Tumulong Siya sa Pagpapalaganap ng Liwanag “Hanggang sa Dulo ng Lupa”
SI APOSTOL Pablo ay ginamit sa pagpapalaganap ng liwanag “hanggang sa dulo ng lupa.” Bunga nito, ang marami na “wastong nakaayon para sa buhay na walang-hanggan ay naging mga mananampalataya.”—Gawa 13:47, 48; Isaias 49:6.
Ang masidhing pagnanais na palaganapin ang espirituwal na liwanag ay maaaninaw rin sa matapat na pamumuhay at walang-pagkapagod na Kristiyanong pagsisikap ni William Lloyd Barry, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. Namatay si Kapatid na Barry noong Hulyo 2, 1999, samantalang may tuwirang bahagi sa paglilingkod sa isang pandistritong kombensiyon sa Hawaii.
Si Lloyd Barry ay isinilang sa New Zealand noong Disyembre 20, 1916. Maaga pa rito, ang kaniyang ina at ama ay nagkaroon ng aktibong interes sa mga katotohanan sa Bibliya na tinalakay sa mga publikasyon ni C. T. Russell, na ipinamahagi ng Watch Tower Bible and Tract Society. Dahil dito, si Kapatid na Barry ay lumaki sa isang matapat na Kristiyanong sambahayan.
Bagaman interesado sa palakasan at sa edukasyon, at nagkaroon pa nga ng isang titulo sa siyensiya, pinanatili ni Kapatid na Barry ang kaniyang matamang pansin sa espirituwal na mga bagay. Kaya noong Enero 1, 1939, siya ay pumasok sa buong-panahong ministeryo at naging miyembro ng pamilyang Bethel sa tanggapan ng Samahan sa Australia. Pagkaraang ipagbawal ng pamahalaan ang Samahan noong 1941, naging abala si Kapatid na Barry sa mga gawain sa opisina, na kung minsan ay naaatasang sumulat ng materyal para sa ikatitibay ng mga kapananampalataya. Naging huwaran din siya sa pangunguna sa pangmadlang ministeryo.
Noong Pebrero 1942, si Kapatid na Barry ay nag-asawa ng isang naglilingkod din nang buong panahon. Ang kaniyang maibiging asawa, si Melba, ay matapat na nakasama niya sa gawain sa lahat ng taóng ito sa iba’t ibang bahagi ng lupa. Isang malaking hakbangin may kaugnayan sa paglilingkod sa banyagang lupain ang kanilang ginawa nang sila’y dumalo sa ika-11 klase ng Watchtower Bible School of Gilead sa Estados Unidos. Ang kanilang atas ay isang lugar na maaaring ituring ng karamihan na ‘isang dulo ng lupa’—ang Hapon. Nang makarating sila roon noong Nobyembre 1949, nagpasimula silang maglingkod bilang mga misyonero sa daungang lunsod ng Kobe. Sa panahong iyon, 12 katao lamang ang nangangaral ng mabuting balita sa Hapon. Natutuhan ni Kapatid na Barry ang wika at ang mga kaugalian sa kaniyang bagong tirahan, at nagkaroon siya ng masidhing pagmamahal sa mga Hapones, na kaniyang pinaglingkuran sa sumunod na 25 taon. Ang kaniyang pag-ibig para sa mga “wastong nakaayon para sa buhay na walang-hanggan” ay kitang-kita sa lumalaking Kristiyanong kapatiran sa Hapon, anupat nakatulong ito sa kaniya na maging epektibo sa pangangasiwa sa sangay sa loob ng mga dekada.
Noong kalagitnaan ng 1975, nang may mga 30,000 Saksi pa lamang sa Hapon, ang mga Barry ay inilipat sa Brooklyn, New York. Bilang isang Kristiyanong pinahiran ng espiritu, naanyayahan si Kapatid na Barry na maglingkod bilang isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. (Roma 8:16, 17) Ang kaniyang karanasan sa pagsulat ay napatunayan na totoong kapaki-pakinabang sa kaniyang bagong atas sa Writing Department. At ang kaniyang malawak na karanasan sa sangay at sa ibang mga bansa ay nagsangkap sa kaniya upang makapaglaan siya ng mahalagang tulong bilang miyembro ng Publishing Committee ng Lupong Tagapamahala.
Sa paglipas ng mga taon, nanatili pa rin ang pag-ibig ni Kapatid na Barry para sa Silangan at sa mga naninirahan dito. Ang mga mag-aaral sa Paaralang Gilead gayundin ang mga miyembro ng pamilyang Bethel ay nakatitiyak na ang kaniyang mga pahayag at komento ay magtatampok ng nakagagalak-pusong mga salaysay hinggil sa marami na naglingkod bilang mga misyonero. Tunay na naging buháy na buháy ang mga gawain sa pangangaral ng Kaharian habang masiglang ikinukuwento ni Kapatid na Barry ang kaniyang sariling mga karanasan. Ang ilan sa mga ito ay nabanggit sa sarili niyang kasaysayan na inilimbag sa The Watchtower ng Setyembre 15, 1960.
Makatitiyak tayo na bilang isang ‘kasamang tagapagmana ni Kristo,’ ang interes ni Kapatid na Barry sa mga “wastong nakaayon para sa buhay na walang-hanggan” ay magpapatuloy. Mangyari pa, palagi siyang maaalala ng lahat ng nakakakilala at nagmamahal sa kaniya bilang isang espirituwal na lalaki, na lubusang tapat kay Jehova at may magiliw na pagmamahal sa bayan ng Diyos. Gayunman, tayo ay nagagalak na nagtapat si Kapatid na Barry hanggang sa katapusan ng kaniyang makalupang buhay.—Apocalipsis 2:10.
[Larawan sa pahina 16]
Sina Lloyd Barry at John Barr nang ilabas ang “Insight on the Scriptures” noong 1988
[Larawan sa pahina 16]
Ang mga nagtapos sa ika-11 klase ng Gilead, na nagtagpo sa Hapon makaraan ang 40 taon