Mga Kabataan—Paglabanan Ninyo ang Espiritu ng Sanlibutan
“Ngayon ay tinanggap natin, hindi ang espiritu ng sanlibutan, kundi ang espiritu na mula sa Diyos.”—1 CORINTO 2:12.
1, 2. (a) Ano ang pagkakaiba ng mga kabataan sa sanlibutan at ng mga kabataan sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova? (b) Anong taos-pusong papuri ang maibibigay sa karamihan ng mga kabataang Saksi?
“ANG ating nakababatang henerasyon ay nasisiraan ng loob, itinakwil, at nagrerebelde.” Iyan ang sabi ng pahayagang The Sun-Herald ng Australia. Idinagdag pa nito: “Ipinakikita ng mga rekord sa hukuman na tumaas ng 22 porsiyento [sa nakalipas na taon] ang bilang ng mga kabataan na kinakasuhan ng malubhang pagsalakay . . . Triple ang dami ng nagpapakamatay na mga bata mula noong kalagitnaang mga taon ng 1960 . . . At ang agwat sa pagitan ng mga kabataan at ng matatanda ay tunay na naging isang bangin na doo’y parami nang parami ang mga kabataang nahuhulog sa kalaliman ng droga, alkohol at paglipol sa sarili.” Gayunman, ang situwasyong ito ay nangyayari hindi lamang sa iisang bansa. Sa buong daigdig, ipinaghihinagpis ng mga magulang, guro, at mga propesyonal sa kalusugang mental ang kalagayan ng mga kabataan.
2 Tunay na napakalaking pagkakaiba ng karamihan sa mga kabataan sa ngayon at ng mahuhusay na kabataang masusumpungan sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova! Hindi naman sa sila’y sakdal. Sila rin naman ay nakikipagpunyagi sa “mga pagnanasa na kaakibat ng kabataan.” (2 Timoteo 2:22) Ngunit bilang isang grupo, may lakas ng loob na nanindigan ang mga kabataang ito sa panig ng tama at tumanggi silang padaig sa mga panggigipit ng sanlibutang ito. Buong-puso naming pinupuri kayong lahat na mga kabataang nagwawagi sa digmaan laban sa “tusong mga gawa” ni Satanas! (Efeso 6:11, talababa sa Ingles) Tulad ni apostol Juan, napakilos kami na magkomento: “Ako ay sumusulat sa inyo, mga kabataang lalaki [at babae], sapagkat kayo ay malalakas at ang salita ng Diyos ay nananatili sa inyo at dinaig ninyo ang isa na balakyot.”—1 Juan 2:14.
3. Ano ang maaaring kahulugan ng salitang “espiritu”?
3 Gayunpaman, upang patuloy na magwagi sa inyong pakikipagbaka laban sa isa na balakyot, dapat na masikap ninyong paglabanan ang tinatawag ng Bibliya na “espiritu ng sanlibutan.” (1 Corinto 2:12) Ayon sa isang awtoridad sa Griego, ang “espiritu” ay maaaring mangahulugan ng “hilig o impluwensiya na lumilipos at umuugit sa kaluluwa ng sinuman.” Halimbawa, kung mapansin mo na ang isa ay palaaway, baka sabihin mo na siya ay may masamang “espiritu.” Ang iyong “espiritu,” hilig, o paraan ng pag-iisip ay may impluwensiya sa iyong mga pagpapasiya; ito ang nag-uudyok ng iyong pagkilos at pananalita. Kapansin-pansin, kapuwa ang mga indibiduwal at mga grupo ay maaaring magpamalas ng isang “espiritu.” Sumulat si apostol Pablo sa isang grupo ng mga Kristiyano: “Ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Panginoong Jesu-Kristo ay mapasa espiritu na ipinakikita ninyo.” (Filemon 25) Kaya, ano nga bang espiritu ang ipinakikita ng sanlibutang ito? Yamang “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot,” si Satanas na Diyablo, ang espiritu ng sanlibutan ay tiyak na masama, hindi ba?—1 Juan 5:19.
Pagkilala sa Espiritu ng Sanlibutan
4, 5. (a) Anong espiritu ang nakaimpluwensiya sa mga nasa kongregasyon sa Efeso bago sila naging mga Kristiyano? (b) Sino ang “tagapamahala ng awtoridad ng hangin,” at ano ang “hangin”?
4 Sumulat si Pablo: “Kayo ang mga binuhay ng Diyos bagaman kayo ay mga patay sa inyong mga pagkakamali at mga kasalanan, na siyang nilakaran ninyo noong una ayon sa sistema ng mga bagay ng sanlibutang ito, ayon sa tagapamahala ng awtoridad ng hangin, ang espiritu na kumikilos ngayon sa mga anak ng pagsuway. Oo, sa gitna nila tayong lahat noong una ay gumawi na kasuwato ng mga nasa ng ating laman, na ginagawa ang mga bagay na hinahangad ng laman at ng mga kaisipan, at tayo ay likas na mga anak ng poot gaya nga ng iba.”—Efeso 2:1-3.
5 Bago matutuhan ang daang Kristiyano, walang kamalay-malay ang mga Kristiyano sa Efeso na sila ay mga tagasunod ng “tagapamahala ng awtoridad ng hangin,” si Satanas na Diyablo. Ang “hangin” na iyan ay hindi isang literal na dako na tinitirahan ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo. Nang isulat ni Pablo ang mga salitang ito, si Satanas na Diyablo at ang kaniyang mga demonyo ay nakaaakyat pa rin sa langit. (Ihambing ang Job 1:6; Apocalipsis 12:7-12.) Ang salitang “hangin” ay nangangahulugang espiritu, o pag-iisip, na nangingibabaw sa sanlibutan ni Satanas. (Ihambing ang Apocalipsis 16:17-21.) Tulad ng hangin sa paligid natin, ang espiritung ito ay nasa lahat ng dako.
6. Ano ang “awtoridad ng hangin,” at paano ito ginagamit sa maraming kabataan?
6 Subalit ano ba ang “awtoridad ng hangin”? Maliwanag na tumutukoy ito sa matinding epekto ng “hangin” na ito sa mga tao. Sinabi ni Pablo na ang espiritu na ito ay ‘kumikilos sa mga anak ng pagsuway.’ Kaya ang espiritu ng sanlibutan ay nagbubunga ng espiritu ng pagsuway at paghihimagsik, at ang panggigipit ng kasamahan ay isang paraan ng paggamit sa awtoridad na ito. “Kapag nasa paaralan ka,” sabi ng isang dalagitang Saksi, “lagi ka na lamang hinihikayat ng lahat na magrebelde nang kaunti. Mas igagalang ka ng mga bata kapag medyo rebelyoso ka.”
Mga Kapahayagan ng Espiritu ng Sanlibutan
7-9. (a) Sabihin ang ilang paraan na doo’y nahahayag ang espiritu ng sanlibutan sa mga kabataan sa ngayon. (b) Napansin ba ninyo ang ilan sa mga bagay na ito sa inyong lugar?
7 Ano ang ilang kapahayagan ng espiritu ng sanlibutan sa gitna ng mga kabataan sa ngayon? Pandaraya at paghihimagsik. Iniulat ng isang magasin na mahigit sa 70 porsiyento ng mga estudyanteng nasa huling dalawang taon sa kolehiyo ang nagsabi na sila’y nandaya noong haiskul. Palasak din ang magaspang, mapanuya, at mahalay na pananalita. Totoo, may pagkakataon na gumamit sina Job at apostol Pablo ng maituturing ng iba na panunuya upang magpahayag ng matuwid na pagkagalit. (Job 12:2; 2 Corinto 12:13) Gayunman, ang malupit na panunuya na naririnig sa labi ng maraming kabataan ay kadalasang katumbas na ng berbal na pang-aabuso.
8 Ang pagmamalabis sa paglilibang ay kapahayagan din ng espiritu ng sanlibutan. Ang mga bahay-aliwan para sa kabataan, mga rave,a at iba pang uri ng magugulong pagkakasayahan ay popular sa mga kabataan. Laganap din naman ang pagmamalabis sa pananamit at pag-aayos. Mula sa maluluwang na istilong hip-hop hanggang sa nakagigimbal na mga uso, gaya ng pagpapabutas sa katawan, marami sa mga kabataan sa ngayon ang nagpapakilala na taglay nila ang mapaghimagsik na espiritu ng sanlibutan. (Ihambing ang Roma 6:16.) Ang pagkagumon sa materyal na mga pag-aari ay isa pang kapahayagan. Ayon sa isang lathalaing pang-edukasyon, “binobomba ng mga nagbebenta ang mga bata sa pamamagitan ng malaking arsenal ng mga pamamaraan at koleksiyon [isang hanay] ng mga produkto.” Kapag nagtapos na sa haiskul ang mga kabataan sa Estados Unidos, sila’y nakapanood na ng 360,000 komersiyal sa TV. Baka gipitin ka rin ng iyong mga kasamahan para bumili. Sabi ng isang 14-anyos na babae: “Lahat na lamang ay nagtatanong, ‘Ano’ng tatak ng pangginaw, dyaket, o maong mo?’ ”
9 Mula pa noong panahon ng Bibliya, ang di-mabuting musika ay isa nang kasangkapan ni Satanas upang pukawin ang mahalay na paggawi. (Ihambing ang Exodo 32:17-19; Awit 69:12; Isaias 23:16.) Hindi nakapagtataka, kung gayon, na popular ang musikang may pang-akit sa sekso—kung hindi man mahalay—na mga liriko, kalapastanganan, at magugulong pumupukaw na indayog. Subalit isa pang kapahayagan ng maruming espiritung ito ng sanlibutan ang seksuwal na imoralidad. (1 Corinto 6:9-11) Nag-ulat ang The New York Times: “Ang sekso para sa maraming tin-edyer ay naging halos isang kahilingan para matanggap ka . . . Mahigit sa dalawang-katlo ng mga nasa huling taon sa haiskul ang nakipagtalik na.” Bumanggit ang isang artikulo sa The Wall Street Journal ng ebidensiya na ang mga batang ang edad ay nasa pagitan ng 8 at 12 ay “nagiging lalong aktibo sa sekso.” Sabi naman ng isang bagong-retirong tagapayo sa paaralan: “Nagsisimula na kaming makakita ng ilang nagdadalang-tao na nasa ikaanim na grado pa lamang.”b
Tanggihan ang Espiritu ng Sanlibutan
10. Paano nagpadaig sa espiritu ng sanlibutan ang ilang kabataan mula sa mga pamilyang Kristiyano?
10 Nakalulungkot, ang ilang kabataang Kristiyano ay nagpadaig sa espiritu ng sanlibutan. “Mabuti ang ikinikilos ko sa harap ng aking mga magulang at mga kapuwa Kristiyano,” inamin ng isang dalagitang Hapones. “Pero may iba pa akong pagkatao.” Sabi naman ng isang kabataan mula sa Kenya: “Matagal-tagal na rin akong may dobleng pamumuhay, na doo’y kasali ang mga parti, musikang rock, at di-mabubuting kaibigan. Alam ko na mali ito, pero sinikap kong ipagwalang-bahala ito, sa pag-asang lilipas din ito. Pero hindi nangyari iyon. Lumala pa ang mga bagay-bagay.” Isa pang kabataan mula sa Alemanya ang nagsabi: “Nagsimula iyon sa pagkakaroon ng maling uri ng mga kaibigan. Pagkatapos ay nanigarilyo ako. Gusto kong saktan ang aking mga magulang, pero sarili ko lamang ang aking sinaktan.”
11. Paano napaglabanan ni Caleb ang pag-ayon sa karamihan nang mag-uwi ng masamang balita ang sampung espiya?
11 Gayunpaman, posible pa ring paglabanan, oo tanggihan, ang espiritu ng sanlibutan. Tingnan ang sinaunang halimbawa ni Caleb. Nang mag-uwi ng masamang balita ang sampung espiya tungkol sa Lupang Pangako, siya, kasama si Josue, ay tumangging matakot at makiayon na lamang sa karamihan. Buong-tapang na ipinahayag nila: “Ang lupain na dinaanan namin upang tiktikan iyon ay pagkabuti-buting lupain. Kung kinalulugdan tayo ni Jehova, tiyak na dadalhin niya tayo sa lupaing iyon at ibibigay iyon sa atin, isang lupain na inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.” (Bilang 14:7, 8) Ano ang nagpangyari kay Caleb para paglabanan ang gayong panggigipit? Sinabi ni Jehova tungkol kay Caleb: “Ibang espiritu ang sumakaniya.”—Bilang 14:24.
Magpakita ng “Ibang Espiritu”
12. Bakit mahalaga na magpakita ng “ibang espiritu” may kinalaman sa pananalita ng isa?
12 Sa ngayon, kailangan ang tibay ng loob at lakas upang magpakita ng “ibang espiritu,” o pag-iisip—isa na naiiba mula sa sanlibutan. Ang isang paraan para magawa ninyo ito ay sa pamamagitan ng pag-iwas sa mapanuya at walang-galang na pananalita. Kapansin-pansin, ang salitang Ingles na “sarcasm” (pagtuya sa Tagalog) ay galing sa isang Griegong pandiwa na literal na nangangahulugang “kagatin ang laman gaya ng mga aso.” (Ihambing ang Galacia 5:15.) Kung paanong ang mga ngipin ng aso ay maaaring manakmal ng laman mula sa isang buto, ang mapanuyang “pagpapatawa” ay maaaring mag-alis sa iba ng kanilang dignidad. Ngunit pinapayuhan kayo ng Colosas 3:8 na “alisin ninyo ang lahat ng mga iyon sa inyo, poot, galit, kasamaan, mapang-abusong pananalita, at malaswang pananalita mula sa inyong bibig.” At sinasabi naman ng Kawikaan 10:19: “Sa karamihan ng mga salita ay hindi magkukulang ng pagsalansang, ngunit ang sumusupil sa kaniyang mga labi ay kumikilos nang may kapantasan.” Kung may mang-insulto sa inyo, magkaroon ng pagpipigil sa sarili na ‘iharap ang kabilang pisngi,’ marahil ay mahinahon at mapayapang kausapin nang sarilinan ang taong abusado.—Mateo 5:39; Kawikaan 15:1.
13. Paano maipakikita ng mga kabataan ang timbang na pangmalas sa materyal na mga bagay?
13 Ang isa pang paraan upang magpakita ng “ibang espiritu” ay ang pagpapanatili ng timbang na pangmalas sa mga materyal na bagay. Sabihin pa, likas lamang na magnais ng magagandang bagay. Si Jesu-Kristo mismo ay maliwanag na nagkaroon ng hindi kukulangin sa isang de-kalidad na kasuutan. (Juan 19:23, 24) Gayunman, kapag ang pagkakaroon ng mga bagay ay naging isa nang pagkahumaling at lagi na lamang ninyong hinihiling sa inyong mga magulang na ibili kayo ng mga bagay na hindi naman talaga nila makakaya, o kapag gusto lamang ninyong gayahin ang ibang mga kabataan, kung gayo’y baka may higit na awtoridad sa inyo ang espiritu ng sanlibutan kaysa sa inaakala ninyo. Sinasabi ng Bibliya: “Ang lahat ng bagay sa sanlibutan—ang pagnanasa ng laman at ang pagnanasa ng mga mata at ang pagpaparangya ng kabuhayan ng isa—ay hindi nagmumula sa Ama, kundi nagmumula sa sanlibutan.” Oo, huwag kayong padaig sa awtoridad ng materyalistikong espiritu ng sanlibutan! Maging kontento na sa inyong tinataglay.—1 Juan 2:16; 1 Timoteo 6:8-10.
14. (a) Paano nagpakita ang bayan ng Diyos noong panahon ni Isaias ng di-timbang na pangmalas sa paglilibang? (b) Anong mga panganib ang nakaharap ng ilang kabataang Kristiyano sa mga bahay-aliwan at magugulong parti?
14 Mahalaga rin na panatilihin sa wastong dako nito ang paglilibang. Ganito ang ipinahayag ni propeta Isaias: “Sa aba ng mga maagang bumabangon sa kinaumagahan upang makapaghanap lamang sila ng nakalalangong inumin, na nagtatagal hanggang sa kadiliman ng gabi anupat pinagniningas sila ng alak! At dapat na may alpa at panugtog na de-kuwerdas, tamburin at plawta, at alak sa kanilang mga piging; ngunit ang gawain ni Jehova ay hindi nila tinitingnan, at ang gawa ng kaniyang mga kamay ay hindi nila nakikita.” (Isaias 5:11, 12) Nakalulungkot sabihin, ang ilang kabataang Kristiyano ay sumali sa gayong magugulong parti. Nang hilingan ang isang grupo ng mga kabataang Kristiyano na ilarawan ang nangyayari sa mga bahay-aliwan para sa mga kabataan, ganito ang sabi ng isang kabataang sister: “Lagi na lamang may nag-aaway. Nasusumpungan ko na lamang na sangkot na pala ako sa mga ito.” Idinagdag pa ng isang kabataang brother: “Inuman, paninigarilyo, mga bagay na katulad nito.” Inamin ng isa pang kabataang brother: “Nalalasing ang mga tao. Para silang mga hibang! At nariyan pa ang droga. Maraming masamang nangyayari. Kung pupunta ka roon at iisiping hindi ka maaapektuhan, nagkakamali ka.” May mabuting dahilan, kung gayon, na itinala ng Bibliya ang maiingay na pagsasaya, o “magugulong parti,” bilang isa sa “mga gawa ng laman.”—Galacia 5:19-21; Byington; Roma 13:13.
15. Anong timbang na pangmalas sa paglilibang ang ibinibigay ng Bibliya?
15 Hindi naman magiging malungkot ang inyong buhay kung iiwas kayo sa nakapipinsalang paglilibang. Sinasamba natin ang isang “maligayang Diyos,” na nagnanais na kayo ay masiyahan sa inyong kabataan! (1 Timoteo 1:11; Eclesiastes 11:9) Ngunit nagbababala ang Bibliya: “Siyang umiibig sa kasayahan [“paglilibang,” Lamsa] ay magiging taong nasa kakapusan.” (Kawikaan 21:17) Oo, kung ginagawa ninyong pinakamahalagang bagay sa inyong buhay ang paglilibang, daranas kayo ng espirituwal na kakapusan. Kaya sundin ang mga simulain sa Bibliya sa inyong pagpili ng libangan. Maraming paraan upang maging masaya na magpapatibay sa inyo at hindi kayo pipinsalain.c—Eclesiastes 11:10.
16. Paano maipakikita ng mga kabataang Kristiyano na sila’y naiiba?
16 Ang kahinhinan sa inyong pananamit at pag-aayos, pagtanggi sa mga uso ng sanlibutan, ay magpapakilala na kayo’y naiiba. (Roma 12:2; 1 Timoteo 2:9) Gayundin ang pagiging maingat sa pagpili ng inyong musika. (Filipos 4:8, 9) “Mayroon akong musika na alam kong dapat kong itapon,” pagtatapat ng isang kabataang Kristiyano, “pero masarap itong pakinggan!” Inamin din ng isa pang kabataang lalaki: “Para sa akin ay isang patibong ang musika dahil gustung-gusto ko ito. Kung matuklasan kong may mali rito, o kung itawag-pansin iyon sa akin ng aking mga magulang, talagang kailangan kong pilitin ang aking isip na utusan ang aking puso dahil gustung-gusto ko ang musikang iyon.” Mga kabataan, huwag maging “walang-alam sa mga pakana [ni Satanas]”! (2 Corinto 2:11) Ginagamit niya ang musika upang ilayo ang mga kabataang Kristiyano mula kay Jehova! Nagkaroon na ng mga artikulo sa mga publikasyon ng Watch Tower na tumatalakay sa musikang rap, heavy metal, at alternative rock.d Subalit, hindi naman posibleng makapagkomento ang mga publikasyon ng Watch Tower sa bawat bagong uri at istilo ng musika na maaaring dumating. Samakatuwid, dapat ninyong gamitin ang “kakayahang mag-isip” at “kaunawaan” kapag pumipili kayo ng musika.—Kawikaan 2:11.
17. (a) Ano ba ang por·neiʹa, at anong mga gawain ang kasali rito? (b) Ano ang kalooban ng Diyos pagdating sa mga bagay tungkol sa moralidad?
17 Sa wakas, dapat kayong manatiling malinis sa moral. Nagpapayo ang Bibliya: “Tumakas kayo mula sa pakikiapid.” (1 Corinto 6:18) Ang orihinal na salitang Griego para sa pakikiapid, ang por·neiʹa, ay tumutukoy sa lahat ng ipinagbabawal na gawaing seksuwal na kinasasangkutan ng paggamit ng sangkap sa pag-aanak ng mga hindi mag-asawa. Kasali riyan ang oral sex at sadyang paghihipuan sa mga sangkap sa pag-aanak. Maraming kabataang Kristiyano ang gumagawa ng ganito, anupat iniisip na hindi naman talaga sila nakikiapid. Gayunman, maliwanag na sinasabi ng Salita ng Diyos: “Ito ang kalooban ng Diyos, ang pagpapabanal sa inyo, na kayo ay umiwas sa pakikiapid; na ang bawat isa sa inyo ay dapat makaalam kung paano aariin ang kaniyang sariling sisidlan sa pagpapabanal at karangalan.”—1 Tesalonica 4:3, 4.
18. (a) Paano maiiwasan ng isang kabataan ang mahawahan ng espiritu ng sanlibutan? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
18 Oo, sa tulong ni Jehova, maiiwasan ninyong mahawa sa espiritu ng sanlibutan! (1 Pedro 5:10) Gayunpaman, madalas na ikinukubli ni Satanas ang kaniyang nakamamatay na mga bitag, at kung minsan ay kailangan ng malaking kaunawaan upang madama ang panganib. Ang ating susunod na artikulo ay dinisenyo upang tulungan ang mga kabataan na magkaroon ng kakayahan sa pang-unawa.
[Mga talababa]
a Mga sayawan na karaniwang inaabot ng magdamag. Para sa higit pang impormasyon, tingnan “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Ang mga ‘Rave’ ba ay Di-Nakapipinsalang Katuwaan?” sa Disyembre 22, 1997, na labas ng Gumising!
b Mga batang halos 11 taóng gulang.
c Para sa mga mungkahi, tingnan ang pahina 296-303 ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas.
d Tingnan ang Abril 15, 1993 na isyu ng Ang Bantayan.
Mga Tanong sa Repaso
◻ Ano ang “espiritu ng sanlibutan,” at paanong ito ay may “awtoridad” sa mga tao?
◻ Ano ang ilang kapahayagan ng espiritu ng sanlibutan sa gitna ng mga kabataan sa ngayon?
◻ Paano maipakikita ng mga kabataang Kristiyano ang “ibang espiritu” may kinalaman sa pananalita at paglilibang?
◻ Paano maipakikita ng mga kabataang Kristiyano ang “ibang espiritu” may kinalaman sa moral at musika?
[Larawan sa pahina 9]
Ipinakikita ng maraming kabataan sa pamamagitan ng kanilang paggawi na sila’y nasa ilalim ng “awtoridad” ng espiritu ng sanlibutan
[Larawan sa pahina 10]
Maging maingat sa pagpili ng iyong musika
[Larawan sa pahina 11]
Kailangan ng lakas ng loob upang paglabanan ang espiritu ng sanlibutan