Ang Pantubos ni Kristo—Ang Paraan ng Diyos Ukol sa Kaligtasan
“Inibig ng Diyos ang sanlibutan nang gayon na lamang anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.”—JUAN 3:16.
1, 2. Ilarawan ang mahirap na kalagayan na kinasadlakan ng lahi ng tao.
IPAGPALAGAY nang ikaw ay may sakit na tiyak na ikamamatay mo maliban nang magpaopera ka. Ano kaya ang madarama mo kung hindi mo kaya ang halaga ng operasyon? Paano kung hindi pa rin sapat kahit pagsamahin pa ng iyong pamilya’t mga kaibigan ang kanilang salapi? Tunay na nakasisiphayo ang mapaharap sa gayong agaw-buhay na kalagayan!
2 Inilalarawan nito ang situwasyon na kinasadlakan ng lahi ng tao. Ang ating unang mga magulang, sina Adan at Eva, ay nilalang na sakdal. (Deuteronomio 32:4) May pag-asa silang mabuhay magpakailanman at tuparin ang layunin ng Diyos: “Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ang lupa at supilin iyon.” (Genesis 1:28) Gayunman, naghimagsik sina Adan at Eva laban sa kanilang Maylalang. (Genesis 3:1-6) Ang kanilang pagsuway ay nagdala ng kasalanan hindi lamang kina Adan at Eva kundi pati na rin sa kanilang di pa naisisilang na mga supling. Sinabi ng tapat na taong si Job noong bandang huli: “Sino ang makapagpapalabas ng sinumang malinis mula sa sinumang marumi? Walang isa man.”—Job 14:4.
3. Paano lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao?
3 Kaya ang kasalanan ay tulad ng isang karamdaman na dumapo sa bawat isa sa atin, sapagkat sinasabi ng Bibliya na “ang lahat ay nagkasala.” Ang kalagayang ito ay humantong sa mga resultang nagsasapanganib sa buhay. Oo, “ang kabayaran na ibinabayad ng kasalanan ay kamatayan.” (Roma 3:23; 6:23) Walang sinuman sa atin ang makaiiwas dito. Lahat ng tao ay nagkakasala, kaya naman, lahat ng tao ay namamatay. Bilang mga inapo ni Adan, isinilang tayo sa ganitong mahirap na kalagayan. (Awit 51:5) “Sa pamamagitan ng isang tao,” sumulat si Pablo, “ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.” (Roma 5:12) Pero hindi ito nangangahulugan na wala na tayong pag-asang makaligtas.
Pag-aalis sa Kasalanan at Kamatayan
4. Bakit sa ganang sarili nila ay hindi maaaring alisin ng mga tao ang sakit at kamatayan?
4 Ano ang kailangan upang maalis ang kasalanan at ang bunga nitong kamatayan? Maliwanag, isang bagay na higit pa kaysa sa mailalaan ng sinumang tao. Nanaghoy ang salmista: “Napakalaki ng kabayaran para sa buhay ng tao. Ang maibabayad niya ay hindi kailanman sasapat upang maingatan siya mula sa libingan, upang mabuhay siya magpakailanman.” (Awit 49:8, 9, Today’s English Version) Totoo, maaari nating pahabain ang ating buhay ng ilang taon sa pamamagitan ng nakapagpapalusog na pagkain at medikal na pangangalaga, ngunit walang sinuman sa atin ang makalulunas sa makasalanang kalagayan na minana natin. Walang sinuman sa atin ang makasasalungat sa nakapagpapahinang mga epekto ng pagtanda at makapagsasauli sa kasakdalan ng ating katawan na unang nilayon ng Diyos para rito. Tiyak na hindi nagmamalabis si Pablo nang isulat niya na dahil sa pagkakasala ni Adan, ang sangnilalang ay “ipinasakop sa kawalang-saysay”—o gaya ng pagkakasalin dito ng The Jerusalem Bible, “pinapangyaring hindi maabot ang layunin nito.” (Roma 8:20) Subalit mabuti na lamang, hindi tayo pinabayaan ng Maylalang. Gumawa siya ng paglalaan upang lubusan nang alisin ang kasalanan at kamatayan. Paano?
5. Paano masasalamin sa Batas na ibinigay sa Israel ang isang malalim na pagpapahalaga sa katarungan?
5 Si Jehova ay “umiibig sa katuwiran at katarungan.” (Awit 33:5) Masasalamin sa kodigo ng Batas na ibinigay niya sa Israel ang isang malalim na pagpapahalaga sa pagiging timbang at walang-kinikilingang hustisya. Halimbawa, sa kalipunan ng mga batas nito, mababasa natin na ‘buhay ang dapat ibigay kapalit ng buhay.’ Sa ibang salita, kung makapatay ang isang Israelita, dapat kunin ang kaniyang buhay bilang kapalit ng kaniyang kinuha. (Exodo 21:23; Bilang 35:21) Kaya magiging balanse ang timbangan ng makadiyos na hustisya.—Ihambing ang Exodo 21:30.
6. (a) Sa anong diwa matatawag na isang mamamaslang si Adan? (b) Anong uri ng buhay ang naiwala ni Adan, at anong uri ng hain ang kakailanganin upang maging balanse ang timbangan ng hustisya?
6 Nang magkasala si Adan, siya’y naging isang mamamaslang. Sa anong diwa? Sa bagay na ipinamana niya ang kaniyang makasalanang kalagayan—at sa gayo’y ang kamatayan—sa lahat ng kaniyang inapo. Dahil sa pagsuway ni Adan kung kaya sa mismong sandaling ito, ang ating katawan ay nanghihina at nakatakdang humantong sa libingan. (Awit 90:10) May isa pang lalong malubhang epekto ang pagkakasala ni Adan. Tandaan, ang naiwala ni Adan para sa kaniyang sarili at sa kaniyang mga supling ay hindi isang ordinaryong buhay na may habang mga 70 o 80 taon. Naiwala niya ang sakdal na buhay—sa katunayan, ang buhay na walang hanggan. Kaya kung ‘buhay ang kapalit ng buhay,’ anong uri ng buhay ang kailangang ibigay upang maipatupad ang katarungan sa kasong ito? Makatuwiran lamang, kailangan ang isang sakdal na buhay ng tao—isang buhay na, gaya ng kay Adan, may potensiyal na magluwal ng sakdal na mga supling na tao. Kung ihahandog bilang hain, ang isang sakdal na buhay ng tao ay hindi lamang magpapangyaring maging balanse ang timbangan ng hustisya kundi magpapaging posible rin sa lubusang pag-aalis sa kasalanan at sa kinahihinatnan nito, ang kamatayan.
Pagtatakip sa Halaga ng Kasalanan
7. Ilarawan ang kahulugan ng salitang “pantubos.”
7 Ang halagang kailangan upang tubusin tayo mula sa kasalanan ay tinutukoy sa Bibliya bilang “isang pantubos.” (Awit 49:7) Sa Ingles, ang terminong iyan ay maaaring tumukoy sa kabayaran na hinihingi ng isang kidnaper bilang kapalit sa isa na kaniyang dinukot. Sabihin pa, sa pantubos na inilaan ni Jehova ay walang nasasangkot na pandurukot. Gayon pa rin ang ideya ng pagbabayad ng isang halaga. Sa katunayan, ang anyong pandiwa ng salitang Hebreo na isinaling “pantubos” ay literal na nangangahulugang “takpan.” Upang mabayaran ang kasalanan, ang pantubos ay dapat na akmang-akma sa tatakpan nito—ang sakdal na buhay ni Adan bilang tao.
8. (a) Ilarawan ang simulain ng pagbiling-muli. (b) Paano nauugnay sa atin bilang makasalanan ang simulain ng pagbiling-muli?
8 Kasuwato ito ng simulain na masusumpungan sa Batas Mosaiko—ang simulain ng pagbiling-muli. Kapag naghirap ang isang Israelita at ipinagbili ang kaniyang sarili upang magpaalipin sa isang di-Israelita, maaari siyang bilhing-muli (o, tubusin) ng isang kamag-anak sa pamamagitan ng pagbabayad sa halaga na itinuturing na katumbas ng halaga ng alipin. (Levitico 25:47-49) Sinasabi ng Bibliya na bilang di-sakdal na mga tao, tayo ay “mga alipin ng kasalanan.” (Roma 6:6; 7:14, 25) Ano ang kailangan upang tayo’y bilhing-muli? Gaya ng nakita natin, ang pagkawala ng isang sakdal na buhay ng tao ay kailangang bayaran ng isang sakdal na buhay ng tao—walang labis, walang kulang.
9. Paano gumawa si Jehova ng paglalaan upang matakpan ang kasalanan?
9 Sabihin pa, tayong mga tao ay isinilang na di-sakdal. Walang sinuman sa atin ang katumbas ni Adan; wala isa man sa atin ang makababayad sa halagang pantubos na hinihingi ng katarungan. Gaya ng nabanggit sa pasimula, para tayong may nakamamatay na karamdaman at hindi kayang bayaran ang operasyon na makalulunas dito. Sa gayong situwasyon, hindi ba tayo magpapasalamat kung may isa na mamamagitan para sa atin at sasagot sa gastos? Ganitung-ganito ang ginawa ni Jehova! Naglaan siya para sa katubusan natin mula sa kasalanan, minsanan at magpakailanman. Oo, handa niyang ibigay sa atin ang hindi natin kailanman makakaya sa ganang sarili natin. Paano? “Ang kaloob na ibinibigay ng Diyos,” isinulat ni Pablo, “ay buhay na walang-hanggan sa pamamagitan ni Kristo Jesus na ating Panginoon.” (Roma 6:23) Inilarawan ni Juan si Jesus bilang “ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.” (Juan 1:29) Tingnan natin kung paano ginamit ni Jehova ang kaniyang sinisintang Anak upang bayaran ang halaga ng pantubos.
“Katumbas na Pantubos”
10. Paano itinuon kina Jose at Maria ang mga hula hinggil sa isang “binhi”?
10 Pagkatapos na pagkatapos ng paghihimagsik sa Eden, ipinahayag ni Jehova ang kaniyang layunin na magluwal ng isang “binhi,” o supling, na tutubos sa sangkatauhan mula sa kasalanan. (Genesis 3:15) Sa pamamagitan ng sunud-sunod na banal na pagsisiwalat, ipinakilala ni Jehova ang angkan na magluluwal sa binhing ito. Dumating ang panahon, ang mga pagsisiwalat na ito ay itinuon kina Jose at Maria, isang magkatipan na naninirahan sa Palestina. Sa isang panaginip, sinabihan si Jose na si Maria ay nagdadalang-tao sa pamamagitan ng banal na espiritu. Sinabi ng anghel: “Siya ay magsisilang ng isang anak na lalaki, at tatawagin mo ang kaniyang pangalan na Jesus, sapagkat ililigtas niya ang kaniyang bayan mula sa kanilang mga kasalanan.”—Mateo 1:20, 21.
11. (a) Paano isinaayos ni Jehova na maisilang ang kaniyang Anak bilang isang sakdal na tao? (b) Bakit may kakayahan si Jesus na maglaan ng isang “katumbas na pantubos”?
11 Talagang hindi ito pangkaraniwang pagdadalang-tao, sapagkat si Jesus ay umiral na sa langit bago naging tao. (Kawikaan 8:22-31; Colosas 1:15) Makahimalang inilipat ni Jehova ang kaniyang buhay sa bahay-bata ni Maria, anupat pinapangyaring maisilang sa lupa bilang tao ang sinisintang Anak na ito ng Diyos. (Juan 1:1-3, 14; Filipos 2:6, 7) Minaniobra ni Jehova ang mga bagay-bagay upang hindi mabahiran si Jesus ng pagkakasala ni Adan. Sa kabaligtaran, si Jesus ay isinilang na sakdal. Kaya naman, taglay niya ang naiwala ni Adan—ang sakdal na buhay ng tao. Sa wakas, isang tao na maaaring magtakip sa halaga ng kasalanan! At iyan mismo ang ginawa ni Jesus noong Nisan 14, 33 C.E. Sa makasaysayang araw na iyon, hinayaan ni Jesus na patayin siya ng mga sumasalansang sa kaniya, sa gayo’y naglaan ng “katumbas na pantubos.”—1 Timoteo 2:6.
Ang Halaga ng Sakdal na Buhay ng Tao
12. (a) Ilarawan ang napakalaking pagkakaiba sa kamatayan ni Jesus at ni Adan. (b) Paano naging “Walang-hanggang Ama” si Jesus para sa masunuring mga tao?
12 May pagkakaiba sa kamatayan ni Jesus at niyaong kay Adan—isang pagkakaiba na nagtatampok sa halaga ng pantubos. Nararapat lamang na mamatay si Adan, sapagkat sadyang sinuway niya ang kaniyang Maylalang. (Genesis 2:16, 17) Sa kabaligtaran, talagang hindi nararapat mamatay si Jesus, sapagkat “hindi siya nakagawa ng kasalanan.” (1 Pedro 2:22) Kaya nang mamatay si Jesus, taglay niya ang isang bagay na totoong mahalaga na hindi taglay ni Adan nang mamatay ito—ang karapatan sa sakdal na buhay ng tao. Sa gayon, ang kamatayan ni Jesus ay may halaga ukol sa paghahain. Nang umakyat sa langit bilang isang espiritung persona, iniharap niya kay Jehova ang halaga ng kaniyang hain. (Hebreo 9:24) Sa paggawa nito, binili ni Jesus ang makasalanang sangkatauhan at siya’y naging kanilang bagong Ama, isang kapalit ni Adan. (1 Corinto 15:45) May mabuting dahilan kung kaya si Jesus ay tinawag na “Walang-hanggang Ama.” (Isaias 9:6) Isip-isipin ang kahulugan nito! Si Adan, isang makasalanang ama, ay nagpalaganap ng kamatayan sa lahat ng kaniyang inapo. Ginamit ni Jesus, isang sakdal na Ama, ang halaga ng kaniyang hain upang pagkalooban ng buhay na walang hanggan ang masunuring mga tao.
13. (a) Ilarawan kung paano kinansela ni Jesus ang pagkakautang ni Adan. (b) Bakit hindi tinatakpan ng hain ni Jesus ang pagkakasala ng ating unang mga magulang?
13 Subalit, paano matatakpan ng isa lamang tao ang kasalanan ng marami? (Mateo 20:28) Sa isang artikulo mga ilang taon na ang nakalipas, inilarawan natin ang pantubos sa ganitong paraan: “Gunigunihin ang isang malaking pabrika na may daan-daang empleado. Dahil sa isang mandarayang manedyer ng pabrika, bumagsak ang negosyo; nagsara tuloy ang pabrikang iyon. Daan-daan ngayon ang walang trabaho at hindi makabayad ng kanilang pagkakautang. Ang kani-kanilang mga kabiyak, mga anak, at, oo, mga pinagkakautangan ay pawang dumaranas ng kahirapan dahilan sa katiwalian ng isang taong iyon! Dumating naman ang isang mayamang tagapagpala na nagbayad ng pagkakautang ng kompanya at muling nabuksan ang pabrika. Ang pagkansela ng pagkakautang na iyan, sa kabilang dako, ay nagdala ng buong kaginhawahan sa maraming empleado, sa kani-kanilang pamilya, at sa mga pinagkakautangan. Subalit ang nasabing manedyer ba ay may bahagi sa panibagong pag-unlad? Hindi, siya’y nakabilanggo at sa gayo’y permanenteng nawalan ng trabaho! Sa katulad na paraan, ang pagkansela sa pagkakautang ni Adan ay nagdudulot ng kapakinabangan sa kaniyang milyun-milyong inapo—ngunit hindi kay Adan.”
14, 15. Bakit matatawag na kusang nagkasala sina Adan at Eva, at paano naiiba sa kanila ang ating situwasyon?
14 Patas lamang ito. Tandaan, sina Adan at Eva ay kusang nagkasala. Pinili nilang suwayin ang Diyos. Sa kabaligtaran, tayo’y isinilang na makasalanan. Wala tayong mapagpipilian. Gaano man ang ating pagsisikap, hindi natin lubusang maiiwasan ang magkasala. (1 Juan 1:8) Kung minsan ay maaaring madama natin ang gaya ng nadama ni Pablo, na sumulat: “Kapag nais kong gawin ang tama, ang masama ay narito sa akin. Tunay ngang nalulugod ako sa batas ng Diyos ayon sa aking pagkatao sa loob, ngunit nakikita ko sa aking mga sangkap ang isa pang batas na nakikipagdigma laban sa batas ng aking pag-iisip at dinadala akong bihag sa batas ng kasalanan na nasa aking mga sangkap. Miserableng tao ako!”—Roma 7:21-24.
15 Oo, dahil sa pantubos, may pag-asa tayo! Si Jesus ang binhi na sa pamamagitan niya, gaya ng ipinangako ng Diyos, “tiyak na pagpapalain ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili.” (Genesis 22:18; Roma 8:20) Binuksan ng hain ni Jesus ang pintuan patungo sa kamangha-manghang mga pagkakataon para sa mga sumasampalataya sa kaniya. Isaalang-alang natin ang ilan sa mga ito.
Kapakinabangan Mula sa Pantubos ni Kristo
16. Sa kabila ng ating makasalanang kalagayan, anong mga kapakinabangan ang maaari nating tamasahin ngayon dahil sa pantubos ni Jesus?
16 Inamin ng manunulat ng Bibliya na si Santiago na “tayong lahat ay natitisod nang maraming ulit.” (Santiago 3:2) Subalit dahil sa pantubos ni Kristo, maaaring pagpaumanhinan ang ating mga pagkakamali. Sumulat si Juan: “Kung ang sinuman ay makagawa ng kasalanan, tayo ay may katulong sa Ama, si Jesu-Kristo, isa na matuwid. At siya ay pampalubag-loob na hain para sa ating mga kasalanan.” (1 Juan 2:1, 2) Sabihin pa, hindi natin dapat ipagwalang-bahala ang kasalanan. (Judas 4; ihambing ang 1 Corinto 9:27.) Gayunman, kung magkasala tayo, maidudulog natin kay Jehova ang nilalaman ng ating puso, anupat nagtitiwalang siya’y “handang magpatawad.” (Awit 86:5; 130:3, 4; Isaias 1:18; 55:7; Gawa 3:19) Kaya dahil sa pantubos ay nakapaglilingkod tayo sa Diyos taglay ang malinis na budhi at nagiging posible na makalapit tayo sa kaniya sa panalangin sa pamamagitan ng pangalan ni Jesu-Kristo.—Juan 14:13, 14; Hebreo 9:14.
17. Dahil sa pantubos, anong mga pagpapala sa hinaharap ang nagiging posible?
17 Ang pantubos ni Kristo ay nagbukas ng daan para sa katuparan ng layunin ng Diyos—na mabuhay magpakailanman sa Paraiso sa lupa ang masunuring mga tao. (Awit 37:29) Sumulat si Pablo: “Gaano man karami ang mga pangako ng Diyos, ang mga iyon ay naging Oo sa pamamagitan niya [ni Jesus].” (2 Corinto 1:20) Totoo, ang kamatayan ay “namahala bilang hari.” (Roma 5:17) Inilaan ng pantubos ang saligan para iligpit ng Diyos ang “huling kaaway” na ito. (1 Corinto 15:26; Apocalipsis 21:4) Maaaring makinabang sa pantubos ni Jesus maging yaong mga namatay na. “Ang oras ay dumarating,” sabi ni Jesus, “na ang lahat niyaong nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig [ni Jesus] at lalabas.”—Juan 5:28, 29; 1 Corinto 15:20-22.
18. Ano ang naging kalunus-lunos na epekto ng kasalanan sa mga tao, at paano ito itutuwid sa bagong sanlibutan ng Diyos?
18 Isipin kung gaano kalugud-lugod na maranasan ang buhay gaya ng nilayon para rito—malaya sa mga kabalisahan na nagpapabigat sa atin ngayon! Ang kasalanan ay naglihis sa atin hindi lamang mula sa Diyos kundi pati sa ating sariling isip, puso, at katawan. Gayunman, nangangako ang Bibliya na sa bagong sanlibutan ng Diyos, “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may-sakit.’ ” Oo, hindi na sasalutin ang sangkatauhan ng pisikal at emosyonal na mga karamdaman. Bakit? Sumagot si Isaias: “Ang bayan na mananahanan sa lupain ay yaong mga pinagpaumanhinan na sa kanilang kamalian.”—Isaias 33:24.
Ang Pantubos—Isang Kapahayagan ng Pag-ibig
19. Paano dapat tumugon ang bawat isa sa atin sa pantubos ni Kristo?
19 Pag-ibig ang nagpakilos kay Jehova upang isugo ang kaniyang sinisintang Anak. (Roma 5:8; 1 Juan 4:9) Pag-ibig din naman ang nag-udyok kay Jesus na ‘tikman ang kamatayan para sa bawat tao.’ (Hebreo 2:9; Juan 15:13) Taglay ang mabuting dahilan, isinulat ni Pablo: “Ang pag-ibig na taglay ng Kristo ang nagtutulak sa amin . . . Namatay siya para sa lahat upang yaong mga nabubuhay ay huwag nang mabuhay pa para sa kanilang mga sarili, kundi para sa kaniya na namatay para sa kanila at ibinangon.” (2 Corinto 5:14, 15) Kung pinahahalagahan natin ang ginawa ni Jesus para sa atin, tutugon tayo. Tutal, dahil sa pantubos ay posible tayong masagip mula sa kamatayan! Tiyak na hindi natin nanaising ipahiwatig sa ating mga ikinikilos na pangkaraniwan lamang para sa atin ang halaga ng hain ni Jesus.—Hebreo 10:29.
20. Ano ang ilang paraan na doo’y tinutupad natin ang “salita” ni Jesus?
20 Paano natin maipakikita ang taos-pusong pagpapahalaga sa pantubos? Nang malapit na siyang dakpin, sinabi ni Jesus: “Kung ang sinuman ay umiibig sa akin, ay tutuparin niya ang aking salita.” (Juan 14:23) Kasali sa “salita” ni Jesus ang kaniyang utos na masigasig tayong makibahagi sa pagtupad sa atas: “Humayo kayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila.” (Mateo 28:19) Kailangan din sa pagsunod kay Jesus ang pagpapakita natin ng pag-ibig sa ating espirituwal na mga kapatid.—Juan 13:34, 35.
21. Bakit dapat tayong dumalo sa pagdiriwang ng Memoryal sa Abril 1?
21 Ang isa sa pinakamainam na paraan na maipakikita natin ang pagpapahalaga sa pantubos ay sa pamamagitan ng pagdalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo, na sa taóng ito ay idaraos sa Abril 1.a Ito rin naman ay bahagi ng “salita” ni Jesus, sapagkat nang pasinayaan ang pagdiriwang na ito, iniutos ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Patuloy ninyong gawin ito sa pag-alaala sa akin.” (Lucas 22:19) Sa pagdalo natin sa pinakamahalagang pangyayaring ito at sa ating maingat na pagsunod sa lahat ng iniutos ni Kristo, ipakikita natin ang ating matatag na pananalig na ang pantubos ni Jesus ang siyang paraan ng Diyos ukol sa kaligtasan. Oo, “walang kaligtasan sa kaninumang iba.”—Gawa 4:12.
[Talababa]
a Sa taóng ito, ang Abril 1 ay katumbas ng Nisan 14, 33 C.E., ang petsa noong mamatay si Jesus. Makipag-alam sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar tungkol sa oras at dako ng pagdiriwang ng Memoryal.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Bakit hindi maaaring bayaran ng mga tao ang kanilang makasalanang kalagayan?
◻ Sa anong paraan isang “katumbas na pantubos” si Jesus?
◻ Paano ginamit ni Jesus para sa ating kapakinabangan ang kaniyang karapatan sa sakdal na buhay ng tao?
◻ Anong mga pagpapala ang dumarating sa sangkatauhan dahil sa pantubos ni Kristo?
[Larawan sa pahina 15]
Isang sakdal na tao lamang—ang katumbas ni Adan—ang makapagbabalanse ng timbangan ng hustisya
[Larawan sa pahina 16]
Yamang si Jesus ay may karapatan sa sakdal na buhay ng tao, ang kaniyang kamatayan ay may halaga ukol sa paghahain