Kaayaayang Pag-uusap—Isang Susi sa Matagumpay na Pag-aasawa
Noong 1778, pinapatente ni Robert Barron ang isang kandado na may dalawahang-gamit at trangka na nanatiling batayan ng modernong kandado. Ang kaniyang disenyo ay gumagamit ng iisang susi upang mabuksan nang sabay ang dalawang trangka ng kandado.
SA KATULAD na paraan, ang isang matagumpay na pag-aasawa ay depende sa magkasamang paggawa ng mag-asawa nang may pagkakaisa. Upang mabuksan at maranasan ang mahahalagang kagalakan sa isang matagumpay na pag-aasawa, napakahalaga ng kaayaayang pag-uusap.
Kung Ano ang Kasangkot sa Kaayaayang Pag-uusap
Ano ba ang kasangkot sa kaayaayang pag-uusap? Binibigyan-kahulugan ng isang diksyunaryo ang pag-uusap bilang “ang pagsasabi o pagpapalitan ng mga kaisipan, opinyon, o impormasyon sa pamamagitan ng pagsasalita, pagsulat, o pagsenyas.” Kaya kasangkot sa pag-uusap ang pagbabahagi ng mga damdamin at ideya. At kasali sa kaayaayang pag-uusap ang nakapagpapatibay, nakarerepresko, may kagalingan, kapuri-puri, at nakaaaliw na bagay.—Efeso 4:29-32; Filipos 4:8.
Ang kaayaayang pag-uusap ay nangyayari dahil sa kumpiyansa, tiwala, at unawa ng isa’t isa. Ang mga katangiang ito ang siyang bunga kapag ang pag-aasawa’y itinuturing na isang habang-buhay na kaugnayan at may tunay na determinasyon na gawin itong matagumpay. Bilang komento hinggil sa kaugnayang ito, ganito ang isinulat ng manunulat ng sanaysay noong ika-18 siglo na si Joseph Addison: “Ang dalawang tao na pinili ang isa’t isa mula sa lahat ng iba pang tao, taglay ang layunin na maging kaaliwan at kaluguran ng isa’t isa, ay, sa paggawa nito, pinagbuklod ang kanilang sarili upang maging masayahin, magiliw, maingat, mapagpatawad, matiisin, at nagagalak, may kinalaman sa mga kahinaan at kasakdalan ng bawat isa, habang buhay.” Anong ligaya ng ganitong pagsasama! At maaaring palamutian ng tulad-hiyas na mga katangiang ito ang iyong pag-aasawa, sapagkat ang mga ito’y makakamit mo sa pamamagitan ng kaayaayang pag-uusap.
Mga Hadlang sa Kaayaayang Pag-uusap
Pinapasok ng karamihan sa mga lalaki’t babae ang pag-aasawa taglay ang positibong kaisipan, at walang kahulilip na kaligayahan pa nga. Gayunman, para sa marami, agad na naglalaho ang walang kahulilip na kaligayahan, at nagiging negatibo na. Ang katiyakan ay nahahalinhan ng mapait na kabiguan, galit, pagkapoot, at matinding pagkayamot pa nga. Sa gayon ang pag-aasawa ay nagiging isang kalagayan na lamang ng pagbabata “hanggang kamatayan.” Kung gayon, upang mapabuti o mapanatili ang kaayaayang pag-uusap na mahalaga sa isang matagumpay na pag-aasawa, dapat madaig ang ilang hadlang.
Maaaring isang tunay na hadlang sa kaayaayang pag-uusap ang takot sa kung ano ang maaaring maging reaksiyon ng kabiyak sa isang impormasyon o ipinahayag na hangarin. Halimbawa, maaaring bumangon ang takot na baka ikaw ay ayawan pagkatapos mong malaman na mayroon kang malubhang personal na kapansanan. Paano mo ipaliliwanag sa isang kabiyak na ang isang napipintong pagpapagamot ay lubhang babago sa hitsura o kakayahan ng isa? Sa gayong mga kalagayan, ang matapat na pag-uusap at pagpaplano para sa hinaharap na pinag-isipang mabuti ay kailangan higit kailanman. Ang berbal na katiyakan ng walang-maliw na pag-ibig, na may kasamang madalas na mga paglalambing, ay magpapahiwatig ng isang personal na interes na tutulong upang itaguyod ang isang kasiya-siyang pag-aasawa. Ang kawikaang ito ay dapat na laging makita sa pag-aasawa: “Ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kabagabagan.”—Kawikaan 17:17.
Ang hinanakit ay isa pang hadlang sa kaayaayang pag-uusap. Angkop ang pagkakasabi na ang isang maligayang pag-aasawa ay ang pagsasama ng dalawang mapagpatawad. Upang umangkop sa paglalarawang ito, gagawin ng mag-asawa ang lahat ng kanilang magagawa upang sundin ang praktikal na payo ni apostol Pablo: “Huwag hayaang lumubog ang araw na kayo ay nasa kalagayang pukáw sa galit.” (Efeso 4:26) Ang pagkakapit ng payong ito sa halip na magkimkim ng galit o hinanakit ay tiyak na nangangailangan ng mapagpakumbabang pag-uusap. Ang magkabiyak sa matagumpay na pag-aasawa ay hindi palaging napadaraig sa galit, pag-aaway, at pagkikimkim ng sama ng loob. (Kawikaan 30:33) Sinisikap nilang tularan ang Diyos, na hindi nagkikimkim ng hinanakit. (Jeremias 3:12) Tunay, nagpapatawaran sila sa isa’t isa mula sa puso.—Mateo 18:35.
Isang tiyak na hadlang sa anumang uri ng pag-uusap ang pagtahimik o pagsasawalang-kibo. Maaaring ito’y pagmumukmok, pagbubuntong-hininga, tulad-robot na pagkilos, at hindi pakikipag-usap ng isa. Ang kabiyak na ganito ang ikinikilos ay nagpapahiwatig ng isang anyo ng kawalang-kasiyahan. Subalit ang prangka at kalugud-lugod na pagsasabi ng personal na mga damdamin ay higit ang nagagawa upang mapabuti ang pagsasama ng mag-asawa kaysa sa pananahimik o pagmumukmok.
Ang hindi matamang pakikinig o ang hindi pakikinig kapag nagsasalita ang kabiyak ay isa pang hadlang na dapat pagtagumpayan para sa mabuting pag-uusap ng malapit na ugnayan ng mag-asawa. Marahil ay pagod na pagod na tayo o abalang-abala tayo upang magkaroon ng mental at emosyonal na lakas na kailangan upang matamang makinig sa bawat isa. Maaaring magkaroon ng mga pagtatalo sa mga kaayusan na mali ang pagkaunawa anupat inaakala ng isang kabiyak na naipaliwanag na niya ito nang husto subalit iginigiit naman ng isa na noon niya lamang ito narinig. Maliwanag, ang hindi mabuting pag-uusap ang siyang may pananagutan sa gayong mga problema.
Kung Paano Itataguyod ang Kaayaayang Pag-uusap
Anong pagkahala-halaga nga na gumugol ng panahon para sa maibigin at kaayaayang pag-uusap! Ang ilan ay gumugugol ng napakaraming panahon sa harap ng TV na nanonood sa buhay-buhay ng ibang tao anupat kakaunti na lamang ang panahon nila para sa kanilang sariling buhay. Kaya, ang pagpatay ng telebisyon ay kadalasang isang mahalagang hakbang upang magkaroon ng kaayaayang pag-uusap.
Subalit, kung paanong may tamang panahon upang magsalita, may panahon din upang tumahimik. Ganito ang sabi ng pantas na tao: “Sa lahat ng bagay ay may takdang panahon, . . . panahon ng pagtahimik at panahon ng pagsasalita.” Oo, mayroon ding angkop na mga salitang sasabihin. “Ang salita sa tamang panahon, O anong buti!” sabi ng isang kawikaan. (Eclesiastes 3:1, 7; Kawikaan 15:23) Kaya tiyakin kung kailan ang pinakamabuting panahon upang sabihin ang iyong punto o ipahayag ang ikinababahala mo. Tanungin ang iyong sarili: ‘Pagod ba o relaks at maginhawa ang isip ng aking kabiyak? Nakapagpapagalit ba ang paksang gusto kong pag-usapan? Ano ba ang hindi nagustuhan ng asawa ko sa mga sinabi ko noong huli kaming mag-usap tungkol sa bagay na ito?’
Makabubuting tandaan na pinakamaganda ang pagtugon ng mga tao kapag nakikita nila kung paanong ang pakikipagtulungan o ang pagsunod sa isang kahilingan ay kapaki-pakinabang sa kanila. Kung nagkaroon ng tensiyon sa pagitan ng mag-asawa, baka sabihin ng isa, “May gumagambala sa akin, at lulutasin natin ito ngayon din!” Sabihin pa, ang eksaktong pananalita ay depende sa mga kalagayan, subalit mas makabubuting ganito ang sabihin, “Mahal, pinag-isipan ko ang napag-usapan natin kanina at kung paano maaaring malutas ang mga bagay-bagay.” Aling paraan ang mas malamang na pahalagahan ng iyong kabiyak?
Oo, napakahalaga kung paano sinabi ang isang bagay. Si apostol Pablo ay sumulat: “Hayaang ang inyong pananalita ay laging may kagandahang-loob, na tinimplahan ng asin.” (Colosas 4:6) Sikaping maging magiliw ang tono ng inyong boses at ang pagpili ng mga salita. Isipin na “ang kaiga-igayang mga pananalita ay bahay-pukyutan, matamis sa kaluluwa at kagalingan sa mga buto.”—Kawikaan 16:24.
Para sa ilang mag-asawa, ang paggawang magkasama sa mga proyekto sa bahay ay nagbibigay ng mainam na kapaligiran para sa pag-uusap. Ang gayong pagtutulungan ay maaaring magpadama ng pagsasama samantalang nagbibigay ng panahon para sa kaayaayang pag-uusap. Para naman sa ibang mag-asawa, ang tahimik na panahon na magkasama nang walang anumang ginagawa ay mas mainam at mas nakatutulong sa kaayaayang pag-uusap.
Kadalasang marami ang matututuhan sa pamamagitan ng pagpansin kung paano nag-uusap sa isa’t isa ang magkasundong mag-asawa. Ano ang nagpangyari sa kanila na maging gayon? Malamang, ang kanilang pagkakasundo at ang pagiging palagay nila kapag sila’y nag-uusap ay bunga ng kanilang personal na pagsisikap, pagtitiyaga, at maibiging konsiderasyon. Malamang na sila man ay marami ring dapat matutuhan noon, sapagkat ang matagumpay na pag-aasawa ay hindi kusang nangyayari. Gaano kahalaga nga, kung gayon, na isaalang-alang ang pangmalas ng iyong kabiyak, upang mapahalagahan ang kaniyang mga pangangailangan, at upang maayos ang maaaring maigting na mga situwasyon sa pamamagitan ng maingat na pananalita. (Kawikaan 16:23) Kung ikaw ay may-asawa, kung gayon, sikaping maging kasiya-siyang kasama at madaling hingan ng tawad. Malaki ang maitutulong nito upang maging matagumpay ang iyong pag-aasawa.
Ibig ng Diyos na Jehova na ang mga tao’y magtamasa ng maligaya at nagtatagal na pag-aasawa. (Genesis 2:18, 21) Subalit ang susi ay nasa kamay niyaong mga pinagbuklod sa pag-aasawa. Nangangailangan ng dalawang maibiging tao na talagang nagtutulungan upang mabuksan ang pinto sa isang matagumpay na pag-aasawa sa pamamagitan ng pagpapakadalubhasa sa sining ng kaayaayang pag-uusap.
[Larawan sa pahina 22]
Ang pagpatay ng TV ay nagbibigay ng higit na panahon para mag-usap
[Mga larawan sa pahina 23]
Binibigkis ng kaayaayang pag-uusap ang mga puso sa pag-ibig na walang maliw