaan at ang kalakasan at ang kagandahan at ang kamahalan at ang dangal; sapagkat ang lahat ng bagay sa langit at sa lupa ay sa iyo. Sa iyo ang kaharian, O Jehova, ang Isa rin na nagtataas ng iyong sarili bilang pangulo ng lahat. Ang kayamanan at ang kaluwalhatian ay dahil sa iyo, at ikaw ay nagpupuno sa lahat ng bagay; at sa iyong kamay ay may kapangyarihan at kalakasan, at nasa iyong kamay ang kakayahan na magpadakila at magbigay ng lakas sa lahat. At ngayon, O aming Diyos, kami ay nagpapasalamat sa iyo at pinupuri ang iyong magandang pangalan.”—1 Cronica 29:10-13.
8. (a) Anong mga salita ng papuri sa Awit 148 hanggang 150 ang lalo nang nakaantig sa iyong puso? (b) Kung nadarama natin ang gaya ng ipinahayag sa Awit 27:4, ano ang gagawin natin?
8 Anong gandang kapahayagan ng papuri at pasasalamat! Maaaring hindi gayong kagaling ang ating mga panalangin, ngunit ang mga ito ay gayunding kataimtim. Ang aklat ng mga Awit ay punung-puno ng mga panalangin ng pasasalamat at papuri. Ang mga piling salita ng papuri ay masusumpungan sa Awit 148 hanggang 150. Ang pasasalamat sa Diyos ay ipinahahayag sa maraming awit. “Isang bagay na hiniling ko kay Jehova,” ang awit ni David. “Iyon ang aking hahanapin, na ako’y manahanan sa bahay ni Jehova sa lahat ng araw ng aking buhay, upang pagmasdan ang kaigayahan ni Jehova at masdan nang may pagpapahalaga ang kaniyang templo.” (Awit 27:4) Kumilos tayo na kasuwato ng gayong mga panalangin sa pamamagitan ng masigasig na pakikibahagi sa lahat ng gawain ng nagkakatipong pulutong ni Jehova. (Awit 26:12) Ang paggawa nito at pagbubulay-bulay sa Salita ng Diyos sa araw-araw ay magbibigay sa atin ng maraming dahilan upang lapitan si Jehova taglay ang taos-pusong papuri at pasasalamat.
Mapagpakumbabang Hingin ang Tulong ni Jehova
9. Paano nanalangin si Haring Asa, at ano ang naging resulta?
9 Kung tayo’y buong-pusong naglilingkod kay Jehova bilang kaniyang mga Saksi, makatitiyak tayo na dinirinig niya ang ating mga panalangin ng paghingi ng tulong. (Isaias 43:10-12) Isaalang-alang si Haring Asa ng Juda. Mapayapa ang unang 10 taon ng kaniyang 41-taóng pamamahala (977-937 B.C.E.). Pagkatapos ay sinalakay ang Juda ng isang hukbong binubuo ng isang milyong sundalo sa ilalim ni Zera na Etiope. Bagaman lubhang nahihigitan sa bilang, humayo si Asa at ang kaniyang mga tauhan upang salubungin ang mga sumasalakay. Subalit bago ang labanan, marubdob na nanalangin si Asa. Kinilala niya ang kapangyarihan ni Jehova na magligtas. Sa paghiling ng tulong, sinabi ng hari: “Sa iyo kami sumasandig, at sa iyong pangalan kami pumarito laban sa pulutong na ito. O Jehova, ikaw ang aming Diyos. Huwag mong pagtaglayin ng lakas ang taong mortal laban sa iyo.” Ganap na tagumpay ang ibinunga sapagkat iniligtas ni Jehova ang Juda alang-alang sa kaniyang dakilang pangalan. (2 Cronica 14:1-15) Iligtas man tayo ni Jehova sa isang pagsubok o patibayin niya tayo upang mabata iyon, walang alinlangan na dinirinig niya ang ating paghingi ng saklolo.
10. Kapag hindi natin alam kung paano haharapin ang isang krisis, paano nagiging kapaki-pakinabang ang panalangin ni Haring Jehosapat?
10 Kung hindi natin alam kung paano haharapin ang isang krisis, makaaasa tayo na diringgin ni Jehova ang ating mga pagsusumamo ng tulong. Ipinakita ito noong mga araw ng Judeanong si Haring Jehosapat, na ang 25-taóng paghahari ay nagsimula noong 936 B.C.E. Nang ang Juda ay pagbantaan ng pinagsanib na mga puwersa ng Moab, Ammon, at ng bulubunduking pook ng Seir, nagsumamo si Jehosapat: “O aming Diyos, hindi ka ba maglalapat ng kahatulan sa kanila? Sapagkat sa amin ay walang kapangyarihan sa harapan ng malaking pulutong na ito na dumarating laban sa amin; at hindi namin alam kung ano ang dapat naming gawin, ngunit ang aming mga mata ay nakatuon sa iyo.” Sinagot ni Jehova ang mapagpakumbabang panalanging iyan, anupat siya’y nakipaglaban para sa Juda sa pamamagitan ng pagpapasapit ng kalituhan sa mga kaaway kung kaya sila’y nagpatayan sa isa’t isa. Bunga nito, natakot ang nakapalibot na mga bansa, at namayani ang kapayapaan sa Juda. (2 Cronica 20:1-30) Kapag kulang tayo ng karunungan upang harapin ang isang krisis, makapananalangin tayo tulad ni Jehosapat: ‘Hindi namin alam kung ano ang dapat naming gawin, ngunit ang aming mga mata ay nakatuon sa iyo, Jehova.’ Maaaring pangyarihin ng banal na espiritu na maalaala natin ang mga punto sa Kasulatan na kailangan upang malutas ang suliranin, o maaaring tulungan tayo ng Diyos sa isang paraan na nakahihigit sa unawa ng tao.—Roma 8:26, 27.
11. Ano ang matututuhan natin tungkol sa panalangin mula sa ginawa ni Nehemias may kinalaman sa pader ng Jerusalem?
11 Maaaring kailanganin nating magtiyaga sa pananalangin sa paghingi ng tulong ng Diyos. Si Nehemias ay nagdalamhati, tumangis, nag-ayuno, at nanalangin sa loob ng ilang araw tungkol sa gibang pader ng Jerusalem at ang kawawang kalagayan ng mga naninirahan sa Juda. (Nehemias 1:1-11) Maliwanag na pumailanlang sa Diyos ang kaniyang mga panalangin na gaya ng mabangong insenso. Isang araw, tinanong ni Haring Artajerjes ng Persia ang mapanglaw na si Nehemias: “Ano itong hinahangad mong matamo?” “Kaagad,” ulat ni Nehemias, “ako’y nanalangin sa Diyos ng langit.” Ang maikli at tahimik na panalanging iyon ay sinagot, sapagkat pinayagang matupad ang hangarin ni Nehemias sa pamamagitan ng pagtungo sa Jerusalem upang muling itayo ang gibang pader nito.—Nehemias 2:1-8.
Hayaang Turuan Ka ni Jesus Kung Paano Manalangin
12. Sa iyong sariling pananalita, paano mo isusumaryo ang mga pangunahing punto sa huwarang panalangin ni Jesus?
12 Sa lahat ng panalangin na naiulat sa Kasulatan, lalo nang nakapagtuturo ang huwarang panalangin na inihandog ni Jesu-Kristo na parang mabangong insenso. Ganito ang sabi ng Ebanghelyo ni Lucas: “Isa sa mga alagad [ni Jesus] ang nagsabi sa kaniya: ‘Panginoon, turuan mo kami kung paano manalangin, kung paanong si Juan ay nagturo rin sa kaniyang mga alagad.’ Sa gayon ay sinabi niya sa kanila: ‘Kailanma’t kayo ay mananalangin, sabihin, “Ama, pakabanalin mo nawa ang iyong pangalan. Dumating nawa ang iyong kaharian. Ibigay mo sa amin ang aming tinapay para sa bawat araw ayon sa pangangailangan ng araw na iyon. At ipatawad mo sa amin ang aming mga kasalanan, sapagkat kami rin mismo ay nagpapatawad sa bawat isa na may utang sa amin; at huwag mo kaming dalhin sa tukso.” ’ ” (Lucas 11:1-4; Mateo 6:9-13) Isaalang-alang natin ang panalanging ito, na hindi nilayong bigkasin kundi upang magsilbing isang giya.
13. Paano mo ipaliliwanag ang kahulugan ng mga salitang, “Ama, pakabanalin mo nawa ang iyong pangalan”?
13 “Ama, pakabanalin mo nawa ang iyong pangalan.” Ang pagtawag kay Jehova bilang Ama ay isang pantanging pribilehiyo ng kaniyang nakaalay na mga lingkod. Kung paanong ang mga anak ay kusang lumalapit sa isang maawaing ama upang idulog ang anumang kabalisahan, dapat tayong gumugol ng panahon sa may-dignidad at mapitagang pananalangin sa Diyos nang palagian. (Awit 103:13, 14) Dapat masalamin sa ating mga panalangin ang ating pagmamalasakit sa pagpapabanal sa pangalan ni Jehova sapagkat nananabik tayong makitang malinis ito mula sa lahat ng upasalang ibinunton dito. Oo, nais nating ibukod at ituring na banal, o sagrado, ang pangalan ni Jehova.—Awit 5:11; 63:3, 4; 148:12, 13; Ezekiel 38:23.
14. Ano ang ibig sabihin ng manalanging, “Dumating nawa ang iyong kaharian”?
14 “Dumating nawa ang iyong kaharian.” Ang Kaharian ay ang pamamahala ni Jehova na ipinahayag sa pamamagitan ng makalangit na Mesiyanikong pamahalaan sa mga kamay ng kaniyang Anak at ng “mga banal” na kasama ni Jesus. (Daniel 7:13, 14, 18, 27; Apocalipsis 20:6) Iyon ay malapit nang “dumating” laban sa lahat ng makalupang sumasalansang sa soberanya ng Diyos, na bubura sa kanila mula sa tanawin. (Daniel 2:44) Kung magkagayo’y magaganap sa lupa ang kalooban ni Jehova, gaya rin sa langit. (Mateo 6:10) Anong laking kagalakan ang idudulot nito sa lahat ng nilalang na buong-katapatang naglilingkod sa Soberano ng Sansinukob!
15. Ano ang ipinahihiwatig ng paghiling kay Jehova ng ‘ating tinapay para sa bawat araw’?
15 “Ibigay mo sa amin ang aming tinapay para sa bawat araw ayon sa pangangailangan ng araw na iyon.” Ang paghiling kay Jehova ng pagkain “para sa bawat araw” ay nagpapahiwatig na hindi tayo humihingi ng napakaraming paglalaan kundi ng ating pang-araw-araw na pangangailangan lamang. Bagaman nagtitiwala tayo na maglalaan ang Diyos, tayo ay nagtatrabaho pa rin at gumagamit ng anumang angkop na paraan upang magkaroon ng pagkain at iba pang pangangailangan. (2 Tesalonica 3:7-10) Mangyari pa, dapat nating pasalamatan ang ating makalangit na Tagapaglaan dahil sa ang kaniyang pag-ibig, karunungan, at kapangyarihan ang nasa likod ng mga paglalaang ito.—Gawa 14:15-17.
16. Paano natin makakamit ang pagpapatawad ng Diyos?
16 “Ipatawad mo sa amin ang aming mga kasalanan, sapagkat kami rin mismo ay nagpapatawad sa bawat isa na may utang sa amin.” Yamang tayo ay di-sakdal at makasalanan, hindi tayo lubusang makaaabot sa sakdal na mga pamantayan ni Jehova. Kaya naman, kailangang manalangin tayo ukol sa kaniyang pagpapatawad salig sa haing pantubos ni Jesus. Ngunit kung ibig nating ikapit ng “Dumirinig ng panalangin” ang bisa ng haing iyan sa ating mga kasalanan, dapat tayong magsisi at handang tumanggap ng anumang disiplinang ilalapat niya sa atin. (Awit 65:2; Roma 5:8; 6:23; Hebreo 12:4-11) Isa pa, tayo’y makaaasa lamang na mapatatawad ng Diyos kung ating ‘pinatawad ang mga may-utang sa atin,’ yaong nagkakasala sa atin.—Mateo 6:12, 14, 15.
17. Ano ang kahulugan ng mga salitang, “Huwag mo kaming dalhin sa tukso”?
17 “Huwag mo kaming dalhin sa tukso.” Sinasabi kung minsan ng Bibliya na ginagawa ni Jehova ang mga bagay-bagay gayong pinahihintulutan lamang niya na mangyari ang mga ito. (Ruth 1:20, 21) Hindi tayo tinutukso ng Diyos para gumawa ng kasalanan. (Santiago 1:13) Ang mga tukso na gumawa ng masama ay nagmumula sa Diyablo, sa ating makasalanang laman, at sa sanlibutang ito. Si Satanas ang Manunukso na nagsisikap na maniobrahin tayo para magkasala laban sa Diyos. (Mateo 4:3; 1 Tesalonica 3:5) Kapag humihiling tayo na, “Huwag mo kaming dalhin sa tukso,” hinihiling natin sa Diyos na huwag tayong hayaang mabigo kapag tayo’y tinutuksong suwayin siya. Maaari niya tayong patnubayan upang hindi tayo sumuko at hindi malamangan ni Satanas, ang “isa na balakyot.”—Mateo 6:13; 1 Corinto 10:13.
Gumawang Kasuwato ng Iyong mga Panalangin
18. Paano tayo makagagawang kasuwato ng ating mga panalangin para sa isang maligayang pag-aasawa at buhay pampamilya?
18 Saklaw sa huwarang panalangin ni Jesus ang mga pangunahing punto, ngunit maaari tayong manalangin tungkol sa anumang bagay. Halimbawa, maaari tayong manalangin tungkol sa ating hangarin na magkaroon ng isang maligayang pag-aasawa. Upang maingatan ang kalinisan hanggang sa pagpapakasal, makapananalangin tayo para sa pagpipigil sa sarili. Ngunit gumawa tayong kasuwato ng ating mga panalangin sa pamamagitan ng pag-iwas sa imoral na babasahin at libangan. Maging determinado rin tayo na ‘mag-asawa tangi lamang sa Panginoon.’ (1 Corinto 7:39; Deuteronomio 7:3, 4) Kapag nag-asawa na, kakailanganin nating gumawang kasuwato ng ating mga panalangin para sa kaligayahan sa pamamagitan ng pagkakapit ng payo ng Diyos. At kung tayo’y may mga anak, hindi sapat na ipanalanging sila sana’y maging mga tapat na lingkod ni Jehova. Dapat nating gawin ang lahat ng ating makakaya upang ikintal sa kanilang isip ang mga katotohanan ng Diyos sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya at regular na pagdalong kasama nila sa mga pulong Kristiyano.—Deuteronomio 6:5-9; 31:12; Kawikaan 22:6.
19. Ano ang dapat nating gawin kung nananalangin tayo tungkol sa ating ministeryo?
19 Nananalangin ba tayo na sana’y pagpalain ang ating ministeryo? Kung gayo’y kumilos tayo na kasuwato ng gayong mga panalangin sa pamamagitan ng pagkakaroon ng makabuluhang bahagi sa gawaing pangangaral ng Kaharian. Kung nananalangin tayo para sa mga pagkakataong matulungan ang iba na mapunta sa landas tungo sa buhay na walang hanggan, kailangang mag-ingat tayo ng mabuting talaan ng mga interesado at maging handang ilakip sa ating iskedyul ang pagdaraos ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Paano kung nais nating pumasok sa buong-panahong pangangaral bilang isang payunir? Kung gayo’y gumawa tayo ng mga hakbang na kasuwato ng ating mga panalangin sa pamamagitan ng pagpapalawak ng ating gawaing pangangaral at sa pamamagitan ng pakikibahagi sa ministeryo kasama ng mga payunir. Ipakikita ng gayong mga hakbang na tayo’y gumagawang kasuwato ng ating mga panalangin.
20. Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
20 Kung tayo’y tapat na naglilingkod kay Jehova, makatitiyak tayo na sasagutin niya ang ating mga panalangin na kasuwato ng kaniyang kalooban. (1 Juan 5:14, 15) Tiyak, nakakuha tayo ng kapaki-pakinabang na mga punto mula sa pagsusuri sa ilan sa mga panalanging nakaulat sa Bibliya. Tatalakayin sa ating susunod na artikulo ang iba pang maka-Kasulatang giya para sa mga nagnanais na ‘ihanda ang kanilang mga panalangin na parang insenso sa harap ni Jehova.
Paano Mo Sasagutin?
◻ Bakit dapat tayong maghandog ng mga panalangin nang may pananampalataya?
◻ Anong papel ang dapat gampanan ng papuri at pasasalamat sa ating mga panalangin?
◻ Bakit tayo buong-pagtitiwalang makahihingi ng tulong ni Jehova sa panalangin?
◻ Ano ang ilang pangunahing punto sa huwarang panalangin?
◻ Paano tayo makagagawang kasuwato ng ating mga panalangin?
[Larawan sa pahina 12]
Tulad ni Haring Jehosapat, kung minsan ay kailangan tayong manalangin: ‘Hindi namin alam kung ano ang dapat naming gawin, ngunit ang aming mga mata ay nakatuon sa iyo, Jehova’
[Larawan sa pahina 13]
Nananalangin ka ba na kasuwato ng huwarang panalangin ni Jesus?