Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w99 10/15 p. 8-11
  • Natututuhan ang Nakahihigit na Daan ng Pag-ibig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Natututuhan ang Nakahihigit na Daan ng Pag-ibig
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kailangang Matutuhan Nating Ibigin ang Diyos
  • Natututuhang Ibigin ang Ating Kapuwa
  • Hinahayaang Lumago ang Iyong Pag-ibig
  • Kailangan ang Patuluyang Pagsisikap
  • Kung Ano ang Ibig Sabihin ng Ibigin ang Ating Kapuwa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • Ibigin ang Diyos na Umiibig sa Iyo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • ‘Ibigin Mo si Jehova na Iyong Diyos’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2014
  • Iniibig Mo Ba ang Iyong Kapuwa Gaya ng Iyong Sarili?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2015
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
w99 10/15 p. 8-11

Natututuhan ang Nakahihigit na Daan ng Pag-ibig

Kosovo, Lebanon, at Ireland. Ang mga pangalang ito ang malimit na lumitaw sa balita sa nakaraang mga taon. Ipinaaalaala nito sa isip ng mga tao ang mga eksena ng pagbububo ng dugo, pambobomba, at pagpatay. Mangyari pa, hindi na bago ang mararahas na alitan na bunga ng relihiyoso, panlahi, pang-etniko, o iba pang mga pagkakaiba. Sa katunayan, punô ng ganito ang mga pahina ng kasaysayan, at nagdulot ang mga ito ng di-mabilang na pasakit sa sangkatauhan.

SA PAGKAALAM na maraming digmaan na ang naganap sa kasaysayan, marami ang naniniwala na totoong hindi maiiwasan ang mga digmaan at na likas sa mga tao na mapoot sa isa’t isa. Gayunman, ang gayong mga pangmalas ay lubusang taliwas sa itinuturo ng Salita ng Diyos, ang Bibliya. Buong-linaw na inihayag ng Kasulatan: “Siya na hindi umiibig ay hindi nakakilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Maliwanag na nais ng Maylalang na mag-ibigan ang mga tao sa isa’t isa.

Isinisiwalat din ng Bibliya na ang tao ay nilalang sa larawan ng Diyos. (Genesis 1:26, 27) Nangangahulugan ito na binigyan ang tao ng kakayahang ipamalas ang mga katangian ng Diyos, kung saan ang pinakaprominente ay ang pag-ibig. Kung gayon, bakit bigung-bigo ang mga tao sa pagpapakita ng pag-ibig sa isa’t isa sa buong kasaysayan? Muli, inilalaan ng Bibliya ang malalim na unawa. Ito ay dahil sa ang unang mag-asawa, sina Adan at Eva, ay naghimagsik laban sa Diyos at nahulog sa kasalanan. Bunga nito, lahat ng kanilang anak ay nagmana ng kasalanan at di-kasakdalan. Nagpapaliwanag ang Roma 3:23: “Ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos.” Ang ating bigay-Diyos na kakayahang umibig ay nabahiran ng ating minanang kasalanan at di-kasakdalan. Nangangahulugan ba ito na hindi na maaaring mag-ibigan pa ang mga tao sa isa’t isa? Anong pag-asa mayroon na maaari pa nating matamasa ang isang mapayapa at maibiging kaugnayan sa ating mga kapuwa?

Kailangang Matutuhan Nating Ibigin ang Diyos

Alam ng Diyos na Jehova na sa kabila ng lahat, may kakayahan pa rin ang tao na magpakita ng pag-ibig. Ito ang dahilan kung bakit kaniyang hinihiling sa lahat ng nais na mapalugdan siya na magpakita sila ng pag-ibig sa abot ng kanilang makakaya. Ang kahilingang ito ay nilinaw ng Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, nang siya’y tanungin kung ano ang pinakadakilang utos sa Batas na ibinigay sa Israel. Sinabi niya: “ ‘Ibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo.’ Ito ang pinakadakila at unang kautusan.” Pagkatapos ay idinagdag niya: “Ang ikalawa, na tulad nito, ay ito, ‘Ibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’ Sa dalawang kautusang ito ay nakasalalay ang buong Batas.”​—Mateo 22:37-40.

Gayunman, maraming tao ang nakadarama na napakahirap ibigin ang isa na hindi nila nakikita, at tayong mga tao ay hindi nakakakita sa Diyos na Jehova sapagkat siya’y isang Espiritu. (Juan 4:24) Subalit araw-araw tayong naaapektuhan ng ginagawa ng Diyos, yamang tayong lahat ay nakadepende sa maraming mabubuting bagay na kaniyang nilalang para sa ating kapakinabangan. Idiniin ni apostol Pablo ang katotohanang ito nang kaniyang sabihin: “Hindi iniwan [ng Diyos na] walang patotoo ang kaniyang sarili sa bagay na gumawa siya ng mabuti, na nagbibigay sa inyo ng mga ulan mula sa langit at mabubungang kapanahunan, na lubusang pinupunô ang inyong mga puso ng pagkain at pagkagalak.”​—Gawa 14:17.

Bagaman ang lahat ay nakikinabang sa mga paglalaan ng Maylalang sa paanumang paraan, iilan lamang ang tumatanaw ng utang na loob sa kaniya o napakikilos na magpasalamat sa kaniya. Kung gayon, kailangan nating pakaisipin ang lahat ng mabubuting bagay na ginawa ng Diyos para sa atin at bulay-bulayin ang kahanga-hangang mga katangian na napapaloob sa lahat ng kaniyang ginagawa. Ang paggawa ng gayon ay magpapangyari sa ating maunawaan ang kagila-gilalas na karunungan at kapangyarihan ng ating Dakilang Maylalang. (Isaias 45:18) Higit sa lahat, ito’y dapat tumulong sa ating makita na siya ay tunay na maibiging Diyos, sa bagay na hindi lamang niya tayo pinagkalooban ng buhay kundi pinaging posible para sa atin na matamasa ang maraming kaluguran sa buhay.

Halimbawa, isipin ang walang-katapusang pagkasari-sari ng magagandang bulaklak na nilalang ng Diyos sa lupa. Anong pagkabuti para sa atin na binigyan niya rin tayo ng kakayahang makakita at magkaroon ng kaluguran mula sa mga bagay na ito ng kagandahan! Sa katulad na paraan, naglaan ang Diyos ng iba’t ibang masusustansiyang pagkain para sa ating ikabubuhay. Gayon na lamang ang kaniyang pagkamaalalahanin anupat kaniya ring nilalang tayo na may panlasa upang maranasan natin ang kaluguran sa pagkain! Hindi ba maliwanag na mga patotoo ito na tayo’y tunay na iniibig ng Diyos at kaniyang iniisip ang pinakamabuti para sa atin?​—Awit 145:16, 17; Isaias 42:5, 8.

Bukod sa pagsisiwalat ng kaniyang sarili sa atin sa pamamagitan ng “aklat ng kalikasan,” ipinakikita rin sa atin ng Maylalang kung anong uri siya ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya. Ito’y sapagkat iniulat sa Bibliya ang marami sa maiibiging bagay na ginawa ng Diyos na Jehova noon at ang di-mabilang na mga pagpapalang ipinangangako niyang ipagkakaloob sa sangkatauhan sa malapit na hinaharap. (Genesis 22:17, 18; Exodo 3:17; Awit 72:6-16; Apocalipsis 21:4, 5) Higit sa lahat, isinisiwalat ng Bibliya sa atin ang pinakadakilang kapahayagan ng pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan​—ang pagbibigay niya ng kaniyang bugtong na Anak upang maging ating Pantubos nang sa gayon ay mapalaya tayo mula sa pagkabihag ng kasalanan at kamatayan. (Roma 5:8) Oo, habang higit tayong natututo hinggil sa ating maibiging Maylalang, higit tayong napakikilos na ibigin siya nang taos-puso.

Natututuhang Ibigin ang Ating Kapuwa

Tulad ng binanggit ni Jesus, bukod sa pag-ibig sa Diyos ng ating buong puso, kaluluwa, at pag-iisip, kailangan nating ibigin ang ating kapuwa gaya ng ating sarili. Sa katunayan, ang pag-ibig sa Diyos ang nag-oobliga sa atin na ibigin ang ating kapuwa. Ipinaliwanag ni apostol Juan: “Mga iniibig, kung sa ganitong paraan tayo inibig ng Diyos, samakatuwid tayo mismo ay nasa ilalim ng obligasyon na mag-ibigan sa isa’t isa.” Lalo pa niyang idiniin: “Kung sasabihin ng sinuman: ‘Iniibig ko ang Diyos,’ at gayunma’y napopoot sa kaniyang kapatid, siya ay sinungaling. Sapagkat siya na hindi umiibig sa kaniyang kapatid, na nakita niya, ay hindi makaiibig sa Diyos, na hindi niya nakita. At ang kautusang ito ay taglay natin mula sa kaniya, na ang umiibig sa Diyos ay dapat na umibig din sa kaniyang kapatid.”​—1 Juan 4:11, 20, 21.

Sa ngayon, tayo ay nabubuhay sa isang sanlibutan na kung saan karamihan ng tao ay may saloobing ako-muna, palibhasa’y “mga maibigin sa kanilang sarili,” gaya ng inihula ng Bibliya. (2 Timoteo 3:2) Samakatuwid, kung nais nating matutuhan ang nakahihigit na daan ng pag-ibig, kailangan tayong gumawa ng taimtim na pagsisikap na baguhin ang ating pag-iisip at tularan ang ating maibiging Maylalang, sa halip na sundan ang makasariling landasin na tinatahak ng karamihan. (Roma 12:2; Efeso 5:1) Ang Diyos pa nga ay “mabait sa mga walang utang-na-loob at balakyot,” at “pinasisikat niya ang kaniyang araw sa mga taong balakyot at sa mabubuti at nagpapaulan sa mga taong matuwid at sa mga di-matuwid.” Yamang ang ating makalangit na Ama ay naglaan ng gayong kadakilang halimbawa para sa atin, dapat tayong magsikap na maging mabait at matulungin sa lahat. Sa paggawa nito, pinatutunayan natin ang ating sarili na ‘mga anak ng ating maibiging makalangit na Ama.’​—Lucas 6:35; Mateo 5:45.

Kung minsan, ang gayong maibiging mga gawa ay nakatutulong upang ang mga tao ay maging mananamba ng tunay na Diyos. Ilang taon na ang nakalipas, sinikap ng isang may-bahay na Saksi ni Jehova na ibahagi ang mensahe ng Bibliya sa kaniyang kapitbahay, subalit mariing tinanggihan ito. Gayunman, hindi siya nasiraan ng loob dahil sa naging tugon. Sa halip, siya ay patuloy na nagpamalas ng kabaitan at nagsikap na maging matulungin sa kapitbahay. Minsan ay tinulungan niya ang kapitbahay sa paglipat nito sa ibang tirahan. Sa isa pang pagkakataon, gumawa siya ng kaayusan upang may makasama ang kapitbahay sa pagsundo nito ng mga kamag-anak sa paliparan. Di-nagtagal, tumanggap ng isang pag-aaral sa Bibliya ang kapitbahay, at nang malaunan ay naging isang masigasig na Kristiyano sa kabila ng matinding pag-uusig ng kaniyang asawang lalaki. Oo, ang gayong mga kapahayagan ng pag-ibig ang naging saligan para sa walang-hanggang mga pagpapala.

Kung magiging tapat tayo, aaminin natin na hindi tayo iniibig ng Diyos dahil sa marami tayong kanais-nais na mga katangian. Sa kabaligtaran, iniibig niya tayo bagaman marami tayong pagkakamali at pagkukulang. Yamang gayon, kailangang pag-aralan din nating ibigin ang ating kapuwa sa kabila ng kanilang maraming kahinaan. Kung sinasanay natin ang ating sarili na tingnan at mapahalagahan ang mahuhusay na katangian ng iba sa halip na hanapin ang kanilang pagkakamali, masusumpungan nating mas madali na ibigin sila. Ang ating nadarama sa kanila ay maaari pa ngang humigit kaysa sa pag-ibig na inuugitan ng simulain at malakipan iyon ng mainit na pagmamahal at pagkagiliw na umiiral sa pagitan ng malapit na magkakaibigan.

Hinahayaang Lumago ang Iyong Pag-ibig

Ang pag-ibig at pagkakaibigan ay dapat alagaan at pagyamanin, at kasama sa mga sangkap na kailangan dito ay ang kataimtiman at katapatan. Sinisikap itago ng ilan ang kanilang mga kahinaan upang makapag-iwan sila ng kaayaayang impresyon sa mga taong nais nilang kaibiganin. Gayunman, malimit na nakasasamâ pa nga ang gayong gawain, yamang sa malao’t madali ay matutuklasan din ng iba ang katotohanan at mawawalan sila ng gana sa gayong pagsisinungaling. Samakatuwid, hindi tayo dapat mangamba na ipakilala sa iba kung sino tayo talaga​—bagaman may mga kahinaan tayong pinagsisikapan nating mapagtagumpayan. Maaaring makatulong ito na mapasimulan ang pakikipagkaibigan sa kanila.

Halimbawa, isang maygulang na babaing Saksi sa isang kongregasyon sa Dulong Silangan ang hindi gaanong nakapag-aral. Subalit, hindi niya sinisikap itago ang katotohanang iyon sa iba. Halimbawa, hayagan niyang inaamin na hindi niya kayang ipaliwanag sa iba kung paano patutunayan mula sa mga hula at kasaysayan sa Bibliya na ang Panahon ng mga Gentil ay nagtapos noong 1914.a Gayunman, isa siyang mahusay na halimbawa sa kasigasigan sa ministeryo, gayundin sa pag-ibig at pagkabukas-palad sa mga kapatid, anupat siya ay maibiging tinatawag na hiyas ng kongregasyon.

Sa ilang kultura, ang hayagang pagpapakita ng pagmamahal ay hindi sinasang-ayunan; ang mga tao ay tinuturuang manatiling pormal sa kanilang pakikitungo sa iba. Bagaman mainam na maging magalang at makonsiderasyon, hindi natin dapat hayaang mapigilan o maitago ng ating pagkamapitagan ang pagpapakita ng ating damdamin sa iba. Hindi nakadama ng pagkahiya si Jehova nang ihayag niya ang kaniyang pagmamahal sa kaniyang piniling bayan, ang sinaunang Israel, sa pagsasabing: “Inibig kita ng pag-ibig na hanggang sa panahong walang takda.” (Jeremias 31:3) Sa katulad na paraan, sinabi ni apostol Pablo sa mga kapuwa niya mananampalataya sa Tesalonica: “Taglay ang magiliw na pagmamahal sa inyo, nalugod kaming mainam na ibahagi sa inyo, hindi lamang ang mabuting balita ng Diyos, kundi gayundin ang aming sariling mga kaluluwa, sapagkat kayo ay naging mga iniibig namin.” (1 Tesalonica 2:8) Kaya habang sinisikap nating linangin ang wagas na pagmamahal sa kapuwa, higit na kasuwato sa turo ng Bibliya ang hayaang natural na maihayag ang gayong mga damdamin sa halip na pigilin ang mga ito.

Kailangan ang Patuluyang Pagsisikap

Ang pagkatuto na makadama at magpakita ng pag-ibig sa iba ay isang patuluyan na gawain. Ang paggawa ng gayon ay nangangahulugan ng malaking pagsisikap sa ating bahagi sapagkat kailangan nating makipagpunyagi upang mapagtagumpayan ang ating mga sariling di-kasakdalan at upang malabanan ang malakas na impluwensiya ng sanlibutang ito na salat sa pag-ibig. Gayunman, sulit ang mayamang mga pagpapala na idinudulot nito.​—Mateo 24:12.

Maging sa di-sakdal na sanlibutang ito, maaari nating tamasahin ang mas napabuting pakikipag-ugnayan sa ating kapuwa, na nagbubunga ng higit na kagalakan, kapayapaan, at kasiyahan sa ating sarili at sa iba. Sa paggawa ng gayong pagsisikap, pinatutunayan natin ang ating mga sarili na karapat-dapat sa kamangha-manghang pag-asa ng buhay na walang hanggan sa bagong sanlibutan ng Diyos. Higit sa lahat, sa pagkatuto ng nakahihigit na daan ng pag-ibig, maaari nating makamit ang pagsang-ayon at pagpapala ng ating maibiging Maylalang, kapuwa ngayon at hanggang sa walang-hanggan!

[Talababa]

a Para sa mga detalye, tingnan ang Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 132-5.

[Mga larawan sa pahina 10]

Ang pag-ibig Kristiyano ay maipamamalas sa mga gawa ng kabaitan

[Picture Credit Line sa pahina 8]

UN PHOTO 186226/M. Grafman

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share